Share

Jealous friend

Ashley

Nakahalumbaba ako habang mag-isang nagla-lunch. Hindi ko makalimutan ang huling pag-uusap namin ni Sherry.

“Go ka na talaga? As in? Kasi, ipagdedelihensiya na kita ng kailangan mo kung talagang sure ka na.”

“Gusto kong subukan. Kasi, what if tama ka? Paano kung matauhan nga si Gem?”

Oo, tanga na kung tanga, pero umaasa ako maski paano. Kahit pa nga suntok sa buwan ang chance na may pag-asa ako kay Gem. Pero nakakasilip kasi ako ng pag-asa maski paano, lalo na kapag nakikita kong concerned si Gem sa akin. Alam kong hindi sapat na panghawakan ang bagay na iyon. Pero kahit kakatiting na chance, kakagatin ko na. Kaysa naman sa habang-buhay akong may mga what-ifs.

“Fancy meeting you here, Ashley.” Napalingon ako sa nagsalita—si Art. “Puwedeng maki-join? Mas masarap kumain nang may kasabay.”

“Sige lang,” napipilitang sagot ko.

Umupo nga si Art sa tapat ko. Muli ko namang hinarap ang pagkain na hindi ko masyadong nagalaw.

“So, ano’ng nagpapalungkot sa magandang babaeng nasa harapan ko?”

I rolled my eyes. Heto na naman siya. Hinarap ko si Art at tinitigang mabuti.

“Hey… `wag mo akong titigan nang ganyan. Baka matunaw ako.”

Napailing ako habang natatawa. “I’ll go straight to the point. Sabihin mo nang conceited ako, pero… gusto mo ba ako, Art?” seryoso at deretsahang tanong ko. “Ayoko kasi ng mga paligoy-ligoy. Gusto ko, shoot agad.”

Mga ilang segundo bago nagawang mag-react ni Art. “Wow! Iba! Iba ka talaga, Ash.” Nagpipigil ang ngiti na hinimas pa niya ang baba, saka lumipat sa tabi ko. “Wow… as in, wow. Iniisip ko pa lang kung paano ko sasabihin, pero ikaw… I mean, talagang binigla mo ako, ah.”

“Hindi naman kasi ako manhid.”

“Talaga ba? Muntik ko na ngang isiping manhid ka, eh. Dalawang taon na tayong magkatrabaho. Dalawang taon na akong nagpapalipad-hangin at wala akong nakukuhang reaksiyon sa `yo.”

“Ano ba’ng gusto mong reaksiyon? Kung dinederetso mo, eh, di nalalaman mo ang sagot.”

Nakahalumbabang tumitig siya sa akin. Napasimangot na naman ako.

“Eh, kung sabihin ko ngang gustong-gusto kita? Na natatakot lang talaga akong magsabi kasi baka hindi mo lang talaga ako type kaya wala kang reaksiyon sa mga pagpapalipad-hangin ko?”

“Tama kang isipin na hindi ka niya talaga type.”

Isang buong-buong tinig ang nagsalitang iyon mula sa kung saan. Gulat akong lumingon.

“Gem!”

Nasa harapan namin ang nakatiim-bagang na si Gem, masama ang tingin kay Art.

“Ano’ng ginagawa mo rito?”

Sa halip na sagutin ako ay kay Art siya humarap. Nagsukatan ng titig ang dalawa. Hindi ko alam kung magkakilala ba sila nang personal, pero ramdam ko na mainit ang dugo ni Gem kay Art. At hindi ko alam kung bakit.

Ako ang natensiyon sa dalawa.

“Nag-aamoy-away dito, ah,” sita ko sa kanila. Wala pa ring kumibo. “Guys, kung may personal na away kayong dalawa, I have no plans of standing between you as a referee, so please excuse me.” Tumayo ako at inabot ang pouch ko. Bahala silang dalawa.

Nagtataka lang ako kung bakit nandito si Gem. Ang layo ng office niya para dito pa siya dumayo ng lunch.

