Nabitin sa ere ang ang iniisip ko nang may kumatok sa pintuan
"Nak, dito na sila Papa mo, kararating lang nila," boses ni Tiya Jessa mula sa labas.
Maingat kong ibinaba ang photo album at huminga nang malalim bago lumabas ng kwarto, tuluyang isinasantabi ang mga gumugulo sa isip ko kanina.
"Pa! Kuya!" masayang tawag ko pagkasalubong kina Papa at kuya Miguel. Agad akong nagmano at yumakap sa kanilang dalawa.
“May pasalubong nga pala ako sa’yo, Gai-gai,” sabi ni Kuya Miguel, may ngiti sa kaniyang labi habang inaabot ang bag niyang nakapatong sa upuan.
Bahagya siyang yumuko, kinapa ang loob ng bag, saka may hinugot na maliit na kahon. Doon ko lang napansing parang mas maliwanag ang itsura niya ngayon o baka ako naninibago lang ako dahil bihira ko siyang makitang nitong mga nakaaraang buwan.
“Nag-abala ka pa, Kuya,” sabi ko, napangiti pero may kaunting hiya sa boses.
Wala man lang akong naihanda para sa kanila.
May ngiti sa aking labi habang marahan ko iyong binubuksan. Isang napakagandang kwintas ang bumungad sa akin, may pendant na hugis buwan na tila kumikislap sa ilalim ng ilaw.
Napahinto ako sandali. Mahilig ako sa buwan.
Kumpara sa ibinigay ni Senyora Leticia, siguradong walang-wala ang presyo nito. Pero alam kong mas iingatan ko ito, hindi dahil sa halaga, kundi dahil sa kung sino ang nagbigay at sa damdaming kalakip nito.
“Thank you, Kuya Miguel,” sabi ko, hindi maitago ang tuwa sa boses ko. “Nagustuhan ko.”
Ngumiti siya at inabot ang ulo ko, marahang ginulo ang aking buhok nang puno ng lambing na sandaling nagpaalala sa akin kung ano ang pakiramdam ng tunay na pagmamahal.
"Basta para sa bunso namin."
Bukod sa kwintas para sa akin, bumili rin si kuya ng bagong gintong pulseras para kay Tiya Jessa, at mga skincare set. Nagdala rin siya ng tsaa at alak para kay Papa na binili niya pa sa Singapore.
Mainit at payapa ang naging atmospera sa loob ng bahay, isang pakiramdam na bihira kong maranasan nitong mga nakaraang buwan. Tahimik nitong pinapaginhawa ang dibdib ko. Iba talaga kapag ang mga taong tunay na nagmamahal sa’yo ang nakapaligid sa’yo, walang tanong, walang kondisyon.
“Kailan nga pala ang due date mo?” biglang tanong ni Kuya Miguel.
“Next-next month pa, Kuya,” sagot ko, kasabay ng marahang paghaplos ko sa tiyan ko.
“Siguradong babae ’yan,” nakangiting sabi ni Tiya Jessa.
Napangiti ako at tumango. “Babae nga po.”
“Totoo?” singit ni Papa, bahagyang umayos ang upo. “Nagpa-check ka na ba?”
“Opo,” maikli kong sagot.
Nagkatinginan sina Papa at Tiya Jessa. Hindi lingid sa kaalaman nila kung gaano kagustong-gusto nina Senyor at Senyora ang magka-apo ng babae, kaya alam kong, tulad ko, may halong saya at pag-aalala rin ang nararamdaman nila ngayon sa balitang dala ko.
“Anong sabi ng mga in-laws mo?” tanong ni Papa, mas mahinahon na ang tinig.
"Tuwang-tuwa po sina Senyora," pagsasabi ko ng totoo.
Napabuntong-hininga si Papa. “Mabuti naman,” sabi niya bago saglit na natahimik. “Sana lang talaga ay unti-unti na ring umayos ang lahat sa inyo ng asawa mo.”
Nabaling ko bigla ang tingin sa ibaba. Parang may mabigat na dumagan sa dibdib ko, unti-unting sumisikip hanggang sa halos mahirapan akong huminga. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan, o kung paano ko ipapaliwanag sa kanila ang tungkol sa diborsyong balak ni Kaiden.
Hindi ko pwedeng itago ang bagay na ’yon sa sarili kong pamilya. Karapatan nilang malaman. Pero ayaw ko rin silang biglain, ayaw kong sirain ang payapang sandaling ito.
Kaya nagpilit na lamang ako ng ngiti, kahit ramdam kong nanginginig ang mga labi ko.
Mamaya na lang, pagkatapos na lang ng hapunan...
