Share

Deceiving the Heir
Deceiving the Heir
Author: naiad

Chapter 1

Nanginginig ang labi ko. Sunod-sunod ang pagbagsak ng mga luha sa aking mga mata. Nanghihina at hindi pa rin makapaniwala sa aking narinig.

“M-Malala na raw ang k-kondisyon ng T-Tatay Isko mo, ‘Nak,” namamaos ang boses na saad ni Nanay Isang, halatang kagagaling lang sa pag-iyak. “Nakapagtanong ako kanina sa doktor, higit isang milyon daw ang magiging halaga ng operasyon…w-wala tayong ganoong kalaking p-pera.”

Huminga ako nang malalim at sapilitang ikinalma ang aking sarili. Hindi dapat ako panghinaan sa panahong ito. Dapat ay maging matatag ako sapagkat kailangan ako ni Nanay Isang, kailangan ako ni Tatay Isko.

“’Wag ka hong mag-alala, ‘Nay. Gagawan natin ‘to ng paraan, gagawa po ako ng paraan,” puno ng determinasyon ang boses ko.

“Paano naman, ‘Nak?”

“Hindi ko pa po alam, ‘Nay. Pero pangako po, gagawa ako ng paraan, mapapa-opera natin si Tatay.”

Nagpaalam na ako kay Nanay Isang, matapos iyon ay mabilis kong pinunasan ang mga luha sa aking pisngi at humugot ng isang malalim na hininga. Tinanaw ko ang pintong pinanggalingan ko kani-kanina lang.

Ito lang ang tanging paraang nakikita ko upang matulungan sina Nanay Isang at Tatay Isko kaya dapat ay alisin ko na ang pag-aalinlangan sa aking isipan. Noon pa man ay sinabi ko na sa sarili ko na anuman ang mangyari ay hindi ako magiging alipin ng pera, na anuman ang mangyari ay mas pipiliin kong gawin ang tama. Pero mas pipiliin ko bang panindigan ang prinsipyo ko kung ang kapakanan naman ng mahal ko sa buhay ang nakataya?

Punong-puno pa ng iba’t ibang isipin ang aking utak habang naglalakad papunta sa kwartong pinanggalingan ko kanina. Kahit na nakapag-desisyon na akong tatanggapin iyon ay tila ayaw pa rin akong payagan ng aking konsensya kaya naman nahirapan pa ako sa pag-angat ng aking kamao at pagkatok dahil may kung ano sa aking sarili na pinipigilan ako.

“Come in,” sagot ng boses sa loob matapos ang ilang ulit kong pagkatok.

Nang buksan ko ang pinto ay agad akong sinalubong ng nakangising mukha ni Angelina, nakataas ang kilay niya sa akin sa paraang nang-uuyam.

“Have you changed your mind, Francesca?” sa paraan ng pananalita niya, at kahit sa ere niya pa lang ay mahahalata ng lumaki siya sa marangyang pamumuhay. Lumaki nga talaga siyang marangya at sa katunayan ay isa siya sa mga amo ko sapagkat isa akong tagapaglinis dito sa malaking mansiyon nila.

Kailanman ay hindi ko hiniling na lumaking mayaman. Kuntento na ako sa buhay ko ngayon na kahit kalimitang kinakapos sa pera ay masaya pa rin. Pero ngayong nagkasakit si Tatay Isko, bigla ay hiniling kong sana ay mayaman na lang kami para may sapat na pera kami upang agad-agad na maoperahan siya.

“T-Tinatanggap ko na,” Pikit-matang sagot ko.

“That’s great!” Hinila niya ako upang tuluyang makapasok sa kwarto niya at maipaliwanag niya sa akin nang malinaw ang mga dapat kong gawin.

...

Nagising ako noong bigla na lang tumama ang ulo ni Guadalupe sa akin. Agad akong napadilat ng mata dahil sa sakit at masama siyang tiningnan pero wala ring kwenta kasi tulog na tulog siya. Pagod na pagod siguro ito dahil sa mahabang oras na byahe mula Maynila hanggang dito sa Sorsogon.

