Share

Chapter Thirty-one

"Hannah?"

Unti-unting naglaho ang ngiti sa mukha ni Hannah nang marinig ang boses ni Rafael. Isa pang tawag nito at tuluyan na siyang napamulat ng mga mata.

"Bakit nakapikit ka?" Bumungad sa kaniya ang nagtatakang mukha nito.

Ilang ulit siyang napakurap bago tuluyang nagbalik sa reyalidad ang isip niya. Napapahiyang umiling siya kay Rafael.

"Ah, wala." Gusto niyang sapakin ang sarili niya dahil sa kahihiyan. Ano iyong ginawa niya? Nag-daydream? Nakatikim lang ng halik, gusto pang umulit sa panaginip!

"So, ano nga? Sasabihin mo ba sa akin kung sino iyang kaibigan mo o hindi?"

Sumimangot siya sa narinig. "E, bakit ba kasi gusto mong makilala iyong tao? Nagsisisi na nga sa katangahang ginawa niya, e!"

"Bakit mo naman nasabing katangahan iyon?"

"Because that's the truth! Iyong kaibigan ko, ang sarap niyang batukan! Napakatanga niya para magkagusto sa lalaking malabong maging kaniya."

"Malabo ba talaga?" natigilan siya bigla sa sinabi nito, lalo na nang seryoso siyang tingnan ni Rafael.

Bakit ba nito sinasabi ang mga bagay na iyon? Mas umaasa lang ang puso niya, e! Nakakainis naman kasi ang younger self niya. Doon nag-umpisa ang lahat nang ito! Kung hindi siya nagkagusto kay Rafael, hindi sana siya bilanggo ng pag-ibig ngayon!

Ang tanga-tanga talaga!

Nang muli niyang tapunan ng tingin si Rafael, napansin niyang nawala na ang ngiti sa mga labi nito. Hindi niya maipaliwanag ang nakikitang reaksiyon sa mga mata ng lalaki. Lungkot? Bakit naman ito malulungkot? Imagination niya na naman!

Humugot siya nang malalim na hangin bago umiwas ng tingin kay Rafael. Nakakaakit naman kasi ang mga mata nito. Parang nanghihipnotismo! Ginagayuma siya!

Tumayo siya habang hawak pa rin ang photo album sa kamay. Mabilis niyang nilapitan ang trash bin na nasa dulong bahagi ng kuwarto niya, saka itinapon doon ang album.

"Iyan ang dapat diyan!" Umismid siya matapos gawin iyon.

Matagal na pinagmasdan ni Hannah ang photo album sa loob ng basurahan. Ingat na ingat siya rito noon. Ni hindi niya ito pinaparumihan, pero ngayon, hindi siya makapaniwalang itinapon niya pa sa basurahan.

Pero kailangan niyang gawin iyon. Hindi siya makaka-move on kung habang-buhay siyang kakapit sa nakaraan. Isa pa, gusto niyang ipakita kay Rafael na hindi na siya apektado, pero mukhang bigo siyang gawin iyon.

Nang muli niyang harapin si Rafael ay malinaw na niyang nababakas ang lungkot sa mukha nito. Hindi na lang siya bastang nag-i-imagine. Nakatitig ito sa trash bin kung saan niya itinapon ang photo album, pero sandali lang iyon. Mabilis nagbago ang ekspresiyon nito at binigyan siya ng tipid na ngiti.

"Ikaw naman." Nakangiting tumayo si Rafael bago naglakad palapit sa kaniya.

Napaatras pa siya nang tuluyan itong makalapit, akala niya kasi ay kung anong kalokohan na naman ang gagawin nito. Pero laking-gulat niya nang yumuko ito at dinampot ang photo album.

"You should've just give it to me instead of shoving it in the trash. Masiyadong guwapo ang asawa mo para itapon lang ang mga litratong 'to." Nakangiti siyang kinindatan ni Rafael.

Naramdaman niya ang pag-iinit ng kaniyang pisngi. Sa bawat segundong lumilipas, pabilis nang pabilis ang tibok ng puso niya. Rinig na rinig niya ang malalakas nitong pagtambol. Bigla pa siyang pinagpawisan nang malapot.

"I'll just take this, okay?" Ginulo ni Rafael ang buhok niya bago muling nagbalik sa kama.

Hindi siya nakaimik. Shit lang. Ano na naman ba itong nagawa niya? Kalma, Hannah! Para sa pride, kalma!

"Do you still have her number? Iyong may-ari nito?" pagkuwa'y tanong ni Rafael bago itinaas ang hawak na album. Malaya na nitong tinitingnan ang bawat litrato nito sa photo album. Kainis naman.

"B-bakit? Aanhin mo?" wala sa sariling tanong niya. Muli siyang bumalik sa tabi niti, saka kumuha ng isang mango pie at agad na sinubo.

Ngumiti naman nang pilyo si Rafael. Natigil agad siya sa pagnguya at nagdududa itong tinitigan. Ano na naman kaya ang iniisip nito?

"Oh, nothing. It's just that, I think I should know her, have a drink with her, and maybe get to know her for a whole night. You know, do something wild—hey!"

Hindi na nito naituloy pa ang sinasabi dahil mabilis niya itong hinampas ng mineral bottle sa ulo.

Tumawa lang ito nang bahagya bago muling ginulo ang buhok niya. "Good night, Mrs. Fernando. Thanks for your time." Nakangiti itong tumayo at lumabas ng silid niya.

