Share

Reviving Our Scars
Reviving Our Scars
Author: ms__selenophile

CHAPTER 1

Minsan, sa buhay natin, akala natin na tayo lang ang binigyan ng mabigat na pagsubok. Minsan, mapapaisip tayo kung may nagmamahal pa ba sa atin. Hindi natin namamalayang sa kabila ng ating pinagdadaanan, ay may mga tao rin pa lang may dala-dalang mabigat na problema. Sa kabila ng kanilang kalungkutan ay dahil pala sa hindi inaasahang pangyayari ng nakaraan.

ALIYA'S POV

Mukha na akong lantang gulay habang naglalakad pauwi sa aking tinitirhan dahil sa kamalasan ngayong araw. Ngayong araw kasi ay tinanggal na naman ako sa trabaho sa hindi ko alam na dahilan. Ito na rin ang panglimang trabaho na tinanggal ako. Ganito na siguro ako kamalas sa buhay.

Ilang metro na lang ang layo ko mula sa bahay nang sa hindi inaasahan ay nakita ko si Aling Belinda, ang may-ari ng inuupahan kong bahay, sa harapan ng tinitirhan ko. Mabilis na napalakad ako palapit dito.

"Mabuti naman at nandiyan ka na," saad niya nang makita ako.

"Aling Belinda," mahinahong tawag ko sa pangalan niya.

Bigla akong kinabahan dahil sa seryosong mukha niya. Sabagay, lagi naman.

"Ano na? May balak ka pa bang magbayad ng upa sa bahay? Ilang buwan na, Liya, pero wala pa rin akong natatanggap na bayad mula sa 'yo," bulalas niya habang nakahalukipkip ang mga braso.

Magtatatlong buwan na kasing hindi ako nakakabayad sa upa sa kaniya dahil konti na nga ang suweldo eh may mga gastusin pa sa pang-araw-araw. Nakapagtapos nga ako ng kolehiyo pero pahirapan talagang makapasok sa trabaho lalo pa't walang koneksiyon. Kaya, napipilitan na lang akong pumasok sa mga trabahong sakto lang ang suweldo sa pang-araw-araw na mga kailangan.

"Aling Belinda, hihingi po sana ako ng pangalawang pagkakataon dahil mukhang binisita na naman ako ng kamalasan. Natanggal po kasi ako sa trabaho. Pero sisiguraduhin ko pong sa susunod na buwan ay makakabayad na ako dahil bukas na bukas po ay maghahanap na ulit ako ng bagong trabaho," pagmamakaawa ko sa kaniya.

Nabigla ako dahil sa malakas na pagtawa niya. May sinabi ba akong katawa-tawa? Mukhang wala naman ah.

"Natanggal ka na naman sa trabaho, Liya? Aba'y napakamalas mo naman talaga. Parang nakaraang taon lang ay natanggal ka rin," sambit niya.

"Kaya nga po humihingi ako ng pangalawang pagkakataon sa inyo dahil sa nangyari ngayon. Nangangako po ako, Aling Belinda, sige na po," pagmamakaawa ko ulit. Naging seryoso na ulit ang mukha niya.

"Hinding-hindi na, Liya. Mukhang may dala kang kamalasan na puwedeng makahawa sa iba," wika ni Aling Belinda. Nakaramdam ako ng lungkot dahil sa sinabi niya. May dala nga ata talaga akong kamalasan. "Bukas na bukas din, sana ay hindi na kita makita pa rito. Siguraduhing lahat ng mga gamit mo ay madadala mo," dagdag pa niya bago ako talikuran at naglakad na palayo.

Gusto kong umiyak pero hindi ko magawa. Nalulungkot ako hindi dahil paaalisin na ako sa bahay, nalulungkot ako dahil dala-dala ko ay kamalasan sa buhay. Tiningala ko ang kalangitan at napaisip.

Kung sana ay hindi niyo ako iniwang dalawa. Kung sana ay hindi kayo umalis sa murang edad na meron ako. Hindi ko sana mararanasan ang lahat ng ito kung nandito lang kayo. Sana may karamay ako sa oras na nalulungkot at may problema ako. Pero wala, maaga kayong kinuha sa akin. Wala na akong magagawa pa kundi ang pumayag na lang na malas talaga ako sa buhay. Ganito ako eh. Ibinigay sa akin ito.

Gusto ko mang umiyak ay walang mga butil ng luha na gustong kumawala sa aking mga mata. Siguro ay naubos na. Naubos na, ilang taon na ang nakalilipas.

(FLASHBACK: SIXTEEN YEARS AGO)

THIRD PERSON'S POV

"Ano ang gusto mong regalo, aming prinsesa?" nakangiting tanong ng isang ginoo sa kaniyang nag-iisang anak.