Inayos ko ang ulo niya dahil paniguradong mangangalay iyon kapag naggising siya. Hindi naman kasi siya dapat kasama rito pero nagpumilit siya kasi sabi niya kakailanganin ko raw ng back up. Wala na rin naman akong nagawa dahil kapag ginusto ni Guadalupe ay hindi ko na siya mapipigilan pa at sa tingin ko rin ay makatutulong na kasama ko siya lalo pa’t kailangan kong manatili sa probinsiyang ito sa loob ng ilang buwan.

“Manong, malapit na po ba tayo?” tanong ko sa driver ng sasakyan. 

“Medyo malayo-layo pa po, Ma’am. Nasa dulo pa po kasi ang mansiyon ng mga Dela Rue,” magalang na sagot niya sa akin. “Gusto niyo po bang bilisan ko pa ang pagpapatakbo?”

“Ah, hindi na po,” Ngumiti ako at ibinaling na sa labas ang aking paningin.

Dela Rue...Damon Dela Rue.

Bumuntonghininga ako at naramdaman ang biglaang pagbilis ng tibok ng puso dahil sa kaba. Unti-unti ay ginagapangan ako ng takot sa isiping malapit ko na siyang makilala. Pinanghihinaan ako ng loob at naduduwag pero hindi na ako pwedeng umatras, wala akong choice.

Para pagaanin ang loob ay ibinaling ko sa labas ang aking paningin. Kung kanina ay marami kaming establisiyimentong nadaraanan ngunit ngayon naman ay halos wala na akong makita maliban sa malalawak na palayan at matatayog na kabundukan.

Masyadong abala ang mga tao sa kanilang mga gawain at tila hindi alintana ang mainit na sikat ng araw. Binuksan ko ang bintana ng sasakyan sa may gawi ko upang makalanghap ng sariwang hangin. Napapikit ako ng malanghap ang amoy ng sinunog na talahib at amoy ng palay na humahalo sa hangin.

Tipid akong napangiti dahil kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil naaalala ko ang probinsya namin ng dahil sa mga nakikita ko. Pero ang naramdaman kong kaginhawaan ay pansamantala lamang dahil muling bumalik ang kabang nararamdaman ko nang maramdamang unti-unti ng bumabagal ang pagtakbo ng sasakyan habang papasok ito sa mataas at bakal na tarangkahan.

Wala na akong panahon pa para pagmasdan ang paligid dahil naging mabilis na ulit ang pagtakbo ng sasakyan at nang muli na itong huminto ay nasa harapan na kami ng magarang mansiyon kung saan naghihintay ang isang dosenang kasambahay at ang nakangiting ginang na sa palagay ko ay si Mrs.Fridgette Dela Rue.

Agad kong ginising si Guada. Gulat na gulat pa siya noong makita ang mansiyon at tila nawala sa isip kung bakit kami nasa sitwasyong ito. Kung hindi ko pa siya pinandilatan ng mata ay hindi niya pa aayusin ang kaniyang sarili. Nang lumabas ang driver ay lumabas na rin si Guada. Bubuksan ko na sana ang pinto ngunit naunahan ako ng driver, nabigla pa ako roon pero agad kong kinalma ang sarili ko at tinanggap ang kamay ng driver upang alalayan ako sa pagbaba.

“I am so glad that we finally met, hija!” ngiting-ngiting sabi ni Mrs.Fridgette Dela Rue na agad akong niyakap. 

Awkward akong napangiti. “I’m glad din po!”

“I know your tired from the long ride but before you rest, let me introduce you with Damon. Excited na siyang makilala ka at hindi na makapaghintay kahapon pa lang!” 

Pilit akong ngumiti, kunwari ay natutuwa ako at naniniwala sa sinabi niya.

