Share

The Billionaire's False Secretary
The Billionaire's False Secretary
Author: Meowpyyyyy

KABANATA 1

Apolonia

Nakatulala ako habang nakaupo sa mahabang silya sa labas ng ICU, kakalabas ko lang mula roon, kasalukuyan kasing nasa loob ang aking ama dahil sa biglaang paninikip ng dibdib at nahirapang huminga kaya itinakbo namin kaagad ito rito sa ospital. Mabuti na nga lang at nasa bahay ako noong mangyari iyon. Hindi ko lubos maisip kung ano na ang nangyari rito kung wala ako, kaming dalawa lang naman kasi ang magkasama sa bahay.

Noong isang araw pa kami narito, ngunit hindi pa kami hinahayaan na makalabas ng ospital dahil nanghihina pa ito at patuloy na inoobserbahan.

Kulang na kulang ako sa tulog at hindi gaanong nakakakain nitong nakaraang dalawang araw, gulong-gulo na kasi ang utak ko, hindi ko na alam kung ano ang unang iisipin ko.

Kung kailan kasi nag-uumpisa pa lang kaming bumangon at nagbabayad ng mga utang ay saka naman may dumating na pagsubok.

Bukod sa pag-aalala ko sa kalagayan ng aking ama, ang isa ko pang inaalala ay ang gastusin namin dito sa ospital na sa bawat araw ay lumolobo.

Frustrated na tinakpan ko ng kamay ang tapat ng mata ko noong magsimulang manubig ang mga iyon.

Gusto kong sumigaw, parang sasabog na kasi ang dibdib at utak ko.

"What should I do now?" bulong ko.

Kailangan namin ng pera, pero saan ako niyon kukuha?

D*****g man ako ay wala akong dadaingan na pamilya dahil maagang sumakabilang buhay ang aking ina, wala rin akong kapatid, malayo ang aming mga kamag-anak at mahihirap din ang buhay katulad namin. Ang mga kaibigan at katrabaho ko ay nag-abot na rin ng tulong noong nagsidalaw kahit pa nga alam kong kapos din ang mga ito.

Bukod pa roon ay ang dami na ng mga pinagkakautangan namin, kanino pa ako hihiram at lalapit ngayon?

"Help me to get through this, Lord. Please!" mahinang hiling ko sa Panginoon.

Ngunit natigil ako sa pag-iisip ng solusyon sa problema at napakurap ako noong may yumakap sa akin.

"Nai-stress at nag-iisip ka na naman, my loves..."

Kaagad na inalis ko ang kamay ko sa tapat ng mata at nilingon ko kung sino iyon, nakita ko ang best friend kong si Vi.

Pagkakita ko rito ay gumaan kahit na papaano ang bigat sa dibdib ko, ngunit kasabay niyon ay nag-init ang gilid ng mga mata ko.

Hindi ko mapigilang maging emosyonal.

Ito lang kasi ang tanging tao na hindi ko man kadugo ay palaging nasa tabi ko at palagi akong dinadamayan.

Dahil wala naman akong kapalitan sa pagbabantay ay ito ang taga-kuha ko ng mga gamit sa bahay, sinasamahan din ako nito rito sa gabi, dito ito natutulog at pagdating ng umaga ay umuuwi ito upang pumasok sa trabaho.

Sobrang appreciated ko ang mga ginagawa nito.

"Thank you, Vi," hindi ko napigilang sabihin.

Nagtaas ito ng tingin. "Ha? Para saan?" nagtataka nitong tanong.

Hinawakan ko at pinisil ang kamay nitong nakahawak sa braso ko habang nakayakap pa rin sa akin. "Sa pagsama mo sa akin palagi, hindi lang sa saya, kundi pati na sa malulungkot at mahihirap na parte ng buhay ko."

"Ba't naman kita iiwan? Siyempre sasamahan kita, 'no? Gano'n ang mag-bestie. Best of friends tayo, hindi ba?"

