Share

MIDNIGHT ENCOUNTER Dark and Dangerous Series Book 1
MIDNIGHT ENCOUNTER Dark and Dangerous Series Book 1
Author: Marinelli Starr

PROLOGUE

          Odrysian Kingdom, Balkan Peninsula, 5th century B.C.

            Duguang bumagsak sa pampang ng Ilog Abdera  si Agenor, ang malupit na pinuno ng tribong Illyrian. Tadtad ito ng mga saksak at taga sa buong katawan habang masaganang umaagos ang  sariling dugo. Hinahabol na rin nito ang hininga.

Ngunit hindi man lang kinakitaan ng awa si Haring Tereus, ang mandirigmang hari ng Odrysian kingdom  na nagmula sa tribong Thracian. Nakatayo siya habang pinagmamasdan ang unti-unting pagkagapi nang mortal na kaaway. Nang tumingin siya sa paligid ay nakita niyang paubos na rin ang mga mandirigmang Illyrian na umatake sa  mga tribo ng Thracians na nasa  ilalim ng kanyang pamumuno.

“Nabigo ka, Agenor. Nabigo kang agawin sa aming mga Thracian ang kaharian ng Odrysian,” mariing wika ni  Haring Tereus habang mahigpit na hawak ng kanang kamay ang duguang espada na ginamit sa pakikipaglaban kay Agenor.

Ngunit sa halip na magmakaawa ay nakakainsultong tumawa pa si Agenor. Kahit hirap ay nagawa pa rin nitong magsalita. “Iyan ang akala mo, Tereus. Mapapatay mo ako, pero hindi ang apoy ng  aking galit dahil sa kasakiman mo.”

“Ikaw ang sakim, Agenor. “ Muling nanginig sa galit ang kanyang buong katawan. “Alam kong alam mo na ang trono ng Odrysian ay para lamang sa mga Thracian pero hinangad mo pa rin ito. Nilason mo ang isipan ng iyong mga nasasakupan upang makapaglunsad ka ng isang digmaan. Itinaya mo ang kanilang mga buhay para lamang sa pansarili mong kagustuhan. Ngayon, paano mo pamumunuan ang isang kaharian kung ang sarili mong tribo ay kaya mong ipahamak dahil sa iyong kabuktutan? Mabuti na lamang at palagi kaming nasa pangangalaga ng  aming diyos na si Thrax kung kaya hindi nagtagumpay ang maitim mong mithiin.”

Sarkastikong ngumisi si Agenor. “Ang inyong diyos na si Thrax ay anak lamang ng mas makapangyarihang diyos na si Ares. Sa tulong ni Ares, ay magpapatuloy ang labanan sa pagitan ng ating mga tribo hanggang hindi napapasakamay ng mga Illyrian ang Odrysian.”

Bahagyang tumawa si Haring Tereus. “Hindi na mangyayari ang sinasabi mo, Agenor. Sapagkat ito na ang huling digmaan na magaganap sa pagitan ng mga Thracian at Illyrian dahil papatayin na kita sampu ng hangal mong mga kawal.” Pagkasabi noon ay dahan-dahang itinaas ni Haring Tereus ang espada upang i****k sa dibdib ni Agenor.

Ngunit hindi man lang kinakitaan ng takot si Agenor. Habang hirap sa paghinga ay nagpatuloy ito sa pagbabanta. “Mapapatay mo ang aking katawan ngunit hindi ang  sumpang binitawan ko sa ilog na ito ng Abdera saksi ang mga diyos ng kadiliman. Ang mga diyos mula sa hades kabilang ang pinakamakapangyarihang diyos ng digmaan na  si Ares ang tutulong sa pitong  supling na magpapatuloy ng kasamaan na ipinunla ko sa mundong ito.”

Naudlot ang pagtarak ni Haring Tereus ng espada sa dibdib ni Agenor. Ang galit na nararamdaman ay napalitan ng pangamba. “Sumpa? Ano’ng sumpa ang sinasabi mo?”

Muling ngumisi si Agenor na tila ba nakaramdam ng tagumpay sa laban. “Tuwing ika-sandaang taon, lilitaw mula sa aking sariling dugo ang mga supling na magdadala ng salot sa sansinukob. Mula sa hades ay dadalhin ng mga supling na ito  ang kasumpa-sumpang lason ng kasamaan na magiging dahilan ng kamatayan ng lahat ng tao sa buong mundo kabilang na ang salinlahi ng mga Thracian. At pito silang lahat, Tereus. Pitong binhing magiging tagapagdala ng aking sumpa. At katulad ko at ng lahat ng nilalang sa buong sanlibutan, hindi ka rin nakatakdang mabuhay habang panahon. Ngayon, paano mo pipigilan ang pitong tagapaghasik ng kasamaan at kamatayan sa lahat ng tao sa buong mundo?”

