Share

My Beautiful Stranger
My Beautiful Stranger
Author: Yenoh Smile

KABANATA 1

"Lumayas ka na ditong bata ka! Isang taon kayong hindi nagbayad sa akin!" sigaw ng landlady nila.

"Manang Rose, hahanap na apo ako ng pera bukas. Huwag niyo lang po akong palayasin ngayon. Wala po akong ibang mapupuntahan." 

Pinagkiskis niya ang mga palad sa harap nito. Kulang na lang ay lumuhod siya huwag lang siya nitong palayasin. Wala na siyang mapupuntahan. Walang kakilala sa ibang kamag-anak nila.

"Naku, Yvonne. Simula ng mamatay ang Lolo mo, pinagbigyan na kita! Pinaabot mo pa ng isang taon ang utang ninyo! Aba, may pamilya din akong pinapakain, kailangan ko ang pera!" Winaksi nito ang kamay niya at tinulak pa siya palayo sa kahoy na bahay.

Naninikip ang dibdib ni Yvonne. Hindi niya alam kung saan siya pupulutin pagkatapos nito. Hinawakan niya ang palda ng Ginang ngunit muntik pa siyang lumipad sa ere sa sipa nito. Sumubsob siya sa lupa. Ni walang nagtakang tumulong sa kanya sa mga kapitbahay nila.

"Lumayas ka na ngayon, Yvonne. Huwag mo ng hintayin pang magdilim ang paningin ko sa'yo!"

Kinagat niya ang labi at tiniis ang sakit ng tuhod at likod niya. Hindi siya pwedeng sumuko. Kailangan niyang mabuhay para sa alaala ng Lolo niya. Kailangan niya pang hanapin ang mga magulang niya.

"Isang buwan pa po—"

"Manahimik ka! Lumayas ka na sa conpound na 'to! Huwag ka na ring umasa pang makakakuha ka ng damit o kahit anong gamit. Bayad mo na sa akin lahat!" Umirap ang Ginang, tumalikod at kinando ang kahoy na bahay.

Bagsak ang balikat niyang tinanaw ito. Tinaasan pa siya ng kilay bago nagmartsa paalis. Nanlumo siya. Hindi niya alam kanino siya hihingi ng tulong. Paglingon niya pa sa mga kapitbahay niyang nakikinig kanina, nagsi-iwas ng tingin ang mga ito. Hindi naman niya ipipilit ang sarili kung ayaw nila.

Namimigat ang paghinga niya at nanlalabo ang mga mata paalis sa lugar kung saan siya lumaki kasama ang Lolo niya. Ayaw niyang umalis sa upahan na iyon lalo pa't nandoon ang lahat ng alaala ng Lolo niya. Pero ngayon, heto at paalis na siya na walang dalang kahit ano bukod sa suot niyang damit at tsinelas. Kahit papadilim na ay nagtungo pa rin siya sa sementeryo. Ang Lolo niya lang ang makakaintindi sa kanya sa ganitong sitwasyon. 

Hindi matigil sa pag-iyak si Yvonne sa harap ng puntod ng Lolo Isko niya. Bumalik sa alaala niya ang pagkamatay nito. Hindi niya lubos maisip na ganoon na lang binawi ang buhay nito. Namatay ito mula sa pagtulog. Ngayon, naiwan na siyang mag-isa sa edad na labing walo. Ni hindi alam kung saan siya titira.

"Lolo, ang daya mo naman! Hindi pa nga ako pumapayat, nang-iwan ka na agad!" maktol niya bago pumalahaw ng iyak.

Ilang buwan na rin ang nakalipas noong bawian ito ng buhay. Noong libing nito ay mahinhin siyang umiiyak dahil na rin sa dami ng tao, ngayong mag-isa na siya sa sementeryo ay pumapalahaw na. Paanong hindi siya iiyak ng malala kung wala na siyang mapupuntahan? Baka ngayong gabi ay sa lansangan siya matulog.

Wala naman siyang kamag-anak ni isa sa lugar na iyon. Sabi nga ng iba, pinulot lang daw ata siya ng Lolo niya sa kangkungan. Singaw lang daw siya sa buhay nito.

"Lolo Isko! Isama mo na lang ako!" muling sigaw niya na may kasamang pag-iyak.

Bumagsak siya ng upo sa puntod nito. Gusto na nga rin niyang humiga sa kabaong. Namalisbis ang mga luha niya. Ngayon niya nararamdaman ang mas paninikip ng dibdib. Mamaya, didilim na at mananatili siya sa labas. Walang tulugan at walang laman ang tiyan.

"He's a great friend. Isko is a great man as well. Nahuli na pala ako."

Nangunot ang noo niya sa boses ng matanda. Minumulto na yata siya ng kanyang Lolo Isko.

