Share

CHAPTER THREE

“ANONG sabi mo ulit hijo? Alin ang hinahanap mo?”

Hindi na alam ng binata kung ilang beses na niyang pinaliwanag sa matanda ang hinahanap. Napipikon na siya at sa tingin niya ay anumang oras ay mabubulyawan na niya ito. Napapakamot man sa ulo ay muli niyang inilarawan ito. 

“Iyon hong cellphone ko. Yung pangtawag po. Yung maliit na square na manipis tapos magaan.”

“Ah iyon ba hijo? Wala naman ako napansing ganoon. At saka hindi na rin namin hinalughog ang sasakyan mo dahil ayaw naman naming mapagbintangan kung sakaling maw mawala roon.”

Hanggang ngayon ay nakaratay pa rin siya sa papag ngunit maigi-igi na ngayon dahil nakakaupo na siya at nakakatayo nag walang alalay na kinakailangan. Iyon lamang ay hindi niya iyon kayan gawin nag matagal. Halos limang minuto lamang ang itinatagal niya sa pagtatayo bago muling mananakit ang katawan.

Inilibot niya ang paningin sa loob. Magdadalawang linggo na siyang kinukupkop at pinapakain ng mga taong hindi naman niya kilala. Wala rin siyang ibang mapagka-abalahan dahil bukod sa hindi siya makakilos ng matagal ay wala ring ibang pwedeng gawin sa munting silid na inuukupahan niya. Maging sa gabi ay tunog lamang ng mga kuliglig ang kaniyang naririnig at sa umaga naman ay huni ng mga maiingay na ibon.

Isang beses pa ay napakamot siya sa kaniyang ulo at huminga ng malalim nang marinig ang mga yapak na hudyat na may paparating.

“Tatay Ruben! Halina ho kayo at tayo’y mananghalian na. Naghihintay na po sa may lilim sila Angelo at Nanay Leoning.”

Napatingin naman agad siya sa kapapasok lamang na dalaga. Nakasuot muli ito ng mahabang palda habang ang pang-itaas ay nababalot ng damit na may mahahabang manggas. Agad itong napatingin sa kaniya at ginawaran siya ng isang pagkatamis-tamis na ngiti. Hindi rin nagtagal ang mga paningin nito sa kaniya at agad na lumapit sa kaniya upang alalayan siya tumayo.

“Hindi na, ‘wag na. Kaya ko naman na,” agad niyang turan sabay dali-daling tumayo mula sa pagkakaupo.

Nais niyang pagsusuntukin ang sarili nang mapansin niya ang hiyang biglang bumalot sa mukha ng dalaga. Nagsisisi man sa nagawang pagtanggi ay pinigilan na niya ang sariling magsalita at baka kung ano pa  ang lumabas sa kaniyang bibig.

“Mabuti naman kung ganoon hijo. Alam mo naman sa panahon ngayon ay wala ng libre. Kaya’t kung talagang magaling kana at kaya mo na ay maigi lamang na tumulong ka muna sa aming bukirin bago ka umalis at bumalik sa inyo.”

“’Tay Ruben naman. Nakikita niyo namang nahihirapan pa iyong tao ay trabaho na agad ang gusto ninyong ipagawa. Hindi po ba pwede na hayaan nyo munang tuluyang gumaling iyong tao bago ninyo bantaan,” natatawa nitong saad bago muli siyang tingnan at lumabas na ng silid.

Siya naman ay dahan-dahang naglakad upang sumunod na rin sa mga ito. Doon ay nakita niya ang pagkaing nakahain. Inihaw na bangus at itlog na maalat ang ulam nila ngayon. Napapaisip man na maaari siyang matinik ay umupo pa rin ang binata sa kawayang upuan at nagsimula nang kumuha ng kaniyang pagkain.

“Ikaw talaga Ruben, bakit mo binabantaan itong batang ito? Akala mo siguro ay hindi sasabihin sa akin ng apo mo,” biglang tanong ng matandang babae kung kaya’t nagtaas siya ng paningin. Nangingiming ngiti lamang ang kaniyang ginawad sa mga ito at tahimik nang kumain.

“Iyon ay biro lamang ano ka ba naman Leoning. Hindi naman ako katulad ng ibang tao riyan na grabe magpatrabaho bago makakatikim pa ng sigaw at bulyaw mula sa amo. Naku galit na galit talaga ako sa mga taong ganoon.”

Isang beses pa ay nahirapang lumunok ang binata. Napapaisip siya kung alam ba ng mga ito kung anong buhay meron siya sa lungsod? Kung paano niya gawing utusan at sunod-sunuran ang mga empleyado niya? Kung gaano kalakas na sigaw at bulyaw ang ginagawa niya sa tuwing may hindi siya nagugustuhan at maling nagagawa ng mga ito?

“Ano nga ba ang pangalan mo hijo? Matagal kana nandito sa amin pero ni minsan ay hindi pa namin alam ang pangalan mo.”

Dahan-dahan siyang nag angat ng paningin at dahan-dahan niya ring nilunok ang kinakain. Tiningnan niya ang mga taong nasa harapan niya.At bakas na bakas sa mga mukha nito ang paghihintay sa sagot niya.

“Jolo Raymundo po-”

“Jolo ba ang totoong pangalan mo?” bigla naman napunta ang buong atensyon ng binata sa dalaga nang ito naman ang nagtanong.

“John Louis ang buo kong pangalan. Pero mas nakasanayan ko nang tawagin akong Jolo,” pagpapaliwanag niya sabay abot ng basong may tubig upang uminom dahil pakiramdam niya ay natutuyuan siya ng laway.

“Pero mas maganda ang Louis. Parang tunog mayaman-”

“Ano naman ngayon kung tunog mayaman Shella? Ikaw bata ka iwas-iwasan mo iyang pagpapantasya sa mga mayayaman dahil masasama ang mga ugali ng mga ganiyang tao. Kita mo nalang sila Kapitan? Umangat lang ng kaunti ay akala mong sino nang mayaman, kung matahin ka dahil lang sa niligawan ka ng panganay nila,” mababakas ang yamot sa mukha ng matandang lalaki habang nginunguya ang pagkaing nasa loob ng bibig nito.

“Ano ka ba naman ‘tay hindi naman ganoong mga tulad ni Mario ang tipo ko. Masyado siyang mayabang na para bang buong katawan niya ay hangin lamang ang laman.”

Hindi na napigilan ng binatang ilabas ang kanina niya pang pinipigilan na tawa. Natawa lamang siya sa paglalarawan ng dalaga sa kung sino mang Mario na iyon. Sabay-sabay namang napunta sa kanya ang atensyon ng mga taong kasabay niyang kumain.

“Sorry po, natawa lang ako,” aniya sabay baba ng tingin na may ngiti pa rin sa kanyang labi.

“Ikaw ba Jolo? Jolo ba tama ako? Ano naman ang pinagkakaabalahan mo bago ka maaksidente?”

Nagdalawang-isip ang binata kung sasabihin ba niya ang totoong trabaho at estado niya bago siya maaksidente ngunit naisip  niya ang sinabi ng matandang lalaki, ayaw nito sa mga mayayaman. Kung sasabihin niyang nagpapatakbo siya ng negosyong kumikita ng milyun-milyon ay baka hindi pa niya nalulunok ang pagkain sa bibig ay tinadyakan na siya nito palayo sa kanilang lugar.

“Ano po ako, nagbebenta ng mga cellphones, laptop at saka telebisyon po.”

“Tunay naman ba ang binibenta mo? Ngayon kasi ang pagkakaalam ko ay napapadalas ang nakawan ng mga gamit bago ibebenta lang naman ulit. Ikaw ba iyong mga binibenta mo ay tunay at hindi galing sa nakaw?”