“Isa kang hangal,” singhal ni Haring Tereus.  “Sa palagay mo ba ay papayagan iyan ng mga mabubuting diyos ng Moreva?”

“Walang magagawa ang mga mabubuting  diyos pagdating ng panahon ng kadiliman, at iyon ay kapag nagsimula na ang mga tao na yakapin ang kasamaan, magiging makasarili sila at mapag-imbot. Mababaliw sila sa mga makamundong bagay katulad ng lakas at kapangyarihan na magdudulot ng mga digmaan.  At kapag nangyari iyon, magiging madali na silang lipulin ng mga tagapagdala ng sumpa  dahil sa kawalan nila ng pagkakaisa at pagmamahal sa kanilang kapwa.”

“Isa kang baliw, Agenor. Tama lang na hindi napunta sa isang hangal na katulad mo ang pamumuno sa Odrysian.” Lalong humigpit ang hawak ni Haring Tereus sa espadang hawak ngunit hindi man lang nagpakita ng pagkatakot si Agenor.

“Tandaan mo ito, Tereus. Tuwing ika-sandaang taon, lilitaw ang pitong tagapagdala ng salot na papatay sa lahat ng tao sa buong mundo. At hindi mo ito mapipigilan, Tereus. Walang sino mang diyos sa buong Odrysian o sa buong mundo man ang may kakayahang ipawalang bisa ang isang sumpa na binitawan  sa ilog Abdera at sinaksihan ng mga diyos ng hades.”

“Isa kang baliw! Hindi papayagan ng mga diyos ng Moreva ang kabuktutan mo! Ngayon pa lamang ay pinuputol ko na ang sumpang sinasabi mo!” Pagkasabi noon ay ubod lakas na itinarak  ni Haring Tereus ang espada sa dibdib ni Agenor.

Ngunit tila hindi ininda ni Agenor ang sugat na natamo mula sa kanyang espada. Nagpatuloy pa rin ito sa pagbabanta. “Ang sumpa, Tereus. Matakot ka sa sumpa.”

Hinugot ni Haring Tereus ang espada at nanggigigil na muling ibinaon ito sa dibdib ni Agenor. Mga halakhak ng pang-uuyam ang isinukli nito.

Muli niyang hinugot ang espada at muling ibinaon sa katawan ni Agenor. Sa bawat halakhak nito ay panibagong sugat ang nililikha ng kanyang sandata. Paulit-ulit hanggang halos mawasak na ang buong katawan nito. Tumigil lamang siya nang pinigilan siya ni Phineas, ang pinunong babaylan ng Odrysian.

“Tama na, mahal na hari. Patay na si Agenor. Ubos na rin ang kanyang mga kawal. Tapos na ang digmaan sa ating kaharian,” mahinahong awat ni Phineas.

Humihingal na tumigil sa ginagawa si Haring Tereus saka bumaling sa pinunong babaylan. Ang sinabi nito tungkol sa pagtatapos ng digmaan sa Odrysian ay hindi sapat upang mapawi ang takot na ngayon ay bumabalot sa buong pagkatao niya. “Narinig mo ba ang kanyang sinabi, Phineas? Patay na nga siya ngunit isang malagim na sumpa naman ang kaniyang iniwan para sa buong sangkatauhan.”

Marahang tumango si Phineas. “Oo, mahal na hari. Tunay na sagad sa buto ang kaniyang kasamaan.”

“Ginamit niya ang ilog Abdera para sa katuparan ng kanyang malagim na sumpa. At alam nating lahat na  hindi kayang baliin ng ano mang kapangyarihan ang bisa ng isang sumpa kapag isinagawa ito sa mahiwagang ilog na iyon at sinaksihan ng mga diyos ng hades.”

“Alam ko,” malungkot na tugon ni Phineas. “At ang tanging paraan lamang ay makapaghanda ang ating angkan ng mga supling na susupil sa mga tagapagdala ng sumpa sa bawat ika-sandaang taon. At iyon ay kailangang manggagaling sa sarili mong  dugo.”

“Anak ko?”

“Mga anak mo hanggang sa iyong kaapo-apohan. Tuwing ika-sandaang taon, pitong supling  mula sa iyong angkan ang hihirangin upang sugpuin ang pitong tagapagdala ng sumpa na magmumula naman sa angkan ni Agenor.. ”

“Walang problema, Phineas. Batid kong mananalaytay sa ugat ng aking mga salinlahi ang dugo ng isang mabuting pinuno at mandirigma.”

“Subalit…” may pag-aalinlangan sa tinig ni Phineas.

“Ano, Phineas? Magsalita ka!”

“Kailangan mo pa itong hingin sa ating diyos na si Thrax. At upang pagbigyan ka, kailangan mong ialay ang sarili mong buhay.”

