Share

Chapter Twenty-nine

HINDI alam ni Hannah kung maniningkit ang mga mata niya, o panlalakihan ng mga mata si Bullet.

"Ano ba iyang pinagsasabi mo!" Ramdam niya ang pag-iinit ng buong mukha.

Oo nga't nasa halik-halik stage na sila ni Rafael, pero napakaimposible naman iyong may mangyayaring ganoon.

"Just promise me, Hannah. Kahit dulo ng daliri mo, never let him do it. Naiintindihan mo ba ako?"

Nagpakawala siya ng hangin. Ano bang akala nito?

"Bullet naman! Ano ka ba? Parang hindi mo naman ako kilala! At saka, nako! Di naman ako sexy at maganda katulad ng girlfriend niyon, ano! Hindi mo pa kasi nakikita ang nobya ng taong iyon! Modelo! Maganda."

At ugaling demonyo.

Hindi naman umimik si Bullet. Seryoso pa rin itong nakatingin sa kaniya na para bang hinihintay na mangako siya.

Okay, fine. Ilang ulit siyang tumango rito para matapos na lang.

Matapos ng ilang minutong katahimikan ay muli itong nagsalita, "Promise me, Hannah. Gusto kong marinig mismo mula sa iyo."

Matagal niyang tinitigan ang nag-aalalang mukha ni Bullet. Pakiramdam niya, may humaplos na mainit na bagay sa puso niya nang marinig ang pag-aalala sa boses nito.

He sounds sincere. And she thank him for that. Maliban sa dalawang kaibigan niya, si Bullet na lang ang natitirang taong may malasakit sa kaniya. Parang tuloy naroon lang ang mga magulang niya.

Tumango siya bago ngumiti sa kaniya. "I promise."

Nagpakawala naman ito ng malalim na hangin bago pinisil ang ilong niya.

"Kung hindi lang kita kapatid sa ibang magulang, niligawan na kita. Ganoon ka kaganda, Han," natatawa nitong saad. Normal na sa kanila noon ang ganitong klase ng biruan kaya natawa na lang siya.

Matapos nilang makapag-usap ni Bullet ay tumulong muna siya sandali sa coffee shop. Nang sumapit ang oras ng labas niya, agad na siyang nagpaalam upang nagtungo sa library ng kanilang unibersidad.

Tumambay muna siya roon at ginugol ang oras sa pag-aaral. Kailangan niyang mag-aral nang doble dahil alam niyang mahihirapan na naman siyang mag-review at mag-concentrate sa bahay, not with Rafael around. Especially now that he's acting like that. May pakiramdam siyang hindi siya nito patatahimikin.

Kinuha niya ang lahat ng books na kakailanganin niya. Inaral at kinabisado niya ang mga maaaring isama ng mga professor niya sa exam. Nagdesisiyon lang siyang lumabas nang oras na ng klase. Pagsapit naman ng uwian, matulin siyang naglakad habang kinakabisa pa rin ang mga inaral kanina.

Hindi man lang niya nakita ang dalawang kaibigan sa eskuwelahan. Ibig sabihin lang, abala na rin ang mga ito sa pagsusunog ng kilay. Mabuti na lang nakausap niya si Cassandra si coffee shop bago ito pumasok sa klase.

Nang makarating naman siya sa bahay ay eksaktong alas-nueba na ng gabi. Napansin niya ang mga pagkain na nakahain sa mesa, may mga takip ang mga ito at may isang piraso ng papel sa ibabaw ng isang plato. Mukhang galing kay Manang Myrna.

Muli niyang naalala ang nangyari kanina sa library, tumawag kasi sa kaniya si Rafael upang ipaalam na overtime raw ito sa opisina kaya hindi siya masusundo.

Nakaismid siyang lumapit sa mesa. Wala naman silang usapan na susunduin siya nito, a? Hindi na nito kailangan pang magpaalam.

Pero aaminin niya, natuwa siya sa isiping binalak siya nitong sunduin. She felt special tuloy, bagay na ikinailing niya. Hindi siya puwedeng mag-isip nang ganoon!

Bigla niyang naalala na nag-text din kanina si Bullet na may problema ito sa kapatid nitong babae na kaedad niya lang, kaya hindi rin daw ito makararating upang sunduin siya. Bigla siyang napaisip, ano na nga pala ang nangyari sa kapatid nitong si Danielle? Ang tagal na rin mula nang makita niya ang dalaga. Nalimutan na rin niya na kumustahin ito dahil sa dami ng nangyayari sa buhay niya.

Hindi na siya nag-dinner nang makauwi at dumiretso na lamang sa kuwarto. Ewan niya pero kahit wala siya masiyadong ginagawa ay pagod na pagod ang pakiramdam niya. Nakakapagod nga talaga siguro ang mag-aral, o mamroblema nang dahil sa love life.

Matapos maligo at makapagpalit ng damit na pantulog, kinuha niya sa maleta ang isang photo album. Hanggang ngayon, iniingatan niya pa rin ito na parang isang importanteng bagay sa buhay niya.

