Share

The Fall of the Queen
The Fall of the Queen
Author: Saigestsolaaaar

Unang kabanata

Napatitig ako sa salamin at nakita ko ang isang babaeng may maputlang balat, mapupulang labi, itim na itim na bilugang mga mata at may buhok na pumapagitan sa pagiging kulay puti at ginto— hanggang sa unti-unting nagbago ang kaniyang itsura. Humaba ang kaniyang mga pangil pati ang kuko, ang kaniyang mata ay nagkulay dugo na rin at ilang saglit pa ay nagbago nanaman ulit ito. Ang kaniyang pulang mga mata ay nagkulay pilak na halos kuminang dahil nasisinagan ito ng buwan. Ang buhok niyang kulay ginto at puti ay naging itim na itim at mas humaba pa. Nawala ang kaniyang pangil ngunit nanatili ang matatalim na kuko hanggang sa nagpakita ang mga itim na marka sa kaniyang katawan, para ba itong bumubuo ng isang kakaibang sining sa balat niya na nagsisimbolo ng kakaibang dugong dumadaloy sa kaniya.

Nainis ako sa nakikitang repleksyon ng sarili ko kaya tinitigan ko nang mariin ang salamin hanggang sa nabasag iyon.

Rinig na rinig sa kwarto ko ang pagbagsak ng piraso ng salamin sa sahig. Itinapat ko ang kamay ko doon at umusal ng ilang salita hanggang sa bumalik ito sa dating itsura.

Malalim akong napabuntong hininga nang mapagtantong bumalik na ang itsura ko sa dati. Naglakad ako papalapit sa malaking bintana ng kwarto ko at tumayo sa tapat no’n. Napatitig ako sa buwan na halos abot kamay ko na sa sobrang laki at lapit. Hindi pa kabilugan ng buwan pero sobra na ang liwanag na dala nito.

Sa tuwing napapatitig ako sa buwan ay hindi ko maiwasang makaramdam na para bang may malaking patlang sa buhay at sa pagkatao ko. Sa tuwing napapatitig ako sa buwan, tila ba’y pinapaala nito ang buhay ko na sunod lamang sa agos nito at sa tungkulin.

Ilang taon na rin akong nabubuhay at sa mga nagdaang taon na iyon ay hindi naiba ang pakiramdam ko tuwing makikita ko ang buwan. Oo, mas nakakaramdam ako ng kalakasang pisikal kapag lumalabas ito ngunit hindi no'n nababago o napupuno ang kakulang sa puso ko.

Napapikit na lamang ako dahil doon at piniling takpan ng makapal na kurtina ang bintana. Naglakad ako papunta sa kama ko ngunit bago pa ako makaupo ay nakarinig ako ng katok sa pinto. Agad na napaarko ang kilay ko dahil doon.

“Mahal na reyna, naghihintay na po ang konseho sa bulwagan.” Napabuntong hininga nalang ulit ako at dumiretso sa may pinto. Binuksan ko iyon at bumungad sa akin ang apat na tagapagsilbi at dalawang kawal na nakayuko at nakaabang sa akin.

Lumabas ako ng pinto at inayos ang aking tindig— tindig ng isang pinuno na inaasahan ng lahat. Nagsimula akong maglakad sa mahabang pasilyo ng kastilyo pababa sa lugar kung saan naghihintay ang konseho sa akin. Sa totoo lang, kaya kong makarating doon kaagad pero mas pinili kong maglakad kaysa gawin iyon.

Nang marating namin ang pinakadulong pasilyo sa ikalawang palapag ay binuksan ng mga kawal ang malaking pinto at bumungad sa akin ang malaking bulwagan na nagliliwanag dahil sa mga nakapaikot na bukas na kandila, mga ilaw na nakasabit sa kisama, mga lampara na nasa dingding, at dahil na rin sa repleksyon ng buwan. Ang labin-dalawang myembro ng konseho ay nakaupo na sa kani-kaniyang pwesto.

Lumakad ako papalapit sa kanila. Rinig na rinig ang pagtunog ng takong ng aking sapatos sa marmol na sahig. Naupo ako sa engrandeng upuan na para sa akin at pagtapos ay pinagmasdan silang lahat.

“Magandang gabi, mahal na reyna,” sabi nila at yumuko sa akin bilang pagbibigay galang. Hindi ko mapigilan ang pag-alpas ng inis sa dibdib pero tinanguan ko na lamang sila bilang pagsagot.

