Sahara’s POV
Dalawang kumpanya na ang pinasukan ko ngayong linggo, pero pareho lang din ang naging sagot sa akin—"Pasensya na, Miss Villareal. Hindi ka namin matatanggap sa ngayon."
Paulit-ulit. Parehong linyang halos butas na ang tenga ko sa kakarinig.
Lumabas ako ng building ng huling kumpanya na inaplayan ko, dala-dala ang maruruming papel ng resume na ilang beses ko nang binasa sa pag-asang baka sa susunod, may pag-asa. Ramdam ko na ang pagod sa katawan ko, pero hindi pa rin ako sumusuko.
Bumuntong-hininga ako at muling pinunasan ang pawis sa noo habang nilingon ang maliit na papel sa aking kamay—isang listahan ng mga gamot ni Daddy na kailangan ko nang bilhin bago pa lumala ang kanyang lagay.
"Sahara, kailangan mong bilhin ang gamot. Hindi pwedeng magpahinga si Papa ngayon," bulong ko sa sarili, pilit na pinapalakas ang loob.
Mabilis akong sumakay ng jeep patungo sa pinakamalapit na pharmacy. Kahit kapos sa pera, wala akong pakialam. Kahit magkanda-utang ako, ang mahalaga ay magamot si Daddy. Siya na lang ang natitira sa akin.
Pagkarating sa pharmacy, agad akong nagtungo sa loob, hawak-hawak ang listahan. Nilapitan ko ang pharmacist at ibinigay ang papel.
"Miss, ilan po sa mga ito ang available?" tanong ko.
Tinignan ng pharmacist ang listahan at saka umiling. "Ma'am, ito lang po ang meron kami ngayon," sabay abot sa tatlong kahon ng gamot.
Mabilis kong kinalkal ang laman ng wallet ko—ilang pirasong marurupok na bente pesos at ilang barya. Hindi sapat.
"Kulang."
Napakagat ako ng labi. Tumingin ako sa cashier. "Miss, pwede bang installment muna ito? Babalikan ko na lang yung iba bukas. Kailangan lang talaga ni Daddy ko ng gamot."
Umiling ang cashier. "Pasensya na po, Ma'am. Full payment po talaga ang policy namin."
Napasinghap ako at pinilit ngumiti. "O-okay... kunin ko na lang po yung kaya ko."
Matapos mabayaran ang gamot na kaya kong kunin, lumabas na ako ng pharmacy. Hindi ko namalayan na unti-unti na palang bumabagsak ang mga luha ko.
"Ano bang klaseng malas ito?" bulong ko, pilit nilalabanan ang takot at pagod.
Habang naglalakad ako sa may sidewalk, hawak-hawak ko ang maliit na paperbag ng gamot sa isang kamay, at ang bag ko sa kabila, naramdaman ko ang mabilis na paghila nito mula sa aking balikat.
"AAAY!!!" napasigaw ako.
Isang batang lalaki ang mabilis na humablot ng bag ko at tumakbo.
"Hoy! Magnanakaw!!!"
Wala akong inisip kundi habulin siya. Hindi ko na inalintana kung sino ang nakatingin. Lahat ng natitirang pera ko, ATM card, ID—lahat nasa loob ng bag na iyon.
"Para sa Daddy ko iyon! Buwisit ka!" sigaw ko habang pilit na hinahabol ang magnanakaw.
Pabilis nang pabilis ang pagtakbo ko kahit halos mamaga na ang binti ko. Tumatawid siya sa kabilang kalye—at sa pagkahabol ko, hindi ko napansin ang humaharurot na motorsiklo.
"BRAAAAKKK!!!"
Isang iglap lang. Isang matinis na tunog ng preno at kalabog ng katawan ko sa malamig na semento.
Naramdaman ko ang init ng sugat sa tuhod at siko ko, sabay ang nanunuot na sakit sa balakang. May mga taong lumapit.
"Miss! Miss, okay ka lang?" tanong ng isang matanda.
Naririnig ko silang lahat, pero para bang lumulutang ang pandinig ko. Ang bilis ng pintig ng puso ko. Lumalabo ang paningin ko habang nakatingin sa mga dumadaang ilaw ng sasakyan.
"Hindi... hindi pwedeng dito magtapos... si Daddy..."
