Share

No Love Between Us (Filipino)
No Love Between Us (Filipino)
Author: Jay Sea

Chapter 1

"Kailan ka ba mag-aasawa, ha? Thirty two years old ka na, Andrea. Gusto mo bang tumandang dalaga, ha? Gusto mo ba gumaya sa tita Sonia mo, ha? Wala na sa kalendaryo ang edad mo," sunod-sunod na tanong ng ina ni Andrea na si Merla sa kanya kung kailan ba siya mag-aasawa. Thirty two years old na siya ngunit hindi pa rin siya nag-aasawa. Naunahan pa siya ng bunso niyang kapatid na si Ivan na mag-asawa. Tatlo silang magkakapatid at siya ang panganay.

Napapakamot na lang si Andrea sa kanyang ulo sa paulit-ulit na tanong sa kanya ng ina niya. Araw-araw ay 'yon na mismo ang naririnig niya mula sa bunganga nito. Naririndi na siya sa sinasabi nito sa kanya.

"Ma, hindi ka po ba magsasawa sa katatanong sa akin ng mga tanong na 'yan, ha? Araw-araw na lang po ay 'yan ang naririnig ko mula sa bibig mo po," reklamo ni Andrea sa ina niya na nakakunot ang noo. Gustong-gusto na kasi siya nito na mag-asawa ngunit ang problema ay wala naman sa kanyang gustong mag-asawa na lalaki. Wala naman siyang boyfriend kaya paano siya magkakaroon ng asawa?

No boyfriend since birth si Andrea. Kailanma'y hindi niya naranasan ang magkaroon man lang ng boyfriend. Noong nag-aaral siya ay hindi naman niya pinag-tutuunan ng pansin ang mga bagay na 'yon. Focus lang talaga siya sa pag-aaral niya kaya palagi siya ang Top 1 sa klase. Hanggang sa mag-college siya at makapagtapos sa pag-aaral ay hindi na siya nagkaroon pa ng oras na magpaligaw sa mga lalaki. May nagtatangka naman sa kanyang manligaw ngunit sinusungitan niya sa umpisa pa lang kaya hindi na siya nilalapitan pa. Itinuon niya ang buong atensiyon sa trabaho sa isang malaking kompanya. Siya na rin ang nagpaaral sa dalawa niyang kapatid hanggang ngayon.

"Hindi talaga ako magsasawa na tanungin ka sa mga tanong na 'yan dahil gusto ko malaman kung may balak ka pa bang mag-asawa. Matanda ka na, Andrea. Halos lahat ng mga kaklase mo ay may mga asawa't anak na. Ikaw na lang ang wala. Naunahan ka pa ng bunso mong kapatid na mag-asawa. Gusto mo ba na tumandang dalaga, ha? Gusto mo ba na tumandang mag-isa kagaya ng tita Sonia mo? May pera ka naman naiipon ngunit para saan ang mga 'yon kung hindi ka naman magpapamilya, ha? Bilang magulang mo ay iniisip ko ang kinabukasan mo. Gusto ko na magkaroon ka ng sarili mong pamilya. Tandaan mo ha, mawawala rin kami ng papa mo dito sa mundo. Ayaw namin na mag-isa ka sa buhay mo. Gusto namin na magkaroon ka rin ng sarili mong pamilya. Gusto namin na magkaroon ka ng asawa't anak dahil kapag tumanda ka na ay may mag-aalaga sa 'yo at hindi ka mag-iisa sa buhay. Hindi naman puwede na umasa ka sa mga kapatid mo dahil magkakaroon rin sila ng sariling pamilya lalo na ang bunso mo na kapatid na si Ivan," mahaba-habang paliwanag ni Merla sa anak niya na si Andrea na napapangiwi sa kanya.

Nagpakawala muna nang malalim na buntong-hininga si Andrea bago sumagot sa ina niya.

"Alam ko naman po 'yon, eh. Wala naman pong problema sa akin kung tumanda akong dalaga at mag-isa sa buhay. Hindi naman na po ako mag-aasawa pa, eh. Matanda na rin ako, sigurado na mahihirapan na akong manganak nito kung sakali. Matagal ko na po na tinangap sa sarili ko na hindi 'yan para sa akin," nakanguso na sagot ni Andrea sa ina niya.

"Ano'ng sinasabi mo na matagal mo nang tinangap, ha? Ano'ng ibig mong sabihin, ha? Ang magiging matandang dalaga ka at tatandang mag-isa, ha? Iyon ba ang ibig mong sabihin, Andrea?" nakakunot ang noo na tanong ng ina niya sa kanya.

"Opo. Ganoon na nga po, eh. Walang mag-aasawa sa akin, hindi rin po 'yon para sa akin. I was born to live my life without it. Hindi na rin po ako umaasa sa mga bagay na 'yon. Tanggapin n'yo na lang po kung ano ang gusto ko na mangyari. Alam ko naman po ang ginagawa ko na desisyon sa buhay. Ito po ang desisyon ko kaya ito po ang ginagawa ko," paliwanag ni Andrea sa ina niya.

"Puwede ka na magdesisyon para sa sarili mo ngunit kailangan mo rin naman na magdesisyon na alam mo na hindi mo pagsisisihan sa bandang huli. Walang masama sa sinasabi ko sa 'yo na mag-asawa ka na. Para lang naman ito sa 'yo, eh. Ikaw lang naman ang magkikinabang nito, Andrea. Kaya sana ay makinig ka sa sinasabi ko sa 'yo. Please lang, Andrea. Hindi ito para sa amin ng papa at mga kapatid mo. Ito ay para sa 'yo, para sa kinabukasan mo na alam namin na magiging maayos ang lahat kapag wala na kami sa mundo na 'to," paliwanag ni Merla sa anak niya na si Andrea.