Bahagya akong nangiti. "Right. Masaya ako at ikaw ang naging best friend ko, maaasahan at hindi basta nang-iiwan."

Huminga ito nang malalim. "Huwag mo nga akong bolahin. Nahihiya nga ako sa iyo, my loves," biglang sabi nito.

"Nahihiya? Bakit naman?"

"Kasi wala akong maitulong, hindi na rin biro ang halaga sa bills at gastusin ninyo rito sa ospital. Kung sana lang ay mayaman ako, ako na talaga ang sasagot sa lahat. Kaso isa lang ako poor-ita. Pagsama-sama lang ang kaya kong ibigay at idamay sa iyo."

Bahagya akong natawa. "Grabe ka, my loves. Alam mo, 'yong presensiya mo lang ay napakalaking bagay at tulong na sa akin. Kung wala ka... hindi ko na alam, baka naloka na ako. Lalo na ngayon."

Ito kasi ang nagsisilbing taga-libang ko sa tuwing may nangyayari na hindi maganda sa buhay ko at pumapawi sa lungkot ko, mula pa noong elementary kami, hanggang ngayon.

Natutuwa nga ako na sa dami ng mga nagbago sa mundo at sa buhay ko, ito 'yong isa sa iilan na naging constant, hindi nagbago, hindi nawala at umalis.

"Naku, huwag na huwag kang mawawala sa katinuan, my loves. Lakasan at tatagan mo ang loob mo. Kailangan ka ni Popsy," paalala nito.

Tumango ako. "Oo naman. Alangan namang sumuko na lang akong basta. Mahal ko si Popsy, gusto ko pa siyang makasama nang matagal."

"Ganyan nga, gagaling si Popsy, okay? Manalig tayo. Hindi siya pababayaan ni Lord," anito, pinapalakas ang loob ko bago kumalas sa pagkakayakap at pinagmasdan ako.

"Nananalig naman ako sa Kanya. Iyon nga lang, paminsan-minsan ay hindi ko mapigilang mag-alala at panghinaan ng loob," amin ko.

"Naku. Basta tandaan mo na nandito lang ako, my loves. Kahit na ganda lang ang mayroon ako, hindi kita iiwan, okay?"

Nailing-iling ako.

Luka-luka talaga ito.

"O, bakit umiiling ka riyan? Hindi ka agree sa sinabi ko?" nakataas ang kilay na tanong nito.

"Agree. Sabi ko nga ang ganda mo, my loves. At mahal na mahal kita," ani ko at pagigil na pinisil ang pisngi nito.

Nalukot ang mukha nito. "Aw naman! Pero totoo ba iyan?"

"Oo, mahal kita at hindi kita ipagpapalit, kahit na may pagkalukaret ka pa," natatawa kong sabi.

"Sus. Nagsalita ang hindi lukaret. Lukaret ka rin kaya, kaya nga tayo nagkasundo at naging mag-bestie, e. Feeling matino ito, huwag ka nga, oy!"

"Matino naman talaga ako."

Iniikot nito ang mata. "Matino. Magtigil ka, imagination mo lang iyon, gutom lang iyan kaya akala mo matino ka."

Hinawakan ko ang tiyan ko. "Speaking of gutom. Gutom na nga ako, ikaw na muna ang maiwan dito, bibili lang ako ng pagkain, kahit cup noodles lang."

Pumalatak ito at pinigilan ako sa braso nang tatayo na sana ako.

"Sinasabi ko na nga ba. Ikaw talagang babae ka. Noodles na naman. Masusustansiya dapat ang kinakain mo. Maupo ka nga muna riyan at sasamahan kita sa cafeteria, tatawagan ko lang sina mother earth para sila na muna ang maiwan dito," tuloy-tuloy na sabi nito at tinawagan na nga ang mga magulang na nasa ibaba lamang.

Agad namang dumating ang mag-asawa at niyaya na ako ni Vi sa cafeteria habang may bitbit na paperbag.

