Share

ENCOUNTER

*Yueno*

Napabalikwas ako ng bangon ng tumunog ang alarm clock ko. Umaga na pala. Padabog na pinatay ko ang alarm saka napahawak sa ulo. Totoo ba yon? Hindi. Panaginip lang yon. Bangungot. Tama. Bangungot lang iyon. Niyakap ko ang sarili ko at wala sa loob na kinapa ang katawan ko. Basang-basa ako ng pawis. Medyo nanginginig pa ang katawan ko habang bumabalik sa akin ng paunti-unti lahat ng nangyari sa panaginip ko. 

Ang mga pulang mata na iyon. Hindi tulad dati, may kakaiba doon ngayon. Kung dati ay hanggang tingin lang siya, ngayon ay nilapitan na nya ako. Dati ang batang babae ang hinaplos niya sa pisngi, ngayon ay ako na. 

Humagod ang kilabot sa katawan ko nang bumalik ang pakiramdam ng pagdampi ng kamay nya. Bakit parang gusto ko ang pakiramdam ng haplos nya? Sa kabila ng pula niyang mga mata tulad ng mga humahabol sakin sa panaginip, bakit hindi ako makaramdam ng takot? Para pa nga akong naeexcite sa sinabi niya na parang totoong darating siya para sa akin. Bakit?

Kinapa ko ang dibdib ko na hanggang ngayon ay kumakabog ng malakas. Para siyang totoo. Huminga ako ng malalim saka tinampal ang magkabilang pisngi. Baka premonition lang yon. Baka masyado ko lang pinag-iiisip ang sarili ko. Panaginip lang iyon. Tinampal-tampal ko ang pisngi ko. Gising!

Akmang baba na ako sa kama nang magulantang ako sa biglang pagbukas ng pinto. Iniluwa noon ang may saltik kong kapatid na si Kirius. May malaking ngisi sa mukha nang makita akong gulat na gulat. Malamang ay pinagplanuhan nito iyon. Sira ulo talaga. Agad akong dumampot ng unan ay ibinalibag sa kanya. Hindi nya marahil inaasahan iyon kaya sapul sya sa mukha. Victory for Yueno!

"Ano bang problema mo?!" singhal nya. Nawala na rin ang ngisi sa mukha at napalitan ng inis. "Pinapagising ka lang ni mama."

"Gising na ako. Lumayas ka na."

Padabog niyang isinara ang pinto. Napatawa ako. Mukha na naman siyang talunan. Wag nya kasi akong uumpisahan pag ganitong nadadalas ang mga bangungot ko.  Napabuntong-hininga ako. Ayoko na munang isipin iyon. Inayos ko na lang ang mga kagamitan ko at nagdirecho na sa banyo para maligo. Naalala ko ulit ang ginawa ng kapatid ko. May toyo talaga yun kahit kailan. Hindi naman talaga kami nag-aaway. Ganun lang talaga kaming dalawa. Nagbabangayan. Nakalakihan na rin siguro namin. Well, maybe that's our own simple way to show each other affection.

Nang makaligo ay bumaba na agad ako. Nasa taas kasi ang kwarto namin ni Kirius. Nasa baba naman ang kila mama. Hindi kalakihan ang bahay namin dahil hindi naman kami mayaman. Kaayusan lamang iyon para sa hindi kalakihang pamilya.

Hindi pa ako tuluyang nakakababa ng hagdan ng maabutan kong nagcecellphone ang kapatid ko sa sofa habang nakabukas ang tv. Ngaling-ngaling ko siyang bulyawan para sana gumanti sa panggugulat niya kanina kaso ay nakita ko na may nakapasak na headset sa tenga nya. 

Nakarinig ako ng kalansing ng kaldero sa kusina. Akmang pupunta na ako doon ng marinig ko ang balita sa tv. May nangyari na namang patayan. Oo nga at normal na lamang iyon sa balita pero nitong huling buwan kasi ay napapadalas na lalo pa't hindi nila matukoy-tukoy ang mga bumibiktima. 

Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon at dumiretcho sa kusina. Nadatnan ko agad doon si mama na abalang-abala sa paglilinis. Maaga pa pero kung ano-ano na ang pinaggagawa niya. Sabagay, iyon na lang naman ang libangan niya kapag naiwan mag-isa. Palagi kase kaming nasa trabahong tatlo nila papa at si mama lang ang naiiwan sa bahay. Sinuggest na din namin sa kanya na pabalikin nalang si yaya Lisa para may katulong at kasama sya pero ayaw naman nya. Okay naman na daw sya dun kahit mag-isa. Kung sabagay ay matanda na din si yaya Lisa.

I wonder kung bakit bigla nalang nilang pinaalis si yaya Lisa. Nasa edad na rin ako nung umalis siya kaya nalungkot talaga ako nun. She's been working for us since I was a baby. I miss her though. Si papa kasi ay laging nandoon sa mga Cayman. Inabot na ako ng twenty five years pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang trabaho niya don. Kapag naman tinatanong namin si mama, di naman nya sinasagot. Kaya hinayaan nalang din namin ng kapatid ko. As long as okay naman kasi si papa, okay na din kami. Si Kirius naman, kahit na ganoong malakas ang toyo ay nagtatrabaho na din sa isang kilalang shipping company. Matagal na rin sya dun dahil simula ng maka-graduate ay doon na siya nagtatrabaho. Palibhasa ay magna cum laude kaya sya agad ang nilapitan ng trabaho. Habang ako naman ay nagtatrabaho sa isang publishing company. 

"Ma, pasok na po ako," kuha ko sa atensyon nya. Agad din naman syang tumingin sa akin.

"Kumain ka muna bago ka umalis."

"Hindi na po. Sa office nalang." Humalik ako sa kanya saka naglakad palayo.

"Yung kwintas mo, Yueno," sigaw pa ni mama pero di ko na inintindi dahil kumaripas agad ako ng alis. Sigurado kasing katakot-takot na litanya na naman ang aabutin ko kay mama kapag hindi pa ako umalis. Dire-direcho akong lumabas ng pinto at nagpunta sa garahe para ilabas ang kotse ko. 

Finally, the long day is over. Minamasahe ko ang batok ko habang naglalakad papuntang bus stop. Madalang na kasi ang mga nagdadaang taxi kaya napilitan akong maglakad. Napahugot ako ng malalim na hininga. Pakiramdam ko ay hapong-hapo ako. Hindi naman talaga ako gagabihin dapat kung hindi lang naghabol pa ng mga papeles ang boss namin. Kailangan na daw iyon bukas kaya tinapos ko na lang din agad. Mabuti nalang at hindi ako inabot ng umaga doon kung hindi ay hindi ko papasukan si boss bukas. 

Nabalik ang atensyon ko sa kalsadang dinadaanan nang may natanawan akong mga lalaking nagkukumpulan hindi kalayuan sa akin. Nagkukwentuhan sila sa pwestong hindi gaanong abot ng liwanag ng poste. Na parang sinadya nilang doon lumugar para di gaanong makita. Kinutuban ako ng kakaiba. Agad na gumapang ang kaba sa dibdib ko nang maalala ang nakita ko sa tv kaninang umaga. Paano kung hindi lang pala mga tambay ang mga iyon. Paano kung sila yung mga hindi matukoy na nambibiktimang nababalita sa tv.  Hindi ko na tuloy alam kung hihinto ba ako at babalik, o didiretso. Malayo-layo na rin ang nararating ko kung babalik ako. Kung didiretcho naman ay hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin. 

Hinagod ko ng tingin ang mga lalaki. Ayoko sanang mag-isip ng hindi maganda sa kanila kaso kung mga kilos at pananamit nila ang pagbabasehan ay siguradong kahina-hinala ang mga galawan. May finesse sa kanilang kilos at malinis manamit. Kung titignan ay hindi sila mukhang mga simpleng tambay lang. Para silang may mga kaya sa buhay. Pero nakakapagtaka ang pagkukulumpungan nila sa gilid lang ng kalsada sa dis oras ng gabi.

