Share

Chapter 3 Manliligaw

Pumasok na ako sa loob ng traysikel at naupo sa tabi ni Ryker. Kinandong ko sa hita ang mga aklat na hawak ko kanina.

“Sa may Robles muna tayo, Loy,”ani Ryker sa drayber na kilala niya pa yata dahil sa pagbanggit niya sa pangalan nito.

“May sadya kayo sa kalye namin?”

Tiningnan niya ako. “Oo. Ihahatid ka.” Ibinaba niya ang tingin sa mga libro na nasa hita ko. “Nagpapatayo ka ng library sa inyo?”

Hindi nakalagpas sa akin ang panunukso niya. “Kailangan ko para sa finals,” pangangatuwiran ko.

Inismiran niya ako. “Mag-aaral ka pa malapit na bakasyon?”

“Dean's lister ako,” saad ko bilang paliwanag. Napatingin ako sa kanya nang maalala ko ang ikuwenento ni Jandy sa akin tungkol sa babae nito.

Napansin niya ang ginagawa kong paninitig sa kanya kaya mula sa pagtingin sa daan ay bumaling siya sa akin.

“Ano? May tanong ka?”

Bumuka-sara ang bibig ko. Hindi naman kami close para buklatin ko ang paksa tungkol sa sex life niya. Iba na lang ang tinahak kong paksa.

“Paano mo nalaman kung saan ako nakatira?”

Muli siyang tumingin sa harapan. “Kilala ng mama ko ang tatay mo.”

Kumunot ang noo ko at pasimple naman siyang napasulyap sa akin. Siguro ay nahalata niya ang kalituhan ko sa sinabi niya kaya naman ay nagpaliwanag siya. “Kilala ang tatay mo sa simbahan. Aktibo naman ang nanay ko sa pagsisimba.”

Tumango ako at napansin ang pagdukot niya sa kanyang bulsa.Tinitigan ko ito at nakita ang cellphone. Iniabot niya ito sa akin.

“Hingi ako number,” deretsahan niyang sinabi.

“Ng tatay ko ba?” pagkaklaro ko. Wala naman akong nakikitang rason para hingin niya ang numero ko.

Pilyo siyang ngumisi. “ ‘Di ako nakikipag-textmate sa mga tatay. Siyempre, number mo.”

“Bakit mo naman hihingin ang number ko?” Tinaasan ko siya ng isang kilay.

“Type kasi kita,” deretsahan at wala man lang paligoy-ligoy niyang pagbitiw. “Ibibigay mo ba? Wala ka namang boyfriend, 'di ba?”

Sarkastiko akong napasinghap dahil sa pagkamangha sa inaasta niya. Halatang sanay na sanay na sa pakikipaglandian sa mga babae. Ganito niya ba nabibingwit ang mga babae niya? Sinulyapan ko ang drayber na siguradong nakikinig sa usapan namin. Nakita kong nakangisi ito.

Ibinalik ko ang tingin kay Ryker na nakatingin at naghihintay pa rin sa isasagot ko.

“Hindi kita type. Mataas ang standards ko.” Kung prangka siya, mas prangka naman ako.

Humalakhak ang drayer ng traysikel. “Wala ka pala, Ry, eh. Supalpal ka!” panunuya nito.

Ang buong akala ko ay maiinsulto siya sa sinabi ko pero nagulat na lang ako nang sumabay na rin siya sa pagtawa.

“Magiging sa'kin din 'to, Loy,” pagmamayabang niya pa.

Pinandilatan ko siya bago itinuro sa drayber ang bahay namin. “Diyan lang ako sa kulay green na lumang gate.”

Mabuti na lang at huminto na ang traysikel sa harap ng gate ng bahay namin at baka nasapak ko pa ang mayabang na damuho.

Kumuha ako ng barya mula sa bulsa para magbayad na ng pamasahe. Iniabot ko ito sa drayber ngunit hinawi naman ni Ryker ang kamay ko.