Kasalukuyang co-founder ng isang technology company si Kuya Miguel na tinayo niya kasama ang isang kaibigan. Dalawang taon na rin ang nakalipas, noong nagsisimula pa lamang ang kumpanya, walang pag-aalinlangang nagbigay si Papa ng puhunan upang masuportahan ito. Sa ngayon, mabilis na umuunlad ang kanilang negosyo, lalo na sa larangan ng AI technology. Naging maayos at tagumpay ang isang buwang business trip niya kaya naghanda si Tiya Jessa ng samu’t saring putahe para sa hapunan bilang pagdiriwang sa tagumpay ni Kuya Miguel, at bilang munting selebrasyon na rin para sa baby ko.
Natapos na rin ni Papa ang pag-aasikaso sa pagbebenta ng kumpanya niya. Dahil bagama’t pansamantalang nakahinga ang negosyo dahil sa pera mula sa pamilyang Montelvar, hindi pa rin naging maganda ang takbo ng ekonomiya. Mahirap ang pagbabago at halos hindi na rin kayaning ipagpatuloy ang operasyon ng kumpanya.
Tumatanda na si Papa, at ramdam na rin niya na hindi na tulad ng dati ang lakas at sigla niya. Mas nakikita niya ang potensyal ng kumpanya ni Kuya Miguel at dahil papasok na ito sa financing stage sa pagtatapos ng taon, napagdesisyunan niyang ibenta ang kumpanya at ilagak ang lahat ng pera bilang puhunan.
Habang sabay-sabay kaming kumakain, biglang inanunsyo ni Papa ang isa pang magandang balita, naghahanda na raw sila ni Tiya Jessa upang iparehistro ang kanilang kasal.
Agad kong napansin ang pamumula ng pisngi ni Tiya Jessa. Matapos ang maraming taon ng pagsasama, sa wakas ay matutuloy na rin ang matagal nilang hinihintay.
Wala naman akong tutol. Alam kong matagal ding nag-alinlangan si Papa, baka dahil hindi pa niya tuluyang nalilimutan si Mama, o baka iniisip niya kung ano ang mararamdaman ko. Pero kitang-kita ko kung gaano nila kamahal ang isa’t isa, at doon pa lang, buo na ang suporta ko para sa kanila.
Muling napag-usapan ang kahalagahan ng kasal, ang pangako, ang paninindigan, ang pamilya. Unti-unting napunta ang usapan sa amin ni Kaiden.
Sumikip ang dibdib ko.
Ayokong sirain ang gabi. Ayokong bahiran ng lungkot ang sandaling puno ng saya. Pero hindi ko na rin kayang itago pa ang katotohanan.
Huminga ako nang malalim bago nagsalita, pilit pinatatatag ang boses.
“Plano na po akong i-divorce ni Kaiden…”
Parang huminto ang mundo sa paligid ko.
Biglang nanahimik ang hapagkainan. Ang mga mukha ng lahat, lalo na ni Papa ay nagbago, naging seryoso, tensyonado at halos hindi makapaniwala. Si Tiya, napaawang ang labi habang nag-igting ang panga ni Kuya.
Ramdam ko ang bigat sa hangin, ang bigat ng katahimikan, ng mga matang sabay-sabay na nakatuon sa akin. Alam kong inaasahan na rin nila ang posibilidad na ito. Pero kahit ganoon, malinaw na nabigla rin sila, katulad ko, sa sobrang bilis ng lahat.
Kahit naman kasi naging magkapamilya kami sa batas ng pamilya ni Kaiden, hindi nagkaroon ng engrandeng kasal, nakatala lang sa civil registry ang relasyon namin ni Kaiden. Sa nakalipas na anim na buwan, halos walang naging komunikasyon ang mga pamilya namin. Hindi rin kailanman nagtungo si Kaiden sa bahay namin. At tanging ang pamilya lang namin ang naghahandong ng regalo sa pamilya nila kapag may okasyon.
Ako mismo ang naghahatid ng mga iyon, at magalang itong tinanggap ni Senyora pero natuklasan kong ibinibigay lang nila ang mga regalong galing sa amin sa mga kasambahay.
At ang mama naman ni Kaiden, sa mismong harap ko pa mismo, pinapahilera ang mga kasambahay para itapon ang mga iyon sa basurahan, at sinabihan akong huwag nang hayaang padalhan siya ng mga ‘disreputable’ na bagay mula sa aking pamilya.
Pinagbawalan rin ako ni Kaiden na gawin pa 'yon dahil wala raw saysay.
Hindi ko iyon sinabi sa pamilya ko pero alam kong ramdam nila na hindi maayos ang pagsasama namin ni Kaiden.
Nakagat ko ang labi bago nagpatuloy, “Pero… hihintayin po muna ang kapanganakan ng baby. Napangako ko na rin kasi kay Professor Laurence na pupunta ako sa Primo University para sa PhD ko.”
Wala pa ