Share

Kabanata 6

"HOW'S the kitchen?" Tanong niya kay Pulahan habang nasa loob ng kanyang opisina dito sa resort. Ipinaikot ikot niya ang mga daliri sa tasang nasa kanyang harapan. Mainit pa ang kapeng laman nito kaya gustong gusto niya ang pakiramdam n'on.

"Ayon, hindi sila magkandaugaga dahil sa dami ng order ng mga turista. Balak ko silang tulungan kaya nagpunta ako dito para ibigay sa'yo itong mga dokumentong dapat mong ireview." May inilapag itong mga papeles sa harapan niya.

"Okay, you can go." Humigop siya ng kape.

Tila may sasabihin pa ito ngunit napilitang tumalikod ng pagtaasan niya ng kilay. But Pulahan is Pulahan hindi makakatulog kapag hindi nailabas ang gustong sabihin ng matabil na bibig. Bumalik ito sa harapan niya.

"Sya nga pala, hindi mo ba babawiin iyong parusa mo kay Candros?" Seryosong tanong nito.

"No."

"Kawawa naman 'yong bata halos umiyak na sa dami ng hugasin, 'yong mga daliri halos galusan na." Bakas ang pag-aalala sa boses nito.

"Pabayaan mo para matuto." Simpleng sagot niya bago muling humigop ng kape. Sinimulan na niya ang trabaho.

"Pero alam mong hindi 'yon sanay sa mga gawaing bahay." Apila pa nito.

"Exactly, dahil sa parusang iyon masasanay siya." Aniya.

Napabuntong hininga na lamang ito at sumusukong lumabas ng kanyang opisina. Tumayo siya mula sa swivel chair bago humarap sa bintanang gawa sa salamin. Tanaw na tanaw niya ang kabuuan ng asul na karagatan. Nakakahalina ang tanawin, nakakawala ng pagod at nakakalimot ng mga problema. Tinanaw niya ang maraming mga turistang nagkakasiyahan. Karamihan sa kanila ay buong pamilya.

Mapait siyang napangiti habang nakamasid sa dalawang bata habang hinahabol ng halatang mga magulang ng mga ito. Puno ng saya ang mga mukha at makislap ang mga mata, may hindi maburang mga ngiti sa mga labi.

Nag-iwas siya ng tingin bago pa may kung anong emosyong lumukob sa kanya. Inubos niya ang kapeng iniinom kanina bago napagpasyahang tumayo.

"Good afternoon ma'am." Bati sa kanya ng janitor na nakasalubong niya sa lobby. Napagpasyahan niyang magtungo muna sa kusina at kumustahin ang mga nagtatrabaho. Gusto niyang matapos agad lahat ng problema sa isla dahil marami siyang naiwang trabaho sa Maynila. Wala siyang ibang mapagkakatiwalaan maliban sa kanyang sarili.

Tumango siya bilang sagot dito. Nang makarating sa kitchen ay nakita niya ang pagiging abala ng mga tao. Hindi magkadauga uga sa mga gawain, walang nagpapahinga.

Akmang lilisanin na niya ang lugar ng biglang may bumangga sa kanyang tauhan na may mga dalang anim na tray ng itlog na nakapatong sa ulo nito. Nanlaki ang mga mata nito ng makita siya at nabitawan ang tray, nakatayo lamang siya. Hinihintay ang pagkabasag ng mga iyon sa kanyang ulo't katawan ngunit may biglang humila sa kanya.

"Boss," dinig niyang sigaw ng mga nasa paligid. Napapikit siya hanggang sa maramdaman na lamang niya ang pagbagsak sa sahig. Hindi, ang pagbagsak sa katawan ng isang tao.

Agad siyang dumilat upang alamin kung sino ang humila sa kanya. Sa sitwasyon nila, alam niyang sabay silang bumagsak.