Hinabol ko pa ang hininga ko, pilit pinipigilan ang paghikbi habang unti-unting bumabalot ang dilim sa aking paningin.
"Help... someone help me..."
At doon tuluyan akong nawalan ng malay.
Nagising akong parang nalunod sa isang malalim na bangungot.
Mabigat ang talukap ng aking mga mata, at tila may kung anong malamig at malambot ang bumabalot sa akin. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Maputi ang kisame. Malamig ang simoy ng hangin mula sa aircon.
"Saan ako...?"
Napabalikwas ako ng bangon, agad na kinapa ang sarili ko. May benda sa tuhod, mahapdi ang gilid ng siko ko, at nananakit ang balakang ko. Huminga ako nang malalim, pilit nilalabanan ang gumuguhong takot.
Ngunit mas matindi ang kaba nang bigla kong maalala—si Daddy!
"Daddy... kailangan ako ni Daddy..."
Agad kong hinanap ang bag ko, ang cellphone ko. Wala sa tabi ko ang mga iyon. Naghalungkat ako sa ilalim ng kumot, sa mga lamesa sa gilid, sa upuang malapit—wala.
"Ninakaw din ang cellphone ko?"
Mas lalo akong nag-panic. Hindi ko alam kung anong oras na. Hindi ko alam kung ilang oras na akong wala sa tabi ni Daddy. Kumakabog ang dibdib ko sa kaba.
Bumangon ako mula sa kama. Nanginginig pa ang mga binti ko, pero pinilit ko ang sarili ko makatayo. Napansin kong bahagyang nakaawang ang pinto.
Mula roon, dinig ko ang mahinang boses ng isang matandang lalaki.
"Son. I need you here now. Right away."
Mahinahon pero mariin ang boses nito. Tila may inaasahan siyang darating.
Sumilip ako nang bahagya, pilit sinisipat kung sino ang kausap. Hindi ko man makita ang mukha ng kausap niya sa kabilang linya, ramdam ko ang bigat ng kanyang tinig.
Bago pa ako muling makagalaw, biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang isang matandang babae, marahil nasa mga singkwenta o sisenta ang edad. May maamong mukha at malambing ang mga mata.
Ngumiti ito sa akin.
"Ay, gising ka na pala, iha. Kamusta ang pakiramdam mo? May masakit pa ba sa’yo?"
Saglit akong natigilan sa tanong. Huminga ako nang malalim at umiling.
"Wa-wala na ho masyado... pero... gusto ko na pong umuwi. Kailangan ko pong umuwi. Kailangan po ako ng Daddy ko."
Nilapitan niya ako at marahang pinisil ang kamay ko.
"Iha, magpalakas ka muna. Huwag kang mag-alala, ligtas ka rito. Naaksidente ka kanina. Mabuti at may nakakita sa'yo agad at nadala ka rito."
Lalo akong nag-panic.
"Pwede po bang makahiram ng cellphone? Tatawagan ko lang po si Daddy ko... kailangan ko pong sabihin sa kanya kung nasaan ako."
Ngunit bago pa muling makasagot ang babae, pumasok ang matandang lalaki—tahimik, matikas ang tindig, may presensyang hindi nakaka-intimidate pero nakakaramdam ng respeto.
"Ano nga pala ang pangalan mo, iha?" tanong niya, malamig ngunit may lambing sa boses.
Umangat ang tingin ko sa kanya.
"S-Sahara po..."
"Sahara..." ulit niya, tila iniukit ang pangalan ko sa isip niya.
Ngumiti siya. "Mabuti naman at nagising ka na. Huwag mong masyadong alalahanin ang lahat. Wala kang dapat ikabahala. Magpahinga ka muna rito."
Tila bumigat ang dibdib ko.
"B-but... may tatawagan lang po sana ako... si Daddy ko—"
Umiling siya, mahina ang pagkakasabi. "Pasensya ka na, iha, wala pang sinuman ang makakadalaw sa ngayon. Pinagbilinan ko ang mga staff—magpahinga ka muna. Hindi ka pa ganap na malakas."
Napayuko ako, kinuyom ang kumot. Hindi ko alam kung bakit nanginginig ako. Hindi ko rin alam kung bakit may kakaibang pakiramdam akong lumulukob sa akin.
