Share

Kabanata 3

Awkward.

"Inis na inis talaga ako sa bwisit na Alexander na 'yon. Akala mo naman gwapo e mukha namang unggoy," reklamo ni Cha habang naglalakad papunta sa canteen.

Tahimik lang akong nakasunod sa kaniya habang nakikinig sa mga sinasabi niya. Natapos ang reporting namin kay Ms. Reyes pero pinaulanan kami ng tanong ng senior namin. Nasagot naman namin ito lahat ng walang kahirap-hirap. Iyon nga lang, napikon si Cha dahil tumagal ang break time dahil sa mga tanong nito.

Absent na naman kasi si Ms. Reyes dahil may emergency sa kanilang bahay. Pinatawag na lang ang practicing teacher na si Alexander. Vinideohan niya lang ang reporting namin para ipakita ito kay Ma'am. Bawal na kasing maantala ulit ang reporting namin dahil nga kailangan namin itong ireview para sa exams next week.

Minsan talaga wala sa hulog ang utak ni Ms. Reyes. Absent kasi nang absent...

"Kapag nakita ko 'yan sa farm namin, ingudngod ko 'yan sa tae ng kalabaw!" gigil nitong sabi habang umaarte pa na may sinasabunutan sa ere.

Umiling na lang ako habang may multo ng ngiti sa labi. Trabahador kasi nila sa kanilang farm si Alexander. Isa sa masisipag kaya pinagkakatiwalaan nang lubos ng kaniyang Daddy.

"Oh, anong tinitingin-tingin niyo? Gusto niyong tusukin ko 'yang mga mata niyo!" malakas na singhal nito sa mga estudyanteng nagmamansid sa amin.

Marahil ay nabigla sila sa mood ni Cha, napaiwas tuloy agad sila ng tingin. Lagi kasi nila itong nakikitang nakangiti at bumabati sa lahat.

"Hayaan mo na, Cha. Nasagot naman natin ang lahat ng tano--"

"Hindi naman 'yon ang point ko, Gab. Hindi mo ba napansin? Ang presko ng way of questioning niya. Akala mo naman matalin--"

"Top student siya, Cha."

Napakagat-labi pa ako at nag-iwas agad ng tingin nang balingan ako nito nang may masamang tingin.

"E ano? Top student din ako. 'wag siyang hambog at baka ipatanggal ko siya sa farm."

Ngumuso lang ako. Alam kong kahit ganito siya katalim magsalita, hindi niya kayang magtanggal ng tauhan dahil lang sa personal na rason.

Buong araw sa klase busangot si Cha. Kahit wala na sa paningin niya si Alexander, nandoon pa rin ang reklamo niya sa lalaki. Halos isumpa na nga niya.

"Kakairita talaga. Kung pwede ko lang ipakulam iyon, ginawa ko na," reklamo ni Cha nang makapasok kami sa kanilang sasakyan.

"Kanina mo pa siya bukambibig, Cha. Crush mo ba 'yon?" natatawang tanong ko.

Suminghap ito at nilingon ako. Para bang may nasabi akong nakakaooffend sa paraan ng pagtingin niya.

"Yuck! How dare you to disrespect me like that?" maarte nitong sagot at inirapan pa ako.

Humalakhak lang ako. Bagay na mas nakapagpainis sa kaniya.

"Ikaw? Kanina mo pa siya pinagtatanggol, baka ikaw may gusto roon," paratang nito.

Umiling ako, "Mabait naman siya, Cha. Baka part lang 'yon ng inutos ni Ms. Reyes kaya gano'n siya kanina."

"Mabait? Nababaitan ka sa unggoy na 'yon? Nako, baka crush mo na 'yan."

"Ang babata niyo pa para sa ganiyang bagay. Focus on your studies," ani ng isang baritonong boses na namayani sa loob ng sasakyan.

Agad akong yumuko. Ang Kuya pala ni Cha ang nagsundo sa amin. Ni hindi ko man lang namalayan ito. Masyado kasi kaming naging busy sa pag-uusap sa crush ni Cha.