Hindi maintindihan ng binata kung saan nanggagaling ang asar na lumukob sa pagkatao niya. Totoo naman ang sinabi nito dahil marami na rin siyang nabasang ireport na pinapadeactivate ang ibang unit ng kompanya niya dahil nga nanakaw o hindi kaya’y nawala.

“Oo naman po. Dekalidad at tunay ang mga iyon. Hindi po nakaw ang ga iyon dahil gawa po namin ang mga produktong inilalabas namin,” hindi niya maitago ang yabang sa kanyang boses. Syempre naman produkto niya iyon. Gawa niya iyon at sigurado siyang mananatiling nasa tuktok ang pangalan ng kompanya niya pagdating sa usaping mga gadgets.

“’Sus maniwala ako sayo. Pero sa totoo lang, mahal kasi ang mga iyon. Bukod pa doon ay baka hindi na matulog ng maayos at mautusan itong si Angelo kung sakaling magkaroon kami ng ganoon-”

“Ng ano po? Ng cellphone po ba?”

“Hindi ano ka ba. Iyong telebisyon na sinasabi mo. Masyado iyong mahal at maraming bagay ang mas kailangang unahin at pagtuunan ng gastusin at atensyon ngayon. Lalo na itong si Angelo dahil sa sunod na taon ay mag-aaral na ito ng elementarya.”

“Eh ‘tay bakit naman po sila Dave may telebisyon pero nauutusan pa rin-”

“Sila iyon. Huwag mo sabihing naiingit ka sa kanila?”

“Hindi po ‘tay ano. Dahil sa mga kwento palang ni ate Shella ay kuntento na ako. Daig ko pa nga iyong mga nasa  loob ng telebisyon dahil sa tuwing nagkekwento si ate Shella, pakiramdam ko ako rin iyon tao sa kwento niya. Diba ate?” manghang tanong ng bata sa dalaga.

“Oo naman Angelo, hayaan mo’t kekwentuhan kita ng maraming-marami hanggang sa ikaw na mismo ang magsawang makinig sa akin-”

“Hindi iyon mangyayari ate dahil para sa’kin ikaw ang the best!”

Natatawa na lamang silang lahat sa kabibuhang pinapakita ng batang si Angelo. Animo’y bilib na bilib talaga ito sa dalaga. Nang matapos silang kumain ay nagpresinta na ang dalagang tutulungan si nanay Leoning sa paghuhugas at pagliligpit ng kanilang pinagkainan. Ngayon ay silang tatlo na lamang mga kalalakihan ang natira sa lilim ng mga puno.

“Pero sa totoo lang Jolo hijo, kailangang-kailangan namin ng dagdag tao ngayon sa bukirin. Tingnan mo na lamang iyang malawak na nakikita mong palayan. Lahat ng iyan ay amin ng nanay Leoning mo. Kaya lamang ay nakasanla ito ngayon, dahil noong nakaraang dalawang buwan ay isinugod si Angelo sa ospital. Nadengue na pala buti nalang at naagapan, iyon nga lamang ay nagipit naman kami. Walang mapagkukunang pera kaya napilitan kami ng nanay Leoning mo na panandaliang isanla ang lupa. Maayos naman ang kasunduan noong una, iyon nga lamang ay biglang nagbago ang isip nila Kapitan. Minamadali nila kami ngayon magbayad. Pinakiusapan ko na nga lang na bigyan pa kami ng kaunting palugit dahil unti-unti palang naman kami bumabangon-”

“Magkano po ba iyon?” singit niya sa pagkekwento ng matanda.

“Naku talagang magagalit sa akin ang nanay Leoning mo kung pag-iisipin pa kita. Iyon nga lang pagbibiro ko na pagtatrabahuin kita bago umalis ay nagalit na paano pa kaya kung pati problema namin ay sabihin ko pa sa iyo.”

