Share

Chapter 4

“KUMUSTA ang bagong work mo, beshy?” tanong ni Sasha.

Kararating lang ni Cassansdra sa apartment at saktong dumating din si Sasha, may dalang ulam. Sabay na silang pumasok sa bahay.

“Nakakapagod pero sulit naman,” tugon niya. Inihagis niya ang kaniyang bag sa sofa.

“Eh, si Stefan, sinisingil ka pa rin ba niya sa singsing?” usisa nito. Lumuklok ito sa sofa at inilapag sa mesita ang ulam na nakasilid sa transparent food dispenser.

Bumuga siya ng hangin at umupo sa stool chair katapat ni Sasha. Hindi pa rin mawaglit sa kukoti niya ang deal ni Stefan.

“Hindi pa rin maka-move on sa singsing si Stefan. Gusto niyang bayaran ko iyon. Pero may deal siya sa akin,” aniya.

“Anong deal?”

“Hindi niya ako ipapakulong pero gusto niya na magpakasal ako sa kaniya.”

“Ano?!” Napamulagat sa pagkawindang si Sasha. “S-Seryoso ka ba riyan, beshy?”

Tumango siya. “Oo, kinausap niya ako kanina.”

“Hala! Eh, sira pala ang ulo ng lalaking ‘yon! At bakit naman niya naisip ang kasal, ha?” Namaywang ito.

“Sabi niya, gusto raw ako ng lola niya. May pabor na gusto si Stefan. Kasi once nagpakasal siya, saka lang magtitiwala si Lola Isabela at ibibigay ang buong rights ng company nito. Hindi ko rin maintindihan si Stefan. Ang alam ko may iba naman siyang business at ari-arian sa US pero mas gusto niya ang company ng lola niya.”

“Ano naman ang benefits na makukuha mo sa kasal, aber? At saka hanggang kailan kayo magiging mag-asawa kung sakali?”

“Wala siyang sinabi kung hanggang kailan, as long as kaya kong magtiis. Pero at least one year malamang. At kapalit ng kasal, iyon nga, hindi niya ako sisingilin at ipapakulong dahil sa singsing. Matutustusan din ang gamot ko sa diabetes, then, once makipaghiwalay na ako sa kaniya, bibigyan niya ako ng puhunan para makapagsimula sa bagong buhay,” paliwanag niya.

Napahilot sa sintido nito si Sasha. “Mukhang mahirap ‘yan. Pero pabor ito sa ‘yo, beshy. Grab mo na kaya.”

Matiim siyang tumitig sa kaibigan. “Beshy, ano naman ang magiging kapalaran ko kasama si Stefan? Nakakaurat ang ugali ng lalaking ‘yon, mayabang. Isa pa, paano si Lola Isabela? Ayaw ko siyang lokohin.”

“Marami namang puwedeng dahilan sakaling hihiwalayan mo si Stefan. At saka bakit mo naman iisipin ang hiwalayan kaagad? Hindi mo pa nga nasusubukan ang pakikisama kay Stefan. Malay mo, ma-in love siya sa ‘yo, ayiie!” Kinilig pa ito.

Pinag-ikot niya ang mga mata. “Malabo ‘yan. Si Stefan, ma-in love sa akin? Halos mabaliw nga siya dahil sa ex niya.”

“Teka, ano ba ang nangyari sa kanila ng ex niya?” pagkuwan ay usisa ni Sasha.

“Sabi tinanggihan daw ng girl ang proposal niya, then, nahuli ni Stefan ang babae sa condo nito sa US na may kasamang ibang lalaki.”

“Araguy! Kasakit naman. Kaya pala nabuang ang pogi, pero kawawa naman,” komento ni Sasha.

“At feeling ko mahal pa rin niya ang girl. Siguro nadala lang siya sa galit.”

“Nako! Tanga na si Stefan kung patatawarin niya ang babae at babalikan. Malay mo, maka-move on siya habang kasama ka, beshy.” Kinindatan pa siya nito.

Napangiwi siya. “Hindi ko gusto ang ugali ng lalaking ‘yon. At saka simula pa lang mukhang ayaw na niya sa akin. Lasing lang siya noong gabi sa bar at depressed kaya pumatol sa akin. Pero noong nawala ang kalasingan niya, iritang-irita siya sa akin.”

“Huwag kang magsalita nang ganyan. Hindi natin alam, baka biglang umiba ang ihip ng hangin.”