"Ikaw ba ang nag-iisang apo niya?"

Napabaling siya sa kanyang likuran. Doon niya nakita ang matandang naka-itim na suit at matikas pa rin ang tindig ngunit puti na ang buhok nito. Sa tabi nito ay ang lalaking may hawak na payong. Walang ngiti sa mga labi at diretso ang tingin.

Mabilis siyang tumayo at pinunasan ang mga luha niya. Pinagpag niya rin ang puting bestida niyang luma. Nagkukulay dilaw na, nadumihan pa kanina.

"Sino po sila?" magalang niyang tanong.

Sa itsura ng matanda ay mayaman ito. Natanaw niya pa ang magarang itim na sasakyan nito.

"I'm Frederick Castellanos. Matalik kong kababata ang Lolo mo. Sayang at hindi kami nagkita muli. Nahuli ako."

Lumungkot ang boses nito kaya't maging siya ay nalungkot. Nagyuko siya. Gusto niyang magmano ngunit nahihiya. Marumi pa ang mga kamay niya. Puno pa yata siya ng uhog.

"Hindi niya po kayo nakwento," pag-amin niya.

Wala naman kasing sinabi ang Lolo niyang kaibigan. Ni hindi niya nga alam kung sinong Nanay niya o Tatay. Maging Lola niya ay hindi niya kilala. Para lang talaga siyang singaw sa mundong ibabaw.

"Ayaw na kasi niyang bumalik sa alta sosyedad. Iniisip niya ang nag-iisa niyang apo, Hija," kwento nito.

Namilog ang mga mata niya. Alta-sosyedad? Ibig bang sabihin ay mayaman din ang Lolo niya? Pero bakit wala man lang pinamana sa kanya? Atsaka bakit pa sila nangupahan kung may mansyon ito?

"Hindi naman po mayaman ang Lolo ko. Wala din po kaming magarang bahay—"

"Ilang taon ka na?" putol nito sa mga sasabihin niya.

Bahagya siyang nainis ngunit dahil nakangiti ang matanda ay pinilit niyang ngumiti rin.

"Eighteen po."

"Eighteen," pag-uulit ng matanda bago binalingan ang assisstant nito, "28 pa lang si Alaric di ba, Jayson?"

"Yes, Sir. Kahihiwalay lang sa girlfriend niya. Lumipad po ng ibang bansa si Miss Margarita."

Napataas ang kilay niya. Akala niya ay tahimik ang lalaki. Simpleng marites pala ito.

"Good then." Binalingan siya nito at ngumiti nang malawak,"What's your name, Hija?"

"Yvonne po."

"Yvonne, do you wanna live in the mansion and marry my grandson?"

Natulala si Yvonne. Hindi niya alam na iyon ang babago sa buhay niya. Natagpuan na lang niya ang sarili sa magarang white house. Sa maynila na iyon. Parang anghel ang matanda na bumaba sa langit at sinagot ang problema niya. Sa isang iglap, hindi na siya sa lansangan matutulog kun'di sa isang mansyon. Pinamili pa siya ng matanda ng damit sa Mall. Ngayon naman ay pinagpahinga siya sa guestroom. Tatawagin na lang daw kapag dumating na ang apo nito.

Naligo siya para hindi naman nakakahiya sa apo nito. Saktong natapos siyang magsuklay noong katukin siya ni Jayson. Tinuro lang nito ang labas. Sumunod siya roon hanggang sa kusina. Doon pa lang ay naririnig na niya ang matanda at apo nito.

"So you think marrying her is the best solution for my heartache?" sarkastikong bigkas ng malalim na boses.

"Why not? Hindi ko rin naman maiwan ang bata. Baka multuhin ako ng Lolo Isko niya."

Dinig niyang nagmura ang lalaki, "Fuck. A kid? Sabi niyo eighteen na. Lo, I'm already twenty-eight. Two and eight. Parang bunsong kapatid ko lang iyan," may gigil at diing protesta nito.

Humalakhak lang si Don Frederick, "Trust my instinct, Apo. Akong bahala sa buhay niyo. Tahimik na si Aldo. Ikaw naman ang patatahimkin ko pagkatapos ay si Apollo—"

Natigil ang matanda matapos nilang tuluyang pumasok sa kusina. Umakto siyang walang narinig. Wala naman siyang pagpipilian ngayon. Mas gusto na niyang maikasal sa isang mayaman kaysa pulutin sa kangkungan.

"See? She's a lady, Alaric. A beautiful lady."

Maliit siyang ngumiti. Nag-init ang mga pisngi niya sa papuri. Akmang magpapasalamat siya ngunit nasalubong niya ang matiim na tingin ng apo nito. Bahagya siyang naestatwa. Pakiramdam niya, may bumabang anghel na abo ang mata sa harap niya. Kung pwede lang maglaway ay maglalaway siya.

