Share

Depaysement

 

 

“Sa tingin mo, parang hindi ata akma pag ganito yung ayos ng buhok ko. Napansin ko kasi na halos lahat ng mga kababaihan rito ay kulot at nakarolyo ang mga buhok eh. Kumpara mo naman sa buhok kong nakalugay lang.” wika ni Euphie kay Isa habang nakaharap ito sa salamin suot suot ang simpleng puting blusa at itim na paldang hiniram na naman niya.

Umiling iling agad si Isa at ngumiti kay Euphie. “Hindi na po kailangan, para sa akin ay napakaganda na po ng ayos ng iyong buhok, binibini.”

“Talaga?” saka siya muling tumalikod upang masuklayan muli ni Isa ang mahaba niyang buhok.

“Binibini, Nais ko nga po palang magpasalamat sa iyong kabutihang ginawa. Kung hindi dahil sa pagtatanggol mo sakin ay marahil wala na siguro ako ngayon dito. Maraming salamat po, Utang ko po sa inyo ang buhay ko.” wika bigla ni Isa habang nakayuko sa harap ni Euphie.

Napa-awang lang ang bibig ni Euphie dahil hindi niya alam kung anong ire-reaksyon niya sa sinabi ni Isa. Napa-iling lang siya't inangat ang mukha ni Isa.

“Ano ka ba! Natural lang naman na tumulong tayo sa kapwa diba? Kaya wala lang yun! At tsaka, Nakita kong mali yung ginagawa niya sayo. Alangan namang tumingin lang ako diba?” nahihiyang sagot lang ni Euphie sakaniya.

“Basta po, Asahan niyong hindi ko kayo iiwan kapag kayo naman ang nangailangan ng tulong.” sagot naman ni Isa sakaniya.

Napangiti lang si Euphie kay Isa't dahan dahang lumapit upang yakapin ito ng mahigpit. Sa hindi malamang dahilan ay magaan talaga ang loob nila sa isa't isa. Para bang naka-takda talaga silang magkakilala at magkasamang dalawa.

Noong araw ring yun, nagpunta si Euphie at mag-isang hinanap ang kabaret na nangangalang “Femme Fatale” kung saan nagbabakasali siyang makukuha niya ang trabahong ini-alok sakaniya. Nang makita niya ito ay tumayo lamang siya sa tapat nito't huminga ng malalim.

Gagawin ko na ba? Itutuloy ko na ba 'to? Pero kinakabahan ako. Paano kung masyado pala silang nag-expect sakin? Paano kung hindi ko na maabot yung expectations nila? Okay lang ba saking maging waitress na lang?

Ugh! Syempre naman! Ngayon ka pa talaga naging choosy Euphie ha!? Sa panahon na 'to, You need a fucking job! Tandaan mo, You need to survive!

Tumango tango siya't huminga muli ng malalim. Pero bago pa man din niya mabuksan ang pintuan ay bigla siyang pinagbuksan ni Esperanza. Nagkatinginan silang dalawa at halatang parehas na nagulat. Napangiti lang ng bahagya si Euphie kahit na bakas sa mukha niya ang matinding kaba.

“Uhm.. Hi?” nahihiyang bati ni Euphie agad sakaniya.

“Nandito ka na!” naibulalas kaagad ni Esperanza kasabay ng mabilis na pagyakap sakaniya. “Alam mo bang matagal na kitang hinihintay! Akala ko hindi mo na tatanggapin yung trabaho.”

“Pasensya na kung ngayon lang ako. Hindi ko kasi alam kung paano pupunta sayo eh.” Nahihiyang tugon naman niya.

“Hindi ba sinabi ko sayo kung saan ako maaring mahanap?” napataas lang siya ng kilay.

“Hindi! Ang ibig kong sabihin ay..” napapikit lang siya dahil sa masidhing kahihiyang nadarama niya ngayon. “Nahihiya kasi ako. Hindi ko alam kung karapat-dapat ba talaga ako sa trabahong iniaalok ninyo. Para kasing..”

“Euphemia, Huminahon ka. Hindi ba't sinabi ko na sayo na maganda at kakaiba ang iyong tinig at paraan ng iyong pagkanta? Hindi mo ba nakita kung gaano bumilib at humanga sa iyo ang mga tao noong gabing yun? Magtiwala ka lang sa sarili mo!”

Napakagat ng labi si Euphie't napangiti matapos sabihin ni Esperanza ang mga salitang iyon na nagpalakas sa loob niya. Pinapasok niya si Euphie sa loob kung saan mabilis na bumalik na parang hangin ang mga ala-ala niya noong unang gabing napadapad siya rito.

