Share

Kabanata 2

✖-✖-✖-✖

Napabalikwas ng bangon si Holly nang magising kinabukasan. 

Kinapa niya ang sarili. "P-p-paano ako nakauwi?"

Wala naman sigurong nangyari sa kaniya. Kinapa niya ang braso at nakaramdam ng sakit. "A-aray."

Ano na naman kaya ang nangyari sa kaniya? Nadapa na naman ba siya? 

Humiga siya muli at inisip ang mga nangyari simula sa pagpunta niya sa bar kagabi hanggang sa...

Praning niyang niyakap ang sarili. "T-teka, may ginawa ba siya sa'kin? Bakit ang sakit ng braso ko?" 

Inalala niyang maigi ang mga nangyari. Wala talaga siyang ibang maalala. Ang tanging pumapasok lamang sa isip niya ay ang paghigit nito sa kaniya mula sa lalaking sumalo sa kaniya nang muntik na siyang matumba at magpresintang ito ang maghahatid sa kaniya, 'yon lang.

Naipikit niya ang mata ng mariin. Praning na siya kung pag-iisipan niya ng masama ang taong 'yon.

"Pero bakit masakit ang braso ko?" Hinilot-hilot niya ang kanang braso. Masakit talaga.

Tatayo na sana siya para ayusin ang sarili nang biglang umingit ang pinto ng kaniyang kwarto.Si Manang Flor siguro.

Tuluyan nang bumukas ang pinto at pumasok doon si... si Locel.

Hindi agad siya nakahuma, hindi niya inaasahan ang pagpasok nito. 

Nagtataka niya itong tiningnan at pinasadahan ang kabuuan nito. Maganda naman,  'yon nga lamang ay mukha itong masungit at hindi mapagkakatiwalaan. 

"Holly," tawag nito sa kaniya.

 Parang biglang kumulo ang dugo niya nang tawagin siya nito.  Nangungunot pa rin ang noo niyang panoorin itong maglakad palapit.

"Anong ginagawa mo dito?" diretsang tanong niya. Naiinis siya sa presensya nito.

"Pinapatawag ka na kasi ng Papa mo at kakain na ng lunch, kaya ako na ang nagprisentang umakyat." 

Natawa siya ng matabang. Totoo ba ang sinasabi nito? Ang Papa niya? Mukha bang maloloko siya nito? 

"Hindi niya ako pinapatawag, umalis ka na. Kakain akong mag-isa," walang gana niyang sabi at humiga  ulit. Tumalikod siya sa gawi nito at naiinis itong pinakiramdaman. Hindi pa rin ito umaalis.

"Holly, mag-ayos ka na ng sari--"

"Umalis ka na sabi!" Hindi na niya napigilang hindi sumigaw. Nanggigigil siya sa presensya nito at gusto niya itong sabunutan at itulak palabas... palabas ng kanilang bahay at palabas sa buhay ng Papa niya. 

Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. Naiimagine niya kung gaano kataas ang mga kilay nito sa oras na'yon.

"Sige, basta bumaba ka at kumain," sabi nitong mahihimigan naman ang pagiging sarkastiko. Hindi siya magaling na artista, hindi nito kayang itago ang tunay na ugali.

Nang umingit ang pinto pasara ay tumayo siya at padabog na nagtungo sa banyo. Sobrang nag-init ang ulo niya nang dahil lamang sa paglapit nito. Nakuha pa nitong magbait-baitan sa harap niya, eh mukha naman na hindi totoo ang ipinapakita nito. Pinapahiya lamang nito ang sarili.

Matapos ang isang oras ay lumabas na rin siya. Malas niya at nasa sala ang mga ito, ang Papa niya at si Locel.

"Anong oras ka umuwi?" walang kagana-ganang tanong ng Papa niya.

Hindi siya sumagot dahil hindi niya rin alam.

Dahil sa pananahimik niya ay nagbago bigla ang ekspresyon nito at galit siyang tiningnan.  "Iyan na lang ba ang gagawin mo ha? Holly?" tanong nito sa mataas na boses. 

