Share

The Plan

“I love you too!”

Narinig ni Roief ang boses ng lalaki mula sa mga kumpol ng may katangkaran na halaman. Kasalukuyan niyang isinasara ang gate. Bumilis ang tibok ng puso niya nang gumalaw ang golden bush at may biglang tumayo roon.

“Yes! Yes!”

Patay-malisya siyang tumalikod at pahakbang na sana nang may biglang humablot sa braso niya. “Ma’am ano po ang ginagawa niyo rito sa labas? Saan po kayo pupunta?” sunod-sunod na tanong sa kanya ng isang lalaking naka-baby blue na polo shirt at khaki shorts. Sa unang tingin, akalain mong turista ito o pumapasyal lang sa beach sa malapit, hindi aakalain ng kahit na sino na isa itong guard sa villa. Base sa boses nito na medyo may kaba ng kaunti, ito ang lalaking naulinigan niya sa halamanan kanina lang.

"Magpapahangin lang ako."

Pinagmasdan niya ang lalaki. Matangkad din ito tulad ng iba, pero mas bata ito kumpara sa guard na laging nakasuot ng maskara. Wala nga pala siyang nakita sa nakamaskara ngayong araw.

Nang nakakita siya kanina ng pagkakataon ay naisipan niyang tumakas ngunit hindi niya inaasahang nasa labas lang pala ang isang ito.

“Bakit ka nga pala narito?” Hinarap na lang niya ang lalaki. Dahil alam niyang bago pa lang ito at mukhang hindi pa nito alam ang mga patakaran sa villa ay tinakot niya ito. Naniniwala siyang madali lang niya itong mapapaikot. “Kanina pa kita hinahanap.”

“Naku pasensya na po ma’am. May emergency lang po kaya napalabas,” sagot nito habang kinakamot ang ulo.

“Emergency ba ‘yun? Mukhang nakikipaglandian ka lang naman. Mabuti pa samahan mo ako sa may tabing dagat. Kung gusto mong hindi makarating sa boss mo ‘yung narinig ko kanina,” pananakot niya rito.

“Kaso malapit na pong magdilim.” Isinuksok nito ang cellphone sa bulsa ng short, tumingin sa loob ng villa pagkatapos ay muling tumingin sa kanya. Hindi pa rin nito binibitiwan ang braso niya. Pasimple nitong hinila ang braso niya. “Ma'am mapapagalitan po ako kapag pinayagan ko po kayong lumabas. Kabilin-bilinan pa naman ni sir na ‘wag po kayong palalabasin sa ganitong oras.”

“Ayos lang, nakapagpaalam naman na ako sa kanya at saka ibinilin rin sa akin ng therapist kanina lang na kailangan ko ng hanging dagat. Kung gusto mo pumunta ka sa loob at itanong mo sa kanila,” panghahamon niya rito.

“Bakit wala po kayong kasama? Kahit isa sana sa mga kasambahay?” tanong ulit nito. Inilabas nito ang panyo sa bulsa at saka pinunasan ang pawis sa noo.

“Naghahanda kasi sila dahil may bisitang darating mamaya, ano sasamahan mo ba ako o hindi?” tanong niya rito at nagsimula na siyang maglakad.

“May darating na bisita? Wala naman pong sinabi sa akin kanina.” Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Dinukot nito ang cellphone para tingnan kung may message na nakaligtaan nitong basahin.

“Naku kanina pa naman may tumawag, kaya nagmamadali silang magluto sa kusina. Sinabi kong hahanapin na lang kita kaya pinayagan akong lumabas. Sakto nandito ka lang pala. Baka hindi ka siguro makontak dahil may katawagan ka,” pananakot niya rito na lalong nagpaputla sa mukha ng lalaking nagkakamot ngayon sa kamay.

Alam niyang maaaring nakatelebabad ito kanina kaya sigurado siyang maaapektuhan ito sa sinabi niya.

“Naku si ma’am naman,” napahiyang sagot nito.

“Sabihin mo na lang na nagpasama ako sa’yo kaya binantayan mo ako." Pasimple siyang napangisi.

“Bakit n’yo po pala ako tinutulungan?” nag-dadalawang isip na tanong nito.

“Wala nga kasi akong kasama,ang kulit mo rin,” iritableng sagot naman niya. Hinaplos halos niya ang tiyan at saka ipinagpatuloy ang paglalakad.

Kahit pa ganun ang sinabi niya at ipinakita rito ay muli itong nagsalita. “Pero sigurado po kayo Ma’am na nakapagpaalam po kayo sa loob nang lumabas kayo?” paniniguro ulit nito.

Imbis na sagutin ang sinabi nito ay tumigil siya at tinitigan ito ng masama. Alam na nitong tuluyan na siyang nainis kaya hindi na ito muli pang nagsalita hanggang sa makarating sila sa mga bilihan ng souvenirs.