"
Parang may malaking bahagi sa isip ko na nananatiling puti. Isang hiwa ng katahimikan sa gitna ng ingay ng aking kaba.
At sa mga susunod na segundo, hindi ko maipaliwanag kung bakit tila ba may mga matang nagmamasid sa akin—inaantay ang bawat galaw ko.
Kinabukasan
Maagang dumilat ang mga mata ko. Saglit akong naguluhan kung nasaan ako—hanggang sa maalala ko ang nangyari kagabi.
"Naaksidente ako... tapos, wala akong cellphone... hindi ko rin natawagan si Daddy."
Muling sumiklab ang kaba sa dibdib ko. Kailangan kong makauwi. Kailangan akong makita ni Daddy.
Mabigat pa rin ang pakiramdam ko, nanginginig pa ang mga binti ko, pero hindi ko pinansin. Hindi ko kayang maghintay pa.
"Kailangan kong umalis. Baka naghahanap na sa'kin si Daddy... baka lalong lumala ang lagay niya."
Tahimik kong tinanggal ang suero sa braso ko, napangiwi sa kirot pero kinagat ko ang labi ko para hindi mapasigaw.
Dahan-dahan akong bumangon mula sa kama. Naka-lock ang pinto pero nakaawang ng kaunti ang bintana sa gilid. Mabilis akong sumilip, wala namang tao sa labas. Marahil abala ang mga staff.
Sinubukan kong lumakad. Mabigat ang mga hakbang ko pero pinilit kong kayanin.
Pagkabukas ko ng pinto, mabilis akong sumilip sa hallway. Tahimik. Wala pa ring ibang tao.
Naglakad ako, pinipilit hindi humikbi sa sakit ng mga galos at pilay ko. Sa gilid ng corridor, may narinig akong papalapit na yabag.
"Sht!"*
Mabilis akong nagkubli sa likod ng isang cabinet.
At saka ko narinig ang malamig na boses na pamilyar:
"Where is she?"
"Doctor, kararating niyo lang. Akala po namin nandoon pa siya sa silid." sagot ng nurse.
"Find her. Now."
Kinabahan ako lalo.
"Doctor? Sino—sino siya? Boses pa lang niya nakakatakot na. "
Pero wala nang panahon. Alam kong kailangan kong makaalis.
Mabilis akong sumuot sa likod na pinto na nakita ko kagabi sa hallway, patungo sa emergency exit. Habang pilit akong binabalanse ang sarili ko pababa sa hagdanan, paulit-ulit lang sa isip ko ang isang bagay:
"Kailangan ko nang makauwi kay Daddy."
---
Pagdating sa bahay...
Pagkapasok ko sa aming simpleng bahay, halos bumigay ang mga tuhod ko.
Nang buksan ko ang pinto, bumungad sa akin ang matandang yaya naming si Manang Rosa. Siya na lang ang tanging kasama ni Daddy ngayon, kahit hindi siya kadugo—matagal na siyang katuwang ni Mama noon pa.
Nagulat si Manang Rosa nang makita ako.
"Iha! Diyos ko po! Bakit ka naglalakad nang ganyan? Bakit ka hindi nagpapagaling sa ospital?"
Pero wala na akong ibang iniisip kundi ang makita si Daddy.
Mabilis akong pumasok sa loob.
Doon, sa maliit naming sala na ngayo'y naging parang silid na, nakahiga si Daddy sa kama. Payat, maputla ang mukha. May hawak siyang maliit na kutsara, pinapakain siya ni Manang Rosa ng lugaw.
"Da-Daddy..." halos maiyak akong tawagin siya.
Napalingon siya sa akin, unti-unting nagliwanag ang kanyang mga mata.
"Sahara... anak..."
Lumapit ako sa kanya, halos gumapang na.
"Pasensya na po, Daddy... ang tagal ko pong hindi nakauwi... may nangyari po sa akin pero heto na po ako..."
Hinawakan niya ang kamay ko, nanghihina pero may lambing.
"Buti nakauwi ka, anak... hindi ko alam kung anong nangyari sa'yo... pero salamat at nandito ka na."
Hindi ko napigilang umiyak. Isinubsob ko ang ulo ko sa kanyang dibdib, pilit pinapawi ang lahat ng takot.
"Kahit anong mangyari... babawi ako sa’yo, Daddy. Gagawin ko ang lahat para gumaling ka."