"P-papa."

"Isa ka pa bang matinong babae? Maglalasing at uuwi ng madaling-araw?" Lumapit ito sa kaniya.

Hindi niya napigilang matawa ng mapakla. "Bakit Papa? Ikaw ba, naisip mo bang irespeto ang pagkamatay ni Mama? Ipaliwanag mo sa'kin lahat Pa--"

Malakas siyang sinampal nito dahilan para hindi niya maituloy ang sasabihin. Maging ang mukha niya ay napabaling sa lakas ng pagkaka-sampal nito.

"Wala kang karapatan magtanong," mariin nitong sambit. 

Inangat niya ang tingin dito at naglakas-loob na nagsalita. "Iyan na lang din ba ang lagi mong isasagot sa'kin Papa? Ang wala akong karapatan magtanong at malaman ang totoo?" 

Tinaas nito ang kamay para muli siyang sampalin pero naiwan ito sa ere. Nangiginig ang kamay nito, nagpipigil ng galit.

"Tama na Marlon," awat ni Locel sa Papa niya. Bumaling naman ito sa kaniya. "Hija..."

"M-malalaman ko rin ang totoo, kahit hindi n'yo sabihin." 

"Tumigil ka na sabi!" sigaw nito.

"Hindi ako titigil Papa," mariin niyang sagot. 

Hindi na siya nag-atubili, pasiring niyang tinalikuran ang mga ito at lumabas ng bahay. Nangangalit ang kalooban niya. Anak siya nito ngunit wala siyang karapatan? 

Padarag siyang sumakay sa kotse at pinaharurot 'yon palayo. Hindi niya alam kung saan pupunta basta't gusto niyang maakaalis sa bahay na 'yon. Masyado na siyang nasasaktan sa pakikitungo ng mga ito sa kaniya. 

Nais lamang naman niyang malaman ang totoo ngunit walang nagsasalita kahit na isa sa kanila. Si Manang Flor, si Locel, lalo na ang Papa niya. 

 

Wala naman kasi siyang kilalang relatives ng Mama niya na pwedeng lapitan at pagtanungan. Wala itong ipinakilala sa kanila, ang kwento lang nito ay ulila na ito simula pa pagkabata, pero nabanggit na may isa itong kaibigan. Iyon nga lang ay hindi niya alam kung sa Batangas pa rin ito nakatira dahil isang taon na rin simula no'ng huli silang pumunta sa beach house nila doon. 

Malakas siyang nagbuntong-hininga upang mabawasan ang galit na kaniyang nararamdaman.

.

.

Hapon na nang makarating si Holly sa beach house nila sa Batangas. Ang lugar na ito ang naisipan niyang puntahan dahil ayaw muna niyang umuwi sa kanila. Maliban do'n ay gusto niya ring magbaka-sakaling makita ang kaibigan ng Mama niya.

Isang babae ang sumalubong sa kaniya sa gate. Nasisiguro niyang nasa 60's na ito base sa hitsura.

Pinagbuksan siya nito.  "Ikaw ba ang anak ni Marlon? Ako nga pala si Celesta."

"Ako nga po, magandang hapon po, Manang Celesta."

"Pumasok ka na at ipaghahanda kita ng meryenda." 

"Sige po."

Sumalpak siya sa sofa nang makapasok na animo'y pagod na pagod sa b'yahe.

Inilibot niya ang paningin sa kabuuang palapag. Wala pa ring nagbabago. Ang malaya at payapang atmosphere sa kabahayan ay naroon pa rin. Ang bago lamang ay si Manang na care taker. Wala na 'yong dati. Close kasi sila nito at akala niya ay ito ang sasalubong sa kaniya. Medyo nalungkot siya, gusto rin kasi niyang magtanong-tanong dito. 

"Oh, hija. Pasensya na at ito lamang ang naihanda ko, hindi ko kasi alam na darating ka, wala ring sinabi ang Papa mo kaya hindi ako nakapaghanda," mahabang lintanya nito.

