Share

Kabanata 3

"Ikaw?" 

Ito 'yong lalaking sa bar at siya ring naghatid sa kaniya.

Hindi ito umimik. Nakatingin lang ito sa kaniya na parang pinag-aaralan ang kabuuan ng kaniyang mukha. 

Lumapit pa ito sa kaniya at walang pasabi siyang binunat. Nabigla siya sa ginawa nito. 

"A-ano ba, masakit. Ibaba mo ako," utos niya habang iniinda ang nagkikirutang mga sugat.

"May gasgas ka rin sa tuhod at mga paa mo, hindi kita pwedeng ibaba," tanging sagot nito. Walang kabuhay-buhay.

Hindi na naka-angal pa si Holly nang dahan-dahan siya nitong i-upo sa back seat ng kotse nito, pagkatapos ay bumalik itong may dalang first-aid kit.

Walang imik nitong kinuha ang kamay niya. Siya naman ay pinapanood lang ang bawat kilos nito.

"Aray, a-ang sakit," angal niya. 

 Hindi pa rin ito tumitingin sa kaniya at tutok na tutok sa paglilinis ng gasgas niya sa palad. Nanginginig pa ang kamay nitong may hawak na bulak. 

"Marunong ka ba n'yan?"

"Bakit bigla kang tumawid?" imbis ay tanong nito sa kaniya.

Naalala niyang bigla si ate Daisy, ang dahilan kung bakit siya tumakbo. 

"M-may hinahabol ako pero hindi ko naabutan dahil nabangga mo ako." 

Hinawakan nito ang braso niya. Napaiwas pa siya ng tingin nang medyo mapalapit ang mukha nito sa mukha niya. Kailangan bang ganito kalapit? Pero mukha namang wala lang ito dito. 

"Magiging mas mahapdi ang isang 'to dahil medyo malalim ang gasgas." 

Tumango-tango siya at pinanood ulit ito sa ginagawa. 

"A-aray, dahan-dahan naman," reklamo niya habang nakangiwi.

Napatitig siya dito nang marahan nitong inihipan ang brasong may gasgas. Napalunok pa siya nang dahan-dahan itong tumingin sa kaniya. 

"Iyong tuhod mo may gasgas din," sabi nito.

Nag-iwas siya ng tingin. "A-ako na lang." 

Nahiya rin siya bigla, hindi naman sila close. 

"Hindi mo magagamot 'yan dahil masakit ang mga kamay mo," walang kaemo-emosyong sabi pa nito.

Lalo pa siyang nailang dahil sa paraan ng pagsasalita nito. Parang walang kwenta ang kausap.

"Kay manang Celesta na lang," tanggi niya. "I-ihatid mo na lang ako."

Sa halip na pansinin ang sinabi niya ay inabot nito ang kaniyang kanang binti. Napapitlag pa siya dahil sa ginawa nitong 'yon.

"T-teka, akina 'yang binti ko, masakit." Medyo naiinis na siya dito dahil hindi ito tumitigil sa ginagawa ngunit hindi niya pinahalata.

"Huwag kang malikot."

Ipinatong nito ng dahan-dahan ang paa niya sa katabing upuan, ito naman ay nasa paanan niya. 

Ang awkward naman.

"A-ah, ihatid m-mo na lang ako sa a-amin," naiilang talaga niyang sabi. Hindi talaga siya komportable sa posisyon niya habang pinapanood niyang linisin nito ang gasgas niya sa tuhod at paa. "O-okay lang talaga, kaya ko na 'yan." 

Ngunit hindi pa rin ito natinag sa ginagawa.

"Ihahatid kita kapag tapos na."

Nag-iwas ng tingin si Holly at pinanood na lamang ang mga nagkikislapang ilaw sa labas. Mukhang hindi naman nito pakikinggan ang sinasabi niya. Hinayaan na niya ito sa ginagawa hanggang sa matapos. 

Bumalik na ito sa driver seat at nagmaneho. Walang umiimik hanggang sa marating na nila ang beach house.

"Iyang bahay na 'yan, d'yan ako tumutuloy. Sige, tuloy na ako, salamat." Sinubukan niyang tumayo ngunit para lamang mapaupo ulit. Masakit talaga ang mga paa niya at tuhod. 

"Ihahatid na kita." 

Nawirduhan na naman siya sa lalaki. Talaga bang may taong kasing cold ng isang 'to? 

"A-ah, sige."

Inalalayan siya nitong makababa ng kotse. "K-kaya ko na." Binawi niya ang braso at paika-ikang naglakad. Hirap na hirap siyang ibalanse ang sarili.

"Hindi mo kayang maglakad." Lumapit ito sa kaniya at walang pasabi na naman siyang binuhat.

"A-ano bang ginagawa mo?" taka niyang tanong. 