“Is that so po? Well, I am excited to meet him too. Simula pa lang noong sinabi sa akin ni Mommy na siya ang lalaking pakakasalan ko ay hindi na ako makapaghintay na makilala siya,” kulang na lang ay mapunit ang pisngi ko sa sobrang lawak ng pagkakangiti, pilit na pagkakangiti.

Tila tuwang-tuwa naman si Mrs. Dela Rue sa sinabi ko at agad na hinawakan ang aking kamay. Bago niya ako hinila paalis ay inutusan niya muna ang mga kasambahay na ipasok na ang gamit ko sa magiging kwarto ko at ihanda na ang pagkain sa hapag.

Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataon na tingnan si Guada dahil tuluyan na akong hinila ni Mrs.Dela Rue patungo sa kung saan.

“Nasa garahe po si Sir...p-pero—“ hindi na natuloy ng trabahante ang kaniyang sinasabi dahil hinila na ulit ako ni Mrs.Dela Rue.

Nilingon ko ang pinagtanungan naming trabahante sa kung nasaan si Damon at nababasa ko ang pagkabagabag sa kaniyang mukha. Hindi ko na nga lang iyon napagtuonan pa ng pansin dahil muling nagsalita si Mrs.Dela Rue.

“He even insisted na siya na raw ang susundo sa ‘yo sa airport pero pinigilan ko siya kasi gusto kong dito na kayo pormal na magkakilala. Kahit hindi man siya nagsasabi ay nararamdaman kong pabor din siya sa pagpapakasal sa ‘yo not just for business sake.”

Pinilit ko na lang na ngumiti at tumango sa mga sinasabi niya kahit na ang totoo ay hindi naman talaga ako naniniwala. 

“Ahh...” malapit na kami sa garahe nang marinig ko ang paimpit na ungol na iyon. 

Napataas ang kilay ko. Mukhang hindi naman iyon narinig ni Mrs.Dela Rue dahil may sinasabi siya sa akin na tungkol kay Damon. Sana lang ay hindi pa siya napapagod dahil kanina pa niya binubuhat ang bangko ng kaniyang anak.

“So don’t worry. I am sure that my son is a husband material—“ pareho kaming natigilan dahil sa nadatnan namin sa garahe.

“Hmm...” ungol ng babae.

“Dios mio!” Napahawak si Mrs.Dela Rue sa kaniyang dibdib, mahigpit din siyang napahawak sa braso ko na para bang nawawalan ng lakas.

Nakahiga ang babae sa hood ng kotse ni Damon, hindi ako sigurado kung hubo’t h***d ba siya dahil natatabunan ng malapad na katawan ni Damon ang kaniyang katawan. Si Damon naman ay bahagyang nakapatong sa babae pero nasa lupa pa rin ang kaniyang mga paa. Nakasuot siya ng maong na pants pero wala na siyang pang-itaas. Agad ko ring naiwas ang paningin ko upang hindi tuluyang madumihan ang aking utak sa pinaggagawa ni Damon at ng kasama niyang babae.

“Hijo, what are you doing? And who is that bitch?!” nanggagalaiti ang boses ni Mrs.Dela Rue. Mabuti na lang at nahawakan ko ang braso niya dahil akma siyang susugod.

Doon pa lang ata napansin ni Damon Dela Rue ang aming presensya. Nilingon niya kami at tinaasan ng kilay. Magulo ang kaniyang buhok, mapupungay ang mga mata, at ang labi ay pulang-pula ng dahil sa pakikipaghalikan sa babae niya.

Rinig na rinig ko ang buntonghininga niya at mukhang napipilitan pa na humiwalay sa babae. Hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko ba noong makitang may saplot pa naman ang babae kahit na papaano.

“What now, Mama?” nakabusangot na tanong niya at mabilis na pinasadahan ng kamay ang magulong buhok.

