Share

Chapter 1

Daniexsa's POV 

NAPAYUKO na lamang ako sa aking office table nang matapos kong masalansan ang mga tambak na papel sa aking lamesa. Alas-otso nang umaga at one-time rin naman akong nakapasok sa opisina. 

Ayon nga lang at inaantok pa talaga ako dahil sa huling misyon na ginawa ko kagabi. Oo, huling misyon dahil isa akong secret agent. Noon pa man ay pinapangarap ko na ito, ang makahawak ng magandang baril. Mailigtas ang mga nangangailangan ng tulong at bukod pa roon ay makapagbigay hustisya sa mga taong hindi kayang makamit iyon. 

Napahinto ako sa pag-iisip nang maramdaman ang pag galaw ng lamesa kaya tamad kong iniangat ang aking ulo at doon ay nakita ko ang aming manager na halos umusok na ang ilong sa galit. 

Umagang umaga masama ang loob? Tsk. 

     "Miss Alcantara, if you can't do your job you can file a resignation letter para may mas mahaba ka ng tulog sa sarili mong pamamahay!" 

Namumula ang mga pisngi nito at kulang na lang ay sampalin ako ngunit halatang nagpipigil lamang ito. Napatingin naman sa amin ang ilang kasamahan ko pa sa trabaho ngunit agad ring ibinalik ang kanilang tingin sa sariling mga kumpyuter. 

     "Pasensya na sir, puyat lang ho talaga ako!" Paliwanag ko at bahagya pang ngumiti ngunit napakuyom ito sa kanyang kamao. 

     "Diyan ka magaling! Ang magpalusot! Pero ang umpisahan itong trabaho mo ay hindi mo kaagad magawa! Hindi ka ba nahihiya? Binabayaran ka ng kompanya upang gawin ang mga trabahong iyan pero nagagawa mo pang matulog rito?!" Nanggagalaiti nitong sigaw ngunit napahikab pa ako na mas lalo nitong ikinainis. 

     "Sir, one-time ko namang naipapasa sa inyo ang mga papeles na iyan. Isa pa, hindi naman ako natutulog dito ah? Pumikit lang ako saglit-" 

Hindi ko na nagawa pang tapusin ang sasabihin ko nang hampasin nito ang lamesa. 

     "Enough, Miss Alcantara! Go to my office! NOW!" Dumagundong ang boses nito sa buong paligid at dali-daling umalis. 

Napailing na lamang ako nang sundan ito ng tingin at napangisi naman ang isa ko pang kasamahan. Alam kong lahat sila ay tuwang-tuwa sa nasaksihan. Malamang ay tsimis ang bumubuhay sa mga tsismosa at tsismoso kaya hinding hindi maaapektuhan ang mga iyan sa gulong ito. 

     "Good bye, Alcantara! Mukhang mababawasan na kami rito ah?" Mapang-asar na saad ni Rey, isa sa mga tsismoso rito sa kompanya. 

Hindi ko na lamang ito pinansin at tamad na lumabas ng quarters at tinungo ang opisina ng aming Manager na akala mo ay tagapagmana ng kompanya. 

Kumatok ako ng tatlong beses at narinig ko naman ang boses nito kaya agad akong pumasok sa loob. Prente itong nakaupo sa kanyang swivel chair habang hawak ang isang sigarilyo. 

Inis itong sumulyap sa akin at nakuha pang umirap. Napatakip ako sa aking bibig dahil muli na naman akong napahikab. 

     "Sa araw-araw na ginawa nang diyos, Alcantara. Wala kang ginawang tama rito sa kompanya! Kailan ka ba magtitino sa trabaho at nakukuha mong gawin iyan rito?" May inis nitong saad kaya ipinagsiklop ko na lamang ang aking mga kamay. 

Nagagawa ko naman nang tama ang trabaho ko ah? Ang totoo nga n'yan ay ako lang ata itong hindi umuulit sa trabaho dahil lagi namang maayos ang mga ginagawa ko. Well, siguro bukod sa ganitong bagay-

     "Answer me, Alcantara!" Muling saad nito kaya napabuntong hininga na lamang ako. 

     "Sir-"

     "You know what? You had a good reputation. Malinis ang trabaho mo at maging ang record mo ngunit nasisira lang dahil diyan sa mga kalokohan mo!" Dagdag pa nito at humithit ng sigarilyo sa aking harapan. 

     "Sir, 'diba bawal ang manigarilyo rito sa-"

     "Wala kang pakialam! Ako ang Senior Manager rito sa kompanya at gagawin ko ang gusto ko! Ikaw! Isang hamak na empleyada ka lang pero kung umasta ka, daig mo pa ang boss!" Singhal na naman nito kaya napailing na naman ako sa narinig. "I'm telling you! This is your last warning, Alcantara! Sa oras na mahuli pa kitang natutulog sa lamesa mo, ako na mismo ang magtatanggal sa'yo sa trabaho!" Aniya at agad na itong tumalikod sa akin. 

Tamad akong tumayo at muling bumalik sa quarters. Naabutan ko pa roon na nagdadaldalan ang mga kasamahan ko sa trabaho at napahinto nang makita ako. 

Agad akong naupo sa harap ng kumpyuter at isa-isang binasa ang mga email na nandoon. 

Ang totoo n'yan ay hindi naman problema sa akin kung mawala ako sa trabahong ito dahil kumikita rin naman ako bilang isang agent. Ang problema lang ay mawawalan na ako nang alibi sa aking mamang at papang. 

