Mabilis na namula ang mukha ni Sofia bakas dito ang sampal na ibinigay ni Venice.
Napahawak ito sa namumulang pisngi habang nakatitig kay Venice nang hindi makapaniwala. Ilang segundo rin bago ito nakapagsalita.
“Ikaw, sinampal mo ba talaga ako?!”
Galit nitong itinaas ang kamay para gumanti, pero mas mabilis na nasalo ni Venice ang pulsuhan ni Sofia.
Kasunod no’n ay isa pang malakas na sampal.
*Pak!*
Napaling sa kabila ang ulo ni Sofia sa lakas ng tama. Nagulo ang maayos nitong buhok at tumabing iyon sa kaniyang mukha. Nanlalaki ang mga mata at tila hindi pa rin matanggap na dalawang beses siyang nasampal.
Biglang tumahimik ang buong VIP room. Lahat ay natigilan at nakatingin sa dalawa.
Si Asher ang unang natauhan, pero para siyang napako sa kinatatayuan. Talaga bang naririnig na siya ni Venice?
“Malandi ka! Papatayin kita!” Sa sigaw ni Sofia ang nagpabalik kay Asher sa katinuan.
Galit na galit itong sumugod kay Venice, diretso ang mga kuko sa mukha nito. Ngunit mabilis na nahawakan ni Venice ang mahabang buhok ni Sofia dahilan para mapasigaw ito sa sakit.
“Tama na!”
Malakas na sigaw ni Asher bago mabilis na lumapit sa dalawa. Pinaghiwalay niya sila at mahigpit na hinawakan ang pulsuhan ni Venice.
“Tigilan niyo nga ’to—”
Pero sinamantala ni Sofia ang pagkakataon at muling itinaas ang kamay para abutin siya. Kinabahan si Venice at pilit na kumawala sa hawak ni Asher pero sobrang higpit ng pagkakahawak nito sa kaniya.
Binuka niya ang bibig para sabihing bitawan siya, ngunit paos at mahina lamang na hangin ang lumabas sa lalamunan niya dahil sa mataas niyang lagnat kahapon, bumalik man ang pandinig niya, nawalan naman siya ng boses.
Gustong-gusto niyang magsalita sa mga sandaling iyon pero wala siyang mailabas na salita.
Bahagyang natigilan si Asher habang pinagmamasdan siyang nagpupumiglas.
At sa isang iglap ginamit ni Sofia ang pagkakataon na ‘yon para sampalin siya. Mabilis na umiwas si Venice, ngunit kahit nakaiwas ay nasugatan pa rin ng matutulis na kuko ni Sofia ang kanyang pisngi.
Napangiwi siya sa hapdi. Nang makita ni Asher ang kaunting patak ng dugong lumabas sa mukha ni Venice, agad niyang itinulak si Sofia.
“Sofia! Ano bang ginagawa mo?!”
Hindi nakapaghanda si Sofia at napaatras siya. Malakas na tumama ang balikat niya sa wine cabinet sa likuran. Sunod-sunod na nahulog ang mamahaling alak mula rito. Tumilapon ang alak habang nagkabasagan ang mabibigat na bote sa sahig.
Mabilis na niyakap ni Asher si Sofia at tinakpan ito gamit ang sariling katawan. Sunod-sunod na tumama sa likod niya ang mga bote habang nagliliparan ang bubog.
Si Venice naman, na nasa gilid, ay nakataas lamang ang braso para protektahan ang ulo nang may isang bote na malakas na tumama sa likod ng balikat niya. At bago pa siya makagalaw, may iba pang bote ang bumagsak sa kaniya.
Napadaing siya nang mahina sa sakit.
Dahil sa lakas ng tama, bumagsak siya sa sahig. Nabasa ng malamig na alak ang buo niyang katawan habang napapalibutan ng bubog. Umaagos ang dugo mula sa noo niya pababa sa likod kasama ng natapong alak. Nakabaluktot siya sa sahig habang pakiramdam niya’y namanhid ang kalahati ng kanyang katawan.
“Asher!” Namumuo agad ang luha sa mata ni Sofia. “Ang sakit ng paa ko…”
Mabilis na bumangon si Asher kahit halatang nasaktan din ito.
“Saan ang masakit? Patingin ako.”
“Yung bukung-bukong ko, sobrang sakit…” umiiyak na sabi ni Sofia.
Bahagyang nasugatan lang ng bubog ang paa nito at may kaunting dugo, pero kung umiyak ay parang malala ang sugat.
Samantala, pilit na itinukod ni Venice ang sarili mula sa sahig kahit hilo na siya.
Nanginginig ang mga daliri niyang inabot si Asher. Gumalaw ang labi niya ngunit walang tunog na lumabas.
