Share

Kabanata 2

After 4 years......

"Ma'am Rhyna!" tawag sa akin ni Kuya Lito. Driver siya ni Lola Clara, na sa malamang ay inutusang sunduin ako. Naku talaga si Lola! Hindi naman kalayuan itong shop sa bahay.

"Kaya ko naman hong bumiyahe mag-isa. Hindi na sana ho kayo nag-abalang sunduin ako." sabi ko nang makalapit sa kaniya. 

Mula sa loob ng kotse ay dalawang maliliit na kamay ang lumabas kasabay nang isang hagikhik. "Mommy!"

Isang malaking ngiti ang pumunit sa nakatikom kong bibig. "Renzo baby!" sabi ko bago nagmamadaling sumakay sa kotse. Hindi ko na lamang binigyang pansin ang pag-iling ni Kuya Lito.

"How's my handsome little Renzo?" tanong ko habang walang sawang hinahalikan ang kaniyang buong mukha.

"I'm doing great Mommy. Lola bought a new toy car for me. Look Mom!" tuwang-tuwang ipinakita sa akin ni Renzo ang isang malaking remote control car. Napapangiting hinalikan ko na lamang ang kaniyang sentido.

Si Renzo ang anak ni Diana at ng Apo ni Lola Clara na si Rios. Lumipas ang apat na taong nasa poder ako ni Lola Clara. Kaya ito, ako ang nakamulatang ina ng bata. Hindi naman sinasaway ni Lola, mas mabuti na raw iyon kaysa malaman nitong ang totoo pala nitong nanay ay ang babaeng trumaydor sa Daddy nito.

Malaki ang pasasalamat ko kay Lola Clara. Sa loob ng apat na taong nasa tahanan niya ako'y hindi niya ipinaramdam sa aking iba akong tao. Pinag-aral niya pa nga ako at binigyan ng pera para makapagsimula raw ng isang maliit na pastry shop sa bayan. Natuwa kasi ito nang malamang marunong akong gumawa ng cupcakes at kung anu-ano pa. Sayang naman daw ang talento kong iyon kung siya lamang at ang mga kasama namin sa bahay ang makakatikim ng mga gawa ko.

Hindi na ako nakaangal nang isang araw nalaman ko na lamang na patapos na pala ang pwestong kinuha niya para sa akin.

"Naku, Ma'am Rhyna, iyang si Renzo'y nagpumilit na sumama na sumundo sayo. Hindi nga pinayagan ni Mildred at baka raw magalit ka." sabi ni Kuya Lito. "Kaya lang ay binirahan ng ngawa si Mildred kaya ayan, ang laki nang ngiti." dagdag pa niya.

Napangiti na lamang ako ng matamis. Alam ng lahat na hindi nagmula sa akin si Renzo. Pero kahit ganoo'y wala silang sinasabi. Tanggap na tanggap nga nila ako, kahit pa noong bago pa lang ako tumapak sa bahay ng mga Ledesma.

"Siyanga pala, gusto raw kayong makausap ni Señora Clara. Pagdating raw sa bahay ay dumiretso ka na lang raw sa library." sabi pa ni Kuya Lito.

Ano na naman kayang ikukuwento sa akin ni Lola? Sa bawat oras kasi na hilingin niyang makausap ako'y kinukuwentuhan niya lamang ako ng mga bagay-bagay tungkol sa buhay niya. Kung paanong nakilala niya si Lolo Alejo. Kung paanong naging sakit sa ulo niya ang anak na si Tita Carmen dahil sa pakikipagtanan nito sa dating asawa.

Kung paanong sumibol ang matinding galit niya nang mamatay ang kaisa-isang anak. Kaya ayon, pinilit niyang makuha ang mga apo sa poder ng walanghiyang ama ng mga ito.

Ilang beses rin nakwento sa akin ni Lola ang tungkol sa magkapatid na Rafael at Rios. Sakit rin daw sa ulo ang dalawa dahil sa kabi-kabilang pambabae. Lalo na noong umalis ang panganay para paghigantihan ang ama ng mga ito.

Hindi rin lingid sa kaalaman ko ang galit ng matanda sa yumaong ina ni Renzo. Trinaydor nito si Rios. Isiniwalat ang lahat ng mga importanteng plano at ninakaw ang ilang project ng Ledesma. 

Kaya sobra ang pasasalamat ni Lola sa akin nang tawagan ko siya noong manganganak na si Diana. May plano pala kasi itong itago si Renzo sa mga Ledesma. At ayaw iyon mangyari ni Lola, dahil alam niyang masamang tao si Diana.

"Lola Clara?" tawag ko mula sa labas ng library. Kaagad ko siyang pinuntahan pagkatapos kong maihiga si Renzo sa kama nito. Nakatulog kasi habang nasa biyahe.

"Pasok ka, apo." malumanay na sagot ni Lola mula sa loob. Hindi na ako nag-alangan pa, kaagad kong binuksan ang pinto at tuloy-tuloy na umupo sa upuang nasa harap ng kaniyang lamesa.

"Gusto n'yo raw po akong makausap?" tanong ko nang makaupo ng maayos.

