Share

Yumi and the Golden Mansion
Yumi and the Golden Mansion
Penulis: Writer Zai

Chapter 1

ISANG dalaga ang nakahiga sa bubong ng bahay at malayang nakatunghay sa nagkikislapang bituin. Naka-unan siya sa magka-ekis niyang braso. Siya si Yumi--ang dalagang sagana sa 'sana'. Gumugugol siya ng oras upang kausapin ang mga bituin sa bubong ng kanilang bahay. 

"Sana, bukas mayaman na ako. At sana, mahanap ko na ang Prince Charming ko," halos pabulong niyang sambit ngunit mababasa iyon sa pagkibot ng kanyang bibig.

Napangiti siya nang makitang kumislap ang isa sa malaki at maliwanag na bituin. Wari ba'y hudyat iyon na malapit nang matupad ang kanyang kahilingan. 

"Ma, Pa, kumusta na po kayo riyan sa langit? Pakibulong naman po kay God, sana'y tuparin na Niya ang aking kahilingan. Para makabayad na ako ng mga utang natin. At upang sa gayon po'y hindi na magalit sa akin si T'yang Lour--" Naputol ang kanyang pagsasalita nang marinig ang sigaw ng tiyahin. 

"Mayummiiii, nasaan ka na naman baaa?" 

"Lagot!" anas niya. "Hindi pa nga pala ako tapos sa gawain ko!" Mabilis siyang bumangon at tinalunton ang bintana ng kanyang silid. Saglit pa ay napalingon muli siya sa kalangitan. "Lord, pagpasensiyahan mo na po ang tiyang ko, ha! Mabait naman po talaga siya." Pagkawika niya'y lumusot na siya sa bintana ng silid. 

Inisang hakbang lamang niya ang limang baitang na hagdan na yari sa kahoy patungo sa ikalawang palapag. Naabutan niya na nakapamaywang si Lourdes sa harap ng silid nito. 

"Natutulog ka na naman ba?" hiyaw ng ginang. "Hindi pa oras ng pagtulog, hindi ba?" Naningkit ang mata ni Lourdes habang nagsasalita.  

"Hindi po, Tiya. May ginawa lang po ako sa silid ko."

"Hay naku, Ma, sigurado ako na nakahilata na 'yan sa higaan niya." 

"Nakita mo ba?" Umiling ang kanyang tinanong na ikinataas ng kilay niya. "Hindi naman pala eh! Kung makapagsagot ka ng sigurado, wagas!" anas niya. 

"Mama oh! Sinasagot na ako ni Yumi ngayon." Nagpapadyak si Althea na animo'y bata. 

"Tumigil ka na nga, Althea! Pumasok ka na ngayon sa kuwarto mo! Maaga pa tayong aalis bukas!" hiyaw ni Lourdes sa anak. "At ikaw," baling nito kay Yumi. "Tapusin mo na ang gawain sa ibaba. Mamamalantsa ka pa ng isusuot namin bukas." 

"Opo, T'yang Lourdes." 

Tinungo na niya ang ibabang bahay upang tapusin ang naiwang gawain. Naratnan niyang nakalatag pa ang kinainan ng mag-ina. Napa-iling na lamang siya habang inaayos iyon. Dinala na rin niya sa lababo ang mga pinggan at inumpisahang hugasan. 

Twenty-three years old na siya at mahigit sampung taon na siyang ina-alila ng mag-ina. Ang buhay niya'y maihahambing sa buhay ni Cinderella subalit may pinagkaiba, wala siyang fairy god mother na sumusubaybay sa kanya. Kung may pagkakaiba, may pagkakapareho rin naman--ang pinsan niyang si Althea. Ang dalagang hindi naman kagandahan pero kung pumapel ay tinalo pa si Angel Locsin. Palaging may hawak na salamin. Makinis at maputi ang balat nito dahil sa sandamakmak na glutathione na itinuturok sa katawan. Anak ito ng Tiyang Lourdes niya--ang tiyahin niyang saksakan ng bait. At kapag ito'y sumigaw, walang binatbat ang haba ng traffic sa EDSA sa sobrang haba at tiyak na mapapatakip ng tainga ang sinumang makaririnig nito. Pihadong matatanggal ang pinaka-tago-tagong tutuli. 

Ipinunas ni Yumi ang kamay sa nakasabit na damit. "Thank you, Lord, natapos na ang isang gawa," nawika niya. 