“Nakahanda ako, Phineas. Iaalay ko ang sarili kong buhay para sa kaligtasan ng sangkatauhan,” walang takot na sabi ni Haring Tereus.

“Mahal na hari…”

Sinadya ni Haring Tereus na hindi pansinin ang pagtutol ng babaylan. “Bukas na bukas din ay magkakaroon tayo ng pagpipiging. Maghahain tayo ng maraming pagkain at alak. Ipahanda mo rin ang templo ni Thrax. At habang nagsasaya ang lahat, gagawin ko ang pinakamahirap na desisyon sa aking buhay bilang hari ng Odrysian.” 

Malungkot na napailing si Phineas. “Mahal na hari, hindi mo kailangang magsakripisyo. Kung mamamatay ka man, ito ay nararapat na sa natural na paraan, sa sakit o kahit na sa digmaan, pero hindi dahil sa iniligtas mo ang buhay ng mga tao sa hinaharap. Hindi natin sila kilala at wala tayong pakialam sa kanila.”

“Nagkakamali ka, Phineas. Bilang isang hari, tungkulin ko na sagipin ang aking nasasakupan mula sa pagkawasak. Hindi lang ang kaharian ng Odrysian kungdi maging ang buong mundo kahit na ang Odrysian ay isang maliit na bahagi lamang nito. Isa pa, kailangang manatiling  umiiral ang lahi nating mga Thracian upang patuloy na may mangalaga sa daigdig, ang nag-iisa nating tahanan.”

Napatungo si Phineas tanda ng paghanga sa kabutihan ng hari. “Kung iyan ang iyong nais, mahal na hari.”

“Isa lamang ang aking kahilingan, Phineas…”

“Sabihin po ninyo.”

“Nais kong isulat mo sa ating kasaysayan ang mga kaganapang ito upang magpasalin-salin hindi lamang sa aking pamilya kung  hindi sa lahat ng salinlahi ng mga Thracian. Nang sa ganoon ay walang Thracian ang hindi makakaalam ng kuwento ko upang  magiging madali para sa kanila ang paghirang sa mga supling na susupil sa sino mang magiging  tagapagdala ng sumpa sa hinaharap.”

Walang alinlangang tumugon  si Phineas. “Maasahan niyo, Haring Tereus.”

Pagkuwa’y bumaling ang mga paningin ni Haring Tereus sa napakalawak na lupain ng Odrysian. Nasa mataas na bahagi sila ng lupa kung kaya halos natatanaw niya ang buong kaharian. Lihim niyang ipinagpasalamat ang  pagtatapos ng digmaan sa pagitan ng mga Thracian at ng mga Illyrian. Sa wakas ay makakamit na ng iba pang tribo na nasasakupan ng buong kaharian ng Odrysian ang kapayapaan.  

Maya-maya’y dumagundong ang kanyang boses nang pasigaw siyang nagsalita. Nakatingala siya sa kalangitan habang nakadipa ang dalawang braso. “Isinusumpa kong mula sa aking dugo ay isisilang ang mga supling na magdadala ng kaligtasan sa buong mundo. Habang may kasamaan na iiral sa iba’t ibang panahon, may pitong  dugong Thracian  ang ipapanganak upang labanan ito. Nawa’y patnubayan sila ng mga mabubuting diyos ng Moreva at ng aking diyos na si Thrax.”

Pagkasabi noon ay biglang nayanig ang buong kalangitan dahil sa pagsulpot ng mga  matatalim  na kidlat kasabay nang  malalakas na kulog. Ilang saglit lamang at bumuhos  ang malakas na ulan. Nabasa ang buong lupain ng Odrysian palatandaan ng padating na pagsibol at paglago ng mga puno’t halaman.

Nagpatuloy sa pagsigaw si Haring Tereus, hindi alintana ang malalaking butil ng ulan na bumabagsak sa kanyang mukha at buong katawan. “Alam kong naririnig mo ako, Thrax, sampu ng mga mabubuting diyos ng Moreva. Pakinggan ninyo ang aking kahilingan, kapalit ng sarili kong buhay.”

Isang maliit na kidlat ang tumama sa nakabukas na kanang kamay ni Haring Agenor. Napasigaw siya sa sakit  nang gumuhit sa balat at laman niya ang maliit na apoy.  Bago mawalan ng ulirat ay nagawa pa niyang tingnan ang pigurang iginuhit ng kidlat sa kanyang palad. Nang mapagtanto kung ano ito ay agad siyang  napaluha  at sunod-sunod na pasasalamat ang namutawi sa mga labi niya. Alam niyang paraan iyon ng mga diyos ng Moreva upang ipaalam sa kaniya na dininig ng mga ito ang kanyang kahilingan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status