Pagdaan ko sa tapat niya, naramdaman ko ang pagdakma niya sa kamay ko, saka niya ako hinila palabas ng resto. Nagtataka man ay sumunod na lang ako sa kanya. Nang lingunin ko si Art ay isang ngiti at kaway ang ibinigay niya sa akin.

“Don’t you dare look back at him,” mariing utos ni Gem. Hindi ko alam kung bakit nagsusungit ang isang ito.

Nang makarating kami sa parking area, binuksan niya ang passenger doon ng sasakyan niya.

“Get in.”

Hindi ako pumasok, sa halip ay hinarap ko siya. “What’s your problem, Gem? At saan mo ako balak dalhin? I only have half an hour para magkaroon ng peaceful lunch.”

“Kung peaceful lunch ang kailangan mo, bakit nakikipagbolahan ka sa isang iyon?”

“Huh?” Nagulat ako. Bakit niya alam? Kanina pa ba siya sa loob ng resto?

“Nanliligaw ba siya sa `yo?”

“May away ba kayo ni Art? Personal kayong magkakilala?” balik ko naman.

“Answer me first.”

Lumabas ang pagka-stubborn ko. Hindi ko kasi ma-gets ang ipinagkakaganito niya. “Sumagot ka muna. Saka hindi ko kailangang ipaalam sa `yo ang lahat-lahat. Boyfriend ba kita?”

“Oo.”

“Huh?” Nagulat at naguluhan ako. Kumabog nang napakalakas ang nahihibang kong puso.

“Boy friend mo ako. Lalaking kaibigan, `di ba?”

Umawang ang bibig ko; nalusaw ang kakatiting na pag-asa. Napakapaasa kasi ng mga salita niya. “Oo nga. I mean, hindi naman kita boyfriend—as in, karelasyon—kundi boy friend. At bakit ba ang init ng ulo mo? Ano ba’ng problema mo sa akin? Inaano ba kita?” yamot kong sabi.

Napu-frustrate na napahaplos sa sariling batok si Gem. “I just don’t like that guy for you, Ashley.”

“Wala ka namang nagustuhan sa mga ikinuwento ko sa `yo na nanligaw sa akin.”

Sa totoo lang, may mangilan-ngilan din naman sa college na nagparamdam sa akin na maganda ako at kaibig-ibig. Kapag ikinukuwento ko iyon kay Gem, hahanapin niya ang mga F******k profile at sa mismong harapan ko ay hihimayin ang mga dahilang nakikita niya para ipamukha sa akin na hindi raw pasadong maging boyfriend ang mga iyon.

Kunsabagay, maski hindi niya sabihin ay hindi ko rin naman balak na jowain ang alinman sa mga iyon. Magmula nang makilala ko si Gem, siya na lang ang lalaking nagustuhan ko. Kahit pa mapaligiran ako ng isang katerbang guwapo, bale-wala sa akin ang mga iyon.

“Dahil wala sa kanila ang dapat na maging boyfriend mo,” mainit ang ulong sagot niya.

“Kung wala sa kanila, nasaan pala? Ito bang nasa harapan ko?”

Nakita kong sandaling natigilan si Gem at hindi nagawang sumagot kaya nagpatuloy ako.

“Alam mo, Gem, kung advice mo ang susundin ko, feeling ko ay hindi na ako magkaka-boyfriend. Tatandang dalaga na lang ako. Look, twenty-four na ako at hindi pa rin nagkakajowa. Samantalang ikaw, ikakasal ka na,” yamot na sumbat ko.

Kasama na sa sumbat na iyon ang sama ng loob ko na hindi niya ipinaalam sa akin na sila na pala ni Cindy. Number-one kontrabida pa naman ako sa love team nila.

“You are right,” mayamaya ay sambit ni Gem.

Naguluhan na naman ako at kinunutan siya ng noo.

“Hindi ka talaga magkaka-boyfriend, kasi lahat ng nanliligaw sa `yo, dispalinghado.”

“Huy! Sobra ka, Gem, ha? Matitino naman sila, lalo na si Art. Mabiro lang `yon, pero mabait at masipag na katrabaho `yon.”