Sobra na siyang naiilang. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa siya nitong buhatin, p'wede naman kasing alalayan na lamang siya nitong maglakad.

"Ibaba mo na ako," nahihiyang sabi niya. Pinagtitinginan na rin sila ng mga taong kanilang nadadaanan. "H-hindi mo ako kailangang b-buhatin."

Wala na naman itong imik katulad kanina. Ano bang mayroon sa lalaking ito?

Sinalubong sila ni Manang Celesta sa pintuan, mukhang nag-aalala pagkakita sa mga gasgas niya at sugat. 

"Oh, hija? Anong nangyari sayo?" tanong nito at pinagbuksan sila ng gate.

Pagkapasok sa loob ay maingat siyang ini-upo nito sa sofa. 

"Salamat, maupo ka muna," anyaya niya kay Khalil. 

"Hindi na, mauna na ako." 

Hindi na nito hinintay pa ang sagot niya, lumabas na nga ito. 

"Ang wirdo talaga niya."

 Hinipan niya ang gasgas sa may siko. "A-ah, ang hapdi."

Lumapit sa kaniya si Manang na may dalang isang basong tubig. "Ano bang nangyari sayo hija? Nasaan na 'yong kasama mo?"

 "Umalis na po, nasagasaan niya po ako kanina pero hindi naman gano'n kalakas, kaya ito lang ang inabot ko." Umayos siya ng upo at muling hinipan ang siko.

"Ganoon ba? Mag-ingat ka sa sunod ha? Ito ang tubig, uminom ka." 

Inabot niya iyon. "Salamat po."

"Makaka-akyat ka ba sa kwarto mo?" 

"Oo naman po, magpapahinga lang po ako saglit dito at aakyat na."

"Sige hija, tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka."

Ipinikit niya ang mata. "Sige po." 

Nanghinayang siya, hindi niya naabutan si ate Daisy at ito pa ang inabot niya. Paano pa niya ito mahahanap?

 At tungkol naman sa lalaking 'yon, hindi niya alam kung nago-overthink lang ba siya pero pakiramdam niya ay may kakaiba talaga sa lalaki. Kung makipag-usap kasi ito, akala mo ay  kilala na siya nito, kahit pa napaka cold nito kung magsalita. Ngayon lang siya nakakilala ng gano'ng klase tao.

Biglang kumirot ang sugat sa palad niya. 

"Hay, napakamalas naman ng  araw 'to," reklamo niya.

.

.

Nakatanaw sa mga nagkakasiyahang tao si Holly, lumabas siya sa balkonahe ng kwarto kahit nagkikirutan ang mga sugat at gasgas niya. Napaka-lively ng buong paligid. Marami pa rin ang lumalangoy kahit malamig na ang gabi. 

Napalingon siya sa katabing bahay, nagulat siya nang makita doon ang lalaki, hindi pa rin niya alam ang pangalan nito. Nakatingin ito sa gawi niya. Hindi naman nakakapagtaka kung makita niya ito doon, ang ipinagtataka niya ay kung bakit nakatingin ito sa kaniya. Walang mababasang kahit na anong emosyon sa mukha nito. Nawiwirduhan talaga siya. 

Tatawagin sana niya ito pero pumasok na ito sa loob kaya pinanood na lang niya ulit ang mga taong nagkakasiyahan. 

Naalala niya ang Papa niya, hindi man lang siya nito nagawang tawagan o kaya i-text man lang para itanong kung saan siya pumunta. Napabuntong hininga siya. Hindi na dapat siya umasa, dahil mukhang wala na siyang aasahan pa mula dito. Masaya na ito sa bago nitong pamilya.

"Hija?" 

Lumingon siya sa pinto at nakita niya si Manang Celesta.

"Inumin mo ang gamot mo bago matulog para mawala ang kirot ng mga sugat mo," sabi nito.

"Sige po, salamat Manang."

Pagka-alis nito'y pumasok na rin siya sa loob, ininom niya ang gamot at maingat na humiga sa kama. Hindi naman nagtagal at nakaramdam na rin siya ng antok.

.

.

Kinabukasan ay nagising siyang nananakit ang mga sugat. Maingat siyang bumaba ng hagdan, naabutan niya si Manang Celesta na naghahanda ng umagahan.

"Kamusta ang mga sugat mo, hija? Nakatulog ka ba ng maayos?" 

Umupo siya. "Maayos naman po ang tulog ko, pero masakit po ngayon ang mga sugat ko." 

Nilagyan siya nito ng pagkain sa plato. 

"Manang..." bitin niyang tawag dito. "Kilala niyo po ba si ate Daisy? Taga-rito po siya 'di ba?"

Tumigil ito sa paglalagay ng sinangag na kanin sa plato niya. "Si Daisy? Iyon bang may-ari ng Black Moustache Cafe?"

