Share

CHAPTER 7

Medyo may kalayuan ang bahay namin sa mansion pero hindi ako natatakot magkalad kahit na dumidilim na ang kalangitan. Wala naman kasi akong nadadaanan na malalagong damo o mga puno dahil mga magagandang halaman lang ang tangi kong nakikita. Napakatahimik at ang tanging naririnig ko lang ay ang huni ng mga ibon. Huminto ako saglit sa may kumpol ng naggagandahang puting rosas at kumuha roon ng isang bulaklak. Inipit ko ito sa aking tenga at saka pinagpatuloy ang aking paglalakad. Pasipol-sipol pa ako habang sinasamyo ang sariwang hangin na dumadampi sa aking balat. Napakasariwa ng hangin na nanggagaling sa mga puno at halaman, walang bahid ng usok na nanggagaling sa mga sasakyan sa syudad.

Natatanaw ko na ang munti namin bahay kaya nagmadali na akong naglakad. Ilang dipa na lang nang biglang may humawak sa aking balikat. Napasigaw ako sa gulat at biglang tumakbo.

"Trina, sandali lang."

Napahinto ako sa aking pagtakbo dahil kilala ko ang boses na nanggagaling sa aking likuran.

"Kanina pa kita tinatawag hindi mo ba ako naririnig?" ani ni Marco sa hingal na boses. Hinabol rin kasi niya ako nang bigla akong sumigaw at tumakbo.

"Bakit ka ba kasi nanggugulat?" inis kong sabi.

"Pasensiya ka na. Hindi ko sinasadyang gulatin ka. Tinatawag kita kanina pa pero parang wala kang naririnig kaya hinabol na lang kita. Hindi ko naman alam na magugulatin ka pala." nakangiti nitong sabi.

"Walang nakakatuwa sa ginawa mo." irap ko.

"Sorry, Trina." muli niyang sambit.

"Ano'ng ginagawa mo rito? Hindi ba't nagpapahinga ka na sana sa mga oras na ito?" Sabi ko sa seryosong tono. Alam ko kasi na wala pa silang pahinga lalo na't kahapon lang sila dumating galing America.

"Nakapagpahinga na ako." sabi niyang nakangiti. "At saka nakita kasi kitang umalis mag-isa kaya tinanong ko kay Miko kung saan ka pupunta. Nang sinabi niyang uuwi ka na, napagpasyahan kong sundan ka upang may ihatid ka hanggang sa bahay niyo." nakangiti pa rin niyang sabi.

"Hindi na kailangan, Marco, ang lapit lang ng bahay namin para ihatid mo pa ako. 'Tsaka sanay na akong umuwi mag-isa sa ganitong oras. Wala namang ibang tao rito kung hindi tayo lang."

"Hindi mo iyon masasabi, Trina. Malay mo may ibang tao na biglang pumasok dito sa hacienda at may balak na masama. Kahit pa sabihin mong malapit lang ang uuwian mo, maraming pwedeng mangyari sa bawat segundo." seryoso niyang sabi.

Napangiti ako nang lihim dahil sa sinabi ni Marco. Bukod sa aking magulang, ngayon lang ulit ako nakarinig sa isang tao na iniisip ang kaligtasan ko.

"Kaya ko ang sarili ko. Para saan pa ang pagpapakahirap kong mag-aral ng taekwondo kung hindi ko ito gagamitin sa masamang tao." pagbibiro ko na lang.

"Hanggang ngayon ang tigas pa rin ng ulo mo. Hindi ka pa rin marunong makinig." umiiling na sabi ni Marco.

Hindi ko napigilan ngumiti dahil sa kaniyang sinabi. Sa aming tatlo ni Franco, ako ang pinakapasaway.

"Bumalik ka na sa mansion. Malapit naman ako sa bahay." pagtataboy ko sa kaniya.

"Hindi mo man lang ba ako yayain magkape sa bahay niyo?" saad nitong naka-kunot noo pa.

"Wala kaming imported na kape. Kapeng barako ang merom sa bahay baka sumakit ang tiyan mo, dahil alam kong pang mayaman lang ang kape mo." seryoso kong sabi sa kaniya.

"Ganiyan na ba ang tingin mo sa akin? Hindi porke tumagal ako ng dekada sa America, kakalimutan ko na kung ano'ng meron dito sa Pilipinas." seryosong sabi niya.

Na-guilty naman ako dahil sa sinabi niyang iyon. "Halika ka na nga. Kinokonsensya mo lang ako eh," ani ko sabay nauna nang maglakad.

"Ako pa rin naman iyong dating Marco na kaibigan mo. Pumogi lang pero hindi pa rin nagbago ng ugali." pagbibiro naman niya.

"Huwag ka ngang nagbubuhat ng bangko mo diyan. Hintayin mong may magsabi sa iyo na gwapo ka nga." irap ko kahit na pawang katotohanan naman ang mga sinabi niya.

Sa totoo lang, maraming nagbago kay Marco. From patpatin to macho. Para siyang action star sa tindig at kisig niya. Nasa six and two inches siguro ang height niya. Nagmukha tuloy akong unano sa height kong five feet and four inches.

Binuksan ko ang munti naming gate na gawa sa kahoy, nakatali lang ito ng lubid.