Nagkasalubong ang kanilang mga tingin ni Tadeo, nasa ilalim niya ito. Nanlalaki ang mga mata at hindi mapaniwala. Dahil sa pagkakalapit ng kanilang mukha na halos ilang pulgada lang ang pagitan, hindi niya naiwasang suriin ang mukha nito. Malinaw na malinaw sa kanyang paningin ang makinis nitong morenong mukha. May maliit itong nunal sa gilid ng labi. Bahagyang nakaawang ang may kakapalan ngunit mapula nitong labi.

Puting puti ang mga ngipin nito. Dumako ang kanyang tingin sa makakapal nitong kilay na halos magsalubong na sa gitna. Ang ilang hibla ng buhok nito ay nahuhulog sa noo.

"A-Ayos lang ho ba kayo?" Napakurap kurap siya sa pagdampi ng mabango nitong hininga sa tungki ng kanyang ilong.

Malamig ang tinging ipinukol niya dito at tumayo. Inilagay ang magkabilang kamay sa slacks na suot at tumingin sa paligid. Lahat ay nakatingin sa kanila.

"Balik sa trabaho." Para naman itong mga maamong tupa na agad na bumalik sa mga ginagawa. 

Ibinalik niya ang tingin kay Tadeo. "Sa susunod wag kang aastang bayani kung lampa ka." Bumakas ang lungkot sa mga mata nito at yumuko.

"Pa-Pasensya na po," utal nitong sagot.

Hindi na niya ito pinansin at itinuon ang atensyon sa trabahador na bumangga sa kanya. "Balutin mo na ang mga gamit mo at kunin kay Pulahan ang huling sweldo mo. You're fired."

"Po-Po? Sorry po, boss. Nagmamadali po kasi ako kaya hindi ko kayo nakita. Wag niyo po akong tanggalin, isa pa pong pagkakataon--"

Agad niyang pinutol ang pagsasalita nito. "Kung balak mong isalaysay sa'kin kung gaano kadrama ang buhay mo sumulat ka nalang kay Charo." Nilagpasan niya ito at tuluyang umalis sa lugar.

Narinig niya pa ang paghabol nito sa kanya pero hindi niya iyon binigyan ng kahit segundo ng kanyang atensyon. Wala rin siyang pakialam kahit pinagbubulungan siya ng mga empleyado.

"Ba-Baka naman pwede mo siyang bigyan ng isa pang pagkakataon?" Kumunot ang kanyang noo at nilingon ang nasa likod niya. Papasok na sana siya sa kanyang opisina.

Si Tadeo. Tumikwas ang kanyang kilay at pinagmasdan ito. Taas baba ang balikat at halatang hinihingal dahil sa paghabol sa kanya.

"Rizal?" kuwa'y tanong niya.

Agad naman itong umiling. "Ta-Tadeo po."

"Oh? Akala ko balak mong maging buhay na pambansang bayani ng Pilipinas dahil sa pagtayo mo sa mga taong naaapi," sarkasimong sagot niya.

"Hi-Hindi naman ho niya sinasadya ang nangyari, kilala ko ho si Philip, siya lang ho ang inaasahan ng kanyang mga magulang at kapag nawala sa kanya ang trabaho niya ay wala siyang ipangtutustos sa pangangailangan nila." Kahit pautal utal ito at kinakabahan ay nagpatuloy ito sa pagpapaliwanag. Wala naman siyang pakialam sa mga sinasabi nito lalo at sanay siyang magpatalsik ng mga trabahador na palpak.

"At hindi lang pagiging pambansang bayani ang gusto mo, pati pala pagiging presidente." Malapit ng maubos ang pasensya niya. Tinalikuran niya ito bago pa man siya makapagsalita ng masakit ngunit talagang makulit ito.

Hinawakan nito ang braso niya upang pigilan siya. Nanlisik ang mga matang tumingin siya sa kamay nito na agad din nitong inalis.

"Si-Sige na ho, boss. Kahit siya nalang ho ang pumalit sa pwesto ko o kahit magtrabaho ako ng isang buwang walang sweldo." Hindi ito nagpatinag sa masama niyang tingin.