Tinignan ko sila isa-isa at pinigilan ang mapairap. Lahat ng nasa harap ko ngayon ay mga peke. Oo, peke na bampira, hindi sa literal na kahulugan kung hindi ay dahil nandito lang sila at nakikisama sa akin dahil wala silang pagpipilian. Alam ko naman na hanggang ngayon ay hindi nila matanggap na ang pinuno ng mundo namin ay isang katulad ko na hindi puro ang dugo, hindi tulad nila. Pero ano ang kanilang magagawa? Ako ang nakatakda at ako ang anak ng dating hari at reyna, ako ang nararapat sa trono na pinakaaasam-asam nila. Hindi man puro ang dugo ko pero ako ang pinakamalakas at makapangyarihan sa kanila at iyon ang katotohanan.

Ako ang reyna kaya kailangang makisama ng lahat sa akin. Hindi naman na lingid sa kaalaman ko na bawat isa sa kanila ay gusto ang posisyon ko, ang bawat isa sa kanila ay may tagong pagnanais at balak para makuha ang trono ko, pero hindi maaari, at hindi ko hahayaan ang sinuman na daigin ako at palitan sa pwesto. Ito na lamang ang naiwan sa akin ng yumao kong magulang. Dadanak muna ang dugo bago nila ako mapatalsik. Kailangan muna nilang wakasan ang buhay ko bago nila magawa ang gusto nila.

Kahit sa maikling taon ko palang na nabubuhay ay nakilala ko na agad ang mga nasa harap ko. Wala namang makakatakas na impormasyon sa akin. Bukod sa nababasa ko ang isip nila ay may iba pa akong pinagkukuhanan ng impormasyon sa tulong na rin ni Danie— ang nagpalaki sa akin at ang kaniyang anak na si Dan, ang matalik kong kaibigan. Pareho silang nagsisilbi sa akin at silang dalawa lang ang pinagkakatiwalaan ko sa buong kastilyo at sa mundo na ito.

Lumaki akong nakatatak sa isip ko kung sino lamang ang dapat pagkatiwalaan, panigan at pakinggan. Hindi ko pwedeng hayaan na makontrol ako ng iba, hindi ko pwedeng hayaan na gawin nila akong sunod-sunuran dahil may bukod akong hangarin at may sariling isip.

“Mahal na reyna, bukas na ang ika sampung taon ng panunungkulan niyo at bukas na rin magaganap ang kasiyahan. Inaasahan din ng lahat na bukas ay makakapili na kayo ng lalaking papakasalan kahit na hindi ito ang itinakd—” Napatigil ang isa sa pagsasalita at namayani ang katahimikan nang mamatay lahat ng ilaw sa paligid at pati na rin ang sindi ng mga kandila at lampara dahilan para ang liwanag na lamang na nagmumula sa buwan ang naging tanglaw ng lahat.

Inis na hinampas ko ang mesa at sa isang iglap ay lumiwanag ulit ang paligid. Nakita ko kung paano nag-iwas ng tingin sa akin ang iba habang ang ilan naman ay matapang na sinalubong ang tingin ko.

“Bakit ba pinagpipilitan n’yo na maghanap ako ng lalaking papakasalan?! Hindi ba kayo sanay magbilang ng taon? Hindi ba’t hanggang isang daang taon ang kailan kong gugulin sa paghahanap o paghihintay sa nakatakda para sa akin? Hindi ba’t kapag lang lumipas iyon ay tyaka ako magkakaroon ng kalayaan na humanap ng iba? Matatalino ba talaga kayo?!” umalingawngaw ang malakas na sigaw ko sa buong kwartong kinaroroonan namin. Naramdaman ko na rin ang pagbaon ng mahahaba kong kuko sa kahoy na mesa at ang pagpula ng mga mata ko. Doon tuluyang nag-iwas ng tingin ang lahat. Alam kong sa puntong ito ay natatakot na sila sa akin at alam nila na galit na ako. Kahit sino sa kanila ay walang kakayahang harapin ang galit ko.

Napapikit ako at sinubukang ikalma ang sarili na hindi ko magawa. Nakakainis at paulit-ulit nalang! Kaya sila ang naging konseho dahil matatalino sila at malalakas pero anong kahibangan na naman ba ito? Akala ko ba’y napag-usapan na nang maayos ito at tapos na ang usapin?! Ilang taon na nila akong pinipilit na maghanap ng mapapangasawa at magluwal ng magiging tagapagmana pero ano bang hindi nila maintindihan na maghintay at sumunod sa naka-tadhana? Sampung taon pa lamang akong nanunungkulan at hindi pa ako gano’n katanda!

“Kung wala kayong bilib sa pagiging pinuno ko, pwes pwede na kayong umalis sa kastilyo na ito at sa harap ko. Hindi ko kailangan ng mga katulad niyo. Kayang-kaya kong pumili ng mga magiging kapalit ninyo,” may riin kong sabi. Isa-isa ko silang tinignan at binasa ang nasa isip nila pero blangko lamang ang mga iyon. Siguro’y nadala na sila sa pangyayari noon na no’ng may nabasa akong kataksilan sa isip ng isa nilang kasama ay bigla itong kinain ng dilim at hindi na nakabalik at oo, ako ang may gawa no’n. Kahit kailan ay hindi mo mapapalampas ang isang kahangalan.