Weird. Ilang araw pa lang akong nandito pero pakiramdam ko, ang tagal na simula nung huli akong nandito. Para bang ang lahat ng gawin ko dito ay bahagi na talaga ng nakaraan.

“Siya na ba?” tanong bigla ng isang matandang babaeng may magarang kasuotan kay Esperanza. Nakaipit ito ng tirintas at may dala dalang tungkod. Itim rin ang kaniyang damit at kapansin pansin ang kaniyang makinang na hikaw na may batong sapiro.

“Oho, Siya na ho mismo.” Magalang na sagot naman ni Esperanza sakaniya. Nakaramdam ng kaba si Euphie nang bigla siyang titigan ng matanda na wari mo'y pinag-aaralan siya mismo nito.

“She looks.. Fine.” komento agad ng matanda sakaniya.

She looks fine? Anong ibig niyang iparating dun? At base sa pananalita niya eh mukhang sanay rin siyang mag-ingles.

“Pero ang tanong, Marunong ka ba talagang kumanta?” tanong pa niyang muli kay Euphie sabay taas ng kaliwang kilay nito sakaniya.

“Marunong ho.. siguro?” hindi rin siguradong sagot naman ni Euphie.

“Anong marunong lang?” hindi makapaniwalang irit ni Esperanza sabay tingin ng masama sakaniya. “Garantisado na po ang boses niya, Madam. Sigurado po akong siya na ho mismo ang hinahanap natin.”

“Hindi na mahalaga dahil may tiwala naman ako sayo Esperanza. Alam kong hindi ka pipili ng basta sino lang.” napangiti lang ang matanda sakaniya. “Ako nga pala si Nadia o kilala sa tawag na Madam Nadia. Ako ang may-ari at namamahala nitong lugar. Ikinalulugod ko na tanggapin ka rito, Euphemia.”

Ibig sabihin ba nun tanggap na ako? Agad agad? Wow.

“Maraming salamat po. Euphie na lang ho sana ang itawag niyo sa akin.” Masayang sagot naman ni Euphie sakaniya.

“Simula sa araw na ito maguumpisa na ang iyong pagsasanay. Sasanayin kita hanggang sa maging isa kang kilalang mang-aawit.” wika pa ni Nadia kay Euphie.

“Uh.. Sandali lang po.” sabat niya bigla. “May isa lang ho sana akong gustong hilingin. Kung pwede ho sanang maging pribado ang buhay ko. Hindi ko po ninanais na sumikat, basta magawa ko lang po ng maayos ang trabaho ko.. Masaya na po ako dun. At tsaka, kung maari rin sana, Isang gabi lang po ako aawit?”

Tinitigan siyang muli ng matanda sa mata na dahilan upang makaramdam siyang muli ng pagka-ilang ngunit sinubukan niya pa ring hindi iwasan ang paningin niya. Saka lumapit ang matanda sa kaniya't bumulong.

“Hindi ka taga-rito, tama?” seryoso at mahinang tanong ni Nadia kay Euphie.

Hindi nakasagot kaagad si Euphie sa tanong niya dahil sa naunahan ito ng kaba, kaya imbis na sumagot ay tumango na lamang siya.

“Naiintindihan ko..” at tumango na lamang si Nadia at napahalukipkip habang nag-iisip ng malalim. “Kung gayon ay mukhang kakailanganin mo rin ng bagong pangalan. Tama?”

Napa-isip sandali si Euphie at nang maintindihan na niyang mukhang tama nga ang matanda ay napatango lang siya kaagad rito ng dahan dahan.

“Esperanza, Ano sa tingin mo ang bagong pangalang babagay kay Euphie?” tanong naman ni Nadia kay Esperanza.

“Ho?” at napatingin lang si Esperanza sakaniya. “Sa tingin ko ho ay..”

“Agatha.” sabat bigla ng isang matandang lalakeng may nakasubong sigarilyo sa kaniyang bibig. Tinanggal niya ang sumbrero niya't ngumiti kay Euphie. “Sa tingin ko ay babagay ang pangalang Agatha para sa isang magandang dalaga katulad niya. lalo pa't kabigha-bighani rin ang boses niya.”

“Ginoong Rodriguez! Hindi ko inaasahang pupunta kayo ngayon rito.” bati naman ni Nadia sa matandang bisita sabay halik nito sa magkabilang pisngi.

“Dumaan lang ako sandali. Nabalitaan ko kasing naghahanap kayo ng mga bagong mang-aawit. Mabuti naman at nakahanap kayo kaagad.” sagot naman nito sakaniya.