"Kuya, bakit ikaw nandito?" inis na reklamo ni Cha.

Lagi kasing si Kuya Leo ang nagsusundo sa amin, ang driver ni Cha. Nag-aaral na nga si Charlynn magdrive pero pinagbabawalan siya ng parents niya. Saka na raw kapag nasa 20 na siya. E sa December naman na iyon.

"What? I'm just checking the environment here. Baka kaya ayaw mo sa Manila dahil sa crush-crush na 'yan," istriktong sabi ng Kuya niya bago paandarin ang sasakyan.

"What? I already told you that Gabriella is my only reason to stay here and Rei," agad nitong sagot.

"Bakit na naman kaya hindi pumasok si Rei 'no? I tried to call her kanina, unattended," biglang sabi ni Cha sa akin.

Nagkibit ako ng balikat doon. Kung kelan naman patapos na ang school year saka naging pala-absent si Rei. Nakakasagot naman siya sa mga exams and quizzes pero syempre kailangan pa rin ang attendance.

"Then, bring them in Manila."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ng Kuya niya.

Nako! Kung hindi ko lang ito crush at hindi lang ito Kuya ni Cha ay sinapak ko na ito.

Ang hilig kasing mangialam. Napagplanuhan na naman namin nina Cha at Rei ang pag-aaral sa Manila pero saka pa kami luluwas doon kapag nasigurado namin na pasado kami sa pinakagusto naming university.

"Oo, Kuya! Pagcollege namin sa Manila na kami kaya 'wag ka na mag-alala, okay?" sagot nito.

Hindi na sumagot ang Kuya niya. Nagpatuloy lang ito sa pagda-drive.

"Gusto ko sanang magswimming mamaya kaso marami pa akong subject na hindi pa nare-review," biglang sabi ni Cha habang nakatingin sa labas ng sasakyan.

"Yeah, and you let your friend do your reports yesterday," sarkastikong sagot ng Kuya niya.

Hindi ako sumagot. Hindi lang naman ako ang gumawa ng report namin e. Tumulong din naman si Cha saka maganda naman ang presentation namin kanina. Kaya siguro inis na inis si Cha sa kapatid niyang ito ay dahil laging may sinasabi sa bawat bagay.

Pogi sana kaso pakialamero...

"Excuse me, Kuya? Ako gumawa ng PowerPoint namin," pagdedepensa nito sa sarili.

Hindi na sumagot ang Kuya niya. Niliko na lang nito ang sasakyan sa malawak na garahe ng kanilang mansyon. Ni hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa kanila.

"Ikaw, Gabriella, ha? Nilihim mo pa sa akin na crush mo si Josh," pang-aasar ni Cha.

Huminghap ako at iniwasan siya ng tingin. Hindi ko alam kung saan niya napulot ang ideyang ito. Ilang araw na niya akong inaasar kay Josh na kaklase namin.

"Sinabi ko namang hindi ko crush 'yon," sagot ko.

"Nako! E bakit ka nagmumula no'ng kinausap ka niya kanina? Tapos kahapon din," pambibintang niya pa.

Napaiwas ako sa kaniya nang tusukin niya ang tagiliran ko. Napangisi na lang ako dahil sa ginagawa niya.

"E paanong hindi ako mamumula e nahihiya ako dahil puro kayo pang-aasar," pagdadahilan ko.

Kanina kasi ay nilapitan ako ni Josh para manghiram ng notes ko, pipicture-an niya raw para sa reviewer. Tapos inasar na ako ni Cha at Rei kaya nakakahiya.

"Kung sa akin nagtanong si Josh, baka jinowa ko agad 'yon," sabi ni Cha.

Mahina ko siyang pinalo, "Ang bata pa natin, Cha!" Singhal ko.

Humalakhak ito at inakbayan ako, "We're at age na kaya. Kahit crush-crush lang 'no. Bakit sina Kuya nga ang alam ko bata pa sila ay may girlfriend na," sabi nito.