Uminom siya ng tubig. "Ayos lang po. Ah, pwede po bang magtanong?" 

"Ano 'yon hija?"

"Ah, nasaan na po si Manang Minda, yung dating care taker po nitong bahay?" Umayos siya ng upo at hinintay ang sagot nito.

"Si Minda? Noong mamatay ang Mama mo ay umalis na rin siya, hindi na siya nagtrabaho dito kaya naman kumuha ulit ang Papa mo ng panibagong mag-aalaga nitong bahay." 

Napabuntong-hininga siya. "Kung gano'n po, nasaan na po siya ngayon?" 

"Ang alam ko ay sumunod na siya sa anak niyang nasa Romblon."

"Gano'n po ba?"  

Nawalan siya ng pag-asa. Masyadong malayo ang Romblon para puntahan, ngunit hindi naman imposible.

"Oo hija. Anong gustong mong hapunan nang sa gano'n ay makabili ako ng maluluto?" 

"Kahit anong seafoods na lang Manang," mahinahon niyang sagot.

"Oh, sige."

Tumayo siya at umakyat sa ikalawang palapag, sa kwarto niya. Naligo muna siya bago bumaba ulit.

Papalubog pa lang ang araw kaya naman lumabas muna siya at naglakad lakad sa tabing-dagat. Marami pa rin ang lumalangoy, mukhang nagkakasiyahan.

"Miss!" 

Lumingon siya sa sumigaw na iyon ngunit bola ang sumalubong sa mukha niya.

"Ah!" Napaupo siya sa buhangin sapo-sapo ang ilong. 

"Sorry Miss, hindi ko sinasadya."

Tiningnan niya ang lalaking lumapit sa kaniya. Mukhang hindi nito malaman kung anong gagawin. Mukha na itong natataranta.

Nagsilapitan na rin ang mga kalaro nito sa kanila.

"Ikaw kasi Renier, hindi mo sinalo," paninisi nito sa isa.

"Hindi, ayos lang. Hindi naman dumugo," sabi niya.

"Sigurado kang ayos ka lang, Miss?" 

Tumango siya. "Oo,ayos lang ako." Tumayo siya at tinalikuran na ang mga ito. Nagsimula siyang maglakad paalis.

"Sorry talaga, Miss," pahabol na sabi pa nito.

Naglakad-lakad siya sa tabing dagat. Hinayaan niya ring mabasa ang kaniyang mga paa ng tubig-alon.

"Ang sakit no'n ah," asik niya.

Tinanaw niya ang lawak ng dagat. Narelax siya sa ginawang 'yon.  Dapat pala ay noon pa siya pumunta dito, hindi niya 'yon naisip. 

Umupo siya sa buhanginan. Pinuno niya ng hangin ang baga at malakas 'yong ibinuga pagkatapos. Paulit-ulit niya 'yong ginawa. Kung may makakapansin lang siguro sa ginagawa niya ay nasisiguro niyang pagkakamalan siya nitong baliw.

Maya maya pa ay may lumapit sa kaniya.

"Are you okay?"

Nilingon niya ang lalaki, ito 'yong nakatama sa kaniya ng bola kanina.  Base sa physical appearance nito ay kasing-edad lamang niya ito. 

"Pwedeng maki-upo?" tanong nito.

"Sige," sagot naman niya.

"About do'n sa sa kanina, sorry talaga. Ako nga pala sa Jin." Inabot nito ang kamay sa kaniya ngunit tinitigan niya lang 'yon. Nahihiya nitong binawi ang kamay mula sa pagkakalahad sa kaniya.

"Holly," pakilala niya sa sarili.

Ngumiti naman ito. "Nice, ang ganda ng name mo."

Hindi siya sumagot, sa halip ay tumingala siya at pinanood ang mga ibong nagliliparan. 

"May gagawin ka ba mamaya? Gusto kitang i-invite manood ng banda namin, hehehe."