Habang palapit ako sa kanila ay lalong nadadagdagan ang kaba ko na hinaluan pa ng takot. Lumingap ako sa paligid. Nagbabakasakaling may iba pang tao na pwede kong hingan ng tulong kung sakali mang may mangyari sa akin. Kaso ay wala. Walang ibang nandoon kundi aso. Wala rin gaanong dumadaang sasakyan. Huminga ako ng malalim. Malapit na ako sa kanila. Wala na akong choice. Lumalalim na rin ang gabi. 

Hinalukay ko ang isip sa mga natutunan kong self-defense noong nasa college pa ako saka isa-isang ginagawa sa isip. Binalik ko ang tingin sa mga lalaki at inestima kung paano ang pwede kong gawin. Apat ang lalaking nandun. Tatlong nakatayo at ang isa ay nakaupo. Hindi ko masabi kung ilang taon na ang mga ito pero kung sa tindig ang pagbabasehan, tantya ko ay hindi nalalayo sa edad ko ang mga ito. 

Hindi pa rin nila ako napapansin kaya may pagkakataon pa akong mag-isip ng plano. Pwede ko pang pabagsakin ang dalawa at takbuhan ang dalawa. Napatingin ako sa sapatos ko saka nanlumo. Naka-heels nga pala ako ngayon. Tumakbo man ako ay siguradong aabutan din nila ako. Nangingilid na ang mga luha ko. I'm feeling hopeless. 

Huminga ulit ako ng malalim. It's not the right time to lose hope. Baka naman masyado lang akong napaparanoid. Wala pa man ding nangyayari kung ano-ano na naiisip ko. Baka mga tambay lang talaga ang mga iyon at walang gagawing masama. 

Bahagyang kumalma ang utak ko at naisipang tumawid sa kabilang kalsada. Baka sakaling maiwasan ko sila at hindi nalang nila ako mapansin o pansinin. Tama. Ganun nalang ang gagawin ko. Nang akmang tatawid na ako sa kabila ay biglang lumingon sakin ang lalaking nakaupo. Nakita ko pang bumuka ang bibig nya marahil ay may sinabi sa mga kasama kaya naglingunan ang tatlo sa direksyon ko. 

Hindi yata ako nagkamali ng hinala. Mga masasamang tao nga sila. Halos magwala na sa ribcage ang puso ko. Wala na akong kawala. Eto na yun. 

Binilisan kong maglakad habang hinahanda ang sarili ko para sa self-defense na gagawin. Inilagay ko ang bag ko sa harap ko. Leather iyon at sapat ang laki para magamit panghampas sa kanila. 

"Miss, uuwi ka na?"

Nagsipagtindigan lahat ng balahibo ko ng marinig ang boses nya sa likod ng tenga ko na halos parang bulong. Wala sa loob na natakpan ko ang tenga ko at napalingon sa kanya nang nanlalaki ang mata. Paano siya nakalapit sa akin ng ganun kabilis? Sa pagkakatanda ko ay patawid palang sya kanina. Napahigpit ang hawak ko sa bag ko.

"A-anong kailangan nyo?" Hindi ko mapigilang mautal sa takot. Bakit ba kasi sa akin pa ito natapat?

Napaatras ako nang bigla niya akong amuyin. 

"Napakabango ng dugo mo, Miss. Kakaiba."

Ano daw? Dugo? Kakaiba?

Agad akong napalingon sa harap ko nang may maramdaman akong presensya. Hindi ko napansin ang paglapit niya tulad ng ginawa ng lalakeng nasa likod ko. May katangkaran ang dalawang lalaki kaya nakatingala ako. Bagay na gusto kong pagsisihan. Lalong gumapang ang kilabot sa katawan ko nang mabistahan ko ang mga mata nilang kasing pula ng lipstick ng boss ko. Para silang mga adik na nanlilisik ang mga mata, pulang pula na parang sumisigaw ng karahasan. 

