Share

Chapter 2

Rose

 “Tiyang! Tiyang! Pabuksan ho itong pinto!” sigaw ko habang kumakatok sa pinto ng bahay ng tiyahin ko.

 Malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan na sinabayan pa ng kulog at kidlat. Baha na rin sa kalsada na dinaanan ko kanina at mabuti na lang na naabutan ko pa ang mga traysikel sa kanto. Kung hindi ay wala na naman akong masakyan papasok dito sa bahay ng tiyahin ko kung saan ako pansamantalang tumutuloy.

 Badtrip pa ako kaninang may aroganteng lalaking tinalsikan ako ng tubig sa daan at ang lagay pa ay naligo pa ako ng amoy putik na tubig. Ang lalaking iyon na hindi man lang ako pinilit na ihatid! Nanginginig na rin ako sa lamig dahil halos buong katawan ko ay basa.

 “Oh, Rose!” sambit ng tiyahin ko nang pagbuksan niya ako. “Diyos ko! Bakit basang-basa ka? Wala ka bang payong? Halika at pumasok ka na rito!”

 “Eh, masyadong malakas ho ang ulan sa labas, Tiyang Nely. Maaliwalas naman ang panahon kaninang umaga at nitong uuwi na ako ay bumuhos naman ang ulan. Tapos niyan ay tinalsikan pa ako ng dumaang sasakyan kanina. Aba’t ang bilis niyang magpaharurot ng sasakyan na akala mo ay hari ng daan at heto tuloy akong basang-basa!” reklamo ko na naman dahil naalala ko ang kotseng iyon kanina. 

 “Hay, naku! Huwag ka ng magtaka dahil ganito talaga minsan sa Maynila. Ang mga driver ngayon ay masyado ng swapang sa daan at hindi na tayo iniisip. Oh, magbihis ka na muna at ipaghahanda kita ng hapunan mo.”

 “Salamat ho, Tiyang Nely.”

 Pumasok na lang ako sa kwarto upang makapagbihis na rin subalit nakatatak pa rin sa isipan ko ang mukha ng lalaki kanina. Sa hitsura pa lang niya ay halatang mayaman na talaga at kung hindi lang siya arogante sa daan ay baka magka-crush pa ako sa kaniya. Kaso siraulo rin ang kumag na iyon!

 Narito ako sa Maynila upang asikasuhin ang insurance ng tatay ko sa isang insurance company. May tumawag sa akin na agent na kinakailangan ko rin lumuwas upang mapag-usapan ang tungkol dito.

 Tatlong buwan na ang nakalipas nang mamatay ang tatay ko sa sakit sa puso. Inatake siya habang nasa trabaho niya bilang foreman sa isang Engineering Company. Masakit man na mawalan kami ng taong minamahal ay heto ako na lumalaban para sa ina at mga kapatid ko.

 May sakit ang nanay ko at ang mga kapatid ko pa naman na nag-aaral pa. Ang isa ay nasa high school at ang isa ay elementarya pa. Ako ang tanging inaasahan ng tatay ko pero ngayon wala na siya ay pasan-pasan ko na rin ang mabigat na problemang iniwan niya.

 “Oh, heto. Mainit na sabaw iyan para mainitan ang sikmura mo.” Inilapag ng tiyahin ko ang mainit na sabaw at kanin sa hapag matapos akong makapagbihis at lumabas ng kwarto. “Kumusta ang lakad mo kanina? Nakausap mo na ba ang agent?” panimulang tanong niya. Hinila rin niya ang silya upang umupo kaharap ko.

 Ako naman na humigop muna ng sabaw bago ko siya tinugon. “Nakakalungkot ho, Tiyang Nely. Ang sabi sa akin ng agent na kaya raw niya ako pinaluwas ay upang makita ko ang dokumento ng tatay kung saan hindi naman pala kami ang nakalagay na beneficiary list.”

 “Ha?” maang niyang sabi. “Paanong hindi kayo ang nasa beneficiary list? Hindi pwede iyon at kayo ang lehitimong mga anak ni Ismael Borja. At kanino naman nakapangalan ang insurance na naiwan ng tatay mo?”

 “Kay Ethan Niel Villaver ho,” tugon ko. Masakit din sa loob ko nang malaman ko ang bagay na iyon at halos pinagsakluban na ako ng langit kanina.

 “Eh, sino na naman itong Ethan na ito?”

 “Ang sabi sa akin ng ahente ay boss daw siya ng tatay. May kasunduan daw silang ginawa na tanging nakakaalam lang ay ang tatay at si Ethan na hindi na ipinaalam sa ahente. Iyan ang rason kung bakit tinanggal kami sa listahan at ipinalit itong si Ethan.”

 “Diyos ko naman! Sa halagang dalawang milyon ay pagkakainteresan pa iyan ng boss ng tatay mo, eh mayaman naman iyon!”

 “Tiyang, malaki rin ho ang dalawang milyon at tiyak na kahit sinong negosyante ay pagkakainteresan ang perang iyon. Ang nakakapagtaka lang ay kung bakit naman ginawa ng tatay na ang nakapangalan sa insurance ay ang boss niya.”

