Share

KISSES AND GOODBYE?

TULALANG nakatitig lamang sa kawalan si Riko. Nakahawak din ang pareho niyang kamay sa kanyang magkabilang pisngi.

“No, no, no…” parang sira-ulo aniya sa sarili na sinabayan pa ng matitigas na iling. “This can’t be!” naiinis niyang dugtong.

Like how? P’wede ba ‘yon? Kailan lang niya nakilala si Alvaro at sa loob ng tatlong buwan na pagkakakilala nila ay limang beses pa silang nagkikita ng lalaki, kasama na doon ang dalawang beses nitong pagpunta sa Velvet Lounge kasama si Reign.

Pagkatapos ng limang beses na pagkikita ay hindi na iyon nasundan dahil naging abala na ang lalaki. Hindi naman siya nagtatanong kung ano ang pinagkakaabalahan nito. Wala siyang karapatan. Magkaibigan lang sila ng lalaki.

‘Kaibigan lang? Talaga ba, Rik?’

Napangiwi si Riko dahil sa tanong na iyon ng kanyang isipan. Kaibigan pa rin ba ang tingin niya kay Alvaro o unti-unti na siyang nahuhulog dito? Pero paano nga nangyari ‘yon gayong sa cellphone lang naman sila nag-uusap ng lalaki.

“Argh!” napipikong ungol niya sabay sabunot sa kanyang sarili. “Hindi p’wede. Hindi pa ako handa.” aniya sa sarili bago padabog na tumayo mula sa pagkakasalampak sa hagdan.

Wala si Manang Linda dahil sinundo nito sa school si Loreen. Grade one na ang anak niya at tuwang-tuwa dahil matalino ito.

Bumaba si Riko at naglakad patungo sa kusina. Malapit nang mag-alas kuwatro. Kailangan na niyang kumilos. Balak niya kasing ipagluto ng spaghetti na may meatballs si Loreen. Paborito iyon ng anak niya.

Inilabas na ni Riko ang mga kailangan niya para sa ilulutong spaghetti nang biglang tumunog ang doorbell. Nangunot ang noo niya.Sinulyapan din niya ang malaking relo na nakasabit sa dingding.

Kalalabas lang ni Loreen kapag ganoong oras kaya imposibleng ito at si Manang Linda na ang nasa labas. Isa pa ay may sariling susi naman ang matanda kaya hindi na nito kailangang mag-doorbell.

Naisip ni Riko na baka si Reeze pero ang alam niya ay sa susunod na linggo pa ang balik nito at ni Kenji. Umuwi kasi ang kaibigan niya sa Pangasinan dahil death anniversary ng ina nito.

Bumuga ng hangin si Riko bago naglakad palabas ng kusina. Nang makarating sa main door ay pinihit niya ang seradura at binuksan ang pinto.

“Hi…”

Awang ang mga labi na napatitig na lamang si Riko sa lalaking nasa kanyang harapan.

“Hey, hindi mo ba ako papapasukin?” salubong ang mga kilay na untag ni Alvaro sa babaeng nakatunganga lang sa kanya. “Malayo pa ang pinanggalingan ko.” dugtong pa niya bago inabot ang baba ni Riko.

“What?” nakasimangot na ani ni Riko kay Alvaro nang tuluyan siyang makabawi sa pagkabigla. Pinalo rin niya ang kamay nitong nakahawak sa baba niya.

“Itikom mo,” ani ni Alvaro habang pasilip-silip sa loob ng bahay. “baka mapasukan ng langaw. Wala yata si Loreen.” turan niya bago walang pakialam na hinawakan sa braso si Riko saka niya ito hinila papasok sa loob ng bahay.

“Wow, bahay mo?” sikmat ni Riko kay Alvaro sabay pagpag ng kamay nito. “Nasa school pa si Loreen pero pauwi na rin ‘yon. Sinundo na ni Manang Linda.”

Para kasing bigla siyang napaso sa hawak nito. Buwiset pero nanghina bigla ang mga tuhod niya kaya bago pa man siya pulutin sa sahig ay kaagad siyang umupo sa sofa.

Umismid naman si Alvaro sabay patong ng hawak na box sa ibabaw ng centertable. Sa labas niyon ay nakasulat ang pangalang ‘Nerds’’.

“Wala akong sinabi.” pasuplado niyang ani kay Riko bago ito pinandilatan ng mata. “Hindi mo man lang ba ako pagkakapehin?” tanong niya sa babaeng wala yatang balak na alukin siya kahit tubig man lang.