Bigla na namang nagdilim ang guwapong mukha ni Gem. “So, are you saying na gusto mo rin siya?”

“Are you trying to tell me na ayaw mo sa kanya?”

“Oo.”

“Bakit?”

“Dahil…” Sandali siyang nag-isip. “Ewan ko. Basta ayoko sa kanya.”

“Well, it’s not for you to decide, Gem.”

“Kung gano’n, kalimutan mo nang magkaibigan tayo kapag sinagot mo ang lalaking `yon.”

“Hah!” Hindi makapaniwalang napailing ako. “Ganyan ang gusto mo? Sige, eh, di kalimutan mo na ring kaibigan mo ako kapag pinakasalan mo si Cindy. Salamat na lang sa lahat.” Teka, parang nagtutunog nakikipag-break ako, ah?

Natigilan na naman si Gem. “You can’t do that, Ashley,” aniya kapagkuwan.

“Yes, I can.”

“Kaya mong kalimutan ang pagkakaibigan natin para sa Art na `yon?”

“At kaya mo ring itapon ang samahan natin para kay Cindy?”

Parang gusto kong magsisi na itinanong ko pa iyon sa kanya. At natakot akong marinig ang sagot niya. Dahil alam ko, maski hindi sabihin ni Gem ay mas pipiliin niya si Cindy over our friendship. Sino lang ba ako? Kailan lang naman ako dumating sa buhay niya. Aksidente ko lang siyang nakatabi sa bus noong araw na masiraan siya ng sasakyan.

“Let’s stop this argument, okay? Hindi na maganda ang itinatakbo nito.”

Sumimangot ako, pero nagpapasalamat na rin na hindi niya sinagot ang huli kong tanong. Alam ko naman kasing masasaktan lang ako.

“Fine,” walang ganang sabi ko. “Bakit ka ba pala nandito?”

“Napadaan lang. I have an outdoor meeting nearby. Nadaanan ko ang resto na ito at nakita kang mag-isang kumakain kaya naisip kong sabayan ka. Pero pagpasok ko sa loob, nakikipagbolahan ka na sa officemate mo.”

Parang bumalik ang init ng ulo ni Gem. At para palamigin iyon, umabrisete ako sa kanya.

“Tara, ilibre mo ako ng ice cream para naman lumamig ang ulo ko.” At nakangiting tiningala ko siya.

Nakita kong nagpipigil lang siya sa pagngiti. “Hindi ba dapat ako ang inililibre mo? Ako ang mainit ang ulo dito, ah.”

“Mainit din ang ulo ko, eh. Sige, gusto mo, patigasan tayo ng ulo dito?”

Natawa na siya nang tuluyan at marahang pinisil ang pisngi ko. “Fine. Get inside. I’ll treat you somewhere. Do’n tayo sa lugar na walang langaw na aali-aligid sa `yo.”

Pinagtaasan ko siya ng kilay. Kaunti na lang, iisipin ko nang nagseselos siya. Pero hindi na siya sumagot pa at pinasakay na lang ako sa kotse niya. Mabuti na rin iyon kaysa mag-isip ng mga imposibleng bagay.

Nauwi nga kami sa ice cream parlor sa di-kalayuan. Nagkuwentuhan lang kami nang kaunti at nag-apologize siya sa inasal ni Cindy noong nakaraan. Bago matapos ang lunch break ko, inihatid na niya ako pabalik sa trabaho ko.

Iyon ang gusto ko kay Gem. Maski gaano siya ka-busy, he always made time for our friendship—for me—para kumustahin ako o silipin ako sa trabaho. Kung hindi man niya magawa iyon, talagang sobrang busy lang ng schedule niya. Katulad last month, iyong mga panahon na siya na ang nag-take over sa Zenith. Naiintindihan ko naman kung bakit nakain nang husto ang oras niya.

Hay… heto na naman ako sa kabaliwan ko. Gusto ko na namang umasa na maski kaunting porsiyento, may damdamin din si Gem para sa akin. Ang tanga-tanga ko nga siguro, pero sino bang nagmamahal ang naging matalino?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status