“Ako na magbabayad,” pagpepresinta niya.

Sinimangutan ko siya at muling iniangat ang kamay para iabot ang barya sa drayber.

“Ako na! Ayaw kong magkaro'n ng utang na loob gayong 'di naman tayo close,” paninindigan ko.

“Magiging close din naman tayo,” pasaring niya naman.

Hindi ito tinanggap ng drayber na mukha pa yatang kinagigiliwan ang panonood sa bangayan namin ni Ryker. Lumabas ako ng traysikel at pagkatapos ay inilapag ang barya sa upuan nito.

Dere-deretso akong naglakad palapit sa gate at binuksan na ang tarangkahan nito. Pumasok na ako sa loob at maski isang beses ay hindi na ako lumingon pa sa kanila.

Umakyat ako kaagad sa kuwarto pagkatapos kumain ng hapunan. Nagsuot na ako ng pajama ngunit wala pang balak na matulog. Naupo na muna ako sa may study table at iginugol ang dalawang oras sa pag-re-review para sa nalalapit na finals.

Sa dami ng ni-review at hindi pa man nakakapangalahati ay kinuha ko na muna ang cellphone mula sa loob ng drawer at kumonek sa internet.

Kakalog-in ko pa lang sa f******k ay bumungad na sa notification ko ang 'Ryker Gamba sent you a friend request.' Umirap ako sa hangin at inignora ito.

Ilang minuto muna akong tumambay sa news feed habang pa-scroll scroll lang. Bago i-off ang internet connection ay muli akong napatingin sa friend request ni Ryker. Dala na rin ng kuryosidad ay ni-click ko ang kanyang profile. Nakita kong naka-private ito kaya pinagmasdan ko na lang ang profile picture niya na naka-side view habang nakatanaw siya sa papalubog na araw.

Bumuntonghininga ako at ni-off na talaga ang connection. Ibinalik ko ang cellphone sa loob ng drawer at nagpatuloy na sa pag-aaral.

Dahil sa antok ay muntikan pa akong nakaidlip. Nilakihan ko ang mga mata nang magising talaga at nabulabog lang nang marinig ang katok mula sa pintuan.

“Po?!” Nilingon ko ito.

“Magrorosaryo na tayo ng tatay mo.” Dinig kong boses ni Nanay sa likod ng pinto. Muntik ko pa yatang makalimutan na malapit na mag-alas nuwebe. Schedule na ng rosary namin na nakasanayan na naming gawin tuwing gabi.

“Bababa na po ako!” sabi ko at isinara na ang aklat.

Pagkatapos magrosaryo ay umakyat ako pabalik ng kuwarto. Hindi na ako bumalik sa pagre-review at natulog na lang.

Magkasabay kaming kumain ng agahan ni Tatay. Hindi na nakisabay sa amin si Nanay dahil nagkape na raw siya kanina. Habang naglalagay ng palaman sa slice bread ko ay binalingan ako ni Tatay.

“Anong balak mo ngayong bakasyon? Puwede kang mag-side line sa simbahan kahit taga punas lang do'n.”

Hindi man tamang gawin ay awtomatikong sumagi sa isipan ko ang pagkayamot sa suhestiyon. Alam kong masama ang tumatakbo sa isipan ko pero. . . Puro na lang ba kami pagsisilbi sa simbahan?

“Maghahanap po ako ng partime job malapit sa bayan, Tay,” sabi ko na lang. “Para iba naman po ang environment na gagalawan ko.” Inunahan ko na siya sa pangangatuwiran at mamaya ay kumbinsihin niya pa ako sa balak niya.

“Ikaw ang bahala at gagabayan ka naman ng Diyos.” Sumimsim siya sa kanyang tasa ng kape. “Nga pala, kinausap ko si Father tungkol doon sa anak ni Daniella para sa scholarship, kakausapin niya raw muna ang bata mamayang hapon. Nasa iisang campus lang naman kayo, hindi ba?”