"Dapat itinapon na kita, e . . . " Napangiti siya nang masilayan ang ilang bulaklak at hugis-pusong disenyo ng pabalat.

Sinimulan niya itong buklatin at bumungad sa kaniya ang iba't ibang stolen pictures ni Rafael. Kuha niya ang mga ito noong bata pa siya, ang iba ay kinuha niya sa internet, habang ang iba naman ay nakaw na kuha niya sa lalaki mula sa malayo.

Mula pa noon ay hindi talaga maipagkakaila na napakaguwapo na ni Rafael. Bumabalik tuloy ang feelings niya noon na buong akala niya ay nakalimutan na niya ngayon.

Para itong anghel at demonyo na nasa iisang katawan. Anghel sa tuwing ngumingiti ito at demonyo naman sa tuwing tititig ito nang matalim sa mga mata ng kahit na sino.

"My most favorite demon," mahina niyang sambit matapos tumigil sa isang litrato kung saan kitang-kita ang matatalim nitong mga mata.

Napangiti siya habang pinagmamasdan ang mga iyon. Hindi siya makapaniwala na kasal na sila ngayon. Pero mas hindi siya makapaniwala sa mga ipinapakita nito sa kaniya simula nang magpunta sila sa isla.

"Sana totoo na lang ang lahat." Napabuntong-hininga siya.

Darating ang oras na matatapos na rin itong pagpapanggap nila. Na matatapos na rin itong pakitang tao ni Rafael. Sa ngayon, kung ano man ang ipinapakita nito sa kaniya ay paniniwalaan niya.

Lahat paniniwalaan niya kahit alam niyang kasinungalingan. Kailangan lang naman niyang huwag mahulog dito. Kapag nagawa niya iyon hanggang sa matapos ang pagpapanggap nila, mapoprotektahan niya ang kaniyang puso.

Kinuha niya ang kaniyang cell phone bago ito kinabitan ng earphone. Pinaslak niya iyon sa magkabila niyang tainga at nakinig ng paborito niyang kanta. Humiga siya sa kama at ipinikit ang mga mata upang makapagpahinga.

Nakatulog na rin siguro siya nang hindi niya namamalayan, kaya nagulat na lang siya nang may biglang kumatok sa pinto. Sa sobrang gulat ay diretso siyang napaupo nang tuwid. Patay na ang cell phone niya nang sipatin niya ito. Marahil ay lowbat.

Mabilis niyang nilingon ang orasan sa side table at nakitang mag-a-alas onse y media na ng gabi.

"Istorbo naman," pupungas-pungas niyang wika.

Matapos ng ilang minutong ginugol niya upang pakalmahin ang sarili ay tumayo na siya para pagbuksan ang kumakatok.

"Rafael," sambit niya sa pangalan nito nang makita itong nakatayo sa harap ng kaniya kuwarto habang nakangiti nang malapad.

Malamang, si Rafael talaga ang dadatnan niya dahil silang dalawa lang naman ang nakatira roon. For now. Malay niya ba, baka bumalik si Samantha.

"Can I come in?" Tinitigan niya lang ito nang matagal habang nagsasampung-isip kung papapasukin ba ito o hindi.

Nag-aalala kasi siya na baka anong kalokohan na naman ang mangyari. May toyo pa naman sa utak itong si Rafael kapag tinatamaan ng libog. Baka anong pang-iinis na naman ang sabihin o gawin nito.

Nilakihan niya ang awang ng pintuan makalipas ang ilang minuto. Kumunot pa lalo ang noo niya nang makitang dire-diretso itong pumasok at nagtungo sa higaan niya, saka malayang umupo na animo ito ang may-ari ng kama.

"I brought chickenjoy and burger," nakangiti nitong saad at itinaas pa ang hawak na plastic.

Saka niya naman napansin ang dala-dala nitong brown paper bag na may disenyo ng logo ng isang fast-food.

"Galing naman ng timing mo, hindi ako nag-dinner, e," nakangiti niyang saad sabay lapit dito saka umupo sa tabi nito.

Ang totoo ay kumakalam na rin ang sikmura niya. Isa pa, wala naman sigurong masama ang kumain nang ganoong oras kasama ito.

Kukunin niya na sana ang hawak nitong paper bag para maghanda, nang bigla siyang matigilan nang mapansing nakatulala si Rafael. Nagtaka pa siya sa hitsura nito, para kasing may tinututukang bagay ang mga mata nito.

Nang sundan niya ng tingin kung saan ito nakatutok ay namilog ang mga mata niya.

"Rafael!" napasigaw siya na ikinagulat nito.

Nang makuha ang atensiyon nito'y marahas niyang kinuha ang photo album na puno ng litrato ng lalaki. Nakabuklat pa rin ito kung saan, malayang nakikita ni Rafael ang mga stolen pictures nito!

Agad siyang tumayo at mabilis na tumakbo patungo sa loob ng banyo ng kuwarto, saka nagkulong doon.

Mga Comments (4)
goodnovel comment avatar
Claudia Rico
huli ka Hannah
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
maraming salamat miss author ...
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
nalaman na ni Rafael Ang sikreto mo Hannah
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status