Dahil sa dalas nilang mag-usap sa cellphone ay palagay na palagay na rin ang loob nila sa isa’t-isa.

“Pumunta ka ba rito para utusan ako?” sikmat ni Riko sa lalaking umangat lang ang kilay. Umikot ang mga mata niya bago padabog na tumayo. “ Oo na, ito na po, kamahalan!” gigil na aniya kay Alvaro na tumawa lang.

Naglakad si Riko patungo sa kusina. Kumuha siya ng tasa sa cupboard para ipagtimpla ng kape si Alvaro.

“Magluluto ka?”

Napalingon si Riko. Hindi niya namalayang sumunod pala si Alvaro sa kanya.

“Oo.” sagot niya habang nilalagyan ng isang kutsaritang asukal ang kape ni Alvaro. “Magluluto ako ng spaghetti na may meatballs.”

Gumuhit ang nanunuksong kislap sa mga mata ni Alvaro. “Hindi kaya masunog?” tanong niya kay Riko.

Umirap si Riko. “Baka makalimutan mo ang daan pabalik sa inyo kapag natikman mo ang luto ko.” pagyayabang niya bago dinala ang tasang may kape sa lamesa. “Dito ka na magkape. Igawa na rin tuloy kitang sandwich.” aniya sa lalaki.

“Dito na lang ako titira kung ganon.” ganti ni Alvaro sa sinabi ni Riko na kaagad namang natigilan.

Bigla kasing pumasok sa isipan niya ang eksena kung saan magkasama sila ni Alvaro sa iisang bahay. Magkatulong sila sa paghahanda ng iluluto habang naghaharutan.

“Hindi ka na nakasagot.” pansin ni Alvaro kay Riko na napapitlag naman lalo na nang maramdaman niya ang mahinang pagtapik ng lalaki sa balikat niya.

“Dito ka na mag-dinner para mapatunayan ko sa’yo na masarap akong magluto.” hindi nag-iisip na aniya. Gusto lang naman sana niyang takpan ang sandaling pagkataranta.

‘Bakit kailangang patunayan?’ anang isang bahagi ng utak niya.

Tumanggi ka, please. Lihim na dasal ni Riko habang pilit na kinakalma ang sarili. Ang lakas kasi ng kabog ng dibdib niya. Hindi niya alam kung bakit. Dahil ba sila masyado silang malapit ni Alvaro sa isa’t-isa? Nakatayo kasi ang lalaki sa likuran niya at natatakot siyang gumalaw dahil dama niya ang mainit na hininga ng lalaki na tumatama sa batok niya.

Pero hindi siya pinakinggan ng langit dahil walang pagda-dalawang-isip na pumayag ang lalaki.

“Sige, dito ako kakain.” turan ni Alvaro.

Biglang pumihit si Riko paharap sa lalaki para lang mapatili. Nawalan kasi siya ng panimbang nang bigla siyang mataranta nang makitang guhit na lang ang pagitan nila ni Alvaro.

“Careful!” ani ni Alvaro bago mabilis na pumulupot ang isang braso sa beywang ni Riko.

Hinila ni Alvaro si Riko palapit sa kanya kaya nagdikit ang mga katawan nila. Pareho pa silang natigilan at nagkatitigan.

‘Damn!’ lihim na mura ni Alvaro habang nakapulupot sa beywang ni Riko ang braso niya. Ramdam na ramdam niya ang init na nagmumula sa katawan ng babae.

Lihim namang napalunok si Riko habang nakatitig sa mga mata ni Alvaro. Ang pinakamagandang pares ng mga mata na nakita niya sa tanang buhay niya. Malalim iyon na pinaresan ng malantik na pilikmata. Makapal na kilay at matangos na ilong. Pangahang mukha na bumagay rito. Dumako ang mga mata ni Riko sa mga labi ni Alvaro.

Napakagat-labi siya lalo na nang maamoy niya ang hininga ng lalaki. Pakiramdam niya ay bigla siyang nalasing.

“Shit!” paungol na mura ni Alvaro at bago pa man niya mapigilan ang sarili ay mabilis nang sinakop ng bibig niya ang mga labi ni Riko.

Nanlaki naman ang mga mata ni Riko kasabay ng paninigas ng kanyang katawan.

