Share

The Missing Kingdom Of Izles
The Missing Kingdom Of Izles
Author: aeliag_

Prologo

Nasubukan mo na bang itanong sa sarili mo kung may iba pang mundo maliban sa mundong ginagalawan mo?

Nasubukan mo na bang kwestyunin ang siyensya at ang mga bagay na hindi nito maipaliwanag?

Nasubukan mo na bang maisip sa kawalan kung ano pang makikita sa malalim, madilim, at nakakatakot na karagatan?

Nasubukan mo na bang kwestyunin ang mga pamahiin at lamang lupang hindi mo pa naman nakikita o napapatunayang totoo?

Hanggang saan kaya ang kapasidad ng imahinasyon ng isang tao?

Hanggang imahinasyon lang nga ba ang lahat?

Sa loob ng napakahabang panahon na paninirahan natin sa mundo, iilan lamang ang tunay na nakakaalam ng pinakatatagong sekreto nito.

Iilan lang ang nakasaksi at nakatawid sa lagusang naghihiwalay sa mundo ng mga tao at mundo ng mahika.

Ang Paraiso kung saan naninirahan ang mga nilalang na may kakaibang kapangyarihan at kakayahan. Ang mundong binubuo ng apat na mga makapangyarihang kaharian.

IZLES

Ang lugar na pinamumunuan ng mga Diwata, kilala ang kahariang ito sa enkantasyon at medisina. Sila ang nagpapanatili ng kalusugan ng mga nilalang na naninirahan sa Paraiso.

Walang sinuman ang nakakapasok sa kanilang kaharian na walang dugong Izales. Sila ang may pinakamalinis na reputasyon sa apat na kaharian. 

Ang lahat ng miyembro ng kahariang ito ay babae. Mayumi at may nakakaakit na kagandahang taglay na tiyak bibihag sa mga kalalakihan, maging kapwa kababaihan man.

NITEO

Ang kaharian ng Niteo ay sagana sa yamang likas, kilala ito bilang pinaka makapangyarihang kaharian dahil ang mga naninirahan dito ay may kakayahang kontrolin ang mga elemento o mga Niteos

Dito rin nakatayo ang akademya ng Fleur, ang nag iisang paaralan sa Paraiso. Ito'y pinamumunuan ng Hari at Reyna. Si Haring Tadeo at Reyna Anyel. Bagama't makapangyarihang ituturing ang kanilang lahi, hindi parin nagkaroon ng pagkakataong ipatuloy ito sapagkat hindi maaring magluwal ng sanggol ang reyna dahil sa karamdamang iniinda.

VINETUS

Vinetus, ang kaharian na pinamumunuan ng mga bampira at lobo. Isa ito sa may pinaka marahas na pamamalakad ng kaharian. Dito rin makikita ang lagusan mula sa mundo ng mga tao o mas kilala sa tawag na 'alterum mundum' o 'other world'.

Lubos ang pagkahumaling ng mga Vinetu sa ginto kaya't sila ang pinakamayamang kaharian sa Paraiso, ngunit naiiba rin sa lahat ng kaharian sapagkat walang kahit anong halamang pagkain ang nabubuhay dito kaya't madalas silang nakikipagkalakalan sa kaharian ng Niteo.

SEPHTIS

Ang kaharian ng kadagat dagatang apoy. Dito pinapatapon ang mga nagkakasala sa Paraiso. Ang mga namamalakad dito ay gladyador o mga nilalang na magagaling gumamit ng espada, at mga mamamana. 

Sila ay mas malakas ng sampung beses kaysa sa isang normal na mamamayan ng Paraiso. Ang kahariang ito ang may pinakamarahas na paraan ng pamamalakad. Mahigpit na ipinapatupad dito ang mga batas na siyang sinusunod mga Sephos sapagkat buhay ang kapalit ng kanilang paglabag.

Naging payapa ng matagal na panahon ang Paraiso dahil sa maayos na pamamalakad ng Hari ng Niteo na si Haring Tadeo. Nagkasundo ang lahat at agad na nasosolusyunan ang maliliit na alitan sa pagitan ng mga kaharian sa pamamagitan ng Hari.

Kinilala siyang pinakamabuti at makatarungang Hari sa kasaysayan ng Paraiso.

Tinitingala siya ng lahat, hanggang sa maramdaman ng Hari na nanghihina na ang kanyang kalusugan. Mabilis na kumalat ang balita sa buong Paraiso. May ilang nag alala, may ilang nalungkot at may ilang nasiyahan sa balitang kumakalat sa mga kaharian.