Hindi na siya umimik. Kinuha niya ang box ng ulam saka binuksan. Adobong manok pala ito na merong pinya. Humilab na ang kaniyang sikmura.

“Wala pa pala akong kanin,” aniya.

“Magsaing ka muna. Uuwi na ako at baka gutom na ang mga bata,” paalam naman ni Sasha.

“Salamat, beshy. Bawi na lang ako sa suweldo,” aniya. Humalik siya sa pisngi ng kaibigan.

Kumaway naman ito at lumisan.

Nagsaing naman siya sa rice cooker para mabilis. Alas siyete na rin kasi ng gabi.

KINABUKASAN ay inagahan ni Cassandra ang gising dahil sa traffic. Malayo ang LSL Food Corporation at kailangan niyang sumakay ng LRT, bale dalawang sakay. Kung palaging ganoon ang sistema niya araw-araw, made-drain ang kaniyang lakas. Kailangan niyang lumipat ng tirahan malapit sa kumpanya.

Kamuntik pa siyang ma-late mabuti nakasabay niya sa entrance si Lola Isabela. Nakalusot siya sa mahigpit na security.

“Kumusta naman ang simula mo sa trabaho, hija? Nag-enjoy ka ba?” usisa ng ginang.

Hinatid pa niya ito sa elevator kahit may kasama naman itong bodyguard.

“Okay naman po, medyo mahirap pero nag-a-adjust naman ako,” aniya.

“So, how’s Stefan? Inaaway ka pa ba niya?”

“Ah, h-hindi naman po. Maayos naman niya akong kinakausap.”

“Talaga? Nag-uusap pa rin kayo?”

“Opo, pero tungkol lang sa company.”

Kumapit pa sa kanang braso niya ang ginang nang huminto sila sa tapat ng elevator. Humarap ito sa kaniya na may ngiti sa mga labi.

“Huwag mo sanang masamain ang apo ko. Sadyang mainitin lang minsan ang ulo niya pero napakabait niya. Siguro may nakita lang siya sa ‘yo na komportable siyang maglabas ng natural niyang pagkatao. Sabi naman niya ay wala naman siyang nakitang pangit sa ‘yo. Katunayan cute ka raw sa paningin niya,” sabi nito.

Tumabang ang kaniyang ngiti. Mukhang pinu-push din ni Stefan ang gusto nitong mangyari at mas makumbisi ang lola nito na usigin din siya. Desperado na ang hudyo sa plano nito.

“Ah, ano kasi, brokenhearted si Stefan kaya naghahanap siya ng libangan. Kailangan niya ng mahabang panahon para maka-move on,” komento niya.

“Ayaw kong pangunahan pero maaring tama ka, hija. Alam ko naman kung gaano kamahal ni Stefan si Janica, pero hindi ko nakikita sa babaeng iyon ang pagiging wife material,” may katigasan sa tinig na sabi ng ginang.

Tumatak sa kukoti niya ang pangalan ng babaeng nabanggit nito, na marahil ay ex-girlfriend ni Stefan.

“Pero hindi po madaling makalimot lalo mahal mo iyong isang tao. Siguro bigyan n’yo ng chance si Stefan na maka-recover. Hindi maganda na pilitin siyang maka-move on kaagad.”

“Alam ko, hija, pero ang akin lang naman ay matulungan siya na maging matatag sa mga desisyon niya. Gusto ko siyang gabayan sa pagpili ng babaeng pakakasalan niya, iyong makatutulong sa pag-unlad niya.”

“Kung sa bagay. Kayo po ang higit na nakakikilala kay Stefan,” sabi na lamang niya.

At speaking of Stefan, dumating na rin ito at naabutan sila roon sa labas ng elevator.

“Ang aga ng tsismis, ah,” anito, pinaringgan malamang siya.

Sinipat lang niya ito ng may konting irap. Pagkuwan ay nagpaalam siya kay Lola Isabela.

“Puntahan mo ako sa office mamayang lunch break, ha, hija? May pag-uusapan pa tayo,” saad naman ng ginang.

Naiilang siyang sumagot sapagkat nakatingin si Stefan at dalawang lalaking alalay ng ginang. Baka isipin ng mga ito s****p siya sa chairman ng kumpanya.

“Ah, sige po,” sabi lamang niya bago lumisan.

