Share

Chapter 2

“TIYANG? Tiyang Koring?” sigaw ng ina ni Toni sa harap ng puting gate na kinakalawang na. 

Ngayon ay nasa harap na sila ng bahay ng sinasabing tiyahin ng kanyang ina. Tiyahin sa pinsan ng kanyang lolo.

Napasimangot si Toni. Mahigit kalahating oras na kasi silang naroon at mukhang wala na silang balak pagbuksan ng pinto ng taong hinihintay nila. Bukod pa roon ay hatinggabi na at panay na rin siya kagat ng lamok. Hindi sumasapat ang kanyang dalawang kamay upang bugawin ang mga lamok na nais siyang gawing snack.

Nagpalinga-linga siya sa paligid. Sila na lamang ang naroroon sa kalsada at gising pa. Halatang lahat ng mga nandoon ay mahimbing nang natutulog. 

Ang isang bagay pa na nakakapagpainis kay Toni ay ang walang humpay ding pagkahol ng mga aso kanila. Halos lahat yata ng mga kabahayan doon ay may mga alagang aso. Lahat ay sabay-sabay na kumakahol sa kanila dahil sa ginagawang pagsigaw at pagkalampag ng kanyang ina sa harap ng bahay ng tiyahin na halata namang tinataguan lamang sila at ayaw harapin. Paano niya nasabi? Bukas kasi ang mga ilaw sa bahay na iyon.

“Nay, kanina pa tayo rito. Talaga bang nand’yan ’yong sadya natin?”

Saglit siyang nilingon nito saka muling ibinaling ang tingin sa bahay. “Oo. Alam kong nariyan siya dahil kung wala, hindi niya iiwang nakabukas ang mga ilaw ng bahay.”

“Eh, Nay, mukhang ayaw naman tayong kausapin ng tiyahin mo. Kanina pa tayo nandito sa tapat ng bahay niya. Masyado nang malamok.” Nilangkapan ni Toni ng tinig na naiinis ang sinabi.

“Sandali na lang. Baka hindi lang tayo naririnig. Baka natutulog na.” Pagkasabi niyon ay muling ipinagpatuloy ng kanyang ina ang pagkalampag sa kinakalawang na gate saka sumigaw.

Akala ni Toni ay hindi na talaga sila pagbubuksan ng gate. Kaya bahagya siyang nagulat kasabay ng patayo nang makitang may papalapit na matabang babae sa mababang gate kung saan sila naghihintay. 

“Bakit Criselda? Dis oras na ng madaling araw,” anito sabay tingin sa kanyang gawi. “Anak mo? Anong nangyari?”

Sa klase ng pagtatanong nito sa kung anong nangyari sa kanila ay nahimigan ni Toni na hindi ito nag-aalala kundi naiinis. Ni, hindi man lang din nito itinago ang iritasyon sa mukha.

“Ah, Tiyang, baka maaari muna kaming makituloy dito ng anak ko. Ha— hanggang sa makahanap lang ako ng lilipatan namin.”

Nakita ni Toni ang pag-arko ng kilay nitong sobrang on fleek pa kahit oras na ng tulog. 

'Sabi na. Masama ugali nito,' aniya sa utak.

“Sigurado ka bang panandalian lang ang pagtuloy niyo rito? Baka naman hindi, ha?”

“Opo, Tiyang. May trabaho po ako kaya makakahanap po agad ako ng malilipatan namin mag-ina.”

“Gano’n ba?” Muling sumulyap ito sa kanya at makalipas ang ilang segundong katahimikan ay muling nagsalita ang may edad na babae. “Oh, siya. Sige.” Binuksan nito ang gate kaya napalapit na rin siya sa likuran ng ina dala ang bag.

“’Yan lang ba ang gamit ninyo?” tukoy ng nito sa hawak niyang bag.

“Opo, Tiyang. Ah, si Toni po, Tiyang.” Mabilis siyang binalingan ng ina. “Magmano ka sa lola Selma mo.”

Tumalima naman siya kahit hindi gusto ng kanyang kalooban.

Pagpasok nila sa loob ay hindi pa pala natatapos ang mga sasabihin ni Lola Selma sa kanila.