Naiwan naman siyang tulala habang nanginginig ang buong kalamnan sa sobrang inis. Gusto niyang pagkukurutin ang mga bilbil niya. "Ang tanga mo, Hannah! Tuloy, nakuha niya ang iniingat-ingatan mong photo album"

KINAUMAGAHAN, nauna nang nagising si Hannah kaysa kay Rafael. Ang totoo'y siniguro niyang mauuna siyang magising. Gusto niyang iwasan si Rafael. Kung hindi niya gagawin ito, delikado ang mga laman-loob niya, lalo na ang puso niya! Not safe, very not safe!

Matapos maligo, mabilis siyang nag-ayos at saka nagmamadaling isinuot ang triple extra large black t-shirt at isang blue pants. Inibabawan niya rin ng white blazer ang t-shirt na suot niya para itago ang mga bilbil na proud na proud at mukhang wala siyang balak lubayan.

Nang makalabas ng bahay, nagyuko siya ng ulo at pinakatitigan ang suot niyang damit. XXXL na nga ang suot, pero paminsan-minsan ay lumalabas pa rin ang mga bilbil niya sa tiyan. Ito talata ang dahilan kung bakit lagi siyang nagsusuot ng blazer, para itago ang taba niya. Hindi naman problema sa kaniya ang katabaan niya noon, e. Pero simula nang makasama niya si Rafael, nagsimula na siyang mamroblema sa panlabas niyang anyo—lalo na kung nariyan si Samantha.

Nang makarating siya sa coffee shop, hindi rin siya nakapagtrabaho nang maayos. Hindi kasi mawala sa isip niya ang mga ikinikilos ni Rafael. Laging ginugulo nito ang isipan niya.

"Dapat turn off ka na ngayon sa ugali niya, pero parang mas lalo mo pang minamahal araw-araw! Ayos ka lang, self? You're so pitiful!"

Alam niyang sinabi niya rito na pipirmahan niya ang kontrata. Pero bakit hindi pa rin nito itinitigil ang pagiging malambing? Imposible naman na totoo ang lahat nang iyon, hindi ba?

Muli siyang nagpakawala ng buntonghininga. Buong araw, si Rafael na lang ang lagi niyang iniisip. Pasalamat na lang siya dahil kahit ito ang laman ng isipan niya, hindi pa naman siya nagkakamali sa trabaho, at hindi pa niya napapabayaan ang pag-aaral niya.

"Hoy! Ano ka ba? Kanina pa ring nang ring iyang cell phone mo, oh!" napaigtad siya nang biglang magsalita si Cassandra mula sa kaniyang likuran.

Sa halip naman na tingnan ang cell phone niya, hinayaan niya lang ito. Alam niya kasi kung sino ang tumatawag, si Rafael! Kanina pa ito tawag nang tawag pero hindi niya sinasagot. Haba ng hair, `no? Maloloka lang kasi siya kung maririnig niya ang guwapo at sexy nitong boses.

"Salamat naman at magsasarado na!" nilingon niya si Ella nang marinig ang sinabi nito. Mabilis niyang itinaas ang bisig kung saan suot niya ang relong-pambisig, wala pang ala-una ng hapon, ah? Close na?

"Magsasarado na?" takang tanong niya kay Ella.

"Ayan, lutang kasi! Ano bang nangyayari sa iyo, best, ha? Hindi mo ba narinig ang sinabi kanina ni Tita Cristy?" napakamot siya sa ulo habang unti-unting umiiling sa tanong ni Cassandra. "Hanggang tanghali lang daw tayo dahil pupunta siya sa ospital."

Ospital? Nangunot ang noo niya sa narinig. "Bakit? Anong mayroon?"

"Dadalawin niya iyong isa niyang pamangkin na naaksidente. Siya yata ang magbabantay rito sa hospital."

Napatango siya sa narinig. Free na pala siya for the rest of the day. So, anong gagawin niya ngayon?

"Saan ka nga pala after nito?" tanong ni Cassandra bago muling ipinagpatuloy ang paglilinis ng lamesa. Sarado na ang coffee shop at tinatapos na lang nila ang pagliligpit.

"Diyan lang, may mga kukunin akong litrato." Tumango lang ang kaibigan sa kaniya.

Matapos ng kanilang pagliligpit, maya-maya pa ay nasa loob na siya ng isang photoshop. Noong isang araw ay ipinadala ng mommy ni Rafael sa isang social media account niya ang mga wedding pictures nila ng anak nito. Humingi siya ng digital copy para sana mapa-print niya at mailagay sa photo album na naroon na ngayon kay Rafael.

Matapos bayaran ang mga pina-print niyang pictures, hindi pa niya ito nakukuha mula sa loob ng envelope, natigilan siya nang muli na naman siyang tawagan ni Rafael. Kinuha niya ang cell phone niya at matagal na tinitigan ang pangalan nito sa screen.

"Bakit ka ba tawag nang tawag? Kaya nag-a-assume itong letseng puso ko, dahil din sa iyo, e!"

Inis na ibinalik niya sa loob ng bag ang kaniyang cell phone. Binilisan niya lalo ang paglalakad. Hindi naman sinasadyang makuha ng dumaang kotse ang atensiyon niya.

Sinundan niya ng tingin ang babaeng nakaupo sa backseat. Hindi siya puwedeng magkamali, si Samantha! Ang ikinabigla niya, hindi ito nag-iisa. May kasama itong lalaki at naghahalikan sila!

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Monette
Kinikilig na naman ako! Hahahahah! Thanks, Miss A! ...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status