Share

CHAPTER 4

"Bessy, totoo bang uuwi na sila Don Ignacio?" Sabi ni Christine habang patuloy pa rin ito sa pagnguya ng prutas.

"Iyan ba ng pinunta mo rito ang makitsismis? Kahit kailan talaga napakatsismosa mo. Saan lupalop mo naman narinig iyang balita?" sabi ko kahit na alam ko naman talagang uuwi na sila Don Ignacio rito sa Pilipinas.

"Eh, saan pa nga ba 'di sa mga kumare ni mama na mga tsismosa. Alam mo naman sa karinderya kapag nagkumpulan na iyan sila, alam mo na kung ano'ng meron. Eh, dakilang Marites ba naman si Aling Bechay walang preno ang bunganga." mahabang sabi ni Christine.

"Wala ka naman pinagkaiba sa kanila. Tsismosa ka rin kahit kailan."

"Hoy! Ang hard mo sa akin ah," sabi niyang naka-pout pa ang labi.

"Bakit totoo naman 'di ba? Paano mo malalaman na uuwi na sila Don Ignacio kung hindi mo narinig ang pinag-usapan nila? Eh, 'di ba nakinig ka sa usapan ng mga tsismosa niyong kapitbahay. Once a tsismosa always a tsismosa." nakataas kilay kong sabi.

"Ang sakit mo magsalita ah, para kang hindi best friend." saad ni Christine na nakasimangot pa.

"Pwede bang huwag kang mag-inarte diyan. Hindi bagay sa pagmumukha mo." Sabi ko na sinadya ko pang idiin ang bawat kataga na binigkas ko.

"Alam mo bessy, sumosobra na iyang tabas ng dila mo. Iniisip ko tuloy kung paano ba kita naging kaibigan." muling sabi ni Christine.

"Ipaalala ko sa iyo kung paano kita naging kaibigan." ani kong pinitik pa sa ere ang daliri. "Naging magkaklase tayo sa Grade 4 kasi nga transferee ka tapos lagi kang binu-bully, dinidikitan nang kung anu-ano ang likod mo at may isang beses pa na nilagyan ng chewing gum ang buhok mo. Siguro naaalala mo pa na ako ang naggupit sa buhok mo na may bubble gum na nagmukhang bunot dahil sa pagkabuhol-buhol. Naalala mo rin siguro nu'ng Grade 6 tayo, isang beses ay nilagyan ng ipis ang bulsa ng skirt mo, at to the rescue na naman ako. Ako lang naman ang laging nagtatanggol sa iyo sa mga bakulaw nating kaklase noon. Tapos nu'ng high school naman, nakipagsabunutan ka sa isa nating kaklase kasi crush mo raw ang boyfriend niya at si Ate girl, sinugod ka kasi nga selosa. Ako naman si wonder woman na pinagtanggol ka at ako pa ang pinagbuntunan ng galit." Hindi ko napigilan ang aking tawa sa mga alaalang iyon. Masasabi ko talaga na ang high school life namin ni Christine ang pinaka-worse sa lahat. Although, kami naman 'yung magkaibigan na nasasali lagi sa top 10 sa klase pero nakabuntot na yata sa amin ang malas pagdating sa mga bully. Masasabi kong mas matapang ako kay Christine. Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko sa mga bully lalo na kung alam ko naman na nasa tama ako at wala akong inaapakang tao. Habang si Christine naman ay bahag ang buntot. Jolly siya pero hindi marunong makipag-away. Lagi ko ngang sinasabi sa kaniya na 'maganda ka nga bahag naman ang buntot mo'. Pero ang lagi niya lang sinasabi 'mabait lang talaga akong tao.'

"Hanggang ngayong college na tayo ay para ka pa ring bangaw na nakasunod sa amoy ng tae." sabi ko na hindi na napigilan tumawa. Hanggang magkolehiyo kasi kami ay hindi pa rin kami naghihiwalay. Magkaiba lang kami ng kurso pero parehong paaralan pa rin ang pinapasukan namin.

"Wow ah, ako lang ang kinawawa mo sa alaalang nakalipas na at binaon ko na sa limot. Baka nakakakimutan mong ako rin ang nagtanggol sa iyo kay Owen na manliligaw mo na kamukha ni Squidward." sabi niyang pinanlakihan pa ako ng mata.

Natawa ako dahil totoo naman ang sabi ni Christine. High school pa lang kami nu'n at si Owen ang manliligaw ko na kahit pinagtatabuyan ko na ay pursigido pa rin. Sabado ng hapon at niyaya ako ni Christine na pumasyal sa perya kasama ang aso niyang si mighty na American bully. Nasa kalagitnaan pa lang kami ng paglalakad nang biglang sumulpot si Owen sa aming harapan kasama ang kaibigan nitong si Alfie. At ang hinala namin ni Christine ay nakainom ang dalawa. Namumula kasi sila pareho at medyo bulol na magsalita. Matagal nang gusto akong ligawan ni Owen, ako lang ang may ayaw dahil hindi ko naman talaga siya gusto. Hindi naman siya pangit. And to be honest, he is handsome. Isa siya sa mga lalaking gwapo sa campus namin pero napaka-play boy niya at hindi ko pinangarap na magkaboyfriend na sa huli ay paglalaruan lang ang puso ko.

Ang sumunod na nangyari ay ang pagtatalo namin ni Owen. Halos kaladkarin na niya ako nu'ng araw na iyon. Kahit na lumalaban ako ay wala pa rin silbi. Buti na lang at na-train nang maayos ni Christine si Mighty kung kaya't nakawala ako sa kamay ni Owen. Ikaw ba naman ang habulin ng American bully hindi ka ba kumaripas ng takbo.