"Iyon na nga, gusto kong sabihin na sa makalawa'y darating si Rios. Gusto kong maghanda ka, mahilig sa mga lutong-bahay ang apo kong iyon." may galak sa boses na sabi sa akin ni Lola Clara.

Halos hindi ako makapagsalita. Ilang beses nang naikwento sa akin ni Lola Clara si Rios. Sa pagkakaalam ko'y matanda ito sa akin ng anim na taon.

May ilang beses ko na ring nakita ang mga larawan nito sa ilang photo album na nasa library ni Lola. 

Gwapo ang magkapatid na Ledesma. Parehong isang kindat lamang ay aatakihin ang sinomang babaeng nasa harap ng mga ito.

"Paano po kung hindi niya magustuhan?" Ngali-ngaling batukan ko ang sarili nang itanong iyon. Isang tikhim ang binitawan ko bago muling nagtanong. "Baka po magalit siya sa akin kapag narinig niya ang tawag sa akin ni Renzo."

"Hindi naman siguro, dapat pa nga siyang magpasalamat dahil makakasama niya ang anak niya dahil sa iyo." matamis ang ngiting sabi ni Lola.

Bigla kong naalala ang minsanang nakita kong nakikipag-video chat ito sa anak. Hindi ako lumapit kay Renzo kahit na ilang beses ako nitong tinawag para kausapin ko rin daw ang Daddy niya.

"Don't be nervous, Rhyna. Nandito naman ako." 

-

Halos hindi maalis sa isip ko ang mga sinabi ni Lola Clara.

Paano kung magalit siya sa akin? Paano kung ilayo niya sa akin si Renzo? Hindi ko yata kakayanin iyon. Napamahal na sa akin ang anak ko.

"Mommy, are you okay?" tanong sa akin ni Renzo nang magising siya sa ginawa kong paghaplos sa kaniyang buhok.

"Yes, baby." nakangiti kong sagot bago ko siya hinalikan sa pisngi. "I have good news for you."

"What is it Mom? Did you buy a new toy car?" pansin ko ang tuwa sa mga mata ni Renzo.

Sasagot na sana ako nang biglang pumasok si Ate Mildred dala ang cellphone. Alam ko na kaagad kung ano iyon kaya tumayo na ako't naghanda sa pag-alis.

"Ay, Ma'am Rhy gusto raw makausap ni Sir Rios si Renzo." Malaki ang ngiting paalam sa akin ni Ate Mildred. Tumango na lamang ako at naglakad palabas.

Bago pa man ako makalabas ay hindi sinasadyang magpingkian ang mga siko namin ni Ate Mildred. Kaya ang nangyari'y nahulog ang cellphone sa harap ko.

Mabilis ko iyong dinampot sa pag-aakalang baka nabasag iyon. "Sorry Ate Mildred." paumanhin ko sabay abot ng cellphone sa kaniya.

"Naku, ayos lang." sagot nito bago itinuloy ang paglapit kay Renzo.

"Mommy, saan ka pupunta, ha? Daddy's here, oh. He wants to talk to us." sabi ni Renzo na ikinatigil ko sa may pinto.

"Baby, magluluto pa kasi ng dinner si Mommy." malumanay kong sabi habang may matamis na ngiti.

"Lagi kang ganiyan. Don't you love Daddy?" tanong niyang ikinatahimik ko. Malamang hindi, hindi ko pa naman nakikita sa personal iyang ama mo. "How about you Daddy? Love mo ba si Mommy?" lalong nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang sunod na sinabi ni Renzo.

"Renzo, baby, bababa na si Mommy ha." sabi ko bago mabilis na lumabas. Baka kung ano pang maitanong ni Renzo, nakakahiya. 

Hindi ko maiwasan ang pamulahan ng mga pisngi sa kaalamang narinig ako ng Daddy ni Renzo. Nakakakaba. Paano kung pagdating nito'y pagsalitaan ako ng masama?

Kinalma ko muna ang sarili bago pumasok sa kusina. "Ditas, ako na lang ang maghahanda ng dinner." sabi ko nang maratnan ko siyang inilalagay ang hinugasang bigas sa rice cooker.

"Tulungan ko na po kayo." sagot nito sabay ngiti. Sanay na ang mga kasama namin sa bahay na ako ang nagluluto minsan. Kaya hindi na tumututol ang mga ito kapag narinig na ang sinabi ko.

Habang abala kami sa paghahanda ay hindi ko pa rin maiwasang isipin ang pag-uwi ng apo ni Lola Clara. Kinakabahan na talaga ako. 

Ang panganay pa lamang na si Rafael ang nakita ko sa personal. Ang Daddy ni Renzo ay hindi pa umuuwi kahit pa noong kakatapak ko pa lamang sa bahay ng mga ito.

Sa Manila ito naglagi, naging abala sa opisina. Marami itong inasikaso dahil sa kagagawan ng Mommy ni Renzo. Muntik pa nga itong maalis sa pwesto dahil raw sa kapabayaan.

Hindi naman dapat nila sisihin iyong tao. Nagmahal lang naman ito. 

Iyon nga lang, nasobrahan, kaya ang kinalabasa'y naging tanga at uto-uto!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status