Share

Kabanata 03

“Nakalimutan mo yata ang sinabi ko”

Inis kong tinanggal ang kanyang kamay sa aking braso at nagmadaling lumabas. Nandidilim ang mga mata ko habang tinatanaw ang pagmamadali ng dalawang ahas sa malayo. 

Kumuyumos ang mga kamay ko. Buong lakas akong sumigaw dahilan para kumaripas sila ng takbo. Hindi naman ako nagpahuli at hinabol sila. Naabutan ko sila kaya nahila ko ang  mahabang buhok ng kasama ni Marky. 

“Rui!” awat ni Marky pero hindi ko siya pinakinggan at kinaladkad pa ang babae. Naririnig ko na rin ang pagsigaw ng mga kasamahan ko sa trabaho. Habol ko na ang hininga. Nakakarindi ang tili ng babaeng ito na pinipilit makawala sa kamay ko. 

Napasigaw at halos maluha ako sa sobrang sakit nang mahila niya rin ang buhok ko. 

“Rui, tama na ‘yan ano ba!” 

“Ano bang meron ‘to, bakit pinagpalit mo ‘ko sa higad na ‘to, Marky ha?!” 

“Pera Rui! Pera! Omg ayan na!” boses ni boss Amay ang sumagot.

Tumilapon ako sa lupa nang buong pwersa akong naitulak ng babaeng ito palayo. Nakita ko kung paano siya mabilis na nilapitan ni Marky. Kung tutuusin ay mas malala pa nga akong napuruhan. Gusto kong hindi paniwalaan ang nakikita ko ngayon. Paano siya mabilis na nakahanap ng iba? Sa bakla pa?

Pera rin ba ang habol niya sa akin noon pa? Ngayon na wala akong maibigay sa kanya maghahanap siya ng iba?

Tumayo ako sa sariling mga paa at naluluha silang pinanood. Bago ko pa sila masugod ay may humarang na sa daraanan ko. 

“Hayaan mo na” si Yohann Min na naman. Inilingan ko siya at itinulak palayo pero hindi siya nagpatinag sa harapan ko. 

“Give way —

“No”

“I said—

“No—

“Ano ba!”

Sinubukan ko siyang itulak ulit pero hinawakan niya ang mga braso ko. Mariin kong kinagat ang pang-ibabang labi para lang hindi ko siya mamura sa pangingialam niya. Sa huli ay idinaan ko na lang sa tawa ang magkahalong inis at galit sa mga taong ito. 

“Go! Hinarangan na ako oh? Umalis na kayo mga putangina niyo!” buong lakas na sigaw ko. Hinarap ko ulit si Yohann Min nang suwayin niya ang pagmumura ko. 

Alam kong maraming tao ang nanonood ngayon sa eskandalong sinimulan ko. 

“May bago ka na rin naman ah”

Napalingon ulit ako kay Marky dahil sa sinabi niya. Pinasadahan niya si Yohann Min mula ulo hanggang paa bago ako ningisihan. “Mayaman ah?”

Binitawan ng lalaking ito ang mga braso ko. Kinabahan ako bigla nang harapin niya si Marky. Nakita ko kung paano unti-unting nawala ang kanyang nakakalokong ngisi kay Yohann Min.

“How do you met him, huh? Rui? Woah. Sasakyan mo ‘yong itim na Toyota Fortuner?”

Napasinghap ako ng hangin at tumingala sa langit. Na para bang pinaparatangan niya akong magkatulad lang kami. Na pera lang din ang habol ko sa lalaking ito. 

Susugurin ko ulit sana siya sa sobrang pagkainis nang mahuli na naman ni Yohann Min ang braso ko. Bumaba ang kanyang kamay patungo sa aking palad at pinagsiklop ang aming mga daliri sa mismong harapan ni Marky. Sa gulat ay napatingala ako sa kanya. Nasa kay Marky naman siya seryosong nakatingin. Nagpapalit-palit ako ng tingin sa dalawa. 