"Oo na, ikaw na ang may super mighty dog." tumatawa kong sabi. Nakakalungkot lang isipin dahil namatay si mighty dahil na rin sa katandaan.

Sabay pa kaming tumawa ni Christine nang maalala ang mga pinagdaanan namin nu'ng grade school at high school.

"Oh, may bisita ka pala." natigilan kami ni Christine sa pagku-kwentuhan nang marinig ang boses ni Inay.

"Magandang umaga po, 'Nay Celia." pagbibigay galang ni Christine kay Nanay.

"Tanghali na pala? Hindi ko namalayan ang oras dahil sa tsismosang ito." sa isip-isip ko. Buti na lang at nakaluto pa ako habang nakikipagdaldalan kay Christine kung hindi ay baka sermon ang inabot ko. Hindi ko rin pala namalayan na nakaubos na ako ng kalahating Durian.

"Kumain na muna po kayo, 'Nay." ani ko habang nag-aayos sa hapag kainan.

"Ako hindi mo yayayain?" biglang singit naman ni Christine.

"Hoy! Huwag kang abuso. Ikaw na nga ang nakaubos ng rambutan at lansones diyan tapos gusto mo pang makikain?" Pinanlakihan ko ng mata si Christine at siya naman itong ngiti-ngiti lang. Sanay na kaming dalawa sa ganitong klase ng pag-uusap. Ito ang paraan namin kapag nagbibiruan kami pero ang nasa paligid namin ay hindi pa yata nasanay.

"Huwag ka ngang ganiyan sa kaibigan mo, Katrina. Kumuha ka ng plato mo roon at kumain ka na. Huwag kang makinig sa kaibigan mo." utos naman ni Inay kay Christine.

Tumayo naman si Christine at binelatan pa ako. Akmang babatukan ko sana siya pero mabilis siyang nakatakbo.

"Mabilaukan ka sana." bulong ko sa kaniya pagdaan niya sa harapan ko. Tinawanan lang niya ako at umupo na sa tabi ni Inay.

"Mapaparami yata ako ng kain ngayon ah," nakangiting sabi ni Christine. 

"Gaano ba kalaki yang bituka mo at parang wala kang kabusugan?" irap kong sabi sa kaniya.

"Parang sinasabi mo na huwag na akong kumain ah, 'Nay si Tinay oh," ani nitong binigkas pa ang palayaw kong kinaiinisan ko.

"Magtigil na kayong dalawa. Kumain ka na rin Katrina." utos naman ni Nanay sa 'kin. Kumuha na lang din ako ng plato at sumandok na nang pagkain. Inirapan ko pa si Christine bago ako sumubo. Siya naman itong pangiti-ngiti lang.

"Saan po si Tatay?" maya-maya tanong ko kay Inay.

"Pauwi na rin siya may inasikaso lang sandali." sabi naman ni Inay.

Nakailang subo pa lang kami ng dumating naman si Itay kasama si Miko.

"Oh, andito ka pa rin, Ate Christine? Mukhang sinulit mo na ang araw mo rito ah, nakaubos ka na nang prutas diyan, baka pati ulam uubusan mo rin kami." biro naman ni Miko.

"Nanay Celia, alam mo bang kanina pa ako pinagtutulungan nitong mababait mong mga anak." sumbong ni Christine kahit na punong-puno pa ng kanin ang bunganga.

"Hayaan mo na sila, ganiyan ka lang siguro nila biruin. 'Tsaka alam kong sanay ka naman na sa ugali ni Katrina. Mababait naman ang mga anak ko, mana yata sa Ina." nakangiting sabi ni Nanay.

"Opo, alam ko naman po na mabait kayo. Pero itong mga anak niyo po? Mabait kapag tulog, Nanay Celia." 

"Ah ganu'n, baka gusto mong palayasin kita rito kasama iyang pinggan mo?" sabi ko naman.

"Hindi ba pwedeng patapusin mo muna akong kumain?" sabi naman ni Christine na inikutan pa ako ng mata.

"Aba't ikaw pa ang may ganang mang-irap ah,"

"Hay nako! Ewan ko sa inyong mga bata. Halla! Kumain lang kayo nang kumain diyan. Mamaya na kayo mag debate." seryosong sabi ni Inay. 

Nagtinginan kami ni Christine at tahimik na bumungisngis. Kapag ganu'n kasi ang tono ni Inay alam namin na seryoso na talaga siya. 

Nagkwentuhan pa kami ni Christine bago siya umuwi. Gawain na yata namin ang ganito, walang sawang kwentuhan, at kapag nagsawa na, mauuwi naman sa pagkain. Hapon na rin nang magpaalam si Christine. 

"Sa susunod na pupunta ka rito, magbaon ka ng ulam galing karinderya niyo para hindi na ako mapagod na lutuan ka." biro ko sa kaniya.

"Yeah sure. See you tomorrow, Bessy." ani nitong pina-slang pa ang English na sinabayan pa ng flying kiss.

Sinalo ko naman ang flying kiss niya at agad na binulsa. Tawa lang kami nang tawa dahil sa kalokohan namin.

Umiling-iling na lang ako nung nasa 'di kalayuan na si Christine.

"Nahawa na yata ako sa kabaliwan ng kaibigan kong mukhang tinamaan ng virus sa utak." kausap ko ang aking sarili.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status