 “So, anong plano mo ngayon? Wala naman tayong pera para lang kumuha ng abogado at ipaglaban iyan. May sakit pa ang nanay mo at ikaw lang ang inaasahan. Kung bakit pa kasi na hindi naisip ng tatay mo ang ganitong sitwasyon,” paninisi ng tiyahin ko sa tatay kong yumao na.

 “Bukas na ang uwi ko sa Davao. Hindi rin ako maaaring magtagal dito at naroon ang trabaho ko. Hihingi na lang ako ng tulong kay Sir Roberto sa gagawin ko dahil sa ngayon ay naguguluhan pa ako. Isa pa ay hindi ko rin kilala ang boss ng tatay ko at saan siya mahahagilap. Ang alam ko lang ay ang sekretarya niya lang ang nag-asikaso sa mga naiwan ng tatay dahil nasa ibang bansa ito,” matamlay kong wika.

 “Kung may pera lang sana ako ay natulungan na kita. Kaya lang ay sakto lang din ang kinikita ko dahil nag-iisa ako sa buhay.”

 “Ayos lang, Tiyang Nely. Masaya na nga ako dahil sinagot niyo ang ticket ko papunta at pabalik sa amin. Sapat na iyon sa akin.”

 “Hay. Kapatid ko ang nanay mo at syempre ay ayokong nahihirapan ang mga anak. Oh, siya at kumain ka na riyan. Tapos na rin akong kumain at agahan mong gumising bukas dahil maaga ang alis mo.” Kumilos na siya upang tumayo.

 “Oho,” tugon ko na lang.

 Malaki ang pasasalamat ko sa tiyahin kon ito na sinagot ang airfare ko at tutuluyan ko rito sa Maynila. Kaya lang ay hindi pa ako makakabawi sa kaniya dahil wala rin akong napala. Bagsak ang balikat ko habang nag-iisip kong paano ko sosolusyunan ang problemang ito.

 KINABUKASAN ay bumiyahe na ako pauwing Davao. Mula Maynila ay iniisip ko pa rin kung paano ko makakausap nang personal si Ethan Villaver. Ang masaklap pa ay wala rin akong ideya kung saan din siya matatagpuan.

 Ilang oras ang lumipas ay lumapag na ang eroplanong sinasakyan ko. Subalit bago pa man din ako makarating sa isla kung saan kami naninirahan ay sasakay pa ako ng barko patungo roon. Mahigit kalahating araw pa ang byahe ko dahil tatawid pa ako ng dagat sakay ang barko dahil ito lang din ang pangunahing transportasyon dito.

 Nakatira ang pamilya ko sa Isla ng Samal na dinadayo rin mga turista. Sikat ang isla sa magaganda nitong beach resort at mga tagong falls. Nandito na rin ang kabuhayan ko bilang isang supervisor receptionist sa isang pribadong resort. Kahit papaano ay malaki rin naman ang kinikita ko pero gayunpaman ay hindi pa ito sapat dahil tanging ako lang din ang inaasahan sa amin.

 “Ate Rose!” sigaw ng bunso kong kapatid nang bumaba na ako sa traysikel sa tapat ng bahay namin. 

 “Ikaw pala, Raprap!” Masaya akong makita ang kapatid kong ito na isa rin sa mga nagpapawala ng pagod ko. Bahagya akong yumuko upang yakapin ang kapatid ko na kahit tatlong araw akong nawala ay nami-miss ko rin siya. “Kumusta ang bunso kong kapatid, ha? Nagpapakabait ka ba rito habang wala ako?”

 “Oo naman, Ate Rose!” pagmamayabang niya. “Inalagaan ko ang nanay at si Kuya Richmond naman ay tinulungan ko habang wala ka. Mabuti nga at linggo ngayon para naman makatulong ako.”

 “Mabuti naman. Sa loob na tayo magkuwentuhan at may ipinadala sa atin ang Tiyang Nely,” yaya ko sa kapatid ko.

 “Sige po,” masayang tugon niya.

 Sinabayan niya akong maglakad kami papasok ng munti naming tahanan. Sa bungad pa lang ng pinto ay nakita ko na ang nanay ko na nag-asikaso ng hapunan namin sa mesa na panay pa ang ubo. Agad na dinaluhan ko siya at tinulungan. Ayokong nakikitang nahihirapan ang nanay ko lalo na sa gawaing bahay.

 “Nay, anong ginagawa niyo?” Agad kong kinuha ang bitbit niyang kaldero at inilagay muli sa kalan. “Hindi ba at kabilin-bilinan kong huwag na kayong magkikilos?” pag-aalala ko. “Nasaan ba si Richmond?”

 Umuubo-ubo pa rin siya. “Nanghuli ng isda para daw may maulam tayo at hinayaan ko na lang.”

 “Ho? Eh, binigyan ko na kayo ng pera pambiling pagkain sa loob ng tatlong araw na wala ako.”