"Cafe ho?" tanong niya.

"Oo, may cafe siya d'yan sa tabi ng sari-sari store ni Arches. Bakit mo nga pala naitanong?" 

"Ah, kaibigan po kasi siya ni Mama noon. Gusto ko lang po sana mangamusta." Sumubo siya ng bacon.

Nang matapos kumain ay inayos niya ang sarili.

"Alis lang po ako saglit, manang." 

Lumabas siya ng bahay at maingat na naglakad. Hinanap niya ang cafe na sinabi sa kaniya ni manang Celesta. 

"Holly!" 

Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa kaniya. Nakita niya si Jin na kumakaway. 

Patakbo itong lumapit sa kaniya. "Hindi kita nakita kagabi." 

Naalala niyang inimbitahan nga siya nitong manood ng banda nila. "Ah, may nangyari lang," sagot niya.

Ngumiti ito at sabay silang naglakad. "Saan ka pupunta? P'wede kitang samahan?"

"Hinahanap ko 'yong cafe dito na Black Moustache."

"Gano'n ba, samahan na kita."

Ngumiti siya sa binata. "Sige."

Ilang minuto pa at nahanap na nila ang cafe. Iyon nga lang ay sarado pa ito.

Lumapit silang pareho.

"Ah, Miss?" tawag pansin ni Holly sa isang babaeng nakaupo sa may gilid nito. 

"Ako po?" Tinuro nito ang sarili.

"Ah, nasaan ang may-ari nitong cafe?" tanong niya.

"Si ate Daisy po? Hindi ko po alam eh. Ito naman pong cafe niya, sa hapon pa po nagbubukas. " paliwanag nito.

"Gano'n ba, saan ba ang bahay niya?" tanong naman ni Jin.

"D'yan lang po sa labas, pero wala po siya do'n ngayon." 

Napabuntong-hininga si Holly. "Gano'n ba? Sige, thank you." Tumalikod na siya at naglakad pabalik.

"Balik na lang tayo mamaya," ani Jin habang nangunguna ng maglakad. "Ah, Holly? P'wede bang mauna na ako sayo?" 

Tumango siya. "Oo naman."

"Kita na lang tayo mamaya." Kumaway ito sa kaniya at patakbong umalis.

"Anong nangyari do'n?" tanong niya sa sarili. 

Tumigil siya sa tapat ng beach house na tinutuluyan katabi ng bahay nila. Tiningnan niya ang kwarto nitong bukas pa rin ang bintana hanggang ngayon.

"S'ya lang ba mag-isa d'yan?" tanong niya sa sarili patungkol sa lalaki.

Lumakad na siya ulit at pumasok na sa bahay. Umupo siya sa sofa at in-on ang tv. Mukhang wala siyang gagawin buong maghapon lalo na sa lagay niyang 'yon.

"Isa na namang krimen ang naganap malapit sa South W***s Mall dito sa B***, L****a.  Kinikilalang si Arman Maninsala na taga S****, L****a ang nasawi. Isa itong crew sa Jollibee ng nasabing Mall. Ayon sa nakasaksi, masasabing hindi 'raw' pangkaraniwang nilalang ang gumawa nito sa biktima..."

In-off ni Holly ang tv. Ayaw niyang manood ng mga eksenang gano'n, naaalala niya ang Mama niya.

Umakyat s'ya sa kwarto at doon na lang nagtambay. Masakit pa ang katawan niya kaya pinili na lang niyang mahiga sa kama at mag online sa social media account.

Picture agad ni Liza ang bumungad  sa news feed niya. May yakap-yakap itong aso.

"Meet my Archee, Papa's gift," basa niya sa caption.

Wala naman itong ginagawa pero bigla siyang nakaramdam ng inis. Nagseselos siya, 'yon ang tamang tawag sa nararamdaman niya. 

.

.

.

Pumikit si Holly at dinama ang malamig na hangin na tumatama sa balat niya ng gabing 'yon. Nakakarelax din ang tunog ng hampas ng alon.  Sa bahaging ito siya pumunta, kung saan kakaunti lang ang tao. Dito siya dumiretso matapos bumalik sa cafe, sarado pa rin 'yon at hindi nagbukas.

Nanatili siyang nakatayo habang nakatanaw sa lawak ng dagat.Ngunit maya-maya ay naramdaman niya na parang may nakamasid sa kaniya. Paglingon ay wala naman siyang taong nakita. Iginala niya rin ang paningin sa paligid, ngunit wala naman siyang ibang nakita kundi ang mga nagkukumpulang turista. May mga naglalangoy din. Wala namang kakaiba pero bakit iba ang pakiramdam niya?

Ipinagsawalang bahala na lamang niya ito. 