Nang matapat sila sa isang stop-shop ay tinitigan niya ang manikin na nakasuot ng maternity dress. Nakita niya ang sarili sa repleksyon ng salamin at hinawakan niya ang tiyan. Naramdaman niyang gumalaw ito na tila nakikipag-usap sa kanya.

“Mapapagalitan po kasi ako kapag may nangyaring masama po sa inyo kaya ako naniniguro kanina. Pasensya na po kung naging makulit ako, masyado po kasing mahigpit ang boss,” pagpapaliwanag nito.

“Siya nga pala maaari ko bang mahiram ang cellphone mo?” tanong niya rito habang nag-iisip kung papaano at saan siya magpapasundo kay Earl.

“Pero ma’am hindi po kayo pwedeng maghawak ng cellphone, mahigpit na ipinagbilin po ‘yun,” sagot nito ngunit inilabas pa rin nito ang cellphone mula sa bulsa.

“Ibibigay mo ‘yang cellphone o sasabihin kong may katawagan ka?” pananakot niya rito.

Hindi na nagdalawang isip ang lalaki at inabot sa kanya ang cellphone. Agad niyang pinindot ang numero ni Earl na malinaw pa niyang natatandaan dahil ito lang naman ang laman ng contact niya.

“Shit! Ngayon pa ba?” inis na sigaw niya nang walang sumasagot sa kabilang linya. Naka-ilang dial na siya ngunit wala pa ring sumasagot sa kabilang linya.

“Sino po bang tinatawagan ninyo?” nag-aalalang tanong nito.

“Nauuhaw ako may barya ka ba riyan?” pagwawala niya sa usapan.

“May singkwenta po ako,” sagot naman nito nang kalkalin ang bulsa.

“Bilhan mo ako ng tubig maghahanap lang ako ng mauupuan,” utos niya rito at saka naghanap ng pwede niyang madadaanan kapag wala na ang lalaki.

Nagdadalawang isip na umalis ito kaya tinitigan niya ito sa mata para kumilos na ito. Nang mawala na sa paningin ang lalaki ay naglakad siya papunta sa isang souvenir shop dumaan siya roon para makalusot sa kabilang daan. Nang makarating siya sa main road ay agad siyang nagdial sa cellphone.

“Hello” sabi ng nasa kabilang linya ngunit hindi ito ang inaasahan niyang sumagot. Boses babae ito kaya muli niyang tiningnan ang numero at siniguro kung tama ba ang na-dial niya.

“Earl?” hinihingal na tanong niya ngunit imbis na sagutin siya nito ay binabaan siya ng linya. “Shit! Nakipagbalikan ba siya sa empaktang 'yun?” Muntikan pa niyang ibato ang cellphone sa inis.

Kailangan niyang ma-contact ang kaibigan para sunduin siya nito dahil hindi na niya alam ang susunod na gagawin. Napagplanuhan na niyang mabuti kagabi kung papaano siya tatakas ngunit hindi niya napaghandaan ang susunod na hakbang. Nagkaroon lang siya ng pagkakataon kanina kaya maswerte siyang nakatakas ngunit hindi naman niya makausap ang kaibigan.

Umiwas siya sa posibleng daan na maaaring puntahan ng lalaki kaya dumaan siya sa makipot na daan at dahan-dahang ipinagkasya ang tiyan sa masikip na eskinita.

“Natunton ko na po sila, buntis ang babaeng nasa litrato ngunit may kasama siya, maaaring bodyguard niya 'yun. Ngayon ko na po ba siya dudukutin kung may pagkakataon?” narinig niyang sabi ng lalaking may suot na itim na sumbrero at may pilat malapit sa tainga. “Sige Madam, gagawan ko po ng paraan,” dagdag pa nito. Nanlaki na lang ang mga mata niya nang makita ang hawak nitong baril.

Sumakit ang tiyan niya at mabilis na nagkarera ang pagtibok ng puso niya sa narinig. Pakiramdam niya ay siya ang pinatutungkulan ng lalaking iyon.

Dahan-dahan siyang naglakad paalis doon at pumasok sa malapit na hotel. Nang makaupo sa waiting area ay agad niyang pinindot ang numero ng kaibigan.

“Hello Earl, ikaw ba ‘to? Kailangan ko ng tulong mo,” nasambit niya ng sa wakas ay tinanggap ng kabilang linya ang tawag niya.

“Hindi si Earl ‘to, this is her girlfriend. Anong kailangan mo sa kanya?” tanong ng nasa kabilang linya.

“Ako ‘to si Roief, please kailangan ko lang sana siyang makausap,“ pakikipusap niya rito.

