Share

Chapter 1

Tatlong taon. 

Tatlong taon na ang nakalipas matapos ang aming paghihiwalay nang wala man lang maayos na pagpapaalam at malinaw na dahilan. Masakit man ngunit kailangan pa ring bumangon lalo na't para sa anak ko—sa anak namin, si Beatrisse. Yes, I named her after me—derived from my second name. Si Bea ang naging kalakasan ko noong mga panahong lugmok na lugmok ako. 'Yong mga panahong iniwan niya ako nang walang dahilan. 

Sinubukan kong mag-move on, kalimutan siya na tila walang nangyari ngunit mahirap. Daig ko pa ang natengga sa mabigat na trapiko sa EDSA. Sobrang hirap kalimutan 'yong taong minahal mo nang sobra. Iyong taong ipinagdasal mo sa Diyos. Iyong taong ibinigay mo ang lahat. Iyong taong kung saan nakikita mo na ang kinabukasan mo sa kanya.

Ang hirap lamang pakawalan ng taong iyon.

Nasa may lobby kami ng Montajo General Hospital, naghihintay sa paglabas ng mga beteranong doktor na sina Dr. Weasley Montajo, ang medical director ng ospital na ito, Dr. Nathan Reyes, ang Father of Neurology, at si Dr. Jay Sevilla. 

Wala akong masyadong alam tungkol sa buhay ni Dr. Sevilla. Basta ang alam ko lang ay isa siyang pediatrician. Nakilala lamang siya dahil sa sunod-sunod niyang successful operations. Ang isa sa mga greatest achievement niya ay ang kaso ng conjoined twins na magkadikit ang d****b kamakailan lamang.

Naging 50-50 ang chance ng kambal. Maaaring isa sa kanila ang mamatay o mabuhay kung ipagpapatuloy ang operasyon. Ito na ata ang pinakamahirap at pinaka delikado na kasong hinawakan ni Dr. Sevilla. Kaso mukhang sisiw lang sa kanya dahil naging matagumpay ang operasyon at parehong nabuhay ang mga bata. 

Dahil din doon, naging matunog ang kanyang pangalan. Ngunit ayaw na ayaw niyang magpaunlak ng panayam. Masyadong pribado ang buhay niya kaya walang nakakaalam ng tunay niyang katauhan. Isa siyang misteryo ngayon sa mga mata ng madla. Hindi ko alam kung anong rason niya, o anong pakulo ito, pero there is something in him that made me more curious about him.

May girlfriend na kaya siya? Asawa?

“Girl, palabas na sila.” Naputol ang aking pagmumuni-muni nang kalabitin ako ni Isabelle, katrabaho ko't college friend. 

Actually, magkaklase kami noong college. Dahil hindi na kami mapaghiwalay pa, napag-desisyunan namin, kasama si Maegan, na sa iisang kompanya na lamang kami magtrabaho and luckily, tatlo kaming natanggap.

Inihanda ko na ang mga gagamitin ko gaya ng recorder, camera, at steno notebook. Syempre, hindi lang naman dapat sa recorder aasa. Sulat sulat din 'pag may time. At isa pa, dapat maraming back up plans. Para kapag nag fail si plan A, may plan B pa at marami pang plano.

Gano'n dapat tayo kahanda, mga mamsh.

Excited kaming nagsipasukan sa loob ng conference room. Bukod sa importante ang pag-uusapan, ay ito rin ang kauna-unahang beses na makikita on national television si Dr. Sevilla.

In-imagine ko na nga kung anong hitsura niya e. Hay naku, malamang gwapo 'yon!

Bawat upuan ay may nakalagay nang pangalan ng mga media and newspaper company and organization. Ibig sabihin ay ito ang mga imbitadong press na maaaring mag-cover ng press conference na ito. Nakita na namin ang pangalan ng Manila Daily Times na nakapaskil sa monoblock. Lima kasi kaming ipinadala para sa araw na 'to—ako, si Isabelle, Maegan, Beverly, at Simon, na siyang kukuha ng video.

Magkakatabi kaming lima. Kilig na kilig na tumili itong si Beverly sa oras na makaupo kami. Halatang sa aming apat, excluding Simon, ay siya ang pinaka-excited.

“Kinikilig ako! Makikita ko na ang crush kong si Dr. Sevilla.” Nagpapapadyak si Beverly na animo’y may kiti-kiti sa katawan. Tinaasan lang siya ng kilay ni Isabelle. Ewan ko ba rito sa babaeng ito. Sa simula’t sapul ay talagang mainit na ang ulo niya kay Beverly. Mabait naman siya. Siguro ay may ugali lang siya na hindi nais ni Isabelle.