“Don’t worry, I never touches her. We never even had sex. Sa’yo na ‘yan. Take her for me” nakakalokong ngisi ulit ni Marky sa kanya, bago nagbaba ng tingin sa akin. Halos maghabol ako ng hininga sa matinding pagpipigil. Ang kapal ng mukha niyang magsalita ng ganito habang pinapanood kami ng maraming tao.

Gustung-gusto ko siyang sampalin. Gustung-gusto kong makaganti. Kung may lakas lang sana ako ng loob para gawin ito. Sa buong relasyon namin ay wala akong ibang ginusto kung hindi ang maging masaya siya, mabigay ang luho niya. Lahat ibinigay ko maliban sa pagkababae ko dahil gusto kong ibigay iyon sa taong papakasalan ako. Mukhang masyado ata akong nakampante na siya na iyon. Akala ko ay ayos lang sa kanyang maghintay. Kaya ba pinagpalit niya ako?

Hinayaan ko si Marky at ang kasama niyang talikuran ako. Doon na tuluyang nagsipaghulugan ang mga luha ko. 

“Yan yung iniyakan mo, Miss? Seriously?”

Napapikit ako. Gamit ang malayang braso, inis kong pinunasan ang aking mga luha bago tinanggal ang kamay niyang nakahawak pa rin sa kamay ko. Nagmamadaling bumalik ako sa loob ng pizza parlor. Narinig ko ang pagsigaw at paghabol sa akin ng mga katrabaho ko. 

“Rui naman, nagmumukha kang desperada!” sigaw ni boss Greggy. “Sa gandang mong ‘yan, naghahabol ka sa galunggong!”

Nanghihinang naupo ako sa pinakagilid na pwesto at napatago sa mga palad. Mariin kong pinikit ang mga mata. 

“Uy, hi sir! Oorder ba ulit kayo ng pizza?”

Napadilat ako at inis na nilingon ang pinto. Nakita kong nakatayo sa bukana si Yohann Min, pinapanood ako. Noong una ay narinig niya akong magmakaawa, ngayon naman ay nakita niya akong mag-eskandalo, umiyak, at maging desperada. 

“Kukunin ko lang yung mga pizza ko” 

“Let me help you, sir!”

“Thanks”

Yumuko ako sa mesa at doon tahimik na umiyak. Sana heto na ang huling iyak mo, Rui. 

“Thank you for ordering, sir! Come again!”

Para akong lantang gulay nang maupo sa ibabaw ng sariling motor. Walang gana kong isinuot ang helmet bago matamlay na nilingon sila boss Greggy at Amay na paalis na rin. Ang totoo niyan, mga matatalik ko silang kaibigan kahit pa malayo ang mga agwat namin. Nagkakilala kaming tatlo sa mga raket, hanggang sa nakapagdesisyon silang magtayo ng sariling pizza business. Iisang branch lang ang meron sila pero malaki ang pangarap ng dalawang bakla. Balak atang pantayan ang mga sikat na pizza sa bansa.

Bukod kina Amay at Greggy ay may isa pa akong matalik na kaibigan, si Jalen Park. Kahit pure-blooded Korean ang pareho niyang mga magulang ay dito siya sa Pilipinas pinalaki at pinag-aral ng mga ito. Mula pa noong highschool ay magkakilala na ang pareho naming mga magulang.

“Ingat sa pagmamaneho, Rui!”

Kinawayan ko sila Amay at Greggy bago tuluyang pinaandar ang motor. Imbes na dumiretso ng uwi ay lumihis ako sa ibang daan para makapagpahangin. 

Ipinara ko ang motor sa ilalim ng malaking puno. Totoo nga ang sabi nila Amay. Tahimik at kaunti lang ang dumaraang tao dito. Kailangan ko raw ng ganito kalaking space para makapag-isip ng tama, tsk.

Nasalubong ko kaagad ang malamig na ihip ng hangin nang hubarin ko ang aking helmet. Tinanggal ko sa pagkakatali ang maikli kong buhok at hinayaang liparin ito ng hangin. Huminga ako ng malalim bago tumingala sa langit. Masyadong maganda ang panahon para umiyak na naman. 