"Pasok ka sa mansion namin." nakangiti kong sabi sa kay Marco.

"Alam mo bang na-miss ko ang bahay niyo?" seryosong sabi niya.

"Bahay lang namin ang na-miss mo?" Gusto kong bigkasin pero biglang umurong ang dila ko nang makita ko sa kaniyang mukha ang lungkot. Alam ko kasi kung ano ang dahilan kung bakit iniwan nila ang hacienda at mas ginustong manirahan sa America. Nang mamatay ang kanilang Mommy ay napagdesisyonan ng kanilang pamilya na sa America na lang magbabang luksa. Nalaman ko lang din ito sa aking Ina nang isang beses ay nagtanong ako kung bakit hindi ko na nakikita sina Marco at Franco.

Habang nagtitimpla ng kape ay tahimik lang na nakaupo sa upuang kahoy si, Marco. Palinga-linga siya na parang may hinahanap.

"Bakit?" tanong ko nang ilapag ko ang kaniyang kape.

"Ha? Ahm, wala. Talagang nagtimpla kapa ng kape. Nagbibiro lang naman ako." nakangiti niyang sabi sa akin na sinabayan pa niya ng pagkamot sa ulo.

"Ako hindi nagbibiro kaya ubusin mo iyan." simpleng sabi ko.

"Yes, boss," Sabi naman niyang tumuwid pa ng upo. Natawa ako sa kaniyang itsura na para bang isa siyang sundalo na binabantayan ng kaniyang commander.

Pagkatapos magkape ay niyaya pa ako ni Marco na maglakad-lakad. Tumanggi ako sa kaniya pero bigla niyang hinila ang kamay ko. Para akong napaso at mabilis na inalis iyon. Hindi naman pinasin iyon ni Marco at patuloy lang ito sa paglakad.

"Hindi ka pa ba uuwi? Madilim na, baka hinahanap ka na nang Don."

"I am no longer young for my Father to look for me. I do it all the time so they are used to it," he said.

Nakarating kami sa may malaking puno ng mangga na kung saan may mahabang upuan na gawa sa kahoy na madalas namin tambayan ni Miko kapag kumukuha kami ng mga prutas.

Sabay kaming umupo at tahimik na nagmamasid sa paligid. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Tahimik lang akong nakikinig sa tunog ng mga kuliglig sa paligid. Hininty kong magsalita si Marco pero pati siya ay tahimik lang din.

"Mapapanis yata ang laway ko sa taong ito." kausap ko ang aking sarili.

Bumuntong hininga ako. "Umuwi na tayo." akmang tatayo na ako nang magsalita si Marco.

"Kamusta ka na Trina?" nangunot noo ako dahil tinanong na niya iyon kaninang umaga.

Tumawa ako, "Tinanong mo na iyan kaninang umaga. Sinagot ko na rin."

"Kamusta ka nung panahon na nasa malayo kami? Nagkaroon ka ba ng maraming kaibigan? Masaya rin ba silang kasama? Pumupunta ka rin ba sa bahay nila?" sunod-sunod niyang sabi.

"Ano ba'ng sinasabi nito?" ani ko sa aking isip.

Nakita ko sa kaniyang mukha na seryoso siya sa kaniyang sinabi kaya sinagot ko na lang din siya.

"Sa totoo lang, isa lang ang naging kaibigan ko simula nu'ng umalis kayo nang walang paalam." diniinan ko ang huling salita na binigkas ko upang maramdaman niyang masama ang loob ko.

"Pasensiya ka na kung hindi kami nakapagpaalam. Biglaan ang desisyon ni Dad, mga bata lang kami noon at walang karapatan na kumontra."

Hindi ko na sinagot ang sinabi niya bagkus ay ipinagpatuloy ko ang aking naudlot na sasabihin.

"Si Christine lang ang naging best friend ko simula grade school hanggang ngayong college. Siya lang ang best buddy na meron ako. Isa lang siya pero para kaming sampu." nakangiti kong sabi. "Si Christine kasi iyong tipong na-iisa pero times three ang katawan sa ingay at daldal." dagdag ko pang sabi. Siguro kung andito lang ang babaeng iyon baka ang dami ko nang hampas dahil hati ang negative at positive na sinasabi ko tungkol sa kaniya.

"Mabuti naman kung gan'un. Regards to her. Sana makasalamuha ko rin siya minsan. Mukha kasing masaya rin siyang kasama. " nakangiti niyang sabi.

"Baka kapag nakilala mo siya sabihin mong sana pala hindi ko na lang nakilala ang babaeng ito." tumatawa kong sabi kay Marco.

"Then let's see," he said with a smile on his face.

Niayaya ko na siyang umuwi dahil alam kong parating na sila Nanay. Baka kasi hanapin ako lalo na't alam nilang nauna akong umuwi. Hinatid muna ako ni Marco sa bahay bago siya nagpaalam.

"Thanks for your time, Trina. See you tomorrow, good night," he said while waving his hand.

Kumaway ako pabalik at pumasok na sa loob ng bahay.

"Hay! Parang kailan lang mga paslit lang tayong naglalaro at walang kamuwang-muwang sa mga bagay. Ngayon pasan na rin natin ang mga problema buhay." kausap ko ang aking sarili.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status