Share

Chapter 5

Elijah's P.O.V.

Habang kausap ko si Mr. Leonardo Montemayor, pakiramdam ko ay hindi malayo ang agwat ng estado namin sa buhay. Kung kausapin niya ako ay parang kaibigan lang o parang matagal na kaming magkakilala. Ang gaan ng loob ko sa kaniya. At tingin ko pa lang mabait siya. Nakakatuwa nga lang dahil parehas pa kami ng apelyido. Hindi na rin masama dahil kahit mahirap lang ako, may katulad naman akong apelyido ng isang bilyonaryong tao.

"Kumusta naman ang interview mo kay Ma'am Ava?" tanong sa akin ni Robert. 

Abala ako ngayon sa pamimili ng mga damit na isusuot ko kapag nag-start na akong magmaneho. Kailangan kasing naka-polo short at pants. 

"Ayos naman. Mukha naman siyang mabait pero hindi kami masyadong nag-usap. Ang sabi niya, sinabi mo na rin sa kaniya ang tungkol sa akin. Kaya hindi na siya masyadong nagtanong."

"Oo sinabi ko na. Naisip ko kasi na baka kabahan ka kapag marami siyang tanong. At isa pa, mabait si Ma'am Ava, wala kang magiging problema sa kaniya basta sundin mo lang ang gusto niya."

Ibinigay ko na sa cashier ang mga napili kong damit at saka kumuha ng pera sa wallet ko. At pagkatapos no'n ay binalingan ko na si Robert.

"Oo, pre. Gagawin ko lahat ng gusto niya. At saka gusto ko rin tumagal sa trabaho na ito. Para hindi na ako umaasa kay Amelia. Gusto ko na rin kasi hiwalayan ang babaeng 'yon. Naghahanap lang ako ng tiyempo."

Sabay na kaming naglakad habang tumitingin sa mga fast food na kakaunti ang tao. Hindi pa kasi kami nagtatanghaliang dalawa kaya dito na kami kakain sa mall. Mabuti na nga suportado ako ni Robert sa trabaho. Lahat sinasabi niya sa akin.

"Ilang buwan na ba kayong magkasintahan?"

"Limang buwan na rin."

"Mahal mo ba si Amelia?"

Tumikhim ako. "Sa totoo lang, hindi mahirap mahalin si Amelia. Napakamaalaga niya at masyadong concern sa akin. Ang kaso nga lang, sobrang selosa ni Amelia. Na tipong may kinausap lang akong babae, akala mo niloloko ko na agad. Pinilit ko naman ang sarili ko na mahalin siya, pero wala talaga. At isa pa, habang tumatagal ang pagsasama naming dalawa, parang nasasakal na ako."

Pumasok na kami sa fast food at saka naghanap ng mauupuan. Kaagad kaming nag-order ng pagkain at saka hinintay na lang ito. 

"Mas mainam pa na hiwalayan mo na siya hangga't maaga pa. Para hindi na ganoon lumala pa ang sitwasyon. Baka mamaya mas lalo pang mahulog sa iyo ang babaeng iyan at mahirapan kang makawala sa kaniya."

Huminga ako ng malalim. Alam ko naman talaga na mahihirapan akong makawala kay Amelia kaya nga nag-iisip na ako ng paraan para makawala sa kaniya. Hindi ko na rin kasi gusto ang mga nais niya. Gusto niya na palaging updated siya sa buhay ko. Alam ko naman na may karapatan siya sa parteng iyon dahil nga girlfriend ko siya pero kasi masyadong nagiging paranoid na siya minsan. May dadalawin lang akong kaibigan, kailangan kasama pa siya dahil iniisip niya na may kinitain akong babae. Tumingin ako sa cellphone ko dahil nag-vibrate ito. Nag-text si Amelia at hinahanap na niya ako. Tinatanong na niya kung anong oras ako uuwi.

"Basta, bahala na. Ang focus ko ngayon ay makapag-ipo para kung sakaling sumbatan niya ako, may pambayad ako sa lahat ng ginastos niya sa akin."