“Mag move-on ka na, Rui.” bulong ko sa sarili.

Matagal ko na ring hindi nabibigyan ng ganitong pahinga ang sarili dahil sa pagiging abala sa trabaho. Hindi pa sapat ang naipon kong pera para makabili ng ticket papuntang Paris. Syempre may mga expenses din na kailangan kong paghandaan. 

Kung hindi siguro ako naging baliw sa lalaking iyon, mas malaki na nga siguro ang naipon ko.  

Pera at virginity lang pala ang habol niya. Bakit pa nga ba ako nagpakagaga? 

Naagaw ng mga palaboy na bata ang atensyon ko. Abot tenga ang mga ngiti nila habang may mga hawak na isang slice ng pizza sa kamay. Pinanood ko sila habang dumaraan sa harapan ko. 

Saan naman kaya sila nakakuha ng pizza? May malapit ba na pizza parlor dito? Oh baka naman...

”Psst! Bata. Saan mo nakuha ‘yan?” 

Huminto sa mismong harapan ko ang isang batang lalaking mga nasa edad pitong taong gulang. Marungis ang kanyang mukha, wala sa ayos ang suot na damit pang-itaas at pang-ibaba. Iisang tsinelas lang din ang suot nito sa paa. Inosente niya akong tiningala habang ngumunguya. May bahid pa ng ketchup ang pisngi niya.

“Yung pizza” ininguso ko ang hawak niya. Awtomatiko niyang tinago ito. Gusto ko tuloy matawa. Tumayo ako at lumuhod sa kanyang harapan. “Sinong nagbigay?”

Itinuro niya ang isang daan bago niya ulit ako hinarap. “May namimigay po ng pizza roon. Gusto niyo po?”

“Ha?” napanganga ako. Hindi na ako nakatanggi pa nang hawakan niya bigla ang kamay ko at hinila. Nagpatianod ako sa kanya. Mas dumami pa ang mga nakasalubong kong mga batang kasing-edad niya. 

Mukhang may nagpapakain sa mga bata. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa matanaw ko sa malayo ang isang kulay itim na sasakyan. Awtomatiko akong napahinto matapos mapamilyaran ang sasakyan at ang tao sa loob nito. 

“Yohann Min?” wala sa sarili kong naiusal. Nagbaba ako ng tingin sa bata nang hilahin niya ang kamay kong hawak niya.

“Ayun po yung namimigay!” walang kasing saya niyang dinuro ito. 

Napalunok ako. Ganoon na lang kasaya ang mga batang ito habang kumakain ng pizza. Halos lahat sa kanila ay marungis at payat. May isang batang karga-karga pa ang kanyang nakababatang kapatid habang kumakain sa tabi. Abot langit ang mga ngiti nito. Parang piniga ang puso ko habang pinapanood sila.

Itinuon ko sa lalaking namimigay ng pizza ang paningin. Hindi katulad sa nauna naming pagkikita ay masyadong iba ang awra niya ngayon. Masyadong mabait ang kanyang mukha sa harapan ng mga musmos na bata. Maliwanag at maganda ang pagkakangiti. Side feature lang ng kanyang mukha ang nakikita ko, pero sapat na ‘yon para malamang totoo ang pinapakita niya. 

Wala sa sarili akong napaatras nang buksan niya ang pinto ng sasakyan at lumabas. He folded his white sleeves hanggang sa siko bago binuksan ang panibagong box ng pizza sa harapan ng mga batang tuwang-tuwa. Nakumpirma kong sa amin nga galing ang pizza dahil sa nakita kong logo sa puting kahon. 

Nagbaba ako ng tingin sa bata nang hilahin na naman niya ang kamay ko. “Dali, kain tayo ate. Tara! Kuya, may gustong humingi ng pizza!”

Pinigilan ko ang pag-abante namin. Aalis na sana ako nang mapalingon na si Yohann Min sa kinatatayuan namin. Kinagulatan namin ang presensiya ng isa’t-isa. Nakita ko kung paano unti-unting nawala ang kaninang magandang ngiti niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status