Nabitin sa ere ang paghawak ko sa ginawang sandwich. Ayaw ko yatang kausapin ang mayabang na lalaking iyon.

“Kayo na lang po ang magsabi kay Aling Daniella tungkol diyan, Tay,” sabi ko.

“May lalakarin ako sa kabilang bayan ngayong araw,” aniya sabay higop muli sa kanyang kape at pagkatapos ay inilapag na ito sa mesa. “Ikaw na ang magsabi roon sa anak niya tutal nasa iisang campus lang naman kayo. Maliit lang naman ang ekuwelahan niyo kaya madali lang kayong magkikita.”

Napakamot ako sa likod ng leeg at walang ganang kinuha ang sandwhich. Kinagatan ko na ito.

“Basagulero ba talaga ang anak ni Daniella, Gertrude?” mahinahon na tanong ni Tatay. Nakitaan ko rin ng pag-aalala ang kanyang mga mata. “Kung natatakot kang kausapin iyon, pupuwede ka namang magpasama sa kaklase mong lalaki.”

Yumuko ako at nagpatuloy na sa pagkagat sa sandwich. “H-Hindi naman po, Tay. Ako na po ang bahala.”

Mariin niyang tinitigan ang bawat sulok ng mukha ko gamit ang kanyang naninimbang na tingin. “Sigurado ka ba?”

Marahan akong tumango. Tahimik na naming ipinagpatuloy ang pag-kain.

Kinabukasan, sa eskuwelahan ay tulala ako habang naglalakad sa corridor. Tinanaw ko ang kabilang gusali ng highschool department sabay pagpakawala ng mababaw na buntonghininga. Mamayang tanghali ko pa naman balak na kausapin si Ryker para ipaalam sa kanya ang utos ni Father pero ngayon pa lang ay nahihirapan na ako kakaisip kung papaano siya haharapin. Papalampasin ko na lang ba iyong rebelasyon niya sa akin kahapon na type niya ako at magpapanggap na lang na hindi niya iyon sinabi?

Natigil ako sa kakaisip nang mayroong kumuha ng atensiyon ko sa sulok ng ikalawang palapag ng kanilang gusali. Naningkit ang mga mata ko at mabilis na bahagyang nanlaki rin nang makita si Cely, ang classmate ni Jandy na halatang may kahalikan na lalaki.

Sa pagiging kuryoso na rin ay imbes na sa library ang punta, lumihis ako ng daan at naglakad na palapit sa highschool deparment. Sa puwesto ko na nasa gilid ng dulo rin ng gusali ng college department ay mas klaro ko na ang mukha at katawan ng dalawa.

Kitang-kita ko nga ang hitsura ni Cely na may kahalikang lalaking estudyante at may duda na ako kung sino ito dahil likod pa lang ng lalaki ay pamilyar na sa akin.

Nagpalit na ang kanilang posisyon at ngayon ay ang lalaki na ang nakasandal sa pader ngunit sa kanyang puwesto naman ay nakaharap sa gawi ko. Hindi na ako nagulat nang makitang si Ryker ito. Nagtaas ako ng isang kilay maski hindi niya naman nakikita.

“Type pala ha,” bulong-bulong ko sa sarili habang matalim siyang tinatanaw. “Napaka-playboy talaga. Ang gago lang.” Umiling ako at tumalikod na. Naglakad na ako sa deriksiyon ng library.

I wasn't hurt. Siguro ang pride ko lang ang nasundot nang kaonti. Heto ako at nag-aalala kung papaano siya haharapin pagkatapos ng ginawa niyang pag-confess kahapon eh wala rin pa lang kuwenta dahil naglalaro lang naman siya. Ano iyon? Tini-testing niya ba kung bibigay agad ako sa kanya? Ang kapal naman talaga.

