Share

Kabanata 2

Beautiful.

Gusto kong sisihin ang sarili ko nang kinabukasan ay lahat kaming magkaka-klase ay may hangover. Maski ang mga schoolmates namin ay mukhang hindi makamove on sa party kagabi dahil bukambibig nila ito.

Maliit na bayan lang ang Pontevedra kaya tuwing may salo-salo, alam na agad ito ng lahat. Kilalang pamilya rin kasi sina Cha dahil isa sila sa bilang na mayayaman dito.

"Mukhang enjoy ang debut mo last night, Ms. Bernal," ani Mrs. Flores nang pumasok ito sa classroom namin.

Sabay-sabay kaming nagtayuan nang malaman ang presensya niya.

Napayuko ako dahil sa guilt na nararamdaman, "Sorry po, Ma'am."

Humalakhak lang ito saka umiling sa akin, "No, it's fine. Isang beses lang sa buhay natin ang debut at dapat lang na i-enjoy mo iyan. Wala rin naman tayong gagawin ngayon kundi ang kaunting reviews dahil sa final examination next week."

Binigyan niya lang kami ng kaunting review at iilang reviewers. Pati na rin ang mga topic na kailangan naming aralin at pagtuunan ng pansin.

"Goodluck sa final examination, guys!" Ani Mrs. Flores bago ito tuluyang lumabas ng aming silid.

Masaya kaming nag-uwian lahat dahil absent ang last subject teacher namin. Iyon nga lang, binigyan kaming dalawa ni Cha ng gawain ni Ms. Reyes para sa huli naming topic sa markahan na ito. Medyo nahuli kasi kami sa subject niya dahil umabsent ito no'ng nakaraan.

"Nakakainis talaga si Ms. Reyes. Review na nga lang tayo sa ibang subject tapos siya, pinagreport pa tayo," reklamo ni Cha habang nasa byahe kami pauwi. "Saka kasalanan ba natin na late tayo sa subject niya? Kasalanan niya 'yon!"

"Baka nagalit si Ma'am dahil sumuka si Hailey sa classroom," sagot ko.

Halo-halo ang emosyon namin kanina nang dumating si Ms. Reyes. Paano ba naman ay sumuka si Hailey sa kaniyang klase. Ang iba ay natawa pero mas lamang ang takot namin.

"Sana pala hindi na rin tayo pumasok. Ang duga ni Rei," reklamong muli ni Cha.

Nagtext sa amin ni Cha si Rei kanina na hindi raw siya makakapasok dahil masakit ang kaniyang ulo.

Iritado si Cha buong oras ng byahe. Kumalma lang siya nang ipaghanda siya ni Mama ng paborito niyang Lasagna.

Tahimik akong nagtungo sa kwarto namin sa loob ng mansyon. Noong naghiwalay kasi sina Mama at Papa, nagtrabaho siya rito kina Cha. Noong nagtagal, kinuha na rin kami ni Tita Anna at nagkaroon kami ng kwarto sa mansyon kaya mula no'n, dito na kami tumira sa kanila.

May bahay namin kami hindi kalayuan sa kanila pero ayaw na ni Mama manatili roon mula nang alukin kami ng mga De Dios na manatili rito, naaalala niya raw kasi ang kagaguhan ni Papa.

Minsan naman ay doon kami natambay o natutulog nina Cha at Rei. Kaya rin siguro hindi pinapaalis ang kuryente namin roon dahil sa aming tatlo.

Bitbit ko ang libro, notebook, at pencil case ko nang magtungo ako sa malawak na hardin nina Cha. Rito namin madalas gawin ang schoolwork namin dahil tanaw ang dagat mula rito. Healthy pa naman sa utak ang magandang tanawin, makakapag-isip ka talaga nang maayos.

Si Cha ang gumagawa ng PowerPoint presentation namin tuwing may reporting kami. Marunong naman ako pero mas bilib ako sa mga desenyo ni Cha. Mas sanay kasi siya sa laptop.

"Maligo muna tayo, Gab. Maaga pa naman," nilingon ko si Cha nang bigla itong sumulpot sa tabi ko.

Nakasuot na ito ng cycling at sports bra. Mukhang wala talaga sa isipan niya ang gumawa ng report dahil wala naman siyang dalang laptop o kahit ballpen.

"Kailangan natin 'tong gawin. Bukas ay baka paulanan tayo ng tanong ni Ms. Reyes," sabi ko.

Istrikta si Ms. Reyes sa mga reporting. Madalas nitong ipahiya ang mga kaklase ko kapag nauutal sa reporting kaya medyo takot ako rito.

Humalakhak ito saka inagaw ang mga hawak ko. Inilapag niya iyon sa lamesa na nasa loob ng kubo bago ako malakas na hinatak pababa ng dagat.

"Don't worry, saglit lang 'to. Stop worrying about Ma'am. Menopause na kasi saka walang asawa kaya gano'n," sabi ni Cha habang hatak-hatak ako.

