Share

Kabanata 3

MAAGA akong pumunta sa shop kinabukasan. Nais kong libangin ang sarili upang hindi kabahan sa pagdating ni Rios.

"Ate Rhyna, may tumawag po, nagpapatanong kung kaya raw pong magdeliver sa Odiongan?" sabi nang staff kong nakapwesto sa counter. "Five boxes of matcha cupcakes."

"Kaya naman, nariyan ba si Mark? Siya na lang ang magdeliver." sagot ko habang nagsusuot ng apron. Personal kong ginagawa ang mga order ng mga costumers. Nagpapatulong naman ako minsan, iyon ay kapag masama ang pakiramdam ko o di kaya'y kapag marami talaga ang dapat gawin.

Napansin ko ang pagkamot sa batok ni Celine. "Eh Ate, absent po si Mark. Libing raw no'ng pinsan niyang nakatira sa Mindoro."

Napabuntong-hininga na lamang ako. Iilan lamang ang trabahador ko. Dalawang babae at tatlong lalaki. Si Celine at Apple sa counter, si Leo at Mark ang kasama ko sa kusina habang si Kevin naman ang nagdedeliver kapag may umu-order mula sa malayo. Pero dahil nag-leave si Kevin ng isang linggo'y si Mark ang siyang naaasahan ko sa pagdedeliver. Iyon nga lang mukhang, pati ito'y wala.

"Siya sige, ako na lang ang pupunta." sabi ko sabay pasok sa kusina.

Naratnan kong gumagawa ng croissants si Leo nang tuluyan akong makapasok. Napangiti ako nang mapansing nakaayos na ang mga dapat kong gamitin. "Good morning Leo."

Saglit na humarap sa akin si Leo, pagkatapos ay ngumiti. "Good morning rin po Ate." 

Sinipat ko muna nang mabilis ang ginagawa niya bago ako nagsimula sa paggawa ng cupcakes.

Halos ala-una na rin akong natapos. Maliban kasi sa mga cupcakes ay gumawa rin kami ng cherry tart. Bumenta kasi sa masa noong minsang gumawa ako.

"Mauuna na ako Celine. Kapag alas-kuwatro'y wala pa ako, isara n'yo na ang shop." paalam ko bago sumakay sa pick-up. 

Hindi naman hihigit sa dalawang oras ang biyahe papuntang Odiongan. Kaya bago mag-alas tres ay nasa centro na ako. Ilang minutong takbuhin ng sasakya'y bumungad na sa akin ang isang pulang gate. May mga lobo sa loob at ilang bandiritas, tanda na may selebrasyong gaganapin.

"Ay, nariyan na po pala kayo." sabi nang katulong na nagbukas ng gate. Nang maayos kong maibigay ang kailangan nila'y kaagad na akong umalis. Baka sakaling makaabot pa ako bago magsara ang shop. Kailangan kong pagdalhan si Renzo ng paborito nitong egg pie. 

Habang nasa biyahe'y panaka-naka ang pagsilip ko sa orasang nasa unahan. Malapit nang mag-alas kuwatro. Gustuhin ko mang bilisan ang pagpapatakbo'y hindi ko magawa dahil sa biglaang pagpatak ng ulan. Malakas at halos hindi ko na makita ang daan. Kaya nagpasya na lang akong huminto sa gilid ng kalsada. 

Halos walang dumaraan, pero ayos lang, alam ko namang hindi mapanganib. Siguro'y hihintayin ko na lamang na tumila ang ulan. Baka sa bahay ko na lang rin gawan ng egg pie si Renzo. 

Isang malalim na paghinga ang aking ginawa. Kumusta na kaya sina Tatay? Hindi ko maiwasang mag-isip tungkol sa kanila. May apat na taon na rin simula nang umalis ako sa bahay. Nakakalungkot lang dahil parang hindi man lang ako pinapahanap ni Tatay. Kaunti na lang baka isipin ko nang hindi niya ako mahal.

"Kainis!" mariin kong sabi bago inilabas ang cellphone. Naroon ang bagong numero ni Tatay. Pero ni minsan hindi ko siya tinawagan. Natatakot ako, kahit na ba may maipagmamalaki na ako'y nahihiya pa rin akong tumawag sa kaniya. 

Siguro dahil hindi naman ito ang pangarap niya para sa akin. I'm a pastry chef, malayo sa pagiging engineer na siyang pangarap sa akin ni Tatay. Pero wala siyang magagawa. Wala talaga ang puso ko sa gusto niya para sa akin.

Napapabuntong-hiningang itinitig ko ang mga mata sa unahan ng kotse. May ilang minuto na iyong nakatigil sa gilid at tanging dalawang ilaw lamang ang bukas. Tanda na nakahinto ako't wala pang balak na umusad.

Wala na akong makitang daan dahil sa malakas na ulan. Tanging mga ilaw ng sasakyan lang ang siyang naaaninag ko tuwing may daraan.

"Gosh, mukhang hindi na ako makakauwi." mahina kong sabi bago muling inilabas ang cellphone.