Napaatras agad ako palayo sa kanila nang magsimula silang humakbang palapit sa akin. Tinantya ko ang sarili ko. Sa estado ng tuhod ko ngayon, hindi ako nakakasigurong makakatakbo ako ng direcho. Grabe ang panginginig nito na ultimo pagtayo ay nahihirapan na akong bumalanse.

"Pwede ka bang tikman, miss?" Nanunuyang sabi nang lalaking papalapit saken.

"Liu, wag mo nang paglaruan para hindi na mahirapan si miss ganda."

Nanlaki ang mata ko nang sa isang kisap-mata lang ay nasa likuran ko na ang lalaking kanina lang ay nakaupo sa kabilang kalsada.

Paano nangyari yon? Paano siya nakapunta sa likuran ko ng hindi ko nararamdaman? 

Hindi ako pwedeng mamatay dito. Kailangan ako ng pamilya ko. Kailangan kong makaalis kahit na anong mangyare. Paglalaruan? Para di na mahirapan? Kung balak nila akong patayin, hindi ako papayag na ganun lang kadali. Hinamig ko ang sarili at hinanda para sa pagtakbo. Buong lakas kong ihinampas ang bag sa lalaking nasa harap ko para sana ay mahawi sya at makatakbo ako pero laking gulat ko nang hindi man lang siya natinag. Para siyang bato na wala man lang naramdaman. Walang kagatol-gatol na bumagsak ang bag sa sementong kalsada kasabay ko.

Anong nangyari?

Umalingawngaw ang matinis na tunog sa kanang tenga ko at nawalan ng pakiramdam ang kaagapay na pisngi. Nanlabong bigla ang paningin ko. Napahawak ako sa pisngi ng humapdi iyon at nakaramdam ng likido galing doon. Sinampal niya lang ako pero halos lumipad ako palayo base na rin sa halos dalawang metrong layo ng pinagbagsakan ko mula sa kanya.

Nanggigilalas na binalik ko ang tingin sa kanila. Hindi sila tao. Yon ang tanging bagay na nasisiguro ko. Hindi sila normal na tao. Mga halimaw sila. 

Ang kaninang matitino nilang mga ayos, ngayon ay animo mga hayop na unang beses pa lang nakakita ng pagkain. At ang pagkain na yon ay walang iba kundi, ako. Nangilid ang luha ko pero hindi ko inaalis ang tingin sa kanila. Natatakot ako na baka ano mang oras ay bigla nalang nila akong sunggaban at lapain. Napailing ako sa isip. Hindi ito pwede. Hindi ako dito mamamatay. Pero paano ako tatakas sa kanila? 

Pasimple kong nilingap ang mata. Naghahanap ng mahihingan ng tulong habang unti-unting tumatayo. Nanghihina ang tuhod ko at lalo pang nanghina nang wala man lang kahit isang maligaw sa lugar na yon para hingan ko ng tulong. Napasinghap ako nang sa pag-ihip ng hangin ay nasa harap ko na ang lalaking sumampal saken. Nanginig ako.

"Wag ka ng maghanap ng tulong miss, walang makakatulong sayo."

Iyon lang at sa isang iglap ay naramdaman ko nalang ang matinding kirot sa likod ko lalong-lalo na sa ulo. Nanlalabo na naman ang paningin ko. Napigil ko ang aking hininga nang magsimula akong lukubin ng sobrang sakit. Hindi ko na napigilan ang pagdaing. Hindi ko na maintindihan ang nangyayari. Napakabilis. Sa isang iglap lang ay humampas ako sa poste. Nalasahan ko ang kalawang sa bibig ko na unti-unting umaagos sa aking baba.

Habang walang patid ang pagdaing ko ay wala namang ibang ginawa ang mga lalaking iyon kundi ang tumawa. Mga mukha silang sira ulo na tuwang-tuwa habang nakikita akong nahihirapan at nasasaktan.