Kasunod niyon ay dinampot na ang timba sa gilid ng kusina, nakalagay sa loob niyon ang basahan. Umakyat sa hagdan at simula sa ikalawang palapag ay maingat niyang pinunasan iyon gamit ang basang tela. Pati kasulok-sulokan ng bahay ay pinunasan din niya. Iyon ang bilin sa kanya ng tiyahin at dapat ay pulido ang gawa. Hanggang sa hagdanan at bawat kanto ng bahay ay pinunasan niya, para raw paggising ng mag-ina kinabukasan ay malinis at mabango ang paligid. Gabi-gabi niyang ginagawa iyon na noong una ay ikinahina pa ng katawan niya. Muntikan pa siyang magkasakit dahil sa mabibigat na gawaing iniaatang sa kaniya. 

Simula nang pumanaw ang magulang niya'y si Lourdes na ang kumupkop sa kanya. At bilang kabayaran ay kanyang lilinisan ang dating bahay niya. Oo. Tama. Bahay niya iyon...noong buhay pa ang kanyang magulang. Pero nang pumanaw ang mga ito'y sapilitang kinuha sa kanya ng tiyahin niya. Kabayaran daw iyon sa mga utang ng magulang niya. Hindi na lamang siya kumibo dahil para sa kanya, wala na rin naman siyang magagawa pa. Wala siyang laban sa tiyahin na dinaig pa ang armalite sa tabas ng pananalita nito. Kahit nga sinong tao ang nagsasabi na 'bungangera' ang tiyahin niya lalo na ang mga tao sa palengke.  

"Whoah! Nakatapos na rin sa wakas! Makakapagpahinga na rin." Tumayo siyang bitbit ang timba, "Aray! Ang baywang ko, mababali na yata!" Napahawak siya sa baywang na sumakit, ini-ikot-ikot iyon ng ilang beses. "Okay ka na muli." Nangiti siya at muling ipinagpatuloy ang paglalakad. Ibinalik sa pinagkuhaan ang timba, saka'y umakyat na ng hagdan.

Nasa unang baitang na siya ng hagdan patungo sa sariling silid nang maalala ang huling utos ng tiyahin. "Patay! Mamamalantsa pa nga pala ako." Muli siyang bumalik sa ikalawang palapag. Tinungo niya ang isa pang bakanteng silid na dati'y silid niya. Tambakan na iyon ngayon ng mga gamit at siyempre doon siya namamalantsa. 

Kahit mali ang trato sa kanya ng tiyahin at pinsan, hindi kailanman sumama ang loob niya sa mga ito. Para saan pa kung magre-reklamo siya?  Wala ring patutunguhan ang magiging galit niya sa mga ito, sa huli ay lalabas pa rin siyang talo. Hindi naman maramot sa pagkain ang tiyahin at iyon ang kanyang ipinagpapasalamat. Kaya kahit nahihirapa'y nagtitiis na lamang siya, ang mahalaga'y may masisilungan at makakain siya.

Namimigat na ang talukap ng kanyang mata habang iinot-inot na ina-akyat ang hagdan patungo sa silid. Pagkapasok doo'y hindi na niya nagawa png magpalit ng damit. Pabagsak siyang nahiga sa higaan. 

"Aray!" 

Muli siyang bumangon. Hinipo ang katawang nasaktan dahil sa maling nagawa. Nakalimot na naman siya. Hindi nga pala kasing lambot ng higaan ni Althea ang higaan niya. Pinaglumaan na iyon ng pinsan at kasing-nipis na ng isang buong pad paper ang foam na iyon. Mabuti na lamang at sa unan bumagsak ang kanyang mukha. 

"Goodnight, Lord," muli ay padapa siyang nahiga ngunit maingat na niyang inilatag sa higaan ang pagal na katawan. 

"MAYUMIIII..."

Napabalikwas ng bangon si Yumi kasabay ang pagbigkas sa salitang "Nasaan? Nasaan ang sunog?"

"Mayumi, bumaba ka na riyan! Aba'y tanghali na'y nakahilata ka pa!" muling sigaw ni Lourdes. 

Naihilamos niya ang kanang palad sa naghihikab na bibig. "Tanghali na ba?" napatingin siya sa relong nasa ulohan, "My gosh! Alas-siyete na pala!" 

Nagkukumahog siyang lumabas ng silid at tulad nang inaasahan, naabutan niyang nakapamaywang sa ibaba ng hagdan ang kanyang tiyahin. 

"Anong oras na?"

"P-po!"

"Bingi lang o nagbibingi-bingihan?" Tinig ni Althea na kulang na lamang ay mabasag na ang salamin sa kakatingin nito sa hawak upang makita ang sarili.