“Crush ka ba?” Pangbabara ni Isabelle kay Beverly. 

Hindi na lang sumagot si Beverly at inirapan niya si Isabelle.  Sinuway ko si Isabelle at baka kung saan pa mapunta ang kanilang away.

Lumabas na si Dr. Weasley Montajo, ang medical director ng MGH. Ang ama ni Dr. Montajo, the late Dr. Enrico Montajo, ang siyang founder ng ospital na ito na itinatag taong 1980. Ang pamilya Montajo ang isa sa mga prominenteng pamilya ng mga doktor dito sa Pilipinas. Mula sa ninuno, hanggang sa kasalukuyang henerasyon, sa mga anak ni Dr. Weasley ay dala-dala na nila ang pagiging doktor.

Malapad ang ngiti ng doktor at nakuha pa nitong kumaway nang humarap siya sa aming mga press. Isa pang kinagigiliwan ng lahat kay Dr. Montajo ay pagiging jolly nito. Sa tuwing nagpapa-press conference siya ay hindi nawawalan ng tawanan at syempre, 'di rin papahuli ang kanyang pa-free lunch.

Paglabas ni Dr. Montajo ay sumunod naman sa kanya si Dr. Nathan Reyes, isa sa pinakatanyag at pinakamagaling na neurosurgeon. Halos lahat ata ng mga medicine student ay iniidolo siya dahil sa kanyang angking galing at sa kanyang libro na talaga nga namang ginagamit sa mga med school.

Isang tao na lamang ang hinihintay ngunit mukhang wala pa siya kaya kinuha ni Dr. Montajo ang mikropono sa kanyang harapan. Tinapik niya muna ito upang i-test kung may tunog ba.

“Good morning, ladies and gentlemen. I would like to apologize that Dr. Sevilla won't be able to join us because of some circumstances. Thank you.” Pagkatapos niyang mag-anunsyo ay napansin ko ang pagkairitang ekspresyon sa kanyang mukha pati ang paghaba nito. Marahil siguro ay dahil sa biglaang pag-alis at hindi pagdalo ni Dr. Sevilla sa press conference na ito.

Nalungkot ang lahat dahil sa balitang iyon dahil siya nga naman talaga ang ipinunta ng nakararami rito. Umani ng samu’t saring reaksyon ang anunsiyong iyon at kabilang na si Beverly na narinig kong nagreklamo kesyo sana hindi na lang daw siya sumama gayong 'di rin naman niya pala makikita ang kanyang 'crush.' Napailing na lang ako.

Pero sa totoo lang, nalungkot din ako. Gusto ko rin talaga siyang makita dahil sobrang na-cu-curious ako sa kanyang pagkakakilanlan.

Sa kabila ng hindi pagdalo ni Dr. Sevilla ay mas piniling ipagpatuloy ang press conference. Ika nga, the show must go on. Tatlong oras din ang itinagal nito at katatapos lamang ngayon. Bukod sa mahirap mag-transcribe, ay pahirapan na naman sa paghahanap ng magandang anggulo, kung anong papatok at bebenta sa takilya. Dahil tapos na ay pinalabas na kami upang makakain sapagkat nagpa-catering pala sila. 

Perks of being a journalist, I guess.

Humahaba na ang pila kaya pumila na kami. Sino ba naman kasing hindi magugutom sa tatlong oras na puro salita lamang, ‘di ba? Panay lang ang kuwento ni Beverly at wala rin naman akong balak pakinggan ito dahil paulit-ulit lang naman. Wala na siyang ibang bukambibig kundi si Dr. Sevilla. Kaya't heto ay nagbabangayan na naman sina Isabelle, na kahit kailan ay mainit ang dugo parati kay Beverly.

“Feelingera ka na naman girl, ha? Naku, nakamamatay 'yan.” Tinaasan siya ng kilay ni Beverly saka inirapan. Napailing na lang ako. Si Isabelle talaga, laging mainit ang ulo kay Beverly may ginagawa man ito o wala. 

Napahinto ako saglit, at hindi ko na rin naintindihan ang kanilang usapan, nang may nakita akong isang pigura ng tao sa loob ng conference room. Napaka-pamilyar nito sa akin ngunit hindi ko maalala kung sino. Napatingin ako sa pila na mukhang malayo-layo pa naman kami kaya nagpaalam muna ako sa aking mga kasama.