Nilingon niya ulit ito. "Kumakanta ka?" 

"Mamaya lang, wala kasi si kuya kaya ako muna ang papalit." Tumayo ito. "Sige ha? Hihintayin kita mamaya, see you." Ngumiti pa ito at kumaway.

Naiwan siyang nakaupo at pinanood na lang ang bawat paghampas ng alon. 

Ilang minuto pa siyang nanatili sa kinauupuan nang naisipan niyang bumalik na sa beach house. 

Pumasok siya sa kwartong ginagamit noon ng Mama niya. Pinagmasdan niya ang loob nito, gano'n pa rin at walang pinagbago. Ang Family picture nila ay nando'n pa rin. 

Bigla niyang na-miss ang Mama niya. Para siyang maiiyak pagkakita sa nakangiti nitong mukha. 

Umupo siya sa kama. Binuksan niya ang maliit na cabinet na katabi nito. Tumambad sa kaniya ang napakaraming pictures,halo-halo. May may pictures siya na solo no'ng baby pa siya hanggang sa lumaki. Mayroon din silang dalawa ng Mama niya pati ng Papa niya. 

Isang litarato lang ang naiba. 

Kinuha niya iyon. Isang lalaki at ang Mama niya. Malawak pareho ang ngiti ng mga ito at kung titingnan mabuti ay para itong magkasintahan. Maganda ang ngiti ng mga ito, pati ang mga mata ay sinasabing masaya nga sila. Siguro ay naging boyfriend ito ng Mama niya. Hindi niya kasi masabing relatives ito dahil wala naman itong pinakilala sa kanila. Pero...

"Bakit naman mayroon nito dito?" taka niyang tanong sa sarili. 

Base sa hitsura ng mga ito ay nasisigurado niyang wala pa siya sa mundo nang kunan ito. Siguro ay nasa 20's pa lang ang Mama niya sa litrato, at ang lalaki naman, mukhang mas matanda ng ilang taon sa Mama niya. 

Tinitigan niyang mabuti ang lalaki.

"T-teka, parang nakita ko na siya." 

Inalala niya ang hanggang balikat nitong buhok at ang agaw pansing kulay asul nitong mga mata. Parang nakita na nga niya ito. 

"Ah, alam ko na." 

Noong birthday ng Mama niya bago ito mamatay. Kung hindi ito nagbago ng hair style ay siguradong ito nga 'yon. 

Matagal na ang picture pero nito lang nakaraan nang makita niya ito. Posible kaya ang naisip niya?

"Imposible 'yon."

Imposible ang naisip niya. Imposibleng nagkikita pa rin ang mga ito lingid sa kaalaman nila. Napapraning na talaga siya dahil sa naisip. 

Kinuha niya ang litrato at lumabas ng kwarto.

"Hija, kumain kana," bungad ni Manang Celesta sa kaniya pagkababa. "Inihanda ko na ang pagkain."

"Sige po Manang. Kumain na rin po kayo. Sabayan niyo ho ako." 

"Oh, sige."

Naglagay siya ng kanin sa plato.  "Ah, Manang Celesta, taga-rito po kayo 'di ba?" 

"Oo hija, bakit?"

"Noon po ba... nakita niyo na si Mama?"

Natigilan ang matanda at mukhang nag-isip pa.

"Ah, ang Mama mo. Oo, isang beses ko siyang n-nakita noon, noong huli kayong pumunta dito."

Nawalan siya ng pag-asa. "G-ganoon po ba?" 

Tinapos niya agad ang pagkain at nagpaalam sa matanda. Bumalik siya sa kwarto at naligo, matapos ay bumaba ulit. 

"Ah, Manang. Lalabas lang po muna ako." 

Pinasadahan niya ang suot na off-shoulder na bestida sa harap ng salamin. May kanipisan 'yon pero maganda pa rin tingnan at may pagka-elegante. Bumagay rin sa tangkad niya at kulay ng balat. 