Napangisi siya. "At balak pang magkaroon ng charity. Alam mo bang sa ginagawa mo ay mas lalo kang nagiging mahina? Aabusuhin ka ng mga taonh tinutulungan mo kung masyado kang mabait."

Nawala ang nangungutyang ngisi niya dahil hindi niya inaasahan ang pagngiti nito. Hindi pa siya nakakita ng purong ngiti ng isang lalaki, pero ang ngiti nito na pati mata ay masaya talagang nakakagulat.

"Pero sa awa po ng Diyos lahat po ng mga tinulungan ko ay walang naging abusado, lahat po sila ay natutong magbigay at magpahalaga sa kapwa dahil alam po nila ang pakiramdam na malagay sa sitwasyong hinahamak. " Nakatitig lamang siya habang nagsasalita ito na tila ang makatulong sa kapwa ang pinakamasayang bagay sa buong mundo.

"Ang simpleng kabutihan ay malaking bagay para sa iba. Kahit abusuhin man po ako sa pagtulong ko ayos lang ang importante po ay tumulong ako. Ang taas pusong pagtulong po ay hindi naghahangad ng kapalit."

Napahalukipkip siya at tiningala ito na walang emosyon sa mga mata, taliwas sa mata nitong kumikinang sa saya. "Magkaiba tayo, hindi ako kasing buti mo. Hindi ako mahina," may diing sambit niya.

Tumango ito. "Alam ko pong magkaiba tao pero naniniwala po akong mabuti kayong tao. Wag niya pong isipin na ang pagiging mabuti sa kapwa ay pagiging mahina. Ang totoo po ay kalakasan iyon dahil hindi lahat ng tao mabuti ang pinipili."

Napabuntong hininga siya. "Mas madaldal ka pa kaysa sa babae. Kahit anong sabihin mo walang magbabago sa desisyon ko." Pinagbagsakan niya ito ng pinto. Naiiling siyang bumalik sa kanyang swivel chair.

Muli niyang sinimulan ang trabaho ngunit pagkalipas ng ilang minuto ay napatigil siya dahil pumasok sa kanyang isip ang lahat ng mga sinabi ni Tadeo. Pakiramdam niya ay nainsulto siya sa mga sinabi nito, pero sa isip niya alam niyang may punto ito.

Naiiling na binuklat niya ang mga papeles at naging abala ulit sa ginagawa.

"ALAM MO ba na ang sama ng loob dapat pinapakawalan hindi inuugali?" Hindi siya nag-abalang lingunin si Pulahan.

Nasa terrace siya ng kanyang kwarto, may kopita sa kamay at sumisimsim ng white wine. Nakatingin siya sa kalangitan na may hindi mabilang na nga bituin. Bilog na bilog rin ang buwan at malamig ang hangin.

May mga alitaptap na naghahabulan sa dilim.

"Hindi ka ba natatakot na dumating ang araw na wala ng nagtatrabaho sa'yo?" Tumabi ito sa tabi niya.

"Ang mga taong nangangailan walang pinipiling trabaho, kahit apihin mo magkikimkim lang ng galit pero mananatili dahil nangangailan."

Napaingos ito. "Ewan ko sa'yo, ikaw lang siguro ang taong kilala ko na may baluktot na paniniwala."

"The feeling is mutual, ikaw lang din ang taong kakilala kong walang kwenta ang paniniwala." Napangisi siya.

Pabiro nitong sinuntok ang braso niya at umalis. "Bumili ka ng kausap mo," sigaw niya. Nagkibit balikat lamang siya at kinalma ang kalooban sa tahimik na gabi.

Nang magsawang pagmasdan ang buwan at bituin ay ibinaba niya ang tingin sa malawak nilang harden. Dumako ang atensyon niya sa isang lalaking nakasuot ng puting kamesa de tsino. May dala itong mga pala at grass cutter. Nakasunod dito ang matandang hardeniro nila.