Sa kagustuhan ng haring masiguro ang kinabukasan ng buong mundo bago siya tuluyang mamaalam, itinatag niya ang Fleur Academy, isang paaralang hahasa sa kakayahan, kapangyarihan, at pag uugali ng mga kabataan.

Sa edad na sampu ay iniimbitahan na ng Academya ang mga kabataang pumasok dito, nagmula ka man sa kahit saang kaharian, maging Izales, Niteos, Vinetu o Sephos ka man. Walang pinipiling katayuan ang akademya, mahirap man o mayaman basta't maipasa mo lamang ang pagsusulit na isinasagawa bago makapasok dito.

Ang paaralan ay simbolo ng pagkakaisa kaya't bilang pagpapatibay dito, binasbasan ng apat na kaharian ang Academya.

Lumipas pa ang mga taon at lalong lumala ang kondisyon ng Hari. Hindi na lingid sa kaalaman ng Hari na maraming nangmamata sa kanyang trono. Wala itong naging anak kaya't lubos ang pag uusig ng marami na ipasa na niya ang kapangyarihan sa karapat dapat bago pa mahuli ang lahat. Alam ng hari na ito ang wastong gawin sapagkat wari niyang magkakagulo sa buong Paraiso kung hindi niya maipapasa ang korona bago siya mamatay.

Kaya't nagsagawa sila ng isang pagsusulit kung saan masusuri ang karapat dapat sa trono. Ang bawat kaharian ay may iprinisintang binata maliban sa kaharian ng Izles. Sa loob ng tatlong araw ay nagtagisan ng galing, kapangyarihan, at talino ang tatlong binata mula sa bawat kaharian.

Lumipas na ang tatlong araw ng pagsusulit at panahon na ng pag dedesisyon ng Hari ngunit walang napili ang Hari sa mga ito.

Umugong ang usap usapan sa buong Paraiso. Nagalit ang marami. Naisip nilang nagiging makasarili ang Hari dahil ayaw na nitong bitawan ang trono. 

Nagsimulang magtanim ng galit ang ibang mamamayan. Mayroong agam-agam na nabuo sa kanilang isipan. Ilang nilalang din ang nagkwestyon sa kakayahan ng Hari. Tila sa isang iglap ay nawala ang respeto ng karamihan sa Haring tinitingala nila noon. Dahil dito, nagsimulang magplano ng pagaaklas ang mga mamamayan sa pamumuno ng kaharian ng Sephtis at Vinetus upang mapatalsik sa pwesto ang kasalukuyang nasa kapangyarihan.

Sumapit na ang Duyog, ang araw na isasagawa ng mga mang aaklas ang plano. Walang kaalam alam ang mga mamayan ng Niteo sa biglaang paglusob ng higit kumulang limang libong mamamayan ng Paraiso.

Alam na ng Hari na darating ang panahong ito, kaya't nakahanda siyang lumaban anumang oras. Hindi niya nais ibigay ang kanyang trono sa taong hindi karapat dapat para dito. Papanindigan niya ang kanyang desisyon.

Sa gitna ng umaapoy na kapaligiran, nagliliparang mga palaso, malalakas na pagsabog, mga hiyaw ng tulong, naghahalong danak ng dugo mula sa mga kahariang akala niya'y kaibigan na ngayo'y pinagtataksilan ang buong Paraiso, nanatili siyang matigas sa kanyang desisyon.

Taas noong hinarap ng Hari ang mga lapastangan. Hindi siya tumigil, walang awa niyang pinugutan ng ulo ang limang daang taksil. Hanggang sa isang mabilis na palaso mula sa likuran ang tumama sa kanyang puso.

Nanatili siyang nakatayo. Nilingon ang may hawak ng pana. Isang lalaking nakasuot ng itim na salakot at kapa, may nanlilisik na berdeng mga mata. Hindi pa ito nasiyahan at sa ikalawang pagkakataon ay pinana ang Haring naghihingalo na sa kanyang buhay.

Nang makita ng lalaki na malapit nang bawian ng hininga ang Hari ay dali dali itong nawala na parang bula.

Nakita ng Reyna ang nangyari, kahit na pinagbawalan ay sapilitan siyang lumabas ng kastilyo at napatalsik ang mahigit isang daang sundalo ng kaharian na naatasang protektahan ang Reyna.

"Kamahalan!"

"B-bumalik ka sa loob mahal na Reyna!"

Mariing umiling at hindi nakinig ang Reyna, patuloy parin ang paghakbang nito papunta sa Haring lubos niyang hinahangaan at minamahal.

"I-inuutusan kitang bu-" hindi na natuloy ng hari ang kanyang sasabihin dahil sunod sunod na ang kanyang pag ubo ng dugo.