Napalunok siya noong ngumiti ito. Mali. Ngumisi ito. Napansin din niya ang namumuti nitong kamay na nakahawak sa baso. Tila doon binubuhos ang gigil nito.

"Ang payat niya," biglang bigkas nito.

Namilog ang mga mata niya at napatingin sa katawan. Hindi niya alam kung insulto iyon. Hindi siya payat. Sa katunayan ay chubby siya. Malaman maging mga hita niya. Sakto lang iyon sa height niya. Marami pa naman siyang kasyang damit. Ika ng kapitbahay nila ay chubby is the new sexy. Naniniwala siya doon.

"Alaric, treat her well. Feed her well too," habilin ng Lolo nito.

"Come, Hija. Join us here. Pag-usapan natin ang engagement niyo bukas," dagdag pa ng matanda.

Nagulat man siya ay hindi niya pinahalata. Pero ang apo nito ay lumalalim ang gitla sa noo habang sinusundan ng tingin ang pag-upo niya.

"Bukas na agad, Lo?"

"Kailangan pa bang patagalin? Pagkatapos ng engagement niyo bukas, kasal naman kinabukasan. Ako ng bahala sa lahat." Tumawa pa ang matanda na nasisiyahan sa mga sariling plano nito.

Hindi makaimik si Yvonne. Masyadong mabilis iyon. Parang sanay na sanay sa arranged marriage ang napuntahan niyang pamilya.

"That fast? Wala man lang ba akong bachelor party? Kailangan kong magpaalam sa mga kaibigan ko, Lo. Isa pa, sasabihin ko pa kay Kuya Aldo at kay Apollo—"

"There's no need for that. Baka tumakas ka pa, Alaric. Magpakabait ka naman sa harap ng mapapangasawa mo."

Napaiwas ng tingin si Yvonne noong lingunin siya ni Alaric. Hindi naman ito mukhang galit, pero hindi rin mukhang natutuwa sa sitwasyon. Huminga ito nang malalim at bigla na lang nilagyan ng kanin ang plato niya.

Bumilis ang kabog ng dibdib niya sa inakto nito. Seryoso ito sa ginagawa na para bang handa siyang pagsilbihan nito. Mas lalo na noong bigyan siya nito ng pilit na ngiti, ni hindi umabot sa mga mata pero hindi niya maialis ang titig roon.

"Mukhang magkakasundo naman kayo. Aakyat na ako. Sabay kayong magdinner. Basta bukas na ang engagement."

"Noted, Lo," tamad nitong bigkas.

Tumigil si Don Frederick sa gilid ng lalaki at tinapik ang balikat nito.

"She's just eighteen, Alaric. Please, no bed," pakiusap nito.

Inosente siyang tumingin sa dalawa. Hindi naman niya maintindihan ang pakiusap ni Don Frederick. Pero si Alaric ay bahagyang nanlaki ang mga mata.

"What, Lo? I don't bed women at her age, unless she wants me to do so." Maliit itong ngumisi at mabilis siyang sinulyapan.

Sarkastikong tumawa ang matanda, "I know you, Alaric. Akala mo ba hindi ko alam kung ilang babae ang pinuslit mo sa hotel bago kayo nagkabalikan ni Margarita? Ngayong hiwalay kayo ulit, huwag na huwag mong iisiping ulitin iyon. At mas lalong huwag kay Yvonne!"

Napaangat ang mga balikat ni Yvonne. Natakot para sa sariling dangal pero nakumbinse siya ng pilit na ngiti ni Alaric na hindi ito gagawa ng masama.

"Noted, Lo. Kikilalanin lang namin ang isa't isa. Mahirap na at baka pareho kaming estranghero sa sarili naming engagement at kasal," tunog sarkastiko ang boses nito.

Tumango ang matanda at tuluyan silang iniwan sa kusina. Hindi siya makatingin kay Alaric. Namumula ang mga pisngi niya sa kaisipang marami na itong naikamang babae. Nagdalawang isip siya kung tutuloy pa ba siya sa kasal, baka kasi may nakakahawang sakit na ito.

Muntikan na siyang mapasigaw noong hilahin nito ang plato niya. Seryoso na ang mukha nito. Walang bahid ng ngiti.

"Uhm, ako na lang ang maglalagay." 

Pinigil niya ang kamay ng lalaki na naglalagay pa ng kanin sa plato niya. Ngunit agad niya ring nailayo ang mga kamay. Para siyang napaso sa init nito. Tipid siya nitong nginitian. Mabilis na sinulyapan bago halos itaob ang isang bandehadong kanin sa plato niya.

"Kumain ka pa. Ubusin mo lahat ito. Sobrang payat mo," komento nito na nagpaawang sa mga labi niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status