Is he kissing her? Parang tanga na tanong ni Riko sa sarili. Hanggang sa kusa na ring gumalaw ang mga labi niya para gantihan ang halik ni Alvaro. At dahil doon ay mas lalo namang humigpit ang pagkakapulupot ng braso ng lalaki sa kanya.

Damn no, but they’re really kissing!

PAGKATAPOS ng unexpected kissing scene nila ni Alvaro ay nagpasya si Riko na magbakasyon muna sa probinsiya ng mommy niya sa Nueva Ecija. Gusto niyang mag-isip muna. Nalilito siya. Dama niyang hindi na simpleng kaibigan lang ang tingin niya kay Alvaro. Oo, mahal na niya ang lalaki at natatakot siya.

Pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Ian ay nawalan na siya ng tiwala sa mga lalaki. Natatakot siya kaya hindi niya maintindihan kung bakit ganoon lang kabilis na natibag ni Alvaro ang pader ng pilit niyang itinatayo para maprotektahan ang sarili. Hindi pa siya handa.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Riko. Naroon siya kubo ng namayapa niyang Lolo. Nakatayo iyon sa gitna ng malawak na palayan. Papasok na ang buwan ng september kaya nagsisimula na ring lumamig ang hangin lalo pa nga at ayon sa Pag-asa ay may paparating daw na bagyo.

Ika-tatlong araw na niya sa Nueva Ecija at isa lang ang alam niya, habang patuloy niyang iniiwasan si Alvaro ay lalo naman siyang nangungulila sa lalaki. Miss na miss na niya ang lalaki pati na rin ang walang kapagurang daldalan nila tuwing gabi kapag wala siyang pasok sa Velvet Lounge.

Napatigil sa pagmumuni-muni si Riko nang biglang tumunog ang cellphone niya.Nang tinangnan niya iyon ay pangalan ni Alvaro ang nakita niyang nakalagay sa caller ID.

Muli niyang ibinalik ang cellphone sa bulsa ng suot niyang pantalong maong pagkatapos niya iyong i-off. At sigurado siyang sunod-sunod na text na naman ang matatanggap niya mula sa lalaki mamaya.

No, hindi siya p’wedeng magpadala sa nararamdaman niya para kay Alvaro. Kailangan niyang layuan ang lalaki.

Pero kaya nga ba niya? At hanggang kailan niya kayang takasan ang katotohanang mahal na niya si Alvaro?

HINDI MAIPINTA ang mukha ni Alvaro habang pilit na hinahabaan ang pasensiyang nakatayo sa labas ng bahay ni Riko. Walang pasok ang babae ngayon sa Velvet Lounge pero ang sabi ni Manang Linda ay lumabas daw ito kasama ang bagong kaibigan. Nang tanungin niya ang kasama sa bahay ni Riko kung sinong kaibigan ay alanganin pang ngumiti sa kanya ang matanda. Hindi raw nito kilala pero Greg daw ang pangalan.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa manubela ng kanyang sasakyan. Damn it! Ano ba ang gustong ipamukha sa kanya ni Riko? Umuwi at bumalik itto mula sa Nueva Ecija na wala man lang siyang narinig na kahit na ano mula rito. Ni isa sa mga tawag at text niya ay hindi rin nito sinagot. At ngayon, malalaman niyang lumabas ito kasama ang kung sino mang Greg na iyon.

Bullshit!

Napaunat mula sa pagkakaupo si Alvaro nang makita niya ang taxi na tumigil sa harapan ng bahay ni Riko. Mula doon ay bumaba ang babae na nakasuot ng bestidang lagpas tuhod.

Kumunot ang noo niya nang makitang ito lang ang bumaba. Nasaan ang Greg na kasama nito?

Padabog na bumaba ng sasakyan niya si Alvaro at malalaki ang mga hakbang na sinalubong niya si Riko.

“Nasaan na ang kasama mo?” magaspang ang tinig na tanong niya sa nagulat na babae.

Natitigilang napatitig si Riko kay Alvaro. Napangiwi pa siya nang makita ang tila galit na galit na anyo ng lalaki.

“Answer me!” gigil na sikmat ni Alvaro sa napa-igtad na si Riko.

“Bakit ka ba sumisigaw?” inis na tanong ni Riko sa lalaki nang tuluyan siyang makabawi.

“Just fucking answer me!”

“HUwag kang magmura!” napipikon na singhal ni Riko kay Alvaro na tila walang narinig.

