Share

Ikalawang Pahina

"S'yempre maglalasing ako, pampalakas ng loob. Malas lang, maling kwarto ang napasukan ko. Kaya pala babae ito. Sige na, subukan ko'ng singilin 'to."

Ang boses ng lalaking kaniig kagabi ang gumising kay Alea.

Nakatalikod ito sa kan'ya habang mayroong kausap sa telepono. Nakapameywang ito kaya mas lalong nadepina ang matikas nitong likod. Nakasuot na ito ng pantalon subalit wala pa'ng damit pang-itaas. Higit itong mas bata kay Mrs. Cruz, marahil ay matanda lamang sa kan'ya ng ilang taon.

Nang ibaba ng lalaki ang telepono ay mabilis siyang bumangon at pumasok sa banyo. Nagbihis siya at pinagmasdan ang sarili sa salamin. Gulo ang kan'yang buhok at mugto ang mga mata. Mas lalo pa yata itong mamumugto dahil tumulo na naman ang luha mula doon.

Bakit ba napakaiyakin niya gayong malakas naman ang kan'yang loob?

Naghilamos siya upang mahimasmasan. Kailangan niyang panindigan ang kan'yang nasimulan. Siyam na buwan na sustento kaya hindi sila magtitiis. Kailangan niya lamang na mas lalo pa'ng patatagin ang loob na huwag mapalapit sa batang kan'yang dadalhin sa sinapupunan.

Pinakiramdaman niya sa labas kung naroon pa ang lalaki. Ang totoo ay inaasahan niyang wala na iyon doon paggising niya dahil kagaya nang sabi ni Mami Rose ay dapat hindi sila lumagpas sa dalawang oras, ngunit umaga na.

Lumabas na siya sa pag-aakalang wala na ito subalit laking gulat niya nang makita itong nakaupo sa kama tila hinihintay siya. Nagtagpo ang kanilang mga mata kaya kaagad siyang napayuko sa hiya. Lumapit siya sa sidetable upang kunin ang telepono at umalis na nang magsalita ang lalaki.

"Bayad mo?" tanong nito.

Nangunot ang noo niya sa sinabi nito. Hindi niya alam kung tanong ba iyon o nag-aalok ng bayad gayong wala naman itong iniaabot na pera.

"'Yong misis n'yo na daw po ang mag-aabot sa akin ng bayad," sagot niya at akma nang aalis nang muli siyang pigilan ng lalaki.

"Ang sabi ko bayad mo. At saka ano'ng misis? Wala pa ako'ng asawa," giit nito na inilahad pa ang palad sa kan'ya.

Hindi niya alam kung tatawa ba dahil mukha yatang nagbibiro ang asawa ni Mrs. Cruz. Sinubukan niyang ibuka ang bibig upang magsalita ngunit naunahan na siya nang pagtunog ng telepono. Isang tawag mula kay Mami Rose. Mabilis lang iyon, animo'y ginigising lang siya upang mabasa ang mensaheng ipinadala nito.

Hindi lamang mensahe mula dito kun'di maging kay Mrs. Cruz, na kagabi pa ipinadala, ang kan'yang nakita. Binuksan niya iyon at pinanlamigan nang mabasang kinakansela na nito ang pagkuha sa kan'ya bilang surrogate mother. Ayon dito, hindi nito kakayanin na may makasamang ibang babae sa kama ang mister.

Pinanlamigan siya nang kalamnan. Unti-unti siyang nag-angat ng tingin sa lalaking kasama na nakalahad pa din ang palad sa harapan niya.

"S-sino ka?" nahihilakbot niyang tanong.

"Miss, may customer dapat ako dito. Magbibigay aliw lang dapat ako kaya lang maling kwarto ang napasukan ko. Mukha naman na may hinihintay ka talaga at hindi sumipot kaya hinayaan mo na may mangyari sa'tin. Sa tingin ko, tama lang na bayaran mo ang serbisyo ko."

Napasinghap si Alea. Sinabunatan niya ang sarili at masamang tinitigan ang lalaki.