“Kung ayaw niyo pong sabihin sa ngayon ay huwag kayong mag-alala dahil bukas na bukas ay gigising nang maaga upang tulungan kayo, iyon man lang ay makabawi ako.”

“Talaga ba hijo? Mabuti naman pero huwag mong babanggitin sa nanay Leoning mo na nag-usap tayo tungkol sa lupa at bukirin ha. Malalagot talaga ako roon.”

“Huwag po kayong mag-alala dahil hinding-hindi ko po iyon pagsasabi kahit kanino.”

“Sige, dito ka muna at pupuntahan ko lang ang nanay mo, namimiss ko na ang asawa ko. Hindi ko talaga matagalan na mawala siya sa paningin ko. Pakiramdam ko ay may kulang sa pagkatao ko.”

Agad itong nagpaalam at umalis sa kanyang tabi. Napalingon siya sa kanyang likuran upang tingnan kung nakikinig ba ang batang si Angelo sa kanilang usapin ni Tatay Ruben ngunit napangiti siya nang makitang himbing na himbing na ito sa pagkakatulog.

Napagdesisyunan niyang tumulong muna sa mga taong tumulong sa kaniya. Kahit na nga ba alam naman niyang kayang-kaya niyang bayaran ang sinasabing utang ng mga matatanda ay gusto niya pa ring sa pagtatrabaho siya magbalik ng tulong. Hindi naman siguro iyon masama. Hindi naman siguro basta-basta lulubog ang ginawa niyang kompanya lalo na’t alam niyang mayroon siyang mapagkakatiwalaang sekretarya.

Oo nga pala mayroon siyang sekretarya. Bakit parang walang kumikilos para hanapin siya?

Nawala siya sa pag-iisip nang mamataan ang dalagang papalapit sa kaniya. Bukod sa makatulong ay isa rin ito sa mga dahilan niya kung bakit gusto niyang manatili muna panandalian dito. Gustong-gusto niyang pinagmamasdan ang inosente at maamo nitong mukha.

Agad siyang nagsisi sa naisip. Hindi pupwedeng nagkakagusto siya sa dalaga. Hindi maaari dahil una may girlfriend siyang naghihintay sa kanyang pagbabalik at pangalawa, kakikilala niya lamang sa dalaga. Imposibleng mahulog siya rito nang ganoon kabilis.

“Anong iniisip mo? Halika na sa loob nang makapagpahinga ka,” yaya nito at akmang bubuhatin ang batang natutulog kaya’t agad siyang tumayo upang gawin ang binabalak nito.

“Ako na-” aniya sabay pwesto at akma nang bubuhatin ang bata nang bigla siyang hinigit ng dalaga upang pigilan.

“Hindi ka pa magaling. Iyong mga sugat mo, pag napwersa ka ay maaaring bumuka ang mga iyon at dumugo-”

“Mas gugustuhin ko pang bumuka at dumugo ang mga iyon kaysa naman hayaan kang makitang nagbubuhat.”

Hindi na rin nakipagtalo ang dalaga at mabilis na lamang na sumang-ayon. Nang hindi sinasadya ay nagkasabay sila sa pagpasok sa makipot na pintuan. Pakiramdam niya ay bigla siyang nakaramdam ng kuryente nang magtama ang kanilang mga braso at maramdaman ang dulas at kinis ng balat nito.  Hindi tuloy niya alam kung tutuloy ba siyang pumasok o pauunahin muna ang dalaga.

Nagkatinginan silang dalawa at si Shella na ang nagbigay daan bago nahihiyang sumunod sa kanya. Inilapag niya si Angelo sa higaan nito bago muling tinapunan ng tingin ang dalaga, nakayuko na ito at halata ang pag-iwas sa kanyang mga mata.

“S-salamat. P-pumasok kana sa silid mo para makapagpahinga kana,” turan nito sabay lihis ng tingin at mabilis na tumalikod upang lumabas. Hinabol na lamang niya ito ng tingin bago napagdesisyunang magpahinga na rin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status