“Guys. CR lang muna ako, ha? I-reserve ninyo na lang ako ng pila.” Tumango lamang sila pagkatapos ay umalis na ako.

Pumunta ako sa direksyon papuntang banyo upang hindi nila mahalata. Mabuti na lamang ay papunta rin iyon sa conference room.

Nang masiguro kong hindi na nila ako abot-tanaw ay dahan-dahan akong pumasok sa loob at nakita kong may kausap si Dr. Montajo. Hindi ko nga lang makita ang mukha sapagkat nakatalikod ito.

Pinasadahan ko ng tingin mula ulo hanggang paa at pinakatitigang mabuti. Likod pa lamang ay alam ko nang gwapo si Dr. Sevilla. Matikas na pangangatawan at biceps niyang hapit na hapit sa manggas ng kanyang damit. 

Na-realize ko ang kagagahang ginagawa ko ngayon kaya agad kong inayos ang sarili ko. Am I simping over him? Kulang na lang ata maglaway ako e. Luminga-linga ako kung may nakakita ba ng ginawa ko at mabuti naman ay wala. Mahiya ka naman, self!

Nagtago lang ako sa likod ng pintuan para hindi nila ako makita at tinakpan ang aking bibig upang hindi ako makalikha ng ingay. Minabuti kong makinig sa kanilang usapan.

“What's wrong with you, Jay? Bakit hindi ka man lang nagsabi agad? Alam mo namang napaka-importante ng press conference na ito.” I gasped in silence, realizing that it was Dr. Jay Sevilla. Yes, si Dr. Sevilla ang kinakausap ngayon ni Dr. Montajo at mukhang seryoso ang usapan nila base sa ekspresyon ng mukha nito. Pinagpatuloy ko ang pakikinig at sumilip ako ng kaunti sa kanila.

Napabuntong-hininga si Dr. Sevilla. “I'm sorry, Dr. Montajo. I'm just not ready for this. Please give me more time.”

“Damn, Sevilla. I have already given you so much time! Ano pa bang gusto mo, ha?!”

Hindi nakasagot si Dr. Sevilla. I felt pity for him all of a sudden. I'm sure he has reasons why he chose not to attend the conference. And whatever reason it is, I understand him.

Akala ko may pag-uusapan pa ang dalawang doktor nang magpaalam na siya kay Dr. Montajo at tumalikod na. Agad naman akong nagtago at umalis sa kinaroonan ko sa takot na baka mahuli ako.

Dumeretso ako patungong CR at doon nagtago sa likod ng hamba. Sumilip ako at nakita kong papalabas na ng conference room si Dr. Sevilla. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko nang maaninag ko na ang kanyang mga mata. Napaka pamilyar nito ngunit hindi ko lang maalala.

This is it, pancit! Makikita ko na ang mukha ng misteryosong si Dr. Sevilla. At hindi ko na palalampasin pa ito...

“Girl excuse me. 'Wag ka ngang humarang sa daan.” Nasira ang pag-aabang ko nang dakdakan ako ng babaeng kaharap ko. Napatingin ako sa aking kinatatayuan at tama nga. Nakaharang nga ako. Nginitian ko na lang siya at humingi ng pasensya. Pero inirapan lang niya ako.

Umismid ako. Akala mo kung sinong maganda.

Bumalik ako sa pagmamasid ngunit sa kasamaang palad ay nawala na si Dr. Sevilla sa aking paningin. Napamura tuloy ako.

I cursed under my breath. Gusto ko man sisihin ang babaeng iyon ngunit wala Wala na akong oras pa. Kumaripas ako ng takbo palabas. Wala na akong pakialam kung may mabangga man ako. Basta ang importante ay maabutan ko si Dr. Sevilla! 

Nagliwanag ang mukha ko nang maabutan ko si Dr. Sevilla palabas ng lobby. Nakatalikod pa rin ito dahil nga naglalakad siya nang maramdaman kong may humablot sa siko ko kaya’t napalingon ako.

“Pamela! Saan ka pupunta? Bakit parang nagmamadali ka?” Paglingon ko, si Maegan pala. May dala-dala siyang plato na may lamang napakaraming pagkain na akala mo'y hindi na pinapakain.

“Ah... E-Eh...” Napahinto ako. Teka, ano ba sasabihin ko rito? Mahirap din kasing mauto ang isang 'to e. Kaya kailangan talaga ay pag-isipan nang mabuti.

Aha! Alam ko na.