Doon na tumulo ang luha ko. Ayoko pa sanang mamatay pero anong gagawin ko? Masyadong malakas ang mga lalaking iyon kaya kahit anong gawin ko ay hindi ko sila magagawang takasan. Lalong rumagasa ang luha ko ng maalala ko ang pamilya ko. Hindi na ako makukulit ni mama ko na kumain bago umalis. Hindi ko na din makikita si papa. Kung bakit kasi napakadalang nyang umuwi. Hindi ko na din maaaway ang kapatid ko. Lalong hindi na ako makakapag-asawa. Eto na ba talaga ang huli? Mamamatay akong virgin? Pero 25 palang ako.

Pinilit kong ibangon ang sarili ko paunti unti. Halos pangapusan ako ng hininga sa konting galaw lang. Nasisiguro ko na may bali akong buto. Hindi ko namalayang nakalapit na pala sakin ang isa sa mga lalaki. Bigla nyang pinahid ang tumulong dugo mula sa bibig ko saka diretchong dinala sa bibig nya para tikman iyon. Nangilabot ako sa ginawa niya. Ayoko sanang maniwala pero harap-harapan nyang tinikman ang dugo ko.

"You have an extraordinary taste, miss," sabi nya. "A delicious one." Ang pula niyang mga mata ay lalong tumingkad pagkasabi noon. Parang lalo siyang nasabik at nauhaw.

Nahintakutan akong lalo pero wala na akong magawa. Nahihirapan na akong huminga at nanlalabo na rin ang paningin ko. Unti-unti nang bumabagsak ang talukap ng mata ko. Gusto ko nalang matulog. Nakita ko pang sumugod papunta sa akin ang mga mukhang hayok na mga lalake. Hindi ko na mapagwari kung ano-ano ang mga sumunod na nangyari. Ang rumehistro nalang sa isip ko ay ang marahang pagbuka ng bibig ng lalaking katabi ko. Ang matutulis niyang ngipin na nakaumang sa braso kong hawak nya. Hindi na ako makapalag. Hinintay ko na lang kung ano ang susunod niyang gagawin sa akin.

Sa muling pagbukas ko ng mga mata ay may isang lalaki na parang hangin sa bilis na isa-isang hinahablot sa dilim ang mga lalaking susunggab dapat sa akin. Nakakamangha. How can a person moves swiftly like that? Para na siyang humahalo sa hangin. Si flash ba siya?

Nang maubos ang mga kasama ng lalaking nasa tabi ko ay naglakad ang lalaki palapit sa amin. Naramdaman ko ang panginginig ng katabi ko. Natakot siya? Nanghihina na ako at blurr na ang paningin ko kaya marahil ay hindi ko na masabi kung nakakatakot nga ba siya. 

Nang makalapit ito ay marahas nyang hinablot ang katabi ko at pinutol ang ulo. Sumulak ang dugo nito sa leeg at bumagsak sa lupa. Bumaliktad ang sikmura ko sa nasaksihan. Gusto ko sanang masuka pero hindi na ako makakilos. Ngunit sa kabila ng ginawa nya ay hindi ako nakakaramdam ni katiting na takot.

"You're safe now," sabi nito saka umupo sa tabi ko. Sinubukan kong aninawin ang mukha nya pero tanging ang pulang pula niyang mata lang ang naaninag ko.

Maya-maya pa ay naramdaman ko nalang ang pag-angat ko sa semento. Marahil ay binuhat niya ako. Nakaramdam ako ng kakaiba. Bakit ang sarap sa pakiramdam na nasa bisig nya? Parang nawala lahat ng sakit na nararamdaman ko.

"Don't scare me again." 

Narinig ko pa ang sinabi niya bago ako tuluyang mawalan ng malay. Bakit siya natakot? Para sa akin ba yon? Hindi ko na maidilat ang mata ko. Naramdaman ko nalang ang malamig na bagay na dumampi sa noo ko. 

"Sleep now."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status