Share

Chapter 5

“Akala ko ba ay hindi ka pupunta? Ano at nandito ka ngayon?” Pang-aasar sa akin ni Louie nang makita niya akong pumasok sa job fair na ikinuwento niya sa akin noong isang araw. Ang sabi ko kasi ay hindi ako interesado dahil marami na akong ginagawa bilang estudyante at waitress, pati na rin pala ang pagiging katulong ko sa bahay ng Tiyahin ko.

Gustuhin ko mang umayaw pero naalala kong kailangan ko ng extra income para naman may maitabi akong pera para sa sarili ko at hindi nalang puro sa Tiyahin ko. Nagbabayad kasi ako sa kanila ng buwanang pagtira ko, maging ang tubig, kuryente, at groceries ay nagbabayad din ako.

“Naalala ko kailangan ko din.” Simpleng sagot ko sa aking kaibigan habang hawak hawak ang resume ko.

Maraming mga offer ang kumpanyang ito na posisyon ngayon dahil bagong branch nila ito kumbaga. Hindi ko masyado alam ang background ng kumpanyang ito dahil hindi naman kasi ako interesado noong una.

“Next!”

Biglang tumayo si Louie at nagpaalam sa akin. Siya na kasi ang susunod. Agad naman akong kinabahan dahil ako na ang susunod sa kaniya. Ito ang unang beses kong subok sa pag-apply sa ganitong klase ng kumpanya kaya grabe na din ang pagkabalisa ko. Nilinga ko ang ibang mga aplikante at ayun ang nagsigandahang mga kasuotan na talaga namang pormal na pormal, samantalang ako ay heto at naka t-shirt lang at maong na pantalon.

Ilang saglit pa ang nakalipas ay nakita ko na si Louie na lumabas. Halatang kabado.

“Kumusta? Maayos ba? Nakuha ka?” Sunod sunod na tanong ko.

“E-Ewan ko at kinabahan ako sa loob dahil ang mismong may-ari ng kumpanya ay naroon mismo.” Mangiyak-iyak niyang ani.

Agad ulit akong nakaramdam ng kaba sa sinabi ni Louie. Hinanda ko nalang ang aking sarili nang biglang magsalita ang babaeng muli sa harap. Senyales na maaari na akong pumasok.

Nginitian ko ng bahagya ang babae dahil parang mas kabado pa siya sa akin. Halata kasi sa kaniyang balisang postura. Ganun ba talaga nakakatakot ang may-ari ng kumpanya?

Nang makarating ako sa pinto ay agad akong huminga muna ng malalim saka ngumiting binuksan ang pinto.

Pagpasok ay nakita ko na agad ang mga tao sa mahabang mesa, sila yata ang mag-iinterview. Sa gitna ay may isang swivel chair na nakatalikod, tila may kinakausap sa kaniyang telepono.

Nginitian ako ng isang babae sa dulo saka sinenyasan akong maghintay muna. Nginitian ko nalang ito pabalik saka luminga-linga muna sa silid.

Maganda ang disenyo ng silid. Tila milyones ang halaga kung e-estimahin ang nagasto dito lamang sa silid na ito.

“Start.”

Nagulat ako sa boses na iyon. Tila puno ng awtorisasyon. Ibinalik ko ang tingin sa may mesa at nakita ko namang nakangiti ang mga taong nandoon. Malayo sa uri ng boses na narinig ko kanina.

“I said start.”

Napagtanto kong ang taong nasa pinakagitna pala iyong nagsalita. Agad na akong kinabahan nang kunin ng sekretarya ang aking resume at ibinigay sa babaeng nasa kanan.

Tumango ang babae sa akin na nasa may bandang kanan ng mesa saka ito nagsalita. “Hi! I’m Sheena, the head of HR department. You see, our Boss is here to interview and pick his own secretary. You’re lucky because he will be the one who will interview you. Good luck!” Ani niya saka ibinigay ang papel sa lalaking nasa gitna.

Tumango sa akin ang babae hudyat na simulan ko na ang aking pagpapakilala.