Pero buhat-buhat na ni Asher si Sofia.
“Asher, parang nasaktan din si Venice,” hindi napigilang sambit ng isa sa mga kasama nila.
Bahagyang huminto si Asher at sumulyap kay Venice. Mas lalo namang yumakap si Sofia sa leeg niya habang umiiyak.
“Asher, sobrang sakit talaga baka nabalian ako.” Namimilipit sa sakit na sabi ni Sofia, ang mga mata ay nagmamakaawang nakatingin kay Asher ngunit walang luhang tumutulo.
Napakunot-noo si Asher bago umiwas ng tingin kay Venice.
“Pakisuyo na lang muna si Venice. Kung kaya naman niya, ihatid n’yo na siya pauwi. Dadalhin ko muna si Sofia sa ospital. Hindi siya sanay sa sakit.” Bakas sa mukha ni Asher ang pag-aalala kay Sofia at sulyap lang ang nagawang ibigay kay Venice.
Nagkatinginan ang mga tao sa loob ng silid.
Hindi na nagtagal pa si Asher at mabilis na lumabas habang buhat si Sofia na para bang ang kalagayan ng babae ay nasa bingit na ng kamatayan.
Tahimik lang na nagkatinginan ang mga naiwan.
Nasa sahig pa rin si Venice. May gustong lumapit pero nag-aalangan, dahil wala naman na roon si Asher.
“Venice, okay ka lang ba? Kaya mo bang tumayo?” nag-aalalang tanong ng kung sino ngunit wala namang ginawa para tulungan siya.
“Tanga ka ba? Akala mo ba maririnig niya tayo, eh bingi 'yan!”
“Eh paano ko malalaman ang gagawin?!”
Malabo na ang paningin ni Venice. Nakikita niyang gumagalaw ang mga labi nila pero hindi na niya maintindihan ang mga sinasabi nila.
Gusto niyang umiling, pero wala na siyang lakas. Umiikot ang paligid niya habang nagiging malabo ang lahat.
Biglang may sumigaw.
“Shit! Ang dami niyang dugo! Tumawag kayo ng tulong!"
Palayo nang palayo ang mga tunog sa pandinig niya. Unti-unti ng dumilim ang paligid para kay Venice.
“Tumawag kayo ng ambulansya!”
“Bakit hindi sumasagot si Asher?!”
Iyon ang huling narinig ni Venice bago tuluyang nawalan ng malay.
…
Nagising si Venice dahil sa matinding sakit, pagmulat niya ng mga mata, puting kisame agad ang bumungad sa kaniya at sa tingin niya’y nasa ospital siya. Bahagya niyang ginalaw ang katawan ngunit agad siyang napangiwi sa sakit.
May benda ang noo niya kahit ang batok niya ay kumikirot. Dahan-dahan siyang napatingin sa bintana. Makulimlim ang langit sa labas kaya hindi niya malaman kung umaga o gabi na ba.
Natigilan si Venice ng biglang bumukas ang pinto, pumasok rito ang isang lalaking nakasuot ng puting coat, matangkad ito at payat, may suot na salamin. “Gising ka na?”
Lumapit ito sa kama at tiningnan ang chart at monitor niya.
“Anong nararamdaman mo? Kumusta ka na?" Tanong ni Dr. Lucas.
Hindi inasahan ni Venice na sa ospital ni Dr. Lucas siya madadala.
Sa loob ng anim na buwan, ito ang doktor na tumulong sa rehabilitation ng pandinig niya, ang dahilan kung bakit tuluyang bumalik ang pandinig niya.
At dahil dito, muli siyang nakarinig. Binuka niya ang bibig pero paos na hangin lang ang lumabas, hindi pa rin talaga kaya ng boses niya ang magsalita.
“Huwag ka munang magsalita. Wala namang problema sa vocal cords mo. Namaga lang dahil sa mataas mong lagnat. Babalik din ang boses mo pagkalipas ng ilang araw.”
Kumuha ito ng maliit na notebook at ballpen mula sa bulsa at iniabot sa kaniya, napangiti naman si Venice bago yumuko at nagsimulang magsulat.
“Salamat, Dr. Lucas, dahil gumaling na ulit ang pandinig ko. Hindi ko malalaman ang lahat kung hindi bumalik ang pandinig ko." Ang huling linya ay halos pabulong na lang niyang sabi.
Sinulyapan iyon ni Dr. Lucas bago bahagyang ngumiti.
“Hindi mo kailangang magpasalamat.” May kakaibang ibig sabihin ang tono nito. “May isang taong nagmakaawang gamutin kita at kapag hindi kita napagaling, mukhang hindi niya ako hahayaang makabalik ng Hong Kong.”