Babalik na siya bukas sa Manila, at hindi manlang niya nakausap si ate Daisy. Naalala niyang nagmamadali ito no'ng nakaraang gabi, kaya siguro wala ito ngayon sa cafe. Pupuntahan na lang siguro niya ito bukas sa bahay nito bago siya umuwi.

Tumayo na siya nang mas lumamig na ang simoy ng hangin. Ngunit hindi pa man siya nagsisimulang maglakad nang may mapansin siyang rebulto ng taong nakatayo sa isang medyo madilim na parte ng niyugan sa likod. Medyo nakakubli ito ngunit nasisiguro niyang sa kaniya ito nakatingin. Kinabahan siya kaya binilisan na niya ang paglalakad kahit masakit pa ang mga sugat niya. Iba ang pakiramdam niya sa presensyang 'yon, tila ay napakabigat at nakakatakot.

Sinalubong siya ni Manang Celesta na kabababa lamang sa hagdan.

"Nasaan na 'yong kasama mo, hija?" tanong nito na ang tinutukoy ay si Jin. Kasama niya ito kanina nang bumalik sa cafe pero nagpaalam ito sa kaniya nang tawagin ito ng kaibigan.

"Hindi ko po alam eh," tanging naisagot niya. Hindi pa rin mawala sa isip niya 'yong nakita niya kanina.

"Naiwan kasi niya ang cellphone niya sa sofa, kanina pa may tumatawag. Mukhang importante."

Nilingon niya ang sofa nang mag ring ang cellphone.  Lumapit siya at kinuha ito. 

"Kanina pa 'yan simula nang umalis kayo."

"Sige Manang, hahanapin ko muna siya." 

Lumabas ulit siya ng bahay. Sa sobrang dami ng tao ay mukhang mahihirapan siyang hanapin ito.

Tumigil siya sa harap ng bahay na katabi lang ng sa kanila. Sigurado siyang dito ito tumutuloy dahil ito lang naman ang katabi ng bahay nila, 'yon ang sinabi nito sa kaniya kanina.

Maliwanag sa loob ng bahay at may naririnig din siyang mga nag-uusap.

Pumasok siya sa nakabukas na gate. Medyo nakaawang din ang pinto ng bahay. Tatawag na sana siya nang lumabas si Jin. Mukhang  nagulat ito  pagkakita sa kaniya. 

"Oh, Holly?" Nakangiti na ito nang lumapit sa kaniya.

"Naiwan mo ito sa bahay, kanina pa may tumatawag, mukhang importante." 

Inabot nito 'yon. "Gano'n ba? Pasensya na sa abala. At saka pala pasensiya na at hindi ako nakabalik kanina, may importante lang na nangyari." 

 "Okay lang. Sige, alis na ako." 

"Wait, pasok ka muna." Pinagbuksan siya nito ng pinto. 

"Hindi na, kailangan ko na rin bumalik," tanggi niya. Sumasakit na ang mga sugat niya, gusto niya ng magpahinga.

"Gano'n ba?"

Inihatid siya nito hangaang sa labas ng gate bago magpaalam.

Papasok na sana siya sa bahay nang mapansin niya ang isang pamilyar na tao hindi kalayuan sa kinatatayuan niya. Nakakubli ang kalahating katawan nito sa isang puno. At ang bigat na pakiramdam ay naramdaman na naman niya.

Naglakas loob siyang humakbang palapit dito. Hindi naman ito umaalis sa pwesto.

"Ikaw?" pagkilala niya sa lalaki. Si wierd guy. Napawi ang kaba niya ngunit naroon pa rin ang bigat na pakiramdam

Lumapit siya sa lalaki. "A-anong ginagawa mo dito?"

"Kamusta ang mga sugat mo?" Imbis na sagutin ang tanong niya ay tanong rin ang naging sagot nito.

"A-ah, okay naman na." Tumingin siya sa katabi na seryoso pa rin ang mukha. Walang pagbabago.

"Kanina ka pa ba dito?"

"Hindi."

Gusto niyang kumpirmahin kung ito ang pigurang nakita niya kanina sa dilim, ngunit mukha namang hindi.

"Ang ganda ng buwan 'di ba?" bigla ay tanong niya upang ibaling sa iba ang bigat na nararamdaman. Bakit nga ba ang bigat ng pakiramdam niya sa tuwing nagkakalapit sila?

Na-engganyo siya na pagmasdan ang buwan kaya hindi niya napansin na wala na ang katabi.

"Alam mo ba, ang sabi ni Ma--teka, nasaan na 'yon?" 

Nagpalinga-linga siya sa paligid, ngunit ni anino nito ay hindi na niya nakita. 

"Nasaan na 'yon? Ang bilis naman niyang makaalis."

Hindi na talaga niya ito nakita. Paano nito nagawang umalis nang hindi niya namamalayan?

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Angel
Interesting kind of a man. :)
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status