"Ate Mildred?" sabi ko nang sagutin nito ang tawag.

"Ay Ma'am, kanina pa po kayong hinihintay ni Renzo. Nag-aalala rin si Señora Clara." sabi ni Ate Mildred na ikinapikit ko nang mariin.

"Ate Mildred, pakisabi, baka hindi ako makauwi ngayon. Nasa Odiongan ako't malakas ang ulan. Hindi ko makita ang kalsada gawa nang mahina ang headlights ng pick-up." mahinahon kong sabi. May ilang ulit pa akong sumulyap sa daang nasa gilid ko. Mas lalo yatang lumakas ang ulan.

"Naku, Ma'am Rhy, baka kung mapano kayo riyan. Ipapasundo ko na lang kayo."

"Huwag na Ate Mildred. Maaabala lang kayo. Ayos naman ako eh. Kapag huminto ang ulan ay kaagad akong uuwi." pagpapakalma ko sa kaniya. Maliban kay Lola Clara ay alam kong nag-aalala siya sa akin dahil itinuring niya na rin akong parang totoong anak.

"Basta, kapag hindi pa rin tumila ang ulan nang alas otso ipapasundo na kita." Huling sinabi ni Ate Mildred bago pinutol ang tawag. 

Humugot ako nang malalim na paghinga bago saglit na lumabas para kunin ang isang box ng cupcakes na sinadya kong ihiwalay. Nasa likod iyon kasama ng ilang box at tray na siyang ginagamit ko sa shop. 

Hindi ko pa man nakukuha ang kailangan ay halos maligo na ako sa ulan. Basang-basa na ang buo kong katawan at halos nanginginig na ang mga kamay dahil sa malamig na hanging bumabalot sa akin.

Kaagad akong bumalik sa loob ng pick-up na basang-basa. Hindi ko na lamang pinansin ang pagkapit ng basa sa upuang may sapin na tela. Ipapalinis ko na lang kinabukasan.

Mariin akong napapikit nang makita ang pagguhit ng kidlat sa langit. Mukhang matatagalan pa talaga bago tumila ang ulan.

Lumipas ang isang oras na walang nangyayari. Malakas pa rin ang ulan. Wala yatang balak na huminto. Talagang hindi ako makakauwi. Liban na lang kung ipasusundo ako ni Ate Mildred.

Mabilis kong tiningnan ang oras sa relong pambisig. Halos mag-aalas-dies na pero wala pa rin ang sundo na sinabi ni Ate Mildred. Baka maging iyon ay naestranded dahil sa malakas na ulan.

Muli akong pumikit bago niyakap ang sarili. Ramdam ko ang pagnginig ng buo kong katawan. Malamig pero napakainit ko. Mukhang magkakaroon pa ako ng lagnat.

Mahihinang pagkatok ang nagpabaling sa akin. Marahil ay dumating na ang sundo ko. Kaagad kong ibinaba ang bintana. Kumunot ang noo ko nang bumungad sa aking harapan ang mukha ng taong huli kong nanaising makita.

Vernon Rios Ledesma.

Malalim ang guhit sa kaniyang noo. May tumutulong tubig roon pababa sa kaniyang pisngi. Mariin ang pagkakatitig sa akin ng mga mata niyang may mahahabang pilik. Matangos ang ilong at manipis ang labi. In short, gwapo ito. Mas guwapo kaysa sa mga larawang nasa bahay.

Malalim ang hinugot kong paghinga bago muling pumikit nang mariin. Ewan ko ba, pero pakiramdam ko mas nagmumukha akong mahina sa paraan ng kaniyang pagtitig. 

"Get out of the car, Rhyna. Uuwi na tayo." mariin ang boses niya. Malamig rin na halos pumares sa panahon.

Nanghihinang kinuha ko ang aking bag bago marahang binuksan ang pinto. Hindi pa man nakakalapat ang isa kong paa'y nakaramdam na ako ng pagkahilo.

"Hey!" malakas na sabi ni Rios nang tuloy-tuloy akong napasandal sa kaniya. "Shit, you're burning!"

Hinayaan kong pangkuhin ako ni Rios papunta sa kaniyang ford expedition. Marahan niya akong iniupo sa unahang upuan. Gusto ko sanang imulat ang mga mata ko nang maramdaman ang pagbalot ng kung ano sa aking basang katawan. Pero hindi ko magawa dahil parang may humihila sa akin. Inaantok ako pero hindi iyon dahil doon.

"We'll be home tomorrow. We need to go to the hospital. Mataas ang lagnat ni Rhyna. Tell Lola we'll be fine." naulinigan kong sabi ni Rios. Siguro ay tumawag ito sa bahay. 

Ilang minutong pinilit kong gising ang diwa. Pilit kong nilalabanan ang pagpikit ng aking mga mata. 

Naiilang ako, dahil ramdam ko ang pagtitig ni Rios. Hindi ko alam kung bukal ba sa loob niyang gawin ito. Saka na lamang siguro ako magtatanong kung bakit siya ang sumundo sa akin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status