Nagkatinginan na lang kami ni Robert hanggang sa dumating na ang order naming pagkain. Kaagad akong kumain dahil nagugutom na ako. Nagpaalam na rin kaagad ako kay Robert matapos naming kumain. Pagkarating ko sa bahay, naabutan ko si Amelia na nakikipagkuwentuhan kay Mama.

"Hi, Honey!" wika niya sabay yakap sa akin ng mahigpit. Nagkatinginan kami ni Mama.

"Kanina pa kita hinihintay. Naubos na ang mga kuwento sa akin ng Mama mo dahil ang tagal mo."

Bumuntong-hininga ako. "May binili lang akong mga damit, Honey. At isa pa, kumain na kami ni Robert sa mall," walang ganang sabi ko sa kaniya sabay upo sa sofa.

"Ayos ka lang ba, Honey? May masakit ba sa iyo? Bakit parang wala ka sa mood?" Tumabi siya sa akin sabay hawak sa braso ko.

"Wala naman. Gusto ko lang na magpahinga na dahil napagod din akong magmaneho kanina. Kung ayos lang sana ay umuwi ka na sa inyo para makapagpahinga na ako."

Lumungkot ang itsura niya. "Sige, Honey." Tumayo siya at saka bumaling kay Mama.

"Aalis na po ako, Tita."

"Okay sige. Mag-iingat ka."

Tumayo ako at saka lumapit kay Amelia para ihatid siya sa labas. Hinalikan niya muna ako sa labi bago tuluyang sumakay sa kaniyang sasakyan at pinaandar ito. Kaagad akong pumasok sa loob.

"Kung hindi mo na talaga kayang matagalan si Amelia, hiwalayan mo na siya. Pero kung sakali man, anak...baka kaya mong mahalin si Amelia. Isipin mo, siya ang naging daan para sa atin para maabot ang ganitong uri ng pamumuhay. Dahil sa kaniya, nakaranas tayong tumira sa magandang bahay at makakain ng masarap."

Ilang segundo kong tiningnan si Mama bago nagsalita. "Mama, hindi naman porke siya ang naging dahilan ng lahat kaya natin nararanasan ito ay siya na ang babaeng dapat kong mahalin. Pinilit ko naman, Mama. Pero wala talaga. Ginawa ko naman ang lahat para siya ang maging laman ng puso't isipin ko pero wala talaga. Hindi ko naman mapipilit ang sarili ko na mahalin siya."

"May...may gusto ka bang iba?"

Mabilis akong umiling. "Wala po, Mama. Sadyang ayoko lang talaga sa kaniya. Sa ilang buwan ng pagsasama namin, hindi nagbago ang nararamdaman ko para sa kaniya. Talagang hindi ko siya magawang mahalin."

Narinig ko ang malalim na paghinga ni Mama. "Sige, anak. Hindi na kita pipilitin. Ikaw ba pala ang bahalang magsara ng pinto. I-check mo rin ang gate kung nakasarado na ba. Matutulog na ako. Matulog ka na rin, anak."

"Opo, Mama. Magpahinga ka na po."

At dahil hindi pa naman masyadong gabi, naisipan ko munang lumabas. Naglakad-lakad ako patungo sa park dahil malapit lang naman iyon dito sa bahay. Habang naglalakad ako, napansin kong may nakasunod sa akin. Kinuha ko ang cellphone ko at ginamit iyon bilang salamin. Napangisi ako. Ito na naman ang lalaking sumusunod sa akin ilang araw na. Binilisan ko ang paglalakad ako at napansin kong ganoon din siya. Mabilis akong nagtago sa isang gilid na madilim. Hinintay kong magtungo ang lalaki sa malapit sa puwesto ko. Nang matapat siya, kaagad ko siyang dinambahan at saka sinakal gamit ang braso ko. Sinipa ko siya sa hita kaya napaupo siya.