Iwinaksi ko na siya sa isipan ko. Dati pa naman wala na akong pakialam sa kanya. Ni hindi ko nga siya kinakausap kaya bakit ako magpapaapekto sa kanya? Madali lang naman na ibalik sa dati ang lahat. Ang dati na nasa iisang campus lang kami pero hindi naman nagpapansinan.

Habang nakaupo na sa loob ng library ay desidido na ako sa naging pasya. Kakausapin ko lang si Ryker at ibabalita sa kanya ang sinabi ni Tatay tungkol sa scholarship ng simbahan at pagkatapos nito, balik na ako sa pag-iignora sa kanya. Ang kapal niyang idamay pa ako sa kagaguhan niya.

“Mapupunit mo na yata iyang Human Anatomy book.” Naibalik ang wisyo ko sa kasalukuyan dahil sa narinig na pagsasalita ni Jandy na nakaupo na pala sa tapat ko. Hindi ko man lang napansin ang pagdating niya dahil sa pagiging tulala.

“Kanina ka pa? Anong ginagawa mo rito?” nagtataka kong tanong. Hindi naman kasi ako sanay na nakikita siyang nasa loob ng library.

“Kailangan kong kumuha ng reference book tungkol sa taxation sa isang subject namin.” Binuklat niya ang hawak na makapal na libro at nagsimula na siyang magbasa.

Naging tahimik lang ako ng dalawang minuto habang pinagmamasdan lang siya sa ginagawa.

“Umuwi ka sa inyo kahapon?” usisa ko.

“Siyempre naman,” sagot niya na hindi man lang nag-aangat ng tingin mula sa binabasa. “Baka matudas pa ako ni Tasyong.”

“Naglalasing pa rin ba 'yang stepfather mo?”

“May tama ka!” Tinuro niya ako ngunit nasa pahina pa rin ng aklat ang tingin niya. “Kaya nga balak ko pagka-graduate ko aalis na ako sa empiyernong bahay na 'yon.”

Nagtagpo ang kilay ko. “Iiwan mo ang nanay mo?”

Sinulyapan niya ako at panandaliang inabandona ang aklat. Maarte niyang ipinalandas ang daliri niya sa kanyang kilay. “Kahit naman kaladkarin ko pa iyang si Mercedita para isama sa pag-alis ko, mag-uugat pa rin ang mga paa no'n sa bahay ni Tasyong. Baka nakakalimutan mo na mas mahal no'n si lasinggero manyakis Tasyong kaysa sa akin na anak niya.”

Nakapangalumbaba na akong nakatitig lang sa kanya. Dumapo ang tingin niya sa aklat ko naman na kanina pa nakabukas sa harap ko.

“Hindi ka ba mag-aaral?” tanong niya.

“Sumasakit na ang ulo ko,” reklamo ko sabay sara ng aklat.

“Buti na lang talaga hindi ako matalino gaya mo,” saad niya. “Nangako si Sugarplum ko na ibabahay niya na raw ako pagka-graduate ko ng college.”

Muntik nang masubsob ang mukha ko nang manghinawa ang braso ko dahil sa rebelasyon niya.

“Paano 'yong asawa niya?”

Kinibitan niya ako ng kanyang balikat. “Ewan ko. Hindi ko na problema 'yon. Sa kanila na 'yong mag-asawa. Ang sabi niya naman sa akin na hihiwalayan na niya.”

“Naniwala ka naman?” deretsahan kong tanong.

Tiningnan niya ako sa mga mata at umirap siya. “Siyempre hindi! Hindi naman ako tangek.” Tinuro niya ang kanyang sarili. “Wais 'to, ano!”

Mariin ko siyang tinitigan. Maganda si Jandy at maraming mga lalaki rin ang nahuhumaling sa kanya.  “Hindi ka ba nakokonsensiya, Jandy?”

Natahimik siya. Akala ko ay hindi na niya ako sasagutin kaya muli ko ng binuksan ang aklat. Narinig ko naman ang malalim na pagbuntonghininga niya.