Madalas ko na nga lang idahilan na sobrang abala ko rito sa kompanya kahit na ang totoo ay hindi naman. 

Lumipas ang ilang oras ay natapos ko na ang mga report na kailangan ng aming Senior Manager na palaging mainit ang dugo sa akin. Mali naman talaga ang ginagawa ko at aminado naman ako sa bagay na iyon. 

Ngunit, sa lahat ng laban antok ang mahirap pigilan. Hindi ko naman puwedeng ipaalam sa kanila na isa akong secret agent dahil baka isipin lang nilang isa akong baliw at lumuwag na ang turnilyo sa aking utak. 

Isa pa, walang puwedeng makaalam sa bagay na iyon patungkol sa akin. Sobra sobra ang pag-iingat ko para sa importanteng bagay na iyan. 

Walang nakakakilala sa amin, hindi ang gobiyerno at mas lalong hindi ang mga mamamayan. May kaniya-kaniya kaming mga pangalan iniingatan at maging ang mga kasamahan ko sa Defense Resources Organization ay walang alam sa pagkakakilanlan ko. 

Hindi masasabing legal ang aming ginagawa ngunit hindi rin maituturing na mali ang aming pagtanggap sa mga misyong aming hinahawakan. 

     "Daniexsa?" 

Naalis ang mga mata ko sa kumpyuter at doon ay napatingin ako kay Allen na nasa aking harapan na pala. Kinunutan ko lamang ito nang noo dahil naabala tuloy ako sa mga iniisip ko. 

     "I heard what happened. Bakit naman kasi natutulog ka na naman sa oras nang trabaho?" He paused and bite his lips for a while. 

Malamig ko itong tiningnan at nagkibit-balikat. 

     "What? H'wag mong sabihing pumunta ka lang rito upang sermonan ako?" Tamad kong saad at napangisi naman ito nang iangat n'ya ang isang plastik na may mga lamang pagkain na sa tingin ko ay binili n'ya pa sa labas. 

     "Nah, I'm here to give you this. Why don't we eat? Break time na kaya!" Nakanguso nitong sabi kaya napasandal na lamang ako sa aking kinauupuan. 

Bakit ba kapag ganitong trabaho ay napapagod agad ako? Samantalang ang makipagbakbakan sa mga kalaban ay enjoy na enjoy ako at para bang walang kapaguran. 

Inihinto ko na ang aking ginagawa at nag umpisa na kaming kumain ni Allen. Matagal ko nang kilala si Allen. Kolehiyo kami noon ay nakilala ko na s'ya. Mabait at matalino s'yang tao, bukod pa roon ay responsable kahit na lumaki sa mayamang pamilya. 

     "Daniexsa?" 

Napahinto ako sa aking pagnguya nang banggitin nito ang aking pangalan. Tinitigan ko ito sa kanyang malamlam na mga mata at bahagya itong ngumiti. 

     "Huh?" Tanging namutawi sa aking bibig nang punasan nito ang gilid nang aking labi! 

Hindi ako nakabawi sa kanyang ginawa dahil masyadong mabilis ang kamay nito. 

     "Ang kalat mong kumain, para kang bata!" Natatawa nitong pahayag at tsaka muling kumain. 

Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakatulala at heto na naman ang kabog sa aking dibdib na noon pa man ay aking nararamdaman. 

Pinilit kong ngumiti at bumalik sa pagkain. Alam ko at malinaw sa aking sarili kung ano ang nararamdaman ko para sa taong ito. 

Noon pa man, alam ko nang may espesyal na bahagi s'ya sa aking puso. Ngunit, natatakot akong ipaalam dahil ayokong masaktan. 

Sino ba naman kasing hindi mahuhulog sa isang Kieth Allen Pascual? Guwapo, mayaman, mabait, responsable at higit sa lahat ay mapagmahal na tao. 

Pinilit kong pigilan ang sarili kong h'wag mahulog sa isang kagaya n'ya ngunit kinain ko lamang ang mga katagang binitawan ko sa kaniya noon na hinding-hindi ako magkakagusto sa kaniya. 

     "I'm done. So, paano? Kita na lang ulit tayo mamaya." Saad pa nito at isa-isang inililigpit ang aming pinagkainanan. "May importante nga pala akong sasabihin sayo mamaya." Nakangiti pa nitong dagdag kaya mas naramdaman ko ang pagbilis nang tibok ng puso ko. 

Hindi ko namalayang nakatitig lamang ako rito hanggang sa makaalis s'ya. Ni hindi ko na nga nagawang magpasalamat dahil masyadong puno ang aking isipan.

Napangiti ako nang maaalala ang huli nitong sinabi. 

     "Hindi kaya aamin na s'ya?" Bulong kong saad at tsaka napangiti nang husto dahil sa aking naisip! 

Sa tagal ng pagkakaibigan namin ay wala man lang itong pinakilalang girlfriend sa akin. Ibig sabihin ba noon ay hindi s'ya attracted sa iba? 

Kung ganoon ay posible pang may pag asa na maging kami in the near future? 

Nawala ang ngiti ko nang magsidatingan na ang mga katrabaho ko kaya naman balik na naman sa seryosong ekspresyon ang itsura ko. 

Agad kong tinapos ang trabaho ko rito upang makapaghanda mamaya! Desidido na ako! Aaminin ko na kay Allen ang totoong nararamdaman ko. 

Wala namang masama sa bagay na iyon hindi ba? Isa pa, paano kung parehas lang pala kaming nahihiyang gumawa nang hakbang? Tsk. Hindi na kami mga bata para patagalin pa ang mga ganitong bagay! 

     

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status