Nagpahinga ang mga ito sa upuang kahoy sa lilim ng puno ng mangga di kalayuan sa teresang kanyang kinatatayuan.

"Tumulong na naman siya," bulong niya.

Nakatingin lamang siya habang nag-uusap ang mga ito at sabay na tatawa. Gabi na ngunit sa lawak ng kanilang harden kaya ginagabi sa pagtatrabaho ang hardeniro.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa kopita ng hindi niya inaasahang titingala ito. Kahit na madilim ang paligid alam niyang nasa kanya ang tingin nito. Tumingin din sa kanya ang matanda at parehong nakangiti ang mga ito.

Hindi niya mapigilang magtaka kung bakit napakadali sa mga ito ang ngumiti. Dahil para sa kanya iyon ang pinakamahirap na bagay na hindi niya magawa gawa.

Inisang inom niya lang ang natitirang wine sa kanyang kopita bago bumalik sa kanyang silid. Alam niyang masasamang bagay tungkol sa kanya ang pinag-uusapan ng mga ito.

Walang mabuti sa kanya at sanay na siya d'on. Wala rin siyang pakialam sa opinyon ng iba tungkol sa kanya. Kilala niya ang sarili niya at alam niya ang dapat paniwalaan sa hindi.

Nakahiga na siya at handa na para matulog nang bumukas ang pinto ng kanyang kwarto at pumasok ang bunso niyang kapatid. Ngiting ngiti ito habang ang mga kamay ay nakatago sa likod.

"Ate," tawag nito.

"Learn to knock the door before entering my room, Cathy," paalala niya.

"Alam mo nalang hindi ka magagalit sa'kin e." Mas lalong naging singkit ang mata nito sa lapad ng ngiti.

"What do you need?"

Humakbang ito papalapit sa kanya. Umupo sa gilid ng kama. "I have a surprise for you."

Inilahad niya ang palad niya. "Akin na."

Nagsalubong ang kanyang kilay ng isang tuyong rosas ang inilagay nito at may kasamang nakarolyong sulat, tinalian ng manipis na lubid na gawa sa abaka.

"Ang cute 'no?" Tuwang tuwa ito.

"Cheap," aniya.

Sumimangot ang kapatid. "Eh, napakakilljoy mo talaga, ate."

Hindi na niya ito pinansin at binuklat ang sulat. Mahilig itong gumawa ng mga letters para sa kanya, na palagi niyang binabasa kahit tinatamad siya.

Hindi maikukubli ng malamig na tingin

Ang busilak na pusong iyong taglay

Tulad ng tuyong rosas

Na sa paglipas ng panahon

Nananatiling maganda at kahali-halina

Ang iyong ngiti, sinta.

Ang magpapaliwanag sa aking gunita.

Sinamaan niya ng tingin si Cathy. "Niloloko mo ba 'ko?"

"Of course not, Ate." Paulit ulit itong umiling.

"Hindi ikaw ang sumulat nito, hindi ka marunong gumawa ng tula."

Tumayo ito, ngiting ngiti pa rin. "Nag-aaral akong gumawa at gusto ko ikaw ang unang makakabasa ng unang tulang ginawa ko."

Nilikot niya ang papel at ibinalik sa kamay nito. Pilit iniiwasan ang kabang namuo sa kanyang dibdib. Napapadyak ito sa ginawa niya pero hindi niya pinansin. Itinuro niya ang pinto.

"Go."

"Eh, bakit mo nilukot?"

Seryoso ang tinging ibinigay niya dito kaya wala itong nagawa kundi umalis pero iniwan nito ang tuyong rosas at lukot na papel sa bed side table.

Tumayo siya at pinulot ang mga 'yon. Nagtungo siya sa teresa. Wala na doon ang nag-uusap. Nagkibit balikat siya at itinapon ang hawak, tinangay iyon ng hangin pababa sa harden.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status