"Lalaki kasi sila, Cha," sagot ko.

"So? Equality, Gab. Kung okay lang na lumandi sila at the very young age, dapat gano'n din sa ating mga babae. Kapag normal sa kanila ang kumama ng mga babae, dapat gano'n din sa atin. Pantay-pantay dapat!"

Halos masamid ako sa sariling laway dahil sa huling sinabi niya. Alam kong normal lang ang ganitong salita kay Cha dahil sa kanonood at kababasa niya ng kung ano-ano pero hindi ko pa rin maiwasang mabigla.

She looks so innocent pero deep inside, nilulumot na ang kaniyang utak.

"Charlynn, pinatawag ka ni Papa sa study," napayuko ako nang marinig ang boses ng kaniyang Kuya.

"Okay..." Sagot nito. "Nandito na naman itong bruho na 'to," natawa sa binulong niyang iyon.

"Hintayin mo ko rito ha? Hindi ko masyadong magets 'tong binigay na reviewer ni Ma'am. Papaturo ako," sabi nito.

Tumango ako at hinayaan silang umalis ng kaniyang Kuya.

Hinayaan ko ang sarili ko na malibang sa pags-sketch ng hardin nina Cha. Isa sa pangarap ko ang mag-architect pero alam kong bukod sa mahal, mahirap ito. Pero sure na akong Journalism kukuhanin ko sa college.

"Nice sketch," mahinang bulong ng pamilyar na boses.

"S-salamat po," sagot ko.

Mahina itong humalakhak bago maupo sa gilid ko, "Bumait ka yata? Hindi ako sanay."

Hindi ko alam kung maooffend ba ako o mahihiya sa sinabi niya. Gano'n ba kalala ang ugali ko sa kaniya no'ng nakaraan kaya ganiyan siya magsalita ngayon?

"You should pursue Architecture. You seems good at it," seryosong sabi nito habang nakamasid sa sketch ko.

Binalik ko ang tingin ko sa ginagawa dahil hindi ko kayang titigan nang matagal ang kaniyang mukha. Kahit hindi siya nakatingin sa akin, pakiramdam ko illegal ang tumingin sa kaniya.

"Gusto ko nga rin po sana iyon kaso lang pakiramdam ko po ay m-mahirap," sagot ko.

"Kaya nga pag-aaralan e. I took Architecture back when I was in college, you can ask me if ever you'll enroll to that course," sabi nito.

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi nito. Mabait naman pala ang Kuya ni Cha, bakit ang sabi niya sa akin masama raw ang ugali nito?

"N-nako! Hindi na po. Bukod sa nakakahiya, alam kong mahal ang kursong iyon," sagot ko.

"You're one of my dad's scholar, right?" Tanong nito.

Marahan akong tumango.

"Then, what's the problem?" Muling tanong niya.

"Nakakahiya naman po ku-kung hanggang college ay pag-aaralin ako ni Tito Carlos," sagot ko.

"Mas nakakahiya kung hindi mo pinag-iigihan ang pag-aaral but I can see that you're doing great on your academic performance," sabi nito.

"S-salamat po, Sir," mahinang bulong ko.

"You call me what?" Bakas sa boses nito ang mangha sa sinabi ko.

"S-sir," kumagat ako sa aking labi habang dahan-dahang yumuyuko.

"Don't call me that. Hindi ako si Daddy," sabi nito.

"S-sorry po, K-Kuya."

Humagalpak ito sa tawa dahil sa sinabi ko. Kumunot tuloy ang aking noo.

"And that's awkward."

Tumatawang sabi nito. Kumunot ang noo ko sa sinabi niyang iyon pero isinawalang-bahala ko na lang. Humahalakhak pa ito bago siya umalis. Iniwan niya tuloy akong nag-iisip.

Malamang dapat ay respetuhin ko siya dahil kapatid siya ni Cha. Ano bang gusto niyang itawag ko sa kaniya?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status