“A-Ah, sis. Kailangan ko nang umalis. Kasi tumawag sa akin si Mama at nagpapasundo si Bea. Sige, sis. Alis na ako, bye!” tuloy-tuloy kong sabi. Magsasalita pa sana si Maegan ngunit agad na akong tumalikod at mabilis na umalis.

Nang makalabas ako ay agad hinagilap ng aking mga mata si Dr. Sevilla. Mabuti lang ay kahit may astigmatism ako, nakita ko siya agad. Papasok na ito sa kanyang itim na kotse.

Naisip kong kuhanan na lang siya ng picture para may proof ako na nakita ko na ang kanyang mukha ngunit sa taranta ko ay nahirapan akong mahanap ang aking cellphone. Nang makuha ko na, ay saka namang nakasakay na ito sa kanyang kotse. Hindi ko na tuloy makita ang kanyang mukha dahil heavily tinted ang kotse.

“Sh*t! Sh*t!” inis akong napamura at nagpapa-padyak. Mabilis kong tinungo ang aking kotse. Good thing is, dinala ko ito. Kaninang umaga ay hindi na dapat pa ako magdadala ng kotse ngunit dahil bukod sa maii-stuck ako sa traffic, expect ko na mapupuno ang parking ngunit pinilit ako ni Mama. At buti na lang ay nakinig ako sa aking ina.

Sinundan ko ang papaalis na kotse ni Dr. Sevilla. Hindi ko alam kung saan siya pupunta basta ang mahalaga ay maabutan ko siya. Kung saan-saan din siya dumaan. 

Pakiramdam ko tuloy ay natunugan na niyang may sumusunod sa kanya kaya minabuti kong layuan ang distansya para hindi rin siya makahalata. Huminto ang kanyang sasakyan sa isang condominium. Sa tingin ko ay dito siya tumutuloy ngayon. Tumabi ako kung saan safe at hindi ma-to-towing ang kotse ko. Mahirap na at baka hindi ko na 'to mabawi pa.

Sinigurado ko munang nakapasok na siya nang tuluyan upang 'di niya mapansin na nakasunod ako. Agad kong kinuha ang bag ko saka lumabas ng kotse.

Napa-sign of the cross ako. Jusko. This is it! Sana naman ay maging successful itong pinaggaga-gawa ko. Lumapit ako sa may reception area.

“Good morning! May I know kung saan ang unit ni Dr. Sevilla? U-Uhm, I'm friend of him.” I did all my best. Pakapalan na 'to ng mukha. Hindi ko alam kung na-convince ko ba 'yong receptionist e. Pero sige. Push na lang natin ito.

Mukha namang nakumbinse ko ang receptionist dahil sinabi rin niya sa akin sa huli ang unit number ni Dr. Sevilla. I also surrendered my identification card at pumirma sa logbook. Pagkatapos niyon ay nagkukumahog akong dumeretso patungong elevator.

Sa ikatlong palapag lamang ang kanyang unit pero pakiramdam ko ay napakatagal ko na sa loob ng elevator. Na-diagnose din kasi ako noon na may claustrophobia kung kaya sa t'wing mag-isa lang ako sa mga closed room ay bumibilis ang tibok ng aking puso, at tila kinakapos ng hininga.

Natapos din ang aking pagdurusa sa loob ng elevator na 'yon. Sa susunod nga ay maghahagdan na lang talaga ako. Naabutan ko pa si Dr. Sevilla na naglalakad patungo sa kanyang unit. Pero napahinto ito at lumingon. Sa kaba ko ay agad akong nagtago sa may fire exit.

Sh*t. Nakita kaya niya ako?

Ngayon nagsisisi na ako kung bakit ko pa siya sinundan hanggang dito sa kanyang condo. Mukha tuloy akong stalker! Ang gaga mo talaga, Pamela!

Huminga ako nang malalim at saka ibinuga ito. Pilit kong pinapakalma ang aking sarili. Nang maging okay na ako, sumilip ako upang tignan kung nandoon pa ba siya. Nang masiguro kong wala na si Dr. Sevilla ay lumabas na ako mula sa aking pinagtataguan.

Nakahinga ako ng maluwag. Muntik na ako doon ah. Naku, 'pag nagkataon ay malalagot talaga ako sa doktor na 'yon. Hahakbang na sana ako papunta sa kanyang unit nang mayroon akong maramdamang mainit na hininga sa aking batok na nagbigay ng kilabot sa akin.

“Who are you! What are you doing here? And are you stalking me?”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status