Nagmamaneho ito papunta sa paaralan ng kaniyang minamahal na anak. Graduation day kasi ngayon nito. Nakangiti naman ang ginang na katabi ng nagmamanehong ginoo habang ang kanilang nag-iisang anak ay nasa likod nakapuwesto.

"Gusto ko pong mamasyal tayo, at kumain ng mga paborito kong pagkain. Gusto ko rin po ng pet, papa," sagot ng labing-isang taong gulang na batang babae.

"Pet? Anong pet? Aso? Pusa? O baka?" nakangiting tanong ng ginang. Natawa silang tatlo dahil sa huling sinabi nito.

"Baka? Masyadong malaki po ang baka, mama. Baka po hindi magkasiya sa bahay natin," wika ng batang babae. Parehong natawa ang kaniyang mga magulang.

"Eh ano'ng gusto mo?" tanong ulit ng ginang.

Napaisip ang batang babae.

"Gusto ko po ng..."

Hindi na nito naituloy pa ang sasabihin dahil isang malaking truck ang sumalpok sa kanilang sasakyan. Dahil sa malakas na pagbangga ay malayo ang narating ng kanilang sasakyan. Isang sasakyan din ang nadamay dahil sa nangyari.

Nawalan ng malay ang tatlong sakay, ang batang babae at ang mga magulang nito. Punong-puno ng dugo ang loob ng sasakyan dahil sa mga bubog na tumalsik sa mga sakay nito.

Ilang saglit lang nang magising ang ama at napaiyak dahil sa nakitang sitwasiyon nila. Tinapik niya ang katabing ginang pero hindi ito magising. Hindi niya maigalaw ang mga paa dahil may nakatusok na bakal dito. Tiningnan niya ang kaniyang anak na babae sa likuran at ito'y sinubukang gisingin. Ilang sandali lang nang unti-unting nagising ang bata. Napangiti ang ama dahil dito.

"Pa-pa," tawag ng batang babae sa kaniyang ama.

"Shhhh! H-Huwag kang m-mag-alala, makakaalis t-tayo rito," hirap man ay sinubukan pa rin ng ama na magsalita. "M-Maaalis mo b-ba ang seatbelt mo?" tanong niya sa anak.

Sinubukan ng anak na tanggalin ang seatbelt nito. Nanghihina man dahil sa mga natamong mga sugat ay nakayanang tanggalin ng bata ang seatbelt.

"N-Natanggal ko n-na po, pa-pa," wika ng bata.

"N-Ngayon, subukan mong b-buksan ang pinto s-sa tabi m-mo," utos niya sa anak.

Ginawa ng batang babae ang utos sa kaniya ng kaniyang ama. Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto at binuksan ito. Suwerte lang dahil hindi naipit ang batang babae kaya madali siyang makagalaw at makaalis sa kaniyang puwesto.

Nakataob ang kanilang sasakyan kaya medyo nahihirapan din ang bata. Ilang minuto rin ang nagdaan bago tuluyang nabuksan ng batang babae ang pinto.

"Pa-pa," tawag niya sa kaniyang ama nang mabuksan na niya ang pinto.

"L-Lumabas ka na. Humingi k-ka ng t-tulong. Bilisan mo, anak. Bilisan mo, aming prinsesa," ngayon ay ramdam na ng ama ang panghihina niya.

Nawalan na siya ng pag-asang mabuhay dahil sa sitwasiyon niya. Ang kaniyang maybahay ay wala pa ring malay. Ang hiling niya na lang ngayon ay makalabas nang tuluyan ang kanilang anak.

"Pa-pa, diyan lang p-po k-kayo, hihingi lang pa a-ako ng tulong," nanghihinang wika ng batang babae.

Tuluyan na ngang nakalabas ang batang babae nang mabuksan nito ang pinto.

Hindi na umimik pa ang ama dahil nahihirapan na talaga ito. May mga butil ng mga luha sa kaniyang mga mata at habang hinahaplos ang pisngi ng kaniyang maybahay ay nagsalita siya sa huling sandali.

"Mahal kita, Armela. Kayong dalawa ni Aliya. Sa tingin ko ay hanggang dito na lang tayong dalawa."

Dahan-dahan niyang hinalikan ang noo ng kaniyang asawa bago ang isang malakas na pagsabog.

Nang makalabas ang batang babae ay isang kamay ang humawak sa kaniyang kamay. Mahigpit na hinawakan siya nito at inilayo sa sasakyang umuusok. Nanghihina man ay tiniis ng batang babae ang sakit at sumabay sa takbo ng batang lalaking nakahawak sa kaniya. Mabilis ang kanilang pagtakbo hanggang sa marinig nila ang malakas na pagsabog.