"Kamahalan!" Niyakap ng Reyna ang papabagsak nang katawan ng Hari. Dinala ng Reyna sa kandungan ang naghihingalong minamahal.

"T-tadeo, pakiusap, wag mo akong iiwan ng ganito. Nakikiusap ako Kamahalan." sunod sunod na patak ng luha ang nagmula sa Reyna.

Nanghihina man ay pilit na inabot ng Hari ang pisngi ng kanyang Reyna at pinunasan ang mga luha nito.

"A-anyel, t-tandaan mong lubos ang p-pagmamahal ko sa iyo a-king Reyn---"

Hindi na natuloy ng Hari ang sasabihin dahil sa ilalim ng pasikat na araw ay tuluyan nang namaalam ang pinakatatangi ng mahal na Reyna. Ang lalaking tinitingala at ginagalang ng marami ay wala nang buhay sa kandungan niya.

"Tadeo!" Isang malakas na sigaw na punong puno ng pighati ang kumuha sa atensiyon ng lahat ng nagpapatayang nilalang.

Doon nakita nilang tuluyan nang yumuko sa kamatayan ang Hari ng Niteo. Nawalan ng loob mga kawal ng kaharian, tila bumagsak na ang kaisa isang pag asang mayroon sila. May ilang nagsaya ngunit agad din ito napawi ng makita nilang ang tahimik at mahinhing Reyna ng Niteo ay lumuluha na ng dugo!

Umaapoy sa bagsik ang tingin nito. Galit na galit at kahit anumang oras ay maaring umatake. Tila isang mabangis na tigreng handa nang lamunin ang lahat ng nasa paligid niya.

Napaatras ang lahat nang tumayo ang Reyna. Kakila-kilabot ang bawat galaw nito. Ramdam iyon ng lahat. Tila nasa dulo sila ng bangin at anumang oras ay mahuhulog sa kamatayan.

"Magbabayad kayong lahat!" kasabay ng sigaw ng Reyna ay paglitaw ng malaking malaking alon na natatakpan na ang buong kaharian.

Nabitawan ng mga nilalang ang kanilang armas at mabilis na tumakbo kahit alam nilang wala nang pag asa pa.

Isang nakakakilabot na ngisi ang sumilip sa mukha ng Reyna. Kumilos ito at sinunog ng buhay ang mga taong tumatakas sa kanyang galit. Pinagpatuloy niya ang pagpapaulan ng bolang apoy habang bumabagsak ang mga matutulis na panang gawa sa tubig mula sa kalangitan.

Doon nalaman ng mga nilalang ang tunay na dahilan ng pamamayagpag ng kaharian ng Niteo sa loob ng mahabang panahon. Hindi dahil sa Hari na mayroon ito, kundi dahil sa Reynang nakaupo sa tabi nito.

Pinakawalan na ng Reyna ang daluyong kaya't tuluyan nang nilamon ng tubig ang buong lugar.

Lumutang na sa ere ang reyna habang lumiliwanag ang dalawang mata.

"Isinusumpa kong makakaramdam ng walang katapusang kamatayan ang lahat ng nagtaksil sa aking Hari! Isinusumpa kong ang mga kahariang kumuha sa buhay ng aking Kamahalan! Walang sinuman ang muling makakatapak sa kahariang ito!"

Lumiwanag ang buong katawan ng Reyna bago bigkasin ang mga katagang

"Halimuyak ng puraw na sampaguita, 

Dagtum na pilit kinubli niya,

Busilak na puso ang tudla, 

Tinik ng tangkay ang tula,

Talulot ang siyang ugat, 

Bubuksan muli ang sugat,

Pumanaw na sanlibutan, 

Sumumpang wala nang muling babalikan. . ."

Matapos itong bigkasin ng Reyna ay ang biglang dumagundong ng malakas ang lupa. Natuyo ito at s******p nito ang lahat ng tubig. Doon nagsilitawan ang hindi mabilang na bangkay sa harapan ng Reyna.

Mula sa malayo ay kitang kita ang paglamon ng lupa sa kaharian ng Izles habang ang tatlong kaharian ay nananatiling nakatayo.

Isang totoong ngiti ang sumilay sa labi ng Reyna bago niya inabot ang lumulutang na gintong punyal sa kanyang harapan at walang pag aalinlangang sinaksak ito sa kanyang puso.

"Dinggin ang aking nais"

Ang huling katagang binigkas ng Reyna bago tuluyang lamunin ng puting liwanag ang buong Paraiso.

aeliag © 2022

All rights reserved.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status