Naunang pinaupo na ako nito at ito na ang nag-abalang um-order sa counter, ngunit nagulat ako nang pagbalik nito ay sandamakmak na junk food, ilang tinapay at dalawang bottled water naman ang binili nito.

"Akala ko ba masustansiya dapat?" nagtatakang tanong ko pagkaupo nito.

"Huwag kang ano riyan, sa akin ito. Heto ang sa iyo, may dala akong pagkain. Ipinadala ni mother earth, para sa iyo lahat ito, ipinagluto ka niya ng paborito mong spicy adobong babsy at pakbet. Nag-aalala kasi iyon sa iyo, baka mas mangayayat ka raw at magkasakit ka pa," ani nito at kinuha ang paperbag na bitbit nito kanina, ipinatong iyon sa mesa.

Nakamasid lang ako rito, parang may mainit na bagay na humahaplos sa puso ko habang pinapanuod ko itong nagdidiwara.

Habang nagsasalita kasi ito ay ito na rin mismo ang nag-asikaso sa pagbubukas sa lalagyan ng pagkain at ipinagtatapat iyon sa akin.

Saktong natapos ang litanya nito ay isinalpak nito sa kamay ko ang kubyertos.

"O, ano pa hong itinatanga mo riyan? Gusto mo bang subuan pa kita, my loves?" mataray na tanong nito.

Umiling ako at kahit naiiyak sa katuwaan na nadarama ay agad na akong sumubo ng masarap na putaheng dala nito.

Hindi ko mapigilang maging emosyonal.

Ang sarap lang kasi sa pakiramdam ng may nag-aasikaso, nagmamahal at nagmamalasakit, lalo na sa panahon na ito na kailangan na kailangan ko talaga ng makakasama at karamay, ipinaparamdam nito sa akin na hindi ako nag-iisa.

Tumingala tuloy ako at pumikit kalaunan upang paurungin sana ang luha ko na malapit nang malaglag palabas ng mata ko, pinaypayan ko rin ang mukha ko bago nilunok ang laman ng bibig ko at suminghot, ngunit kalaunan ay bumagsak pa rin ang luha ko, patuloy naman ako sa pagkukunwari na dahil sa labis na anghang ng kinakain ko kaya ako naiiyak.

"W-Wew! Ang anghang!" sabi ko pa upang maging kapani-paniwala.

"Naku naman talaga, ang hilig mo kasi sa maanghang, e! 'Yan tuloy! Heto ang tubig. Mabuti na lang talaga, beautiful na nga e girl scout pa ang kaibigan mo. Palaging handa. Here, uminom ka." Inabot nito sa akin ang isang bottled water na binuksan na rin nito para sa akin pagkatapos magdiwara.

Agad ko namang kinuha iyon upang uminom. Pagkatapos ko ay agad kong pinunas ng likod ng palad ko ang luha sa pisngi ko maging ang gilid ng mata ko bago ito nginitian.

Pinigil ko ang panginginig ng labi ko. "S-Salamat," sinserong sabi ko, hindi lang patungkol sa tubig at pagkain na dinala nito ngayon, kundi higit pa roon at mas malalim pa... sa pagbibigay nito sa akin nang walang katumbas na pagmamahal, malasakit at suporta palagi kahit na hindi kami magkadugo at kahit hindi ko pa hilingin o hingin iyon dito.

"Hilig-hilig mo sa maanghang, ngayon lang kita nakitang naiyak. Sumobra ba sa anghang ang pagkakaluto ni mother earth? Tikman ko nga." Akma itong kukuha sa lalagyan ng ulam ngunit mabilis na inilayo ko iyon.

"Oy, akin lang ito. Bawal kang tumikim."

"Napakadamot ng bruha. E 'di sa iyo na, kainin mo lahat at nang magkabilbil ka!"

Hindi na ako kumibo pa, masaya at maganang ipinagpatuloy ko na ang pagkain.

"Hala, sige at kain pa. Damihan mo at ubusin mo 'yan nang magkaroon ka ng lakas, kaysa magkasakit ka. Wala pa namang mag-aalaga sa iyo at wala ka namang dyowa," biro nito sa dulo at tumawa pa nang nang-aasar.