“No calls. No texts. What was that all about, huh?” pigil ang sarili sa pagtaas ng boses na tanong ni Alvaro sa babae. Bakas din sa tinig niya ang pinaghalong tampo at sakit dahil sa pambabalewala nito sa kanya.

Natigilan naman si Riko. Bigla siyang nakonsensiya lalo na nang makita niya ang nanunumbat na mga mata ni Alvaro. Nag-iwas siya ng tingin dito at muling itinuloy ang paglalakad patungo sa nakasaradong pinto ng bahay niya.

“Saka na tayo mag-usap. It’s late.” aniya sa lalaki.

“No!” naubusan na ng pasensiyang ani ni Alvaro. “We talk…NOW!” may diin sa tinig na aniya kay Riko bago niya ito hinawakan sa braso at hinila patungo sa kotse. Mabilis niyang binuksan ang pinto sa tabi ng driver’s side at pagalit na pinapasok doon ang babae. “Get inside and don’t try me this time, Riko!” puno ng pagbabanta sa tinig na aniya sa babaeng napatigil sa akmang pagbaba.

Pabagsak na isinara ni Alvaro ang pinto ng kotse bago mabilis na umikot patungo sa driver’s side. Ayaw niyang doon sila magtalo ni Riko dahil ayaw niyang magising si Loreen sa ingay nilang dalawa. Mag-a-alas onse na ng gabi at mahimbing nang natutulog ang bata.

Pareho silang walang imikan habang patuloy sa pagtakbo ang sasakyan. Tiim ang anyo ni Alvaro habang mabilis na nagmamaneho habang inis namang nakahalukipkip si Riko.

Pagkaraan ng marahil ay labinlimang minuto ay tuluyang itinigil ni Alvaro ang sasakyan sa tabi ng bakanteng lote. Nasa labas sila ng subdivision pero hindi naman ganoon kalayo.

Bumuba ng kotse si Alvaro at mabilis na umikot para sana pagbuksan ng pinto si Riko para nakalabas na ang babae.

“I can manage.” malamig ang tinig na sabi ni Riko.

Umigting ang mga panga ni Alvaro. “Yeah, right.” sang-ayon niya. “So much of being a strong independent woman.”

“Why did you bring me here?” walang ganang untag ni Riko pagkaraan ng ilang sandali.

“Why are you avoiding me?”

Sandaling hindi nakakibo si Riko.

“What? Hindi ka ba magdadahilan?”

“Wala lang. Gusto ko lang.” turan ni Riko na mas lalong nagpatindi ng galit ni Alvaro.

“Gusto mo lang? Wow naman, Rik,” pagak ang tinig na ani ni Alvaro. Parang bigla siyang binatukan nang malakas nang marinig ang sinabi nito. Gusto lang nito? P’wede ba ‘yon? “ganoon na lang ‘yon? Gusto mo lang? Paano ‘yon? Ipaintindi mga nga sa akin kuung paanong nangyari ‘yon—”

“Dahil mahal kita!” sigaw ni Riko kay Alvaro na biglang napatigil sa pagsasalita. “Mahal na kita, Alvaro!” ulit pa niya.

Kinakabahan siya. Natatakot sa maaaring maging reaction ng lalaki. Natatakot siyang baka dahil sa lintek na nararamdaman niya para sa lalaki ay bigla siya nitong iwasan. Iyon kasi ang sabi ni Reign sa kanya nang minsang sumama siya kay Reeze na pasyalan ito sa Manila.

Pero bahala na. Kung iiwasan siya nito pagkatapos ay wala naman siyang magagawa. Saka pabor naman sa kanya kung iwasan siya nito dahil ibig sabihin niyon ay mapag-aaralan na din niyang kalimutan ito nang tuluyan.

Ngunit hindi niya inaasahan ang naging sagot ni Alvaro.

“Thank you…”

Umawang ang mga labi ni Riko. Thank you? Iyon na ‘yon? Bigla tuloy siyang nalito. Dapat ba siyang mainsulto o matuwa?

Bumuga ng hangin si Riko. “You’re welcome!” aniya kay Alvaro na tila nakapako na sa kinatatayuan nito.

Eksakto namang may dumaang taxi. Mabilis iyong kinawayan ni Riko at nang huminto iyon sa kanyang harapan ay mabilis siyang sumakay. Ni hindi na siya nagpaalam kay Alvaro na hindi naman siya pinigilan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status