"Bakit kita babayaran? Bastos ka!" Sinubukan niyang paluin ito ng hawak na bag ngunit nakaiwas ito.

"Sandali naman miss. Sa natatandaan ko hindi ka naman umalma kagabi. At saka, bakit ka ba nandito? Hindi ba't may hinihintay ka din na serbisyo?"

Ang kanilang pagbabangayan ay naputol nang katok sa pinto. Ang roomboy iyon na ipinapaalam sa kanila na tapos na ang oras ng check in kaya wala silang nagawa kun'di ipagpatuloy ang pagtatalo habang naglalakad sa labas ng hotel.

"Ibig mo ba'ng sabihin, bayaran ka din?"

Nagbagting ang tainga niya nang marinig ang tanong nito.

"Hindi ako kagaya mo na binabayaran para magbigay aliw sa mga bakla!" sigaw ni Alea.

Halo-halong emosyon ang nadarama niya. 'Ni hindi niya na nga alam kung saang direksyon sila patungo.

Saan siya kukuha ng pera gayong binawi na ni Mrs. Cruz ang usapan nila?

"Hay naku, miss. Bayaran mo na lang ako para matapos na 'to."

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ang lalaki.

"Kuya, kung tinitiis mo'ng sikmurain 'yang trabaho mo para magkapera, p'wes mas lalo na ako. Pikit mata ko'ng tinanggap ang alok na maging surrogate mother tapos mapupunta lang sa'yo na hindi ko kilala at libre pa ang una ko. Dapat nga ako ang naniningil sa'yo!"

Umawang ang labi ng lalaking kausap niya. Napakamot ito ng ulo at napailing.

Wala nang punto pa para pag-aksayahan ni Alea ng oras ang lalaki dahil wala din naman itong maibabayad sa kan'ya. Tatandaan niya na lamang ang mukha nito para singilin sa susunod na magkikita sila. Sa ngayon ay kailangan niyang makahanap ng taong siguradong makakapagbigay sa kan'ya ng totoong pera.

Tatalikod na sana siya upang iwanan ito nang isang mabigat na braso ang pumatong sa balikat niya.

"Miss Beautiful, hinihintay na ni boss ang bayad mo." Kinilabutan siya sa bulong ng tauhan ni Mr. Lee malapit sa kan'yang tainga.

Lalayo sana siya ngunit mas lalong humigpit ang pagkakaakbay nito sa kan'ya.

"Magpaalam ka na sa syota mo. Gusto ni boss ikaw mismo ang mag-abot ng bayad sa kan'ya," ani isa sa dalawang tauhan.

Tumahip ang kaba sa kan'yang dibdib nang hawakan nito nang mahigpit ang braso niya.

Nagpumiglas siya na para ba'ng kayang-kaya niyang kumawala sa mga ito, gayong kahit isa lang ang humawak sa kan'ya upang maisakay sa itim na kotseng naghihintay sa tabi ng daan ay magtatagumpay ito.

"Bitawan n'yo ako!" sigaw niya.

"Buksan mo na ang pinto ng kotse. Dadaanan pa natin ang kapatid nito." Binalewala nito ang pagtangis niya.

Mas lalo siyang nagpumilit na kumawala nang marinig niya ang pagtukoy kay Mayumi.

Kinaladkad siya nito patungo sa kotse. Nagmamakaawa siyang bumaling sa lalaking kasama niya na walang kaemo-emosyong pinagmamasdan ang kumosyon.

Nawawalan na siya ng pag-asa. Walang sinuman ang maglalakas loob para iligtas siya. Kahit man lamang sana sa sitwasyong ito ay may magtatanggol sa kan'ya.

Halang ang kaluluwa ni Mr. Lee, kaya alam niyang oras na tumuntong siya sa poder nito ay para siyang pumasok sa lungga ng demonyo. Kung alam niya lang na ito ang kahihinatnan niya, sana'y noon niya pa winakasan ang lahat. Nang sa gayon, mawala man siya ay buo pa din ang puri at dignidad niya.

"Sandali!" sigaw ng lalaki dahilan upang mabuhay ang kakarampot na pag-asa sa puso ni Alea.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status