Hindi pinansin ni Yumi ang matalas na pananalita ni Lourdes. Mas tumatak sa isipan niya ang nakikitang anyo ni Althea. Ang labi nito'y dinaig pa ang siling labuyo sa sobrang pula. Ang mukha nama'y ubod ng puti, kulang na lang ay magmukha itong espasol. At ang mata...ginuhitan ng itim na lapis ang gilid, dinaig pa ang may black eye. 

"Naiintindihan mo ba?" 

Napapitlag siya nang humampas sa magkabila niyang tainga ang salitang iyon, tila ba'y isang malakas na alon ang dating niyon sa kanya. "O-opo T'yang. P-pasensiya na po, tinanghali ako ng gising. Hindi po ako nakapag-set ng alarm kagabi," paliwanag niya kahit hindi naman tungkol doon ang sinasabi ng kanyang tiyahin. 

"Ipagluto mo kami ng hapunan at 'yong mga binilin ko, huwag mong kalilimutan." 

"Opo, Tiya." Ang mata niya'y hindi inaalis sa pinsang kulang na lang ay mabasag ang hawak na salamin.

"Ma, sa labas na lang tayo kumain. Ayaw ko nang luto rito sa bahay. Look mo ang skin ko oh! Ang pangit na. Kasing-pangit ng lasa ng nilulutong pagkain ni Yumi!" maarteng sabi pa ni Althea kasabay ang paghaba ng braso sa harapan ng ina.

Lihim na sumimangot si Yumi sa sinabing iyon ng pinsan niya. "Kung hindi ka naman ba saksakan ng arte, hindi sana magkakaganiyan ang balat mo na tila labanos sa puti." Sa isipan lamang niya iyon lumabas 'pagkat tiyak na masasabon siya nito ng sermon. 

"Althea, kailangan nating magtipid." Marahang ibinaba ng ginang ang braso ng anak. "Alam mo namang nagigipit na tayo ngayon at sobrang mahal na ng bilihin. Pagtiyagaan mo na lamang muna kung ano ang mayroon tayo. Hamo't makakaraos din tayo." 

Nagpapadyak na naman si Althea na animo'y bata. "Kasi naman eh!" 

"Althea!" pahiyaw na sambit ni Lourdes. Ngumuso lang naman ang sinigawan nito.

"Tiya Lourdes, ano pong gusto ninyong kainin sa hapunan?" Nagkikislapan ang mata ni Yumi sa tanong na iyon. 

"Yong masarap!" gigil na sagot ni Althea.

Labis iyong ikinatuwa ni Yumi. Alam niya kung paano mainis ang pinsan na lagi namang bumibigay sa tuwing aasarin niya ito. 

"Kahit ano, basta makakain!" pabulyaw na ring sagot ni Lourdes. "Althea, halika na! Aabutin na tayo ng traffic, baka'y hindi ka pa maka-abot sa interview mo."

Nagpati-una na ito sa pagbaba na sinundan ng dalagang halos mabali na ang baywang sa pagpilantik. Papunta ang mag-ina sa istasyon ng telebisyon, may sasalihan daw si Althea na contest at ngayon ang interview nito. 

"As if namang magtatagumpay!" anas ng isipan niya. Dumungaw siya sa bintanang nasa likuran niya. Hinintay na makita ang pagdaan doon ng mag-ina. "Goodluck Althea, sana'y matanggap ka!" habol niyang sigaw dito. 

Ngiti lang ang itinugon ng kanyang pinsan. Kapag ganoon ang naririnig nito'y nawawala ang nararamdaman nitong inis. Bumabalik sa dati ang pakiramdam nito--ang feeling maganda.

Nakangiti ring hinabol ng tanaw ni Yumi ang mag-ina, "Back to work," aniya kasabay ang paghakbang patungo sa hagdanan. 

ISA-ISANG tinatapos ni Yumi ang gawaing bahay, maya't maya pa ay napahinto siya sa paglilinis, nasa silid siya na dati ay silid ng magulang niya. Sinipat niyang mabuti ang kabuohan ng silid. 

"Napupuno ito ng tawanan kapag pumapasok ako noon dito. Noong buhay pa kayo Mama, Papa. Miss na miss ko na po kayo." Pinigil niya ang napipintong pagtulo ng luha. "Kakayanin ko po ang lahat ng dumating na pagsubok sa aking buhay." Pinahid niya gamit ang ibabaw ng palad ang luhang pilit na kumawala pa rin.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status