 “Ate, ibinigay ng nanay kay Kuya Richmond ang pera dahil sira na iyong sapatos niya. Ayos lang naman iyon para may magamit naman siya sa school nila. Kawawa kaya si Kuya Richmond dahil nilalakad lang niya ang paaralan papunta at pauwi,” paliwanag naman ng kapatid kong si Raprap na may sariling pag-iisip na rin sa edad na sampu.

 “Pagkatapos ay wala kayong ulam dito at hindi niyo man lang ako sinabihan?” Bumaling ako kay nanay. “Nay, obligasyon ko kayong lahat kaya kung may problema ay sabihin niyo agadsa akin.”

 Hinila ng nanay ang upuan at umupo. “Ayokong mag-alala ka pa at may inasikaso ka sa Maynila. Oh, kumusta na pala ang inasikaso mo at may balita na ba?”

 Bumaling muna ako sa kapatid ko bago ko sinagot ang nanay. “Raprap, ayusin mo muna ang dala-dala ng ate at magpunas ka na para kumain na tayo.”

 “Opo, Ate Rose.” Kumilos na siya upang tumalikod at sundin ang utos ko.

 Noon ko rin hinarap ang nanay. “Nay, huwag kayong mabibigla sa sasabihin ko. Wala tayong karapatan sa iniwan ng tatay dahil hindi sa iyo o sa aming mga anak niyo nakapangalan ang insurance niya. Sa ibang tao ito nakapangalan at sa mismong boss pa niya,” direktang paliwanag ko.

 Nagulat ang nanay ko. “Ha? Paano nangyari iyon?”

 Umiiling-iling ako. “Hindi ko rin alam kung paano nangyari pero may kutob akong may kakaiba rito. Ang hindi ko lang alam ay hindi ko kilala ang boss ng tatay. Baka kilala niyo siya, ‘Nay?”

 Umiling ang nanay. “Walang nabanggit ang tatay mo sa pangalan ng boss niya. Ano bang pangalan niya?”

 “Ethan Niel Villaver. Siya raw ang may-ari ng Engineering Company kung saan nagtatrabaho ang tatay noon.”

 “Pamilyar ang pangalan niya pero ipagtanong mo na rin kay Sir Roberto dahil marami siyang kilalang mga mayayaman sa lugar natin. Hindi na rin kasi ako lumalabas kaya wala na akong nasasagap na balita rito sa atin.” Umubo na naman siya.

 “Sige at pagpasok ko bukas ay itatanong ko sa kaniya. Uminom na ba kayo ng gamot niyo?”

 “Tapos na. Paano na pala ang pag-aaral ng mga kapatid mo? Huwag mo na lang akong isipin basta ang mahalaga ay makapagtapos sila katulad mo.”

  “Nay, huwag kayong ganyan. Magsisikap ho ako, magdoble kayod na rin at humanap ng ekstrang trabaho. Hangga’t kaya ko ay hindi ko kayo iiwan basta iyong gamot niyo ay palagi niyong iinumin. Hayaan niyo ay makakahanap din ako ng paraan upang makausap ang Ethan na ito. Gagawin ko ang lahat upang makuha natin ang iniwan ng tatay.” Pilit ko na lang pinapalakas ang loob niya upang hindi na siya mag-alala sa amin ng mga kapatid mo.

 “Alam mo, napakabuti mong anak. Mabuti na lang na tinuruan na kita noon pa man kung paano lumaban sa hirap ng buhay. Pasensiya ka na at wala akong maitulong sa iyo, anak. Ang responsibilidad na dapat ako ang aako pero ikaw itong nagsisikap.”

 Inakbayan ko ang nanay. “Nay, huwag niyo ng isipin iyon. Ngayong wala na ang tatay ay ako na ang bahala sa inyo. Ang mabuti pa ay maghain na tayo para makainom kayo ng gamot.”

 “Tama iyan! Isama niyo na rin itong nahuli ko,” sabay wika naman ng kapatid kong si Richmond na kararating lang. “Baka bumaha na rito ng luha sa bahay natin,” biro niya.

 Tumayo ako. “Aba at ang lalaki naman ng mga isda! Tamang-tama at magluluto ako!” presenta ko.

 “Ate, ang nanay na lang kaya. Mukhang masarap pa ang nanay na magluto kaysa sa iyo,” biro na naman ng kapatid ko.

 “Hoy, Richmond! Ako yata ang pinakamasarap na magluto rito sa bahay. No choice ka kaya kung hindi kainin at pagtiyagaan ang niluto ko. Hindi pwedeng magkikilos ang nanay dito sa loob ng bahay, ‘no!”

 Napakamot sa ulo ang kapatid ko. “Oo na. Tulungan na kita.”

 “Wala ka yatang tiwala sa luto ko.”

 Natawa ang nanay ko sa aming dalawa. Kahit papaano ay napagaan ko ang kalooban ng nanay pero deep inside ay alam kong nalulungkot din siya.

 Sa buhay namin ito ay kailangan naming lumaban at nandito ako upang maging sentro ng kanilang pakikibaka sa buhay. Kailangan kitang mahanap sa lalong madaling panahon, Ethan Niel Villaver. Sino ka nga ba talaga at ano ang koneksiyon mo sa tatay ko?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status