Wala akong nagawa nang hatakin ako ni Cha hanggang sa dagat. Binitawan niya lang ako nang nasiguro niyang basa na ang katawan ko at wala ng choice kung hindi maligo na rin.

"Mabuti na lang nakashort ako. Kung nagleggings ako ay maliligo akong nakaleggings," biro ko nang hanggang bewang ko na ang tubig.

"Huhubaran naman kita kung sakali," humalakhak ito at sinabuyan ako ng tubig.

Natawa na lang din ako.

Halos isang oras kaming nagbabad sa dagat ni Cha. Kitang-kita agad ang pamumula ng aking katawan kaya naisipan kong umahon na.

"Ang ganda-ganda talaga ng skin mo kapag naarawan," si Cha nang makaahon din.

Ilang beses niya itong sinabi sa akin noon at hanggang ngayon bukambibig niya pa rin. Mas maputi ako nang kaunti kay Cha kaya kapag nabibilad sa araw, mas nakikita ang pagbabago ng kulay ko kaysa sa kaniya.

"Charlynn!"

Sabay naming nilingon si Mama na tumatakbo palapit sa amin.

"Nandito lang pala kayong dalawa. Halos kalahating oras kong nilibot ang buong mansyon kakahanap sa inyo," reklamo ni Mama na hinihingal pa.

Tumawa lang si Cha saka hinawakan ang likod ni Mama. Marahan niya itong hinagod habang nakangiti.

"Sorry po, Tita. Niyaya ko lang si Gabriella dahil wala pa ako sa mood mag-aral," sabi nito.

"Sana ay nagpaalam ka sa amin. Hinahanap ka kasi ni Sir Carlos dahil nandiyan si Cartier," sabi ni Mama.

Kumunot ang noo ni Cha, "Bakit nandito iyon?" Tanong niya.

Napahalakhak si Mama sa sinabi niya, "Kagabi pang nandito si Cartier, Cha. Hindi mo lang yata napansin dahil busy ka sa party," si Mama at bahagya akong nilingon.

"Hindi mo pa yata nakikilala si Cartier dahil lagi kang nasa dalampasigan kaya 'wag kang malikot at pasaway," bilin sa akin ni Mama nang maglakad kami pabalik sa mansyon.

"Tita, e halos mas mahinhin pa yata sa prinsesa itong anak mo kaya 'di na dapat pagsabihan 'yan," singit ni Cha.

Ngumuso na lang ako, kalaunan ay ngumiti. Bihira lang kasi ang pagbisita ng dalawang anak na lalaki nina Tito Carlos at Tita Anna rito dahil mas pinili nilang manatili sa Manila. Ang sabi ni Cha sa akin, nagpupunta naman daw sila rito iyon nga lang saglit lang kaya rin siguro hindi ko sila nakilala.

O baka dahil ilag ako sa kanila?

"Pero nakakainis! Bakit si Kuya Cartier pa ang umuwi? Sana si Kuya Carlo na lang," reklamo ni Cha habang padabog na umaakyat sa hagdan.

Hindi ko man nakita ang mga kapatid ni Cha, nagku-kwento naman ito sa akin. Ani niya, mas mabait ang pangalawa nila na si Kuya Carlo kaysa kay Kuya Cartier na panganay. Strikto raw ito at halos hindi ngumiti, seryoso raw sa buhay kaya maaga raw itong tatanda sabi niya.

Hindi ko na sinundan si Cha. Dumiretso na lang ako sa kwarto namin at nagpalit ng damit. Gusto kong lumabas pero natatakot ako na baka makasalubong ko ang Kuya ni Cha, baka awayin pa ako. Nakakatakot pa naman ito base sa mga kwento niya.

"Gabriella, halika at tumulong ka sa kusina."

Wala akong nagawa kundi lumabas ng kwarto namin nang tawagin ako ni Mama. Maraming katulong ang pamilya nila ngunit ayaw ko namang mahiga lang dito dahil malaki ang utang na loob ko sa pamilya nina Cha.

Maingat akong naghuhugas ng mga ginamit sa pagluluto habang mahinang kumakanta. Rinig ko pa mula sa kusina ang hindi mapakaling mga katulong nina Cha dahil sa biglaang pagdating ng isang De Dios.

"Nice voice."

Mahigpit kong hinawakan ang kutsilyo nang marinig ko ang kung sino mula sa aking likod. Dahan-dahan ko itong hinarap at halos manlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ito.

Iyong lalaki kagabi...

Lakas ko naman sa'yo, Lord.

Napangiti ako sa naisip.

"Ikaw na naman!" Madiin kong singhal sa kaniya, kunwari'y nagtataray.

Mahina itong natawa sa sinabi ko bago naglakad palapit sa akin. Mas hinigpitan ko tuloy ang pagkakahawak ko sa kutsilyo.

"Chill! Iinom akong tubig," natatawang sabi nito bago kumuha ng baso sa cabinet.

Napairap ako nang kumuha siya ng tubig sa water dispenser.