Nilingon ng batang babae ang sasakyang kinaroroonan ng kaniyang mga magulang. Nanghina ito sa nasaksihan. Hindi makapaniwala sa nakita hanggang sa mawalan ito ng malay.

(END OF FLASHBACK)

ALIYA'S POV

Ngayon ay walang ganang nag-impake ako. Napabuntonghininga ako. Kanina ko pa ito ginagawa. Hindi ko kasi alam kung saan ako tutuloy. Wala naman kasi akong mga magulang. Ni kapatid wala rin ako. Kahit nga kaibigan eh wala ako. May mga kamag-anak naman ako pero ayaw ko doon. Mas mabuting sa lansangan na lang muna ako kesa sa manirahan sa kanila.

Tiningnan ko ang tatlong bag na punong-puno ng mga gamit ko. Kailangan ko na ngayon lisanin ang lugar na ito dahil baka maabutan pa ulit ako ni Aling Belinda. Mahirap na. Huwag kang mag-alala, Aling Belinda, babalik ako para bayaran ang kulang na upa ko sa 'yo.

Lumabas na ako ng bahay at sa huling pagkakataon ay sinilayan ko ito. Ilang taon din akong nanirahan dito kaya nakalulungkot ang pangyayari. Wala na akong magagawa, kailangan ko nang lisanin ito. Dala ang aking mga bag ay umalis na ako.

LAKAD dito, lakad doon. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Nang magutom ay kumain ako sa isang karenderya. Umorder lang ako ng isang cup ng kanin at isang order ng ulam. Kailangan kong magtipid dahil hindi ko alam kung hanggang kailan pa aabutin itong pera ko.

Nang matapos kumain ay umalis na ako. Naglakad na naman na hindi alam kung saan pupunta. Nang makaramdam ng pagod ay nagpahinga na muna ako.

Inilagay ko sa sementadong daan, sa harap ng isang pula at magarang kotse na nakaparada ang mga bag ko. Ako naman ay tumayo lang habang bahagyang hinihingal.

Ilang saglit lang nang makarinig ako ng isang boses.

"Excuse me," wika nito.

Nilingon ko ang nagsalita at nalamang isa pala itong anghel--ay este isang guwapong nilalang.

"Excuse me? Malaki po ang daan, sir, kaya huwag na po kayong mag-excuse," sabi ko rito.

Tumaas ang kaniyang kanang kilay dahil sa sinabi ko.

"Excuse me?" ulit nito.

"Sir, puwede naman po kayong dumaan sa bandang likuran ng kotse. Nakikita niyo naman po, 'di ba?" naiinis na wika ko. "Malawak po ang daan."

Lumapit nang bahagya ang lalaki sa akin at bumulong.

"Excuse me, miss. Nagmamadali ako. Hindi ako makakaalis kung hindi ka rin aalis diyan because this red car right here, is mine," wika niya sabay turo sa magarang kotse.

Nang mapagtanto ang kaniyang ibig sabihin ay mabilis na napaatras ako at kinuha ang aking mga bag sa harapan ng kaniyang sasakyan. Bigla ko ring naramdaman ang pag-init ng aking mukha dahil sa nangyari. Nakakahiya.

Sumakay na siya sa kaniyang sasakyan at pinaandar na ang makina nito. Bago tuluyang umalis ay nag-iwan muna siya ng mga salita.

"Ang alam ko gabi ginagawa ang pakikipagtanan," wika nito at pinaandar na nang tuluyan ang kaniyang kotse.

THIRD PERSON'S POV

"Umalis na po si Velasquez, sir," wika ng isang lalaking nasa kuwarenta na ang edad sa kausap nito sa cellphone.

"Ano ang nakuha niyo?" ma-otoridad na tanong ng isang matanda sa kabilang linya.

"May nakuha po kaming litrato rito na sa tingin ko ay ikatutuwa niyo," sagot ng lalaki.

Agad na pinasa ng lalaki ang tatlong litrato sa matanda.

"Sino ang babaeng ito?" tanong ng matanda.

"Sa tingin po namin ay kasintahan siya ni Velasquez. Puwede po natin siyang gamitin para takutin si Velasquez, Don Felix" nakangising tugon ng lalaki. "Pero, mukhang magkaaway po silang dalawa ngayon dahil iniwan na lang ito ni Velasquez."

"Tama ka. Ngayon ay umalis na kayo diyan at bumalik na rito," utos sa kanila ng matanda. "At huwag na huwag niyong kalilimutan ang babae," dagdag pa niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status