Humarap sa akin si Arthur at ngumiti.

“Hindi iyon ang gusto naming iparating, mahal na reyna. Gusto lang naming makasigurado na ligtas ang trono at mailalaan sa magiging susunod na tagapagmana sa lalong madaling panahon, dahil hindi naman lingid sa kaalam natin na hindi pa rin ligtas ang mundo at lahi natin sa mga kapahamakang posibleng mangyari.” Naiyukom ko ang kamay ko at ramdam ko ang pagbaon ng kuko ko doon sunod ang pagdudugo ng sugat ko. Unti-unti rin naman iyong gumaling at nawala.

Hindi ko gusto ang ipinupunto niya, hindi ako tanga para hindi malaman ang hiwaga roon. Ipinahihiwatig na agad niyang may masamang mangyayari sa panunungkulan ko o sa akin gaya na lamang sa nangyari sa dating hari at reyna rito. Hindi ko rin gusto na sa mga mata ko ay siya ang kapahamakan na iyon, at iyon ang katotohanan.

“Bakit? Sa palagay mo ba ay hindi ko kayang proteksyunan ang trono at posisyon ko kaya inaagad niyo ako sa paghahanap?” sarkastikong tanong ko.

Si Arthur Venderheel ang may pinakamataas na posisyon sa konseho at mapangahas na tumataliwas sa mga desisyon ko. Isa siya sa may mataas na kapangyarihan sa mundo na ito pero mas mababa pa rin siyang uri kaysa sa akin, at basang-basa naman sa mukha niya na hindi niya ako gusto na maging reyna pero wala siyang pagpipiliin. Isa siyang maharlika at ang susunod na nasa posisyon upang makaupo sa trono kung may mangyayaring masama sa akin, na alam kong gusto at ninanais niyang mangyari. Isa siyang gahaman sa kapangyarihan at simula pa lamang, hindi ko na siya gusto. Alam at ramdam ko ang mga balak niya. Isa rin siya sa palaging binabanggit ng aking amang hari na kailangan kong layuan at ipakita na kayak o siyang tapatan.

Pilit ang pagngiti ko sa kanya.

“Huwag kayong mag-aalala, sa oras na mahanap ko ang nakatakda para sa akin ay bibigyan ko na kaagad kayo ng susunod na tagapagmana. Umasa kayong iisang dugo pa rin ang mananalaytay sa susunod na mauupo sa pwesto, at dugo ko iyon.” Matabang na sabi ko bago tumayo mula sa pwesto ko. Dahil doon ay napatingin sa akin ang lahat.

“Ngayon, ano pa ang gusto niyong sabihin o may iba pa bang dapat pag-usapan bukod sa kawalang-galangan ninyong ipinipilit?” mahinahon kong tanong. Pagak na tumawa si Arthur kasama ang kanyang kanang kamay at kaugali niya na si Delaila Briffinth, isang mataas na bampira rin dito kaya napasama sa konseho. Nagngingitngit akong ibaon ang kuko ko sa mga leeg nila at kagatin o dukutin ang puso nila, o ‘di kaya’y itapon sila sa kadiliman. Matagal ko na silang gustong paslangin dahil sa kahangalang ipinapakita at pagkawalang respeto sa akin bilang reyna. Oo, mas matanda sila sa akin ng ilang daang taon pero mas mataas ako sa kanila. Ako ang reyna at taga-sunod lang sila. Naghahanap lang ako ng tyempo at tamang pagkakataon para mapatalsik sila sa pwestong hindi naman sila karapat-dapat.

“Gusto lang namin ipabatid at ipaalala na hindi paatras ang taon at ipaalam din na nakahanda na ang lahat para bukas. Tinanggap na rin ng mga maharlika ng ibang lahi ang imbitasyon at kinumpirma ang pagdalo. Iyon lamang, mahal na reyna—”

“Mabuti, ngayon ay umalis na kayo,” hindi ko na pinatapos sa pagsasalita si Delaila. Nakita ko ang pag-iling niya ngunit tumayo na rin naman kasabay ng iba. Muli silang yumuko bilang pagbibigay galang sa akin bago umalis.

Pagkalabas ng lahat sa bulwagan ay doon ko pa lamang nabuhos ang pinipigilan kong inis. Sunod-sunod akong nagpakawala ng itim na enerhiya sa kamay ko. Lahat ng matamaan ko na’yon ay nawawala at hindi ko alam kung saan napupunta.

Biglang bumukas ang pintuan kaya natigilan ako. Pumasok si Danie kasunod ang anak niyang si Dan na nakahalukipkip at nakatingin sa akin.

