Share

Kabanata 4

PALAISIPAN pa rin kay Claire ang babala ni Kaloy sa kanya kagabi. Tatanungin pa sana n’ya kung ano ang ibig nitong sabihin ngunit mabilis na itong pumuslit paalis nang marinig ang papalapit na mga katrabaho.

Tinanong pa s’ya ng mga ito kung bakit s’ya nasa likod ng restaurant pero mas minabuti na lang n’yang ilihim ang nangyari.

Sa isip-isip n’ya ay baka kinain lang ng galit ang gwardya kay Luca dahil ito ang dahilan ng kanyang pagkasisante. Mukhang nasali pa nga sa gulo ang gwardya dahil sa mga pasa at sugat nito sa mukha. Mukhang hindi naging maganda ang pagtanggap ni Kaloy sa nangyari. Wala pang isang araw ay sinisira na agad nito ang kanyang buhay.

“Claire?”

Nilingon ng dalaga ang lalaking tumawag sa kanya. Walang iba kundi ang kanyang Tito Alfred. Umupo ito sa bangkong kaharap ng kanyang kama.

“Are you still mad at me?” malambing na tanong nito sa kanya. Humaba ang nguso ng dalaga at masungit na nag-iwas ng tingin sa matanda. “I’m sorry, pamangkin. I was just worried about you.” Nanatiling tahimik ang dalaga. “Hindi mo ba kayang patawarin ang napakagwapo mong Tatay?” pabiro nitong saad at sinundot pa ang kanyang lumolobong pisngi na palagi nitong ginagawa no’ng bata pa lamang s’ya.

Hindi na napigilang mapangiti ng dalaga. Kahit kailan talaga ay alam nito kung paano s’ya papaamuhin.

Si Alfred na ang tumayong tatay n’ya magmula ng mamatay ang kanyang Daddy. Tinuring n’ya itong tunay na ama at gano’n din naman ito sa kanya.

Yumakap si Claire sa lalaki. “Thank you po. I know letting me do this was a hard choice for you, but you still trusted me,” nangingilid ang luhang wika nito. Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa labi ni Alfred. Natutuwa s’yang marinig ang sinabi ng dalaga. Ni minsan ay hindi nito kinuwestiyon ang kakayahan ni Claire. Katunayan nga ay s’ya ang unang taong laging sumusuporta rito.

Marahang hinaplos ng matanda ang buhok ng pamangkin. “Maghahanda ka ba sa trabaho o gusto mong mag-iyakan na lang tayo dito buong magdamag?” biro ni Alfred.

Natatawang pinunasan ni Claire ang basa n’yang pisngi at matamis na ngumiti sa matanda.

NAHULI na ng dating ang dalaga sa pinagtatrabahuhang ospital dahil sa traffic. May banggaan kasing nangyari sa highway na nagdulot nang magkakabuhol na sasakyan at motorista. Bahagya pang gusot ang mukha ng doktora sa inis dahil aksidenteng natapon sa kanya ang biniling kape nang bigla na lang may sumingit na motor sa harapan n’ya.

Hinintay ni Claire ang pagbati ng masayahing gwardya sa kanya ngunit ganon na lang ang lungkot n’ya nang maalala na natanggal na nga pala ito sa trabaho.

“Hello, Doctor Claire!” nakangising bati ng pilyong doktor sa dalaga.

Tanging tango ang naging sagot ni Claire sa binata. Wala s’yang interes na kausapin ang makulit na lalaki. Mas gugustuhin pa n’yang malugmok dahil sa pagkawala ni Kaloy sa ospital kaysa makausap ito. Mukhang hindi naman nakuha ng pilyong doktor ang mensahe ni Claire at bumuntot pa rito hanggang makapasok sa kanyang opisina. Hindi naman s’ya napansin ng dalagang may okupadong isip kaya gano’n na lang ang gulat nito nang makita itong nasa likuran n’ya.

“Do—Doctor Josh! Bakit kayo nandito?” naiilang na tanong n’ya habang nanlalaki ang dalawang mata. Hindi s’ya sinagot ng lalaki. Sa halip ay pilyong ngiti lang ang sinukli nito sa kanya. “May kailangan ka ba?” muling tanong n’ya. Napakunot ang noo ni Claire nang kusa nitong isinara ang pinto ng kanyang opisina.

Binalot ng kaba ang magandang doktora.