“Siyempre nakokonsensiya ako para sa asawa niya,” malungkot niyang pag-amin. “Pero kasi, Gertrude, kung ikaw iyong nasa lugar ko, isang babaeng bobo, mahirap tapos parang wala na ring mga magulang, mapapaisip ka rin na gawin ito kahit hindi tama. Wala akong choice, eh. Wala naman akong matitinong mga magulang na gaya mo.”

Ngayon ay ako naman ang natahimik. Nagpatuloy na lang kami sa tahimik na pagbabasa. Hindi ko naman talaga masisisi si Jandy dahil wala naman ako sa sitwasyon niya. Siguro nga ay may kanya-kanyang paraan ang isang tao makaalis lang sa kagipitan na pinagdadaanan niya.

Sabay na rin kami ni Jandy na kumain ng pananghalian. Pagkatapos nito ay naghiwalay na rin kami ng landas. Marami kaming pagkakatulad na dalawa. Nahihirapan kaming pareho na makisama sa mga classmates namin at mas pinipili naming dalawa na kami na lang ang magsabay sa pag-kain pati na rin sa paggala. Siguro mas komportable lang kami na magkasamang dalawa.

Napasulyap ako sa suot na relo. May natitira pa naman akong twenty minutes bago ang unang klase sa hapon. Naglakad na ako papunta sa kabilang gusali para kausapin na si Ryker. Dumaan ulit ako sa likod, sa may amoy mapanghi na pader at matataas na talahiban. Humakbang na ako ng hagdanan at dahil sa pagyuko ko ay may aksidente pa akong nakabangga.

Dinig ko ang malutong na pagmumura ng lalaki at mas nainis pa ako nang mapagtanto kung sino ito.

“Gertrude?”

Nag-angat ako ng tingin at hinarap na si Ryker. “Hi. Puwede ba kitang makausap?”

Nakatitig siya sa noo ko. “Lagyan na muna natin ng yelo 'yang noo mo. Namumula.”

Dahil sa sinabi niya ay awtomatiko akong napatampal dito. Dumapo ang tingin ko sa dibdib niya at nakita ang ballpen na naka-clip sa dulo ng nakabukas niyang butones.

“I'm fine,” mataray kong sinabi at seryoso na siyang tiningnan. “Dito ko na lang sasabihin sa'yo.”

Nagtagpo ang makapal niyang kilay sabay linga sa kinatatayuan namin.

“Dito talaga?”

“Fifteen minutes na lang ang meron ako, okay?” Plastik ko siyang nginitian. “So, ang sabi ni Tatay sinabihan daw siya ni Father na papuntahin ka sa simbahan mamayang hapon dahil kakausapin ka raw niya tungkol sa scholarship.”

Naningkit ang mga mata ko nang mapunang hindi naman yata siya nakikinig sa sinasabi ko dahil nakatutok pa rin ang tingin niya sa bandang noo ko.

“Nakikinig ka ba sa'kin, Ryker?” galit na tanong ko.

“Hindi ba talaga masakit? Bumubukol na kasi,” aniya sabay turo pa sa noo ko.

Inis ko siyang tinalikuran na at bumaba na ako ng hagdan.

“Gertrude, nakinig ako sa sinabi mo!” pahabol niya na pagtawag sa akin. Tuloy lang ang paglalakad ko. “Pupunta ako mamayang hapon pagkatapos ng klase! Five thirty din matatapos last subject mo, 'di ba? Sabay na tayo.”

Umirap ako. Hindi ko siya nilingon at nagpatuloy lang sa deretsong paglalakad papalayo.

“Hihintayin kita!” pahabol niya. “Manliligaw din ako sa'yo!”

Nagtagis ang bagang ko dahil sa huli niyang sinabi. Lokohin mo lelang mo, Ryker!

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Che Acala Paragas
Hay naku Ryker kasi
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status