"Bakit mo ako sinusundan!" sigaw ko sa kaniya.

Sinipa ko pa siya ng isang beses habang mas hinigpitan ko pa ang pagkakasakal ko sa kaniya. "Ano?! Hindi ka sasagot? Papatayin kitang p*tang ina mo ka!" gigil na sigaw ko.

"S-Si M-Ma'am Amelia po. Si A-Amelia."

Nanlaki ang mata ko. Si Amelia? Bakit? Anong si Amelia?

"Anong pinagsasabi mo? Sumagot ka ng ayos!"

"Si Ma'am Amelia...i-inutusan niya po akong s-sundan po kayo..."

Niluwagan ko ang pagkakasakal ko sa kaniya pero nakahawak ako sa braso niya. "Bakit? Bakit ka naman niya uutusan ng ganoon? Ginag*go mo ba ako? Gusto mo ba talagang mamatay ngayon mismo?"

Mabilis siyang umiling. Bakas ang matinding takot sa mukha niya. "Nagsasabi po ako ng totoo. Basta pinasusundan niya po kayo sa akin dahil sinisigurado niya na wala kayong ibang babae. Na totoo ang sinasabi mo kung nasaan po ba talaga kayo."

Nagulat ako sa sinabi niya. Binitawan ko ang lalaki kaya naman kumaripas na siya ng takbo. K*pal talaga ang babaeng iyon! Lahat na nga ng babae ay nilayuan ko para hindi siya magselos pero may ganito pala siyang pakana? Para pala akong nasa kulungan dahil sa ginagawa niya. Bantay sarado niya lahat ng galaw ko! Kaya talagang hindi ko siya magawang mahalin dahil sa ginagawa niya!

Mabilis akong naglakad patungo sa bahay ni Amelia. Hindi ko na kaya ang pinaggagawa niya sa akin. Humihingal-hingal akong huminto sa harapan nh bahay niya. Malakas akong kumatok sa gate at ilang beses na nag-door bell. Ilang minuto ang lumipas nang lumabas siya. Nagulat siya ng makita ako.

"Honey? Bakit ka nandito? May kailangan ka ba?"

"Maghiwalay na tayo! Hindi ko na kaya ang pinaggagawa mo!" sigaw ko sa kaniya.

Maluha-luha siyang lumapit sa akin. "B-Bakit, Honey? Anong ginawa kong mali?"

Iritable akong kumamot sa ulo. "Anong sinabi mo? Wala kang alam? Hindi mo alam ang mga pinaggagawa mo? Masyado mo na akong sinasakal! At iyong lalaking inutusan mo para sundan ako, nahuli ko kanina! Sinabi niya sa akin ang lahat! Hayop kang babae ka! Lahat na nga ginawa ko para layuan ang lahat ng babae kahit kaibigan ko tapos may ganito ka pa lang paandar? Ayoko na, Amelia! Ayoko na sa iyo!"

Niyakap niya ako ng mahigpit. "I'm sorry, Honey. Gusto ko lang kasi masigurado na ako lang ang babae sa buhay mo. I'm sorry kung nagawa ko sa iyo 'yon."

"Hindi!" Inalis ko ang pagkakayakap niya sa akin sabay tulak sa kaniya.

"Ayoko na! Ayoko na sa iyo. Huwag ka ng magpapakita pa sa akin, Amelia. Huwag kang mag-alala, lahat ng ginastos mo sa akin ay babayaran ko. Nang wala kang masumbat!"

"Honey, please! Huwag mo akong iwan! Hindi ko kaya!"

Akma pa sana niya akong yayakapin pero itinulak ko siya. Natumba siya sa kalsada. Pero wala akong pakialam. Bahala siya sa buhay niya. Hindi na tama ang ginagawa niya sa akin! Mabilis akong tumakbo palayo.

"Honey, please! Huwag mo akong iwan! Elijah bumalik ka!" sigaw niya pero hindi na ako nag-abala pang lingunin siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status