Mukhang may masamang balak sa kanya ang katrabahong si Josh.

“I’m not asking you again, Doctor Garcia. This is my office and you’re invading my privacy!”

Hindi na napigilang magtaas ng boses ni Claire. Hindi n’ya alam kung dahil ba ito sa motorista o sa traffic na naranasan n’ya kanina, o sadyang mainit lang talaga ang dugo n’ya sa lalaki. Kagabi pa n’ya napapansin ang malagkit na tingin nito sa kanya kagabi. Makailang beses din nitong sinubukang pagdikitin ang kanilang mga balat kahit na kusa na s’yang lumalayo. Isinawalang bahala n’ya ito dahil sa pag-aakalang baka gano’n lang talaga ang lalaki pero ibang usapan na yata ngayon ang pagsunod nito sa private space n’ya.

Kinapa n’ya ang malaking stapler sa lamesa at tinutok sa lalaki.

Agad na itinaas ng binatang doktor ang kanyang mga kamay. “Woah! Woah! Chill…” Masama n’yang tiningnan ang lalaki. “I’m not here to do whatever it is you’re thinking right now, Claire. Nandito ako to ask for some spare folders. I ran out kasi e,” wika nito. Napakurap ang dalaga sa sinabi ng lalaki.

Spare folders? Iyon lang naman pala ang kailangan nito. Bakit pa s’ya kailangang sundan na parang isang manyakis.

“G—Gano’n ba. I’ll see if I have some.”

Nakangising pinanood ng pilyong doktor ang pagtuwad ni Claire para maghanap ng folder sa kanyang desk.

Inabot ng doktora sa lalaki ang nahanap na folder. Isang matamis na ngiti ang binigay nito sa kanya. “Thanks, doctor…” pilyong saad nito bago umalis ng kanyang opisina.

Agad na napadantay sa lamesa ang doktorang si Claire. Masyado na yata s’yang paranoid. Nakuha pa tuloy n’yang pagbintangan ang katrabahong si Josh. Malay ba n’ya kung ganito lang talaga ito umakto. May mga tao kasing parang manyakis kung umasta pero gentleman naman pala talaga. Kagaya ng Tito Alfred n’ya. Mukha itong istrikto sa itsura pero deep inside ay mas malambot pa ito sa bulak.

Nagpalit lang saglit ng damit si Claire bago umakyat ng ika-13 na palapag ng ospital. Sapat ma siguro ang isang gabing pahinga n’ya para bumalik sa normal. Bagaman at sariwa pa sa kanyang isip ang ginawa nitong kalokohan sa kanya ay pinili n’yang iwaksi ang nararamdamang hiya at inis sa pasyente. Gusto n’yang matulungan ito.

Habang nagsusulat sa log book ay napansin s’ya ng isang nars na nakasama kagabi.

“Good morning, Doctor Claire. Medyo late tayo ngayon, ah?” bati nito. Ngumiti si Claire sa babae. Sinilip n’ya ang likuran nito na tila may hinahanap. Napansin naman ito ng nars. “Si Nars Stella po ba? Eh nasa Room 214 po. Naghatid ng gamot.” Kusa na itong nagpaliwanag sa doktora. Alam kasi n’yang hinahanap lang nito ang lagi n’yang kasamang nars.

“Sorry. Nakakapanibago lang na hindi mo s’ya kasama. You’re always together kasi when I do my rounds on this floor.”

“Ahaha! Close po kasi talaga kami ng babaeng iyon. Lagi ko nga po iyon kas—”

“AHHHHH!”

Isang malakas na sigaw ang pumutol sa pagsasalita ng nars. Nagkatinginan ang dalawang babae. Hindi sila p’wedeng magkamali. Galing ito sa kwarto kung nasaan ngayon si Stella.

Mabilis silang tumakbo papunta sa Room 214 kung saan nila dinatnan ang nars na takot at nakaupo sa sahig. Agad s’yang nilapitan ng kasamang nars. “Bakit, Stella?! Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong nito at ilang ulit na inalog ang balikat ng kaibigan.

Nanlalaki ang mata nitong tinuro ang kama ng pasyente. “S—Si Mayor Jaime…” nauutal nitong saad. Agad dinapuan ng tingin ni Claire ang tinuturo ng nars at napaawang ang bibig n’ya sa nakita.

Ang pasyenteng nakalawit ang dila at bali ang leeg ay walang buhay na nakatingin sa kanya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status