“Uh, g-good morning. I am—“

“You’re hired.”

At agad akong natunganga sa narinig. Ni hindi pa nga ako nakakapagsimula ng maayos ay tila nabingi ako sa mga katagang iyon.

“Sir, a-are you sure about t-this?” Tanong ng isang lalaki na nakaupo din sa mesa. Maging ang lahat ay hindi makapaniwala sa binanggit ng kanilang boss.

“Do I look like I’m joking?“ sarkastikong tanong nito pabalik na siyang ikinatahimik ng lahat.

“You may now go. Come back here tomorrow. My temporary assistant will show and teach you what you will be doing.” Anito saka tumayo at umalis na. Hindi ko klaro ang kaniyang mukha dahil may pinto sa kabilang banda para makalabas agad. Pero kung susuriin ang body built ay tila pamilyar.

Napatingin sa akin ang mga empleyado. Ngumiti nalang ako kahit totoo ay naiilang na ako. Agad akong sinamahan ng nakatayong babae palabas ng conference room. Pinaalalahanan niya ako tungkol sa nga kailangan kong gawin at dalhin oras na pumasok ako bukas. Naalala ko ay may pasok ako ng tanghali ng araw na iyon. Kaya doble ang kaba ko dahil mismong Boss ang pagtatrabahuan ko. Hindi ko alam kung papaano makakapagpaalam bukas.

“Hoy?! Totoo?! Baka nagbibiro ka lang ha?” Eksaheradang tanong ni Louie sa akin habang kumakain kami ng tusok-tusok dito sa may labasan sa amin. “Ako nga din ay hindi makapaniwala sa nangyari kaya hindi na ako nagulat sa reaksyon mo.” Sabi ko nalang sa kaniya habang kumakain ako.

Talagang hindi makapaniwala ang kaibigan ko sa ikinuwento ko dahil mukha naman talagang hindi kapani-paniwala. Hinayaan mo nalang ito dahil hindi ko din naman maipapaliwanag ng maayos sa kaniya ang nangyari.

Matapos ay umuwi na kami dahil may shift pa kasi siya sa restaurant na pinagtatrabahuan namin, samantalang ako naman ay hindi pa pinayagang pumasok ng manager dahil baka daw mabinat ako kaya naman wala akong ginawa maghapon kung hindi ang matulog.

“Aba! Prinsesita! Huling araw na ng buwan oh? Baka nakakalimutan mong hindi ka pa bayad ngayong buwan?” Nagising nalang ako sa boses ng aking Tiyahin na nasa hamba na ng aking pinto.

Bumangon nalang ako at hindi na nakipag-argumento dahil wala din naman akong mapapala doon. Kinuha ko ang nakatabing pera sa aking cabinet na para sa bayarin dito sa bahay ngayong buwan.

“Ayan! Dapat lang na magbayad ka. Hindi libre ang pagpapatira ko sa’yo dito baka nakakalimutan mo.” aniya saka umalis.

Napabuntong hininga nalang ako saka muling bumalik sa pagkakahiga. Nang tignan ko ang oras ay mali yatang nahiga ulit ako dahil sa malapit na ang hapunan. Baka bumuwelta na naman ang galit sa akin ng Tiyahin ko.

“Ate?”

Napalingon ako sa aking pintuan ng makita si Nory na nakatayo, may hawak na supot.

“Ano ‘yan?” tanong ko.

Lumapit ito sa akin saka inabot ang hawak nito sa akin. “Sabi ko naman sa’yo, Ate. Bibilhan kita ng pasalubong ‘di ba? Hindi kasi kita naabutan kagabi saka ayaw na kitang istorbohin.” Aniya. Ngumiti itong muli saka nagpaalam na lalabas siya.

Agad na napawi ang sama ng loob ko. Si Nory lang talaga ang nakakaintindi ng kalagayan ko sa pamilyang ito.

Itinabi ko muna ang kaniyang ibinigay saka tumungo na sa kusina upang magluto.

Kailan kaya matatapos ang paghihirap ko dito?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status