Pagpasok niya sa production facility ay nagsisimula na ang trabaho. Nasa bungad lang ng malalaking machine ang working place ng packaging staff. May machine namang ginagamit pero kailangan hands on pa rin sila sa pag-aayos ng mga produkto na ilalagay sa pakete o kahon. Iniisa-isa nilang tinitingnan ang mga item kung merong damage o walang laman.

Bawal ang kuwentuhan sa oras ng tabaho, lahat busy, may suot na hairnet, mask, at gloves. Sobrang higpit ng supervisor nila sa bawat area. Bago naman siya papasok sa trabaho ay tinitingnan niya ang blood glucose niya upang tiyak na hindi siya aatakehin sa oras ng trabaho.

Malamig naman sa working place nila, hindi siya basta pagpapawisan. Minsan kasi sa sobrang pagod at papawis, bumabagsak ang blood sugar level niya. Sa tuwing hapon naman, madalas tumataas. Iyon ang pinakamahirap sa kondisyon niya, ang pagkontrol ng blood glucose.

Tuloy lang ang andar ng machines dahil may kota silang sinusunod bawat oras. Nakatoka siya sa packaging ng mga chocolate kaya malagkit sa balat ang hangin doon. May breaktime naman sila sa umaga bago ang lunch break.

Tumambay siya sa locker at uminom ng tubig. Nag-check din siya ng glucose level niya. Naka-ready naman ang gamit niya para rito. Dahil sa curiosity ng ibang kasama niya, napalapit ang mga ito.

“As in palagi mong ginagawa ‘yan, Cassandra?” tanong ni Alina, ang kaedad niya na nag-guide sa kaniya.

“Oo, para ma-monitor ko ang blood glucose,” aniya.

“Ang sakit niyan, eh. Araw-araw tinutusok mo ng karayom ang daliri mo?”

“Ganoon talaga, minsan three times a day. Hindi kasi mahulaan kung kailan tataas o babagsak ang blood glucose ko.”

“Grabe. Ang bata mo pa para magka-diabetes.”

“Dalawang uri naman ang diabetes. Ang sa akin ay type one, inborn o namamana. Iyong type two, dahil sa maling lifestyle kaya nagkakaroon ng diabetes. Itong sakit ko, siguro habang buhay ko nang kasama. Kailangan lang ng kontrol sa pagkain at lifestyle, maintenance na gamot para hindi umatake madalas.”

Napapailing ang mga kasama niya, ramdam niya ang awa at simpatiya ng mga ito. Sanay na siya sa mga taong kinaawaan siya. Pero hanggat maari, ayaw niya ng ganoon kaya pinapakita niya na matapang siya at normal na nabubuhay.

Sa pagbabalik nila sa trabaho ay naabutan nila si Stefan na gumagala, tinitingnan ang mga trabaho nila. Nagbubulungan ang kaniyang mga katabi sa area. Nagtataka ang mga ito sa madalas na pag-ikot ni Stefan sa production area.

“Naging productive ata si Boss. Dati once a month lang siya umiikot, minsan nga wala pa,” bulong ng lalaking katapat niya.

“Baka dahil bored siya? Kasi ‘di ba brokenhearted siya?” komento naman ng katabi nito.

Naglipana ang tsismosa sa kumpanya. Aware rin ang mga ito sa nangyayari sa buhay ng kanilang CEO. Pati siya ay nadawit sa tsismis. Marami pa rin ang nagtatanong kung kaano-ano niya si Stefan bakit close siya kay Lola Isabela. Sinabi na lang niya na kaibigan niya si Stefan.

Tumahimik lang ang mga ito nang mapadpad sa area nila si Stefan. Talagang tumayo ito sa likuran ni Cassandra at tiningnan ang trabaho niya. Naalibadbaran siya sa paglapit nito, halos dumikit ang katawan nito sa kaniyang likod.

“I hope you don’t temp to grab a rejected chocolate here,” pabulong nitong wika.

Napalingon siya rito. “Hindi ako natutukso sa chocolate, ano. Mas madalas tumaas ang glucose ko kaysa bumaba,” paangil niyang turan.

“Good. Kahit naman magnakaw ka, mahuhuli ka pa rin.”

Ngali-ngali niya itong sikuhin pero mabilis nakaatras. Hinabol niya ito ng mahayap na titig. Ngumisi pa ito. Paano nga naman niya makakasundo ang lalaking ito, malakas ding mang-asar? Nag-aalangan tuloy siyang tanggapin ang deal nito.