"Sige hija, mag-iingat ka."

"Sige po, salamat."

Lumapit siya sa mga nagkakasiyahan at nagsisigawang mga tao sa harap ng isang organized stage. Ang iba ay nagbabasaan pa at mukhang enjoy na enjoy sa ginagawa. Malalakas rin ang sigawan ng mga ito. 

"Grabe, ang gwapo ng vocalist!" 

"Oo nga, ang galing din niya. Kyah!"

"Drummer boy, ang cute mo!"

"Mas gwapo 'yong naggigitara! Wohh! Ang galing mo!"

Lumapit pa siya at nakipagsiksikan. Nakita nga niya si  Jin. Gwapo naman talaga ito pero tingin niya ay mas gumwapo pa ito lalo ngayon. Ganoon din naman ang mga kasama nito, ito nga lang ang pinakabata, dahil siguro 'yon sa hindi naman talaga ito ang vocalist ng banda kundi ang kuya nitong pinalitan muna niya.

Masaya ang buong paligid pero hindi niya makuhang magsaya dahil hindi naman talaga 'yon ang ipinunta niya dito.

Nakipagsiksikan ulit siya para makaalis. 

Naglakad-lakad lang muna siya sa tabing dagat, niyakap niya ang sarili nang sumimoy ang hangin. Nabasa rin pala ang ibang parte ng damit niya kaya mas lalong malamig sa pakiramdam.

Inilinga-linga niya ang paningin sa paligid at sa mga tao, lahat talaga ay nagsasaya maliban sa kaniya. S'ya lang yata ang nasa ganitong klase ng okasyon ngunit nagluluksa. 

Sa isang store, hindi kalayuan sa kaniya ay natanaw niya ang isang babae. At dahil sa liwanag na nagmumula sa ilaw ay nakilala niya 'yon, ngunit mukha naman itong nagmamadali.

"Si Ate Daisy 'yon ah." Tumakbo siya. Hindi siya nagkakamali, 'yon 'yong kaibigan ng Mama niya at siguradong ito nga 'yon.

"Ate Daisy!" tawag niya dito pero hindi niya nakuha ang atensyon nito. Tumatakbo rin kasi ito at mukhang nagmamadali.

Lumiko ito sa madilim na parte kaya lumiko rin siya at sinundan pa rin ito.

"A-ate Daisy?" Luminga-linga siya. Hindi na niya ito makita.

Siguradong si ate Daisy 'yon pero bakit naman ito tumatakbo at pumunta sa ganito kadilim na lugar? Walang katao-tao sa lugar at purong mga niyog na lamang ang nandoon. Tahimik din ang buong paligid.

May kumaluskos sa 'di kalayuan.

"Ate Daisy?" 

Maingat siyang humakbang papalapit. Masyadong madilim sa lugar kaya naman kinakabahan na rin siya. Ngunit wala siyang nakita nang makalapit.

Lumabas siya mula sa kinaroroonan, kalsada na pala ang kabila no'n.

"Ate Daisy?"

Nakita niya itong pumasok sa isang convinient store, kaya naman mabilis siyang tumawid ngunit nang nasa gitna na siya ay biglang...

*Beeeeeeeeeeeeeep!

"Ah!" Duma-usdos ang palad at mga braso niya sa semento. 

"A-aray," daing niya. 

Nang maka-recover mula sa pagkakabagsak ay sinubukan niyang umupo. Tiningnan niya ang palad at mga braso, ang daming gasgas at ang ilan ay nasisiguro niyang malalim.

Hinipan niya ang siko nang makaramdam siya ng hapdi sa parteng 'yon.

"Aray," daing na naman niya.

Maya-maya pa ay may pares ng sapatos ang nakita niyang tumigil sa harap. Tiningala niya ang may-ari nito habang nakangiwi.

Sisigawan na sana niya ang lalaki nang makita niya ang kabuuan ng mukha nito na nasisinagan ng ilaw na nagmumula sa poste.

"Ikaw?"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status