Sinamaan ko kaagad ito ng tingin. "Sayang-saya porke may dyowa, 'te?"

"Oo naman, ang saya talaga," sagot nito, mukhang nasa mood mambwisit.

"Saya now, iyak later sa sakit?" sarkastiko kong tanong para makapang-asar lang din.

"Oo, saya now at iyak later sa sakit... na may kasamang sarap," maharot nitong sabi at humagikgik na nakakagat labi pa nga, parang may kumikiliti at halatang may iniisip na kaberdehan.

"Landi mo, letse ka. Kung kurutin ko kaya 'yang p**e mo, ewan ko lang kung iyak later sa sakit na may kasamang sarap pa ang maging reaksiyon at masabi mo riyan."

"Sus. Hindi mo kasi ako naiintindihan at wala ka naman kasing dyowa."

I rolled my eyes. "O, e 'di ikaw na ang may dyowa."

Nag-flip ito ng buhok bago maarteng nag-cross legs at nasipa pa nga ako. "Oo naman. Ako talaga."

"Sus. Kay kiri. Paano ka naman nakakasigurado na aalagaan ka no'n kapag nagkasakit ka, aber?" duda kong tanong.

Kumibot-kibot ang nguso nito. "Bakit naman hindi? Sa ganda kong ito?" Nag-flip na naman ito ng buhok na akala mo ay kay haba niyon.

"Haba ng hair? Ganda yarn?"

"Oo. Hindi mo lang alam kung paano ako inalagaan no'n noong nilagnat ako noong una kaming nag-"

Sinenyasan ko agad itong tumigil gamit ang kamay ko dahil nahuhulaan ko na ang kasunod na sasabihin nito.

Alam ko kung gaano ito kabulgar magsalita at kaberdeng mag-isip.

Hindi na nga ako magtataka kung berde na rin ang dugong nananalaytay sa ugat ng babaeng 'to.

"What? Bakit mo ako pinatitigil?" tanong pa nito.

"Ampucha, huwag mo nang ituloy at baka ikuwento mo pa sa akin nang detalyado ang pribadong aktibidades ninyo ng dyowa mo, mawawalan ako ng ganang kumain, sayang itong niluto ni Auntie, parang awa mo na."

Ngumisi pa nga ang loka.

"Pero sinasabi ko sa iyo, Olivia. Kapag may ginawa talagang kalokohan at pinaiyak ka niyang dyowa mong hilaw, ilalaga at ipiprito ko iyan para maluto at matusta," banta ko.

Sumimangot ito. "'Yan ka na naman. Napakakontrabida mo sa love life ko. Masyado kang overprotective. Subukan mo naman kayang maging supportive bestie sa akin, my loves? Mahal ako no'n at mahal ko siya. Period. Kainis. Kumain ka na nga lang diyan," ani nito at nagbukas ng binili nitong junk food.

Napailing-iling ako at ipinagpatuloy na lang ang pagkain.

Nang matapos na ako at nailigpit ko na ang pinagkainan ko ay bumalik na rin kami, nagpaalam naman ang mga magulang ni Vi na uuwi na.

Papasok pa lang sana ako sa ICU nang sakto naman na lumabas mula roon ang cardiologist at cardiothoracic surgeon na tumitingin sa aking ama.

"Uy, sila Doc Pogi," ani agad ni Vi sa tabi ko, humaharot.

Binantaan ko ito ng tingin upang mag-behave, itinirik naman ng loka ang mata at umismid pa sa akin bago lumayo.

Ibinaling ko na ang atensiyon ko sa dalawang doktor na papunta na ngayon sa puwesto ko.

Pagkalapit ay tumikhim ang cardiologist na si Doc Araneta bago nagsalita. "We need to talk about something serious concerning your father's condition, Ms. Marquez," seryosong sabi nito na nagtanggal ng saya ko kanina at nagbigay sa akin ng labis na kaba.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status