“Siguruhin mo lang, Criselda na hindi kayo magtatagal ng anak mo rito dahil kung magtatagal kayo, babayaran niyo ang kuryente at tubig na magagamit niyo sa pagtira dito.”

Lihim na umalma ang loob ni Toni sa narinig. 'Tiyahin ba talaga ’to ni Nanay?'

Ang kanyang ina naman ay natigilan saglit. Hindi pa man ito nagsasalita’y muling nagsalita si Lola Selma.

“Alam mo naman ako— matandang dalaga na at umaasa na lamang sa pension ko buwan-buwan kaya kung lalaki mga bayarin kong bill ay—”

“S-sige po, Tiya. Hahanap po agad ako ng malilipatan namin ni Toni bukas. 

Nailibot ni Toni ang mga mata sa kabuuan ng sala. Malaki iyon at lahat ay gawa sa kahoy. Kung kanyang ilalarawan ang bahay mula sa labas ay malaki iyon at may lumang istilo. Maaari niyang ihalintulad ang bahay sa mga sinaunang bahay. Naisip din ni Toni na sa laki niyon, kahit tumira pa silang mag-ina roon ay maluwag pa rin kaya bakit hindi na lang sila roon tumira?

Ito lamang ang nakilala niyang kamag-anak ng kanyang ina. Ang knyang lolo’t lola naman ay hindi pa niya nakikilala dahil kapwa na raw namatay ang mga ito.

Pagkatapos pa ng ilang bilin ng matanda sa kanyang ina ay nakarating din sila sa silid na kanilang tutulugan. Tanging katre at isang electric fan lamang ang naroon. May bintana subalit tila hindi na iyon mabubuksan at permanente nang nakasara. Sa kanya ay ayos lamang iyon dahil may electric fan naman. Matagal-tagal na rin mula nang huli siyang nakagamit niyon at mukhang mapapasarap ang tulog niya ngayong gabi.

Habang nagpapagpag sila ng alikabok sa katre ay pumasok sa kanilang silid ang tiyahin ng kanyang ina. 

“Oh, hetong kumot. Isa lang ang extra ko kaya maghati na lamang kayo riyan.”

Pagkabigay niyon ay nagpasalamat ang kanyang ina rito.

Makalipas ang ilang sandali ay pareho na silang nakahiga ng ina sa katre. Iyon na ang pagkakataon ni Toni upang usisain ang ina sa biglaang pag-alis nila sa tinutuluyan. 

“Nay, ano po bang nangyari? Bakit ba kasi tayo biglang umalis sa bahay?”

Ilang sandali muna ang pinalipas ng kanyang ina bago ito sumagot. “Naalala mo ba ’yong huling araw na nagpakita at binisita tayo ng tatay mo?”

Tumango siya. “Opo.”

“Nagkaroon ng problema ang tatay mo sa trabaho niya. Hindi niya ipinaliwanag nang maayos sa ’kin ang lahat.”

“Hanggang sa isang araw may mga lalaking humarang sa ’kin at hinahanap ang tatay mo. Doon ko nalamang hindi lang pala basta-bastang mga tao ang binangga niya. Saka ko lang din nalamang pera pala ang naging problema ng tatay mo. Natakot ako nang sobra dahil may mga baril sila. Nakiusap akong huwag nila akong patayin at kakausapin ko si Antonio na ibalik ang perang hinahanap nila.”

Humarap sa kanya ang ina. Lumuluha na pala ito. “Pero paano ko makakausap ang ama mo kung hindi na siya nagpapakita? Kaya kinailangan nating umalis sa una nating tinitirhan para hindi tayo masundan ng mga lalaking ’yon.”

Naalala nga ni Toni ang unang beses na umalis sila sa tinitirhan. Ang alam lang niya noon kaya sila umalis ay dahil nalipat na ng ibang trabaho ang kanyang ina. 

“At kanina naman, habang naghahanda na ako pauwi, nakita ko sa labas ng pinapasukan ko ’yong mga lalaking naghahanap kay Antonio. Kaya bago pa man nila matunton ang tinitirhan natin, nagmadali na akong makaalis tayo.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status