“Sino siya?” pabulong na tanong agad ni Euphie kay Esperanza.

“Siya si Ginoong Rodriguez. Kaibigan at kasosyo ni Madam sa Femme Fatale. Isa siya sa mga kilalang negosyante dito sa Maynila. Alam mo ba yung kilalang kainan sa Escolta? Pagmamay-ari niya iyon.”

“Ahhh..” napatango lang si Euphie saka muling tumingin sa matandang lalake. Mayaman pala?

“Ayos na ba sa iyo ang pangalang Agatha iha?” tanong ni Nadia kay Euphie bigla.

“Po? Uhm.. Ayos na po sakin.” tanging sagot lang ni Euphie.

“Mabuti kung ganun. Maguusap muna kami ni Ginoong Rodriguez sandali, kaya Esperanza mabuti pang ituro mo na kay Agatha ang mga dapat niyang malaman. Mga pyesa at kantang kailangan niyang pag-aralan. At kung maari, Ayusan mo siya. Bibigyan ko siya hanggang sabado kung saan siya unang kakanta.” utos ni Nadia sakaniya.

“Masusunod ho, Madam.” saka ito yumuko bilang tanda ng pag-galang. “Halika na Eu—este, Agatha.”

“Okay..” mahinang sagot lang ni Euphie saka niya sinundan si Esperanza papaloob.

Papalubog na ang araw nang matapos sila. Itinuro ni Esperanza lahat ng kantang kakantahin niya na agad naman niyang nagustuhan kaagad. Lalo na ang mga Jazz musics na pamilyar na rin sakaniya dahil sa pamilya niya. Ipinakilala rin siya sa ibang mga trabahante sa lugar na yun at masaya siya na mukhang madali lang silang pakisamahan lahat.

Habang naglalakad siya papalabas eh may namataan siyang isang pamilyar na sasakyan. Tinignan niya ito ng matagal hanggang sa may isang lalakeng bumaba at agad siyang tinignan. Si Leonard ito at mukhang sinusundo siya.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong agad ni Euphie sakaniya.

“Naisip ko lang na baka hindi mo alam ang daan pauwi kaya sinundo na kita. Gabi na at delikado para sayo kung maliligaw ka.” seryosong tugon agad ni Leonard sakaniya. Walang emosyon ang mukha nito ngunit ramdam mong nag-aalala siya, kaya naman napangiti lang si Euphie sakaniya.

“Naiintindihan ko..” tumatango tangong ani Euphie habang pinipilit na itago ang malaking ngiti sakaniyang labi.

“May kailangan ka pa bang gawin? Kung wala ay umuwi na tayo.”

“Mmm.” sabay tango lang ni Euphie sakaniya.

Sumakay na sila at mabilis na umalis papauwi. Wala man lang sakanila ang nagsalita o umimik habang nasa byahe sila. Kaya para maiwasan ang pagka-ilang ay itinuon na lang ni Euphie ang atensyon niya sa mga ilaw na makikita niya sa daan.

Hindi ganun kaliwanag ang daan kumpara mo sa 2017 na kilala niya. Bilang lang ang ilaw na makikita mo sa lansangan. Madalang ang tao at nangingibabaw ang tunog ng makina dahil sa sobrang tahimik.

Napangiti lang ng bahagya si Euphie nang maisip niya na hindi rin pala masama ang mamuhay sa panahon ngayon. Maganda pa ang Maynila at parang hindi pa ito nadudusingan.

“Oo nga pala, Kakanta ako sa sabado. Gusto mo bang pumunta at manuod?” biglang tanong ni Euphie kay Leonard.

“Oh?” at napataas lang ng kilay si Leonard sakaniya. “Sabado lang?”

“Oo. Yun kasi yung sinabi ko eh. Tuwing sabado lang ako kakanta.”

“Bakit?” tanong niya.

“Kasi.. ganun talaga. Eh sa gusto ko ng sabado lang eh.”

“Oh?” at natahimik siya sandali.

“Tch.” at naparolyo agad ng mata si Euphie sakaniya. “Puro ka Oh! Pupunta ka ba o hindi?”

Napangisi agad si Leonard dahil sa biglaang pagsabog ni Euphie. Ngumiti siya rito at ginulo ang buhok niya. “Pupunta ako, Bakit naman hindi.”

“Sus. Tinanong pa kita, alam ko namang suki ka dun.” mahinang bulong niya sabay nguso.

Natawa lang si Leonard sa sinabi niya't umiling. “I'm not. So stop thinking unnecessary things.”

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status