“Ngayon mo pa hinanap si Earl? He doesn’t care about you anymore. Get a life. May sarili na siyang buhay kaya pwede ba, tigilan mo na ang kakadikit sa kanya. You better stay dead and never come back,” sabi nito at pinatay ang tawag.

Para siyang binagsakan ng lupa sa narinig. Napabuntong hininga na lang siya at napatingin sa itaas na bahagi ng hotel para subukang pakalmahin ang sarili.

Hindi siya makapaniwalang binasag ng babaeng 'yun ang kaisa-isang pag-asa niyang makaalis doon. Hinawakan niya ang tiyan at saka inikot ang kamay dito. “I’m sorry anak, mahal na mahal ka ni Mommy tandaan mo palagi 'yan. Kapit ka lang diyan makakabalik din tayo sa Lork.”

Kung noon ay labis ang pagtutol niya sa pagbubuntis dahil kapalit nito ng scholarship na pinaghirapan niyang makamit, ngayon naman ay labis ang attachment niya rito. Handa na siyang ipamigay ito noon para alagaan at mabigyan ito ng magandang buhay ng iba, na hindi niya kayang ibigay. Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin sa ilang buwan niyang pagbubuntis.

Mula nang araw na maramdaman niya ang pagsipa nito at pagresponde sa kanya nito ay nagkaroon siya ng koneksyon sa bata. Lalo lang siyang natuwa rito at nagiliw nang makita ang mukha nito sa 5D na gadget na ginamit sa tyan. Kakaiba pala ang pakiramdam na makita at maramadman ang batang nasa sinapupunan niya.

Doon niya napagtanto na hindi pala niya kakayaning mawalay sa anak. Handa siyang kalimutan at talikuran ang pangarap alang-alang sa anak. Ngunit ngayon nawawalan na naman siya ng pag-asa dahil sa sinabi ni Pia kanina. Kung sana si Earl ang sumagot sa tawag ay malamang pupuntahan siya nito sa kinaroroonan niya ngayon.

Tatayo na sana siya nang makitang pumasok ang lalaking nakita kanina, may hawak itong newspaper at umupo sa tapat niya. Hindi siya nagpahalata rito ngunit alam niyang nakatingin ito sa kinaroroonan niya.

Masama man ang pakiramdam ay paika-ika siyang lumabas ng hotel. Kailangan niyang mahanap ang lalaki sa villa para humingi ng tulong dito bago pa may gawin sa kanya ang nakaitim ma sumbrero. Sigurado siya ngayon na siya ang sinusundan nito.

Wala na ang natitirang pag-asa niyang sumalba sa kanila ng anak niya. Naisip niyang bumalik na lang sa villa at magmakaawa sa lalaki para kahit papaano ay ‘wag ilayo sa kanya ang anak. Susubukan na lang niyang makipag-bargain para kahit hindi na siya pag-aralin o kilalanin ng anak basta magsilbi na lang siyang katulong at mabantayan ito.

Muli siyang nabuhayan sa isiping baka sakaling pumayag ang lalaki at mapatawad siya nito. Dala-dala ang munting pag-asang iyon ay tinahak niya ang daan pabalik.

Ngunit hindi niya inaasahan na mapadausdos siya sa buhanginan. Mabuti na lang at tumama siya sa mga halaman kaya hindi siya nasaid sa konkreto.

"Naku! Magtawag kayo ng ambulansya! Itakbo n'yo na agad 'yan!" sigaw ng mga tindera na nakakita sa pagbagsak niya.

Nahirapan naman siyang kumilos dahil sa bagay na tumama sa puwetan niya kanina. Tumama ang ulo niya kasi sa isang matigas na bagay kaya nahihilo siya ngayon.

Naramdaman niyang may bumuhat sa kanyang lalaki ngunit nanlalabo ang mga paningin niya at hindi na niya marinig ng maayos ang mga nagsasalita.

Stallia Iris

Maraming salamat sa pagbabasa. Ikaw ang inspirasyon ko sa pagsusulat. Maari kang magsend sa akin ng gems para masuportahan ako sa aking nobela i di naman ay mag comment dito upang malaman ko kung ano ang saloobin mo. Maraming salamat😊at Magandang araw! May mga locked chapters pala ang lahat ng nobela sa GN. Para makolekta ang coins at diamond magpunta lang sa Reward section sa "Profile" mo mismo. May gift box po kayong makikita at pwede nyo kolektahin 'yun araw-araw para magamit sa pag unlock. Maaari niyo rin pong imbitahan ang ilang kakilala dito sa app para makakuha ng extra coins pang-unlock.😊

| Like
Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Maria Leah Gonzales
excited for her
goodnovel comment avatar
Long-Live-Evie
Hala Eaaaaaarl
goodnovel comment avatar
Matthew Kato
cant wait to find out what happened
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status