May reports siguro tungkol sa farm nila Cha kaya nandito ang trabahante nila. Infairness, bukod pala kay Alexander ay may poging trabahador kina Cha. Matanong nga sa susunod kung ano ang buong pangalan nitong lalaking ito.

Nagpatuloy ako sa ginagawa ko habang hinahayaan ang presensya niya malapit sa akin.

"Ang sungit-sungit mo talaga," natatawang sabi nito nang matapos uminom.

Napairap na lang ako sa sinabi niya. Hindi ba pwedeng nagsu-sungit lang ako para hindi niya mapansin na may kaunti akong crush sa kaniya?

"Akala ko ba iinom ka lang ng tubig? Bakit hindi ka pa bumabalik sa farm? Isusumbong kita kay Tito Carlos," sabi ko.

Nagulat ito sa sinabi ko. Nang makabawi ay tumawa siya.

"At anong sasabihin mo?"

"Na hindi ka na bumalik sa pagbubungkal ng lupa sa farm," pairap kong sagot.

Malakas itong humalakhak sa sinabi ko. Mabilis namang nag-init ang ulo ko roon. Ano kayang nakakatawa sa sinabi ko? Ang sarap niyang suntukin kung hindi lang talaga siya pogi e.

"Ay jusko! Cartier, nagulat naman ako sa'yo," ani Mama nang makapasok sa kusina.

Napahinto tuloy ako sa paghuhugas at nilingon si Mama. Hawak niya ang dibdib niya habang nakatingin sa lalaking tinawag niyang Cartier.

Teka! Cartier?

Cartier ang pangalan nitong lalaking ito?

"Tita, good evening," bati nito bago magmano kay Mama.

"Bakit ka nandito?" Tanong ni Mama at nang makita ang hawak nitong baso ay mahinang pinalo ang braso ng lalaki, "Pasaway ka! Sana nagsabi ka kay Trina na kailangan mo ng tubig."

Ngumuso ako nang lingunin ako ni Mama. Gusto ko na lang umalis sa harapan nila dahil hindi ko matanggap na ang bastos ng pakikitungo ko sa Kuya ni Cha.

"Nakilala mo na pala ang anak ko, Cartier," sabi ni Mama kay Cartier.

"Ah, opo..." Natatawang sabi nito saka ako nilingon, "Ang bait pala talaga ng anak mo, Tita, tapos ang tahimik din."

Gusto kong umirap dahil sa plastik na sinabi niya. Nako! Kung hindi lang siya kapatid ni Cha ay baka sinuntok ko na ito.

"Oo, anak. Siya iyong laging nasa dalampasigan kapag nandito kayo. Iyong ayaw lumapit o makipag-usap sa iba bukod kay Cha," sagot ni Mama.

Mabilis kong tinapos ang ginagawa ko habang nag-uusap sila ni Mama tungkol sa kung ano-ano.

"Labas na po ako," nakayukong paalam ko habang nakatingin sa lalaking iyon.

Mukhang nagulat ito sa sinabi ko ngunit tumango lang sa akin ang sarkastikong ngumiti.

Gusto ko na lang lumubog sa putik kaysa makitang muli ang lalaking iyon. Nakakahiya! Gano'n ko siya kausapin tapos siya pala iyong Kuya ni Cha. Malay ko ba!

Gusto kong sabunutan ang aking sarili dahil sa katangahan. Bakit ba kasi masyado akong nagpakampante na hindi siya De Dios? Na baka isa lang siyang trabahador nila?

Sana umalis agad ito.

Alam kong masama ang hinihiling ko dahil minsan lang naman ito makasama ng pamilya pero kasi nakakahiya ang nangyari kanina. Wala yata akong mukhang ihaharap sa kaniya.

Dumiretso ako sa kubo kung saan iniwan ni Cha ang gamit ko. Kinuha ko ang mga gamit ko roon saka wala sa sariling bumaba ng dagat.

Ibibigay ko na lang kay Cha ang notebook ko para mabilis niyang magawa ang PowerPoint. Gagawa na rin ako ng questions and quizzes para sa reporting namin bukas.

"Bakit diyan ka nag-aaral? Madilim," mabilis kong binaling ang tingin ko sa likod ko nang biglang may magsalita roon.

Mabilis akong tumayo at yumuko sa kaniya.

Jusko naman! Bakit sa lawak ng mansyon ng De Dios ay nagagawa pang mag-krus ang landas namin ng panganay nila.

"Ayos naman po rito. M-masarap mag-aral sa magandang view na ga-ganito," marahan kong sagot habang nakatingin sa dagat na nasa tapat ko.

Hindi ito nagsalita kaya inangat ko ang tingin ko sa kaniya. Agad din naman akong yumuko ulit nang makita na nasa akin ang buong atensyon niya.

"Yeah, it is beautiful," napapaos nitong sagot habang dama ko ang titig sa akin.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Dasa Cusipag Geralyn
nice story
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status