Pagsapit ng lunch break ay nagdalawang-isip pa si Cassandra na puntahan si Lola Isabela sa opisina nito. Pero sa takot na magtampo ang ginang, tumuloy siya at dinala pa rin ang baon niyang pagkain. Bumili lang siya ng lutong ulam sa labas.

Nang bumukas ang pinto ng opisina, kumabog ang kaniyang dibdib dahil si Stefan ang nabungaran niya. Hindi naman ito nagtaka bakit siya naroon dahil dinig nito ang usapan nila ng lola nito. Pinapunta siya roon ng ginang.

“Si Lola?” kaswal niyang tanong.

“Lumabas siya at bumili ng food,” tugon nito.

“Ah, mamaya na lang pala ako papasok.”

“No. Get in,” awat ni Stefan.

Matabang siyang ngumiti. “Wala pa naman si Lola. Maghihintay na lang ako rito sa labas.”

“Pasok na. Baka isipin ni Lola hindi kita pinapasok.”

Ibinalik niya ang titig kay Stefan. Seryoso naman ito kaya pumasok na siya. Kaagad siyang lumuklok sa may couch at nagmasid sa paligid. Maluwag ang opisina, mayroong kuwarto, mini living room. Hindi pa niya nakikita ang kabuoan nito dahil hanggang bungad lang siya.

Umupo naman si Stefan sa katabi niyang couch, pumapak ng grapes na nasa bowl.

“Ang lakas mo talaga kay Lola. Biruin mo, nag-e-effort siya para bumili ng food, samantalang kung kami lang, ako ang inuutusan niyang bumili o kaya magpautos sa driver,” basag nito sa katahimikan.

“Hindi naman siguro ako ang dahilan,” aniya sa malamig na tinig.

“It’s obvious, Cassandra. Kakaiba ang epekto ng pags*ps*p mo kay Lola.”

Marahas siyang humarap sa binata. “Excuse me! Never akong naging s*ps*p! Sadyang ganito lang ako makisama sa matatanda kasi uhaw ako sa atensiyon ng magulang!” palatak niya.

Nagdikuwatro si Stefan at nilaro sa mga daliri ang isang butil ng ubas. “Kung sa bagay. I can’t blame you. Pero sana ay wala kang masamang intensiyon. Dahil sa ginawa mo sa akin noong gabi, nawalan ako ng tiwala sa ‘yo.”

“Bakit ba ipinipilit mong ninakaw ko ang singsing mo? Ikaw nga itong scammer kasi wala kang pera. Ang lakas ng loob mong magyaya ng one-night stand!”

Tumapang ang anyo nito at napatitig sa kaniya. “Nakatulog lang ako, but doesn’t mean na hindi kita babayaran. Atat ka masyado, eh. Tapos akala mo maloloko mo ako na naibenta mo sa murang halaga ang singsing? I’m sure, idinahilan mo lang na na-scam ka ng buyer.”

Tumaas na ang temper niya at biglang tumayo. Dinakot niya sa buhok si Stefan pero itinulak siya nito kaya napahimlay siya sa sofa. Ginapos pa nito ang mga kamay niya.

“Bitawan mo nga ako!” asik niya.

“Huwag kang bayolente. Ikaw itong may atraso sa akin, dapat magpakumbaba ka!” anito.

Ang lakas nito kaya hindi siya makapalag. Hindi naman puwedeng tadyakan niya ito baka iba ang matamaan.

“Kinuha ko lang ang deserve kong bayad sa serbisyo ko! Hindi sapat ang halagang nakuha ko mula sa singsing mo!” depensa niya.

“Are you kidding? Baka naman serbisyo ko? Ako ang nagtrabaho, Cass.”

“Ikaw ang nakinabang kasi nakuha mo ang puri ko!”

Tumawa pa ito nang pagak. “Hindi naman ako nag-enjoy. Sayang ang bayad.”

“Sige, ibabalik ko ang bayad mo, ibalik mo rin ang puri ko!” hamon niya.

“Ano? Naibabalik ba ‘yon?”

“Kita mo?” Nakalaya ang kanang kamay niya kaya naihampas niya ito sa dibdib ni Stefan.

Saktong nagapos siya nitong muli ay dumating si Lola Isabela. Malamang ay matagal na itong pumindot ng doorbell at ginamit na lamang ang card upang makapasok.

“Ay Mahabagin!” bulalas ng ginang.

Mabilis namang nakalayo sa kaniya si Stefan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status