“Huminahon kayo, mahal na reyna. Alam ko kung gaano kayo nagpupuyos sa inis pero hindi iyan makakatulong,” sabi niya at lumapit sa akin. Sa huling pagkakataon ay nagpalabas ulit ako ng itim na enerhiya sa akin palad pero bago ko pa iyon mapakawalan ay isang malakas na batok ang nakuha ko.

Nanlaki ang mga mata ko at inis na tinapunan ng tingin si Dan na nakatayo na sa tabi ko. Siya ang nambatok sa akin. Mapangahas, oo, pero kaibigan ko siya at siya ang kasama kong lumaki kaya kahit malaki ang agwat ng posisyon namin ay nagagawa niya iyon sa akin. Matalik ko siyang kaibigan kaya gano’n na lamang siya umasta. Minsan nga ay gusto ko na lang siyang sakalin dahil masyado na siyang nawiwili.

“Imbis na pawalain mo lahat ng gamit dito, dapat sa mukha nalang ng dalawang gurang na iyon mo ‘yan pinakawalan.” Walang ganang sabi niya kaya napairap nalang ako. Hinawakan ko ang braso niya pati na rin ang kay Danie at sinama sila sa paghalo ko sa hangin. Ilang saglit pa ay natagpuan na namin ang sarili namin sa loob na kwarto ko.

Dito ko huling tinapon ang itim na enerhiya bago naglakad palapit sa kama at tinapon doon ang koronang nasa ulo ko. Agad namang napailing si Danie at kinuha iyon. Ibinalik niya iyon ng maayos sa lagayan kasama ng iba pa.

“Ano ba kasing hindi nila maintindihan na ayokong mag-asawa at mas lalo na ang magkaroon ng anak sa ngayon! Hindi ko alam kung bakit napakakitid ng mga utak nila!” Inis na napasabunot ako ng buhok ko at pabagsak na umupo sa kama.

“Bakit? ‘Di ba mahilig ka sa bata? Bakit ayaw mong mag-anak?” Inis na tinapunan ko ng tingin si Dan. Kasalukuyan siyang nakatayo sa harap ng bintana ko, nahawi na niya ang kurtina roon at nakatitig sa buwan.

“Hindi iyon ganoon kadali, Dan. Gusto ko pa ring makilala ang inilaan sa akin, gusto kong sundin ang tandahana at tignan kung magiging maganda ba ang kakalabasan,” sagot ko.

“Hindi ka ba natatakot? Alam mo namang hindi maayos ang kinalabasan noong pinilit ng mga naunang reyna at hari na sundin ang tadhana nila. Hindi ka ba natatakot na magaya sa kanila. Hindi ka ba natatakot na ang sumpa ng iyong dugo ay nasa iyo rin?” tanong niya. Napabuntong hininga nalang ako at napatingin sa kawalan.

Oo, masalimuot ang nangyari sa nakaraan noong sinunod ng ama ko at ng mga nauna pang pinuno ang tadhana nila. Ang ina ni ama noon ay ang reyna dito at ang itinakda sa kaniya ay ang hari ng Demons. Dalawang lahi na bawal pagsamahin dahil sa hidwaan pero dahil itinadhana ay sinubukan. Ang aking ama ang naging anak nila, ang unang maharlikang hybrid at itinuring na pinakamalakas sa lahat ng mundo dahil na rin sa kakaibang dugo at kapangyarihang taglay. Madaming tumutol sa pagmamahalan nila. Nagkaroon ng gera, mga kaguluhan pero nanaig ang pag-ibig.

Pagdating naman sa aking ama ay delubyo rin ang kinalabasan. Itinakda siya sa aking ina na galing sa malakas na lahi ng bampira na inalagaan ng mga Enchantress, si Danie ang nag-alaga sa kaniya. Sinubukan ng ama ko na amuhin ang aking ina dahil agad siyang napamahal dito pero hindi siya gusto ni ina. Walang nagawa si ina nang ipagbuntis niya ako, nawala ang kalayaan niya, kung kaya’t sa eksaktong araw ng kapanganakan ko ay pinili niyang kitilin ang sariling buhay dahil para sa kanya ay sumpa ang mga nangyayari.

Napangiti na lang ako nang malungkot. Sa iba pang nagdaang pinuno ng mga bampira ay palaging palpak ang ibinibigay ng tadhana. Ayon nga sa kanila, itinakdang mamuno ngunit isimumpa sa pag-ibig, pero—

“Wala namang masama kung susubukan ko,” sagot ko kay Dan.

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Nerman Marcera
ganda ng istorya ng novela
goodnovel comment avatar
Terex Mercado
Nakaka sabik nman too diba
goodnovel comment avatar
Terex Mercado
Ganda nito ahh
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status