Share

Chapter 3

BAGO lamunin ng antok at pagod si Toni ay naging laman ng kanyang isipan ang sinabi ng ina. Kung hindi ibabalik ng kanyang ama ang perang kinuha nito ay ang ibig lang sabihin niyon ay habang buhay na rin silang magtatago mag-ina. Habang buhay na rin silang magpapalipat-lipat ng tirahan.

Sa totoo lang ay nahuhili na rin talaga siya sa kanyang mga klase. Madalas ay hindi siya nakakapasok dahil sa kakulangan ng perang igagastos araw-araw dahil bukod sa mag-isa lang naman siyang binubuhay ng kanyang ina ay nagkakaroon pa sila ng utang sa mga kakilala. Isa pa ay nagpapabago-bago rin ang trabahong pinapasukan ng kanyang ina dahil sa paglayo nila. 

Sobrang nahihirapan na si Toni sa kanilang sitwasyon. Hindi niya akalain na ang magiging dahilan pala ng kanilang paghihirap mag-ina ay ang mismo pa niyang ama. 

Ano ba ang rason ng ama para itakbo nito ang perang hindi naman pagmamay ari? Hindi ba nito isinaalang-alang silang mag-ina sa ginawa?

SA CANTEEN ng school ay mag-isa lamang na nakaupo sa mesang inuokupa si Toni. Absent kasi ang nag-iisang ka-close niya sa paaralang iyon at gaya niya mahirap lang din, si Beth.

Baon niya ang kanin at dalawang piraso ng nilagang itlog sa pananghalian. Habang kumakain ay dinig niya ang paghahagikgikan ng mga malditang kaklase niya sa kanyang likuran at hindi maganda ang kanyang kutob doon. May pakiwari si Toni na siya ang pinagtatawanan ng mga nito. Kaya sa abot ng kanyang makakaya ay binilisan ni Toni ang pag-ubos sa sariling pagkain. 

Pagkatapos uminom ng tubig mula sa baong tubigan ay tumayo na siya habang inililigpit ang lahat ng pinagkainan.

Ang kaninang hagikgikan na kanyang naririnig ay hindi na lamang ganoon. May kasama na ring bulungan iyon at tunog ng kuha ng litrato. Nang kanyang lingunin ang mga ito ay huling-huli niya ang isa sa mga bully na kaklaseng babae na kinukuhanan siya ng litrato. 

Nanlaki ang mga mata ni Toni habang ang mga ito ay nagtatawanan habang tinitingnan ang screen ng cellphone ni Erica.

Lumapit siya sa tatlo upang komprontahin. “Bakit ninyo ako kinukuhanan ng picture?”

“Kasi nakakadiri ka,” sagot ni Erica na may-ari ng cellphone. Sinundan pa nito ng tawa at irap ang sinabi.

Napakagat si Toni ng labi upang pigilan ang sariling patulan ang mga ito. “Paano ako naging kadiri?”

“Tingnan mo,” anito sabay harap ng screen ng cellphone sa kanya. 

Nagtagis ang mga bagang ng dalagita sa nakita kasunod ang pagtakip ng kanyang dalawang kamay sa likuran. 

“Pati ba napkin hindi mo na rin kayang bilhin? Ang dami mong tagos, oh!” Nag-duet ang tatlo sa pagtawa. 

Napatingin siya sa paligid. Lahat ng kagaya nilang kumakain doon ay nakatingin na sa kanila. Nakikita niya rin ang pagtawa ng mga ito.

Naningkit ang kanyang mga mata. Hindi naman talaga regla ang nasa palda niya kundi ketchup lang. Tapos na ang kanyang buwanang dalawa sa buwan na iyon kaya nakasisiguro siyang ketchup lang iyon na siguradong sinadyang ilagay ng mga ito sa kanyang upuan.

“Burahin mo ’yan,” utos niya. Walang kakurap-kurap.

Subalit pinagtawanan siya ng mga ito. “Bakit ko buburahin ’to? Sure akong magte-trending ka girl kapag nai-post ko ito. Madadagdagan followers ko.”

Lalong nakaramdam ng gigil si Toni. 'Ah, gano’n, ha?'

Walang kakurap-kurap ang kanyang mga mata na sinugod ang kaklase saka mabilis na inagaw ang cellphone mula rito. Hindi siya nagdalawang isip na ihulog iyon sa sahig saka makailang ulit na tinapak tapakan. Kahit panay ang awat sa kanya ni Erica at ng mga kasama nito ay hindi siya huminto hangga’t hindi niya nakikita ang isa-isang pagtatalsikan ng mga parte ng cellphone. Huminto lamang siya nang tuluyan nang mag-shut down ang screen nito.

Nang tiningnan niyang muli sa mukha si Erica ay namumula na ang mga mata nito sa galit. 

“Sinabihan na kita. Pero hindi ka nakinig,” aniya. 

“Ikaw—” tila naman doon lang napatid ang pagpipigil ni Erica kaya sinugod siya nito ng sabunot. 

Siya naman ay pinilit ding gumanti ng sabunot. Kasabay ng pagsasalpukan nilang dalawa ay ang sigawan ng kapwa nila mga kaklase. Walang naglakas loob na umawat sa kanila. Ang iba ay parang pumupusta sa sabong, ang iba naman ay tila nag-alalang madamay kung aawatin sila.

Subalit para kay Toni, sumusobra na si Erica. At sa araw na iyon ay wala sa isip niya ang salitang pagpapasensya at pagtitimpi. Kahit mahapdi na ang kanyang anit sa sabunot mula kay Erica ay hindi niya ininda iyon at sa halip ay inihanda niya ang mga kuko sa mukha nito. Hindi nakaiwas si Erica sa kanyang ginawang pagkalmot sa mukha nito. Dinig din niya ang d***g ni Erica kasabay ng pagluwag ng mga daliri nito sa kanyang buhok. Nakita naman niyang pagkakataon iyon upang kumawala mula kay Erica.

Nang harapin niyang muli si Erica ay humihikbi na ito hawak ang pisngi. Kapwa na rin magulo ang kanilang buhok. Pakiramdam ni Toni ay hindi pa sapat ang kanyang ginawa rito sa araw-araw na pambu-bully nito sa kanya. Kaya bago pa man siya panghinaan ng loob ay sinugod niya ulit si Erica.

Nakakadalawang hakbang pa lamang siya nang may kamay na humawak sa kanyang braso. Nang kanyang lingunin ay ang kanila pa lang guro na si Mr. Rodriguez. Nasa mukha nito ang pagtitimpi.

“That’s enough, Miss Ramos.”

Awtomatikong napahinto siya saka tila bumalik sa katinuan. Napatingin siya sa paligid. Lahat ay tahimik na at nakikinig sa susunod na sasabihin ng kanilang guro. Nang lingunin niyang muli si Erica ay bigla itong nagpaawa na tila ito talaga ang biktima sa kanila.

“Miss Samonte and Miss Ramos— dalhin niyo bukas ang mga parents bukas or else, hindi lang three days suspension ang magiging parusa ninyo. Nagkainitindihan ba tayo?”

Napapikit si Toni. Siguradong magagalit na naman ang kanyang ina kapag nalaman nitong nakipag-away siya. 

“Is that clear?” ulit ni Mr. Rodriguez sa kanila dahilan upang mapilitan na silang tumango.

“Opo, Sir.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status