Ngayong naglalakad na siya papalapit sa amin ay mas napagmasdan ko ang itsura niya. Oo, makisig siya pero nakaka-intimidate ang aura niya. Sa matipuno niya pa lang na pangangatawan ay masasabi ko ng marahas siyang tao lalo na’t masyadong depinado ang kaniyang mga ugat sa braso na para bang palaging nanggigigil kaya nagkaganoon.

Binitawan ni Mrs.Dela Rue ang braso ko at agad na nilapitan ang anak at may ibinulong dito. Kumunot ang noo ni Damon at sandali akong tinapunan ng tingin.

Iniwas ko sa kaniya ang aking paningin at hindi sinasadyang natuon iyon sa babae niya. Hindi ko maipaliwanag kung bakit nakararamdam ako ng awa para sa kaniya. Naroon pa kasi siya, magulo ang itsura, at tila ba naghihintay na muli siyang pagtuonan ng atensiyon ng lalaking nasa harapan ko na ngayon.

Nang muli kong ibalik ang paningin ko sa mag-ina ay malawak na ang pagkakangiti ni Mrs.Dela Rue sa akin.

“Angelina, this is Damon Dela Rue. He is my eldest son, your soon to be husband,” pakilala niya sa akin sa kaniyang anak.  “And hijo, this is Angelina Smith, your soon to be wife. She will be staying here with us for couple of months so that you can get to know each other more before your wedding.”

Inilahad ni Damon Dela Rue ang kaniyang kamay sa harap ko, “Nice to meet you.”

 Tiningnan ko lang ang kaniyang kamay. Ipinagsiklop ko ang dalawa kong kamay at inilagay ko iyon sa aking likuran. Wala akong balak na makipag-shakehands sa kaniya.

“Likewise,” tipid kong sagot.

Nang mapagtanto niya atang wala akong balak na tanggapin ang kamay niya ay inilayo niya na iyon at tinaasan ulit ako ng kilay. Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Nang mapansin kong natigil sa dibdib ko ang kaniyang mata ay umigting ang aking panga.

Tumikhim ako at inayos ang neckline ng suot kong dress. Ilang minuto pa lang kaming nagkakaharap ay inuubos niya na ang pasensya ko.

“You didn’t shake my hand...” sabi niya, “why? My hand is clean. I didn’t put it inside of her if that’s what you are worrying about.”

Kumunot ang noo ko dahil hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Hindi na lang ako sumagot pa.

“Let’s go inside para makakain na tayo ng lunch at para na rin makapag-pahinga na si Angelina,” anyaya sa amin ni Mrs.Dela Rue.

“Mauna na kayo. Susunod na lang ako sa loob,” sagot ni Damon at tinalikuran niya na kami. Binalikan niya iyong babae at halos mapairap na lang ako noong makitang hinalikan niya ito ulit.

Napasinghap naman si Mrs.Dela Rue. Halatang hindi makapaniwala sa ginagawa ng anak niya. Kunsabagay, kanina niya pa binubuhat ang bangko ni Damon tapos ngayon, ganito lang ang ginagawa nito.

“Pasok na po tayo sa loob,” nakangiting anyaya ko kay Mrs.Dela Rue at hinawakan na ang kaniyang braso upang maalalayan ko siya papasok sa mansiyon.

Bago pa man ako pumunta rito sa probinsya nila ay may ideya na ako sa kung anong uri ng tao si Damon Dela Rue dahil nagsagawa ako ng research tungkol sa kaniya. Pero hindi ko pa rin maiwasang magulat dahil mas malala pa pala siya sa inaakala ko.

Akalain mo ‘yon. Matapos na maipakilala ang magiging asawa niya ay may gana pa talaga siyang makipaghalikan sa ibang babae? At sa harap ko pa talaga! Ang tindi rin talaga ng lalaking ‘to.

Sana talaga ay makayanan ko ang lahat dahil kailangan kong magtagumpay sa pagpapanggap bilang si Angelina Smith at bilang fiancee ni Damon, ang eredero ng mga Dela Rue.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status