"Hindi ko naman po 'to pagsisisihan sa bandang huli dahil ito po ang desisyon ko. Ang bawat desisyon ko po sa buhay ay hindi nakabase sa mga sinasabi ng mga taong nasa paligid ko. Ang bawat desisyon ko po ay nakabase kung ano ang nangyayari sa akin mula noon hanggang ngayon dahil alam ko na ito ang magdadala sa akin sa kung ano man ang naghihintay na mangyari sa mga susunod na taon. Alam ko po na hindi n'yo naiintindihan ang mga sinasabi ko ngunit ang pakiusap ko lang po ay sana respetuhin n'yo na lang po ang desisyon ko sa buhay. Kung ano man po ang mangyari sa akin sa desisyon ko ay wala po akong pagsisisihan o sisisihin na tao kahit kayo po na mga magulang ko," mabigat ang loob na sagot ni Andrea sa ina niya. "Magpapahinga na po ako dahil may trabaho pa po ako bukas. Kailangan ko po na maagang gumising. Pasensiya na po."

Hindi na nagsalita pa si Merla pagkasabi ng anak niya na si Andrea. Hinayaan na lang niya ito na iwan siya sa sala. Alam niya na masama na naman ang loob nito dahil sa mga pinagsasabi niya ngunit hindi naman 'yon ikasasama ng anak niya. Ang lahat ng sinasabi niya kay Andrea ay ikabubuti nito. Alam niya na tama ang sinasabi niya bilang isang ina sa kanyang anak. Walang ina ang magsasabi sa anak niya na ikasasama o ikapapahamak nito.

Umupo si Merla sa sofa at inalala ang mga sinabi sa anak niya na si Andrea. May tumulong luha mula sa kanyang mga mata kaya mabilis naman niya 'yon na pinunasan.

Lumuluha rin na pumasok si Andrea sa kanyang kuwarto matapos 'yon. Masama ang loob niya sa kanyang ina dahil sa paulit-ulit na pagtatanong kung kailan siya mag-aasawa. Rinding-rindi na talaga siya araw-araw sa sinasabi ng kanyang ina na para bang walang kapaguran sa bagay na 'yon. Alam naman ni Andrea sa sarili niya na hindi siya magkakaroon ng asawa't anak dahil kung magkakaroon siya ay noon pa dapat. Naiwanan na siya ng lahat ng mga biyahe. Sa edad niya ay masasabi para sa iba na huling biyahe na 'yon at kung hindi pa siya makakasakay ay talagang habambuhay na siyang maiiwanan.

Pabagsak na humiga siya sa kanyang malambot na kama at umiyak nang umiyak. Napakabigat ng kanyang dibdib at puno ng mga katanungan ang kanyang isip. Pakiramdam pa niya ay para siyang sasabog ng wala sa tamang oras o panahon. Bakit ba siya ganoon? Bakit hindi niya makuha ang mga bagay-bagay na nakukuha ng mga kaibigan o kakilala niya nang napakadali na para sa kanya ay suntok sa buwan kung makuha niya kagaya ng pagkakaroon ng boyfriend o asawa? Kaya ba nangyayari ang mga nararanasan niya ngayon ay dahil sa mga desisyon niya noon?

Sa loob-loob ni Andrea ay gusto niya na magkaroon ng asawa't anak ngunit napakailap ng pagkatataon na 'yon sa kanya. Gustuhin man niya na magkaroon ng asawa't anak wala naman siyang magagawa kundi ang harapin at tanggapin ang lahat ng mga nararanasan niya ngayon na para sa kanya ay isang malaking sumpa. Napapaisip na lang siya kung may nagawa ba siyang malaking kasalanan sa past life niya kaya kailangan niya na magdurusa ngayon?

Hindi namamalayan ni Andrea na habang umiiyak siya ay tinatangay na siya ng antok dahilan upang siya ay makatulog na nang mahimbing. Nagising na lang siya kinabukasan na medyo magaan na ang pakiramdam. Kahit papaano ay nawala ang bigat ng dibdib niya sa pag-iyak kagabi. Naalala pa rin niya ang mga nangyari kagabi ngunit hindi naman na niya inisip pa 'yon dahil ayaw niya na makaapekto pa 'yon sa mood niya at lalo na papasok siya sa kanyang trabaho. Ayaw niya na dalhin 'yon sa trabaho.

Kumain muna siya ng almusal bago pumasok sa trabaho. Tahimik lang siya habang kumakain silang pamilya. Hindi rin naman siya kinakausap ng ina niya na alam niya ay nag-aalangan na kausapin siya dahil kagabi. Ayaw naman na niya muna na kausapin ang ina niya dahil baka magtanong na naman ito kagaya kagabi na palagi nitong tinatanong sa kanya. Tahimik siyang umalis sa kanilang bahay papunta sa kompanya na pinagtatrabauhan niya. Maaga siyang umalis sa kanilang bahay kaya maaga rin siyang nakarating sa opisina. Hindi naman kalayuan ang kompanya na pinagtatrabauhan niya sa bahay nila.

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Pacita Gabriel
mahirap maghanap kusa yang darating kaya mag hintay k lng darating ang para su
goodnovel comment avatar
Lannie Barbadillo
ʜɪʀᴀᴘ ᴋᴀʏᴀ ᴍᴀᴋᴀʜᴀɴᴀᴘ ɴɢ ᴛʀᴜᴇ love......
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status