Share

CHAPTER 5

"Isang buwan na lang ga-graduate ka na, Katrina." kausap ko ang aking sarili habang naglalakad papuntang sakayan ng jeep. Bumuntong hininga pa ako at napatingala sa ulap na kulay asul.

"Iba talaga kapag pinanganak ka ng mahirap. Makakaraos din tayo, Inay, Itay," muli kong sambit.

Inayos ko ang aking bag at mabilis nang naglakad. Tumakbo ako nang makita kong mapupuno na ang jeep na ba-biyahe papunta sa aming bayan. Kung sa isang nakapila na jeep pa kasi ako sasakay baka abutin ako ng ilang minuto bago mapuno. Minsan, hindi sa school ako nai-stress, kung 'di sa biyahe, mainit na malayo pa. Malayo rin kasi ang pinapasukan ko abot din ng isang oras mabuti sana kung kasama ko palagi si Kristine. Minsan kasi sinusundo at hinahatid siya ng kaniyang Papa gamit ang kanilang motor. Nakakatanggal din kasi ng pagod kapag may kasama kang kaibigan na minsan joker minsan may aning-aning.

"Sorry po, Kuya," hinging paumanhin ko sa lalaking nabangga ko ang braso dahil sa pagmamadali kong makasakay. Binigyan ko pa ito ng matamis na ngiti bago tuluyang pumasok sa loob ng jeep. Nakipag-unahan pa ako sa kaniya makauwi lang nang maaga. Nag thumbs up naman ito sa akin at nag pa-cute.

"Okay lang, miss, basta kasing ganda mo ang babangga sa braso ko, 'di na baleng sumabit na lang ako, may maupuan ka lang." banat naman ni Kuya na mukhang babaero sa kaniyang makapal na bigote. Para itong si Mr. Suave, kulang na lang yung korte sa kaniyang bigote. Ngumiti na lang ako kay Kuya at nag-abot na nang bayad sa driver.

Halos thirty minutes rin ang biyahe ko bago ako makarating sa aming bayan. Sumakay pa ako ulit sa tricycle para makapasok sa loob ng Hacienda. 

"Kuya Natoy, dito na lang po ako." ani ko sa tricycle boy na madalas kong sakyan nang makarating na ako sa labas ng hacienda.

"Malayo ka pa sa bahay niyo, Trina ah, ihatid na kita hanggang doon." sabi naman nito.

"Lalakarin ko na lang po hanggang doon, Kuya. Malapit naman na po." nakangiti kong sabi at inabot ko na ang bente pesos kong bayad.

"Sige ikaw ang bahala." ani niya. 

Pumasok na ako sa malaking gate na kulay pula. Medyo may kalayuan pa ang bahay ng mga De Hermosa pagpasok sa gate pero tanaw mo ang buong mansion. Pagbukas ng gate bubungad agad sa iyo ang malawak na bakuran na napapaligiran ng matatayog na Pine tree at naggagandahang halaman. Huminto ako saglit ng matanaw ko 'di kalayuan ang tatlong sasakyan na dalawang kulay itim at isang puti. Kumunot ang aking noo dahil hindi familiar sa akin ang mga sasakyang iyon. Ngayon lang kasi may dumating na tatlong sasakyan sa mansion. Minsan kapag may kotse akong nakikita, iyon ay ang pagmamay-ari ng veterinarian na nag-aasikaso tuwing may manganganak na kabayo sa hacienda. 

Nagmadali na akong naglakad dahil medyo may kalayuan pa ang bahay namin. Pero habang naglalakad ako, hindi ko maiwasan magtanong sa aking isip.

Kaninong sasakyan kaya ang mga iyon? Hindi kaya dumating na ang mag pamilya? Kung sila na nga iyon, bakit ngayon lang sila umuwi? Ano kaya ang dahilan kung bakit bumalik na sila ng hacienda? Sunod-sunod kong tanong kahit naman walang katotohanan ang nasa isip ko.

Pagdating ko sa bahay wala pa ang mga magulang ko. Nag-ayos muna ako sa aking sarili bago ko inumpisahan ang gawaing bahay. Iyon na yata ang routine ko paggaling sa school. Habang nagwawalis ay pakanta-kanta pa ako na sinasabayan ng kembot. 

"I'm feeling sexy and free," kanta ko habang ang mga kamay ay humahampas sa ere.

"Like bri-"

"Ano ba iyang ginagawa mo, Ate Tinay, para kang sinasapian." biglang sulpot ng kapatid ko na hindi ko alam kung saan nanggaling.

"Ayy, kabayong bundat!" sigaw ko sa gulat. "Anong sinasapian ka diyan? Sumasayaw lang ako 'no. Ang Oa mo masyado!" irap ko.

"Sayaw ba iyang ginagawa mo, para kang bulateng nilagyan ng asin." kunot-noo naman nitong sabi.

"Galing mangantiyaw, samantalang parehong kaliwa naman ang paa." irap ko rin. "Teka nga pala, bakit ang aga yata ng uwi mo ngayon? Pumasok ka ba o nag-cutting classes ka?" tanong ko sa aking kapatid.

"Ang exaggerated mo, Ate. Malamang kung maaga ako, ibig sabihin half day lang ang pasok namin. Kailan ba ako nag-cutting classes? Wala yata sa vocabulary ko iyon." pagmamayabang naman nito.

Ibubuka ko pa lang sana ang bibig ko ng patigilin ako ng aking kapatid.

"Huwag mo nang ituloy ang sasabihin mo dahil alam ko na iyan. Hindi ako nagsisinungaling, Ate Tinay dahil may meeting ang lahat ng teacher kasama ang principal. Gaganapin kasi sa susunod na buwan ang United Nation day program kung saan isusuot ng mga estudyante ang mga costume ng iba't ibang superhero, anime at cartoon character na kumakatawan sa isang particular na bansa. May gaganapin rin na parade na ang mga kababaihan naman ay magsusuot ng kanilang costumes na kumakatawan din sa bawat bansa." mahabang paliwanag nito. 

"Ang haba naman ng paliwanag mo, samantalang isa lang naman ang sinabi ko." taas kilay kong sabi.

"Kapag ganiyan kasi ang itsura ng mukha mo, alam kong hindi ka naniniwala sa akin. Alam ko na yata ang bawat expression ng mukha mo." sabi niya habang naka-dekwatrong upo sa sofa.

"Saan ka nga pala galing kung wala kang pasok?" tanong ko. 

Pero hindi iyon sinagot ng aking kapatid dahil iba ang lumabas sa kaniyang bibig.

"Alam mo ba, Ate Tinay, nakita ko na si Kuya Franco at Marco. Grabe ang kikisig pala nila, ang tangkad, at ang puti pa nila. Paniguradong magkaka-crush ka sa kanila kapag nakita mo." tuwang-tuwa nitong sabi.

"Ha?! Andiyan na sila? Kailan pa? Ano'ng oras?" sunod-sunod kong sabi. 

Tumawa bigla ang aking kapatid, "Hindi ka naman excited niyan, Ate? Parang biglang nagkakukay ang mukha mong maasim ah. Samantalang, kulang na lang batuhin mo ako ng walis tambo kaninang pagsulpot ko." sabi niyang hindi mawala-wala ang mapang-insultong ngiti sa labi. 

"Umayos ka, Miko, nagtatanong lang ako hindi kung anu-ano iyang pumapasok sa utak mo." inis kong sabi.

"Halla si Ate, masyadong defensive. Nagpaghahalataang excited." 

Mabilis pa sa alas kwatrong binatukan ko ang aking kapatid dahil sa pang-iinis niya. Pero tama naman din siya. Na excite ako nang malaman kong umuwi na ang magpamilya. Matagal na panahon ko rin hindi nakita sina Marco at Franco. Nakaka-miss lang yung mga panahon na kalaro ko pa sila at tanging paglalaro lang ang nagpapasaya sa amin. Mga bata pa kami nu'n, kain, tulog, at laro lang ang alam gawin, mga walang kamuwang-muwang sa mundo.

"Pero alam mo, Ate Tinay? Parang gusto ko na rin mag gym. Gusto kong maging kasing macho ni Kuya Franco at Marco. Yung mala Adonis ang katawan." nakangiting sabi ni Miko na halatang iniinis lang ako. 

"Alam mo Miko, parang gusto ko na rin maging katulad ni, Nanay, yung tipong pipingutin ka at kukuritin ka sa tagiliran." and ko sa kaniya sabay pingot at kurot sa kaniya. 

Tawa naman ito nang tawa habang hawak ang nasaktang tagiliran. Gusto ko pa sanang magtanong kay Miko pero umalis na ito at bumalik sa mansion.

Nang umalis na ang aking kapatid ay hindi ko maiwasan isipin ang itsura nina Franco at Marco. Patpatin kasi sila pareho at sakitin pa.

"Totoo kayang nagtransform na ang dalawang iyon sa pagiging Adonis?" bulong ko sa hangin. "Hay naku! Bahala nga kayo diyan, ke adonis man iyan or kung sino mang Poncio Pilato, wala na akong paki. Total kinalimutan na rin naman nila ako simula pa nu'ng umalis sila at hindi na nagpakita pagkatapos ng ilang taon. Sinasabi pa dati na tatawag at magvi-video call na lang pero hindi na ginawa. Pareho silang sinungaling kaya wala na akong pakialam pa." inis kong sabi kahit na wala naman akong kausap.

Binalikan ko na lang ang naudlot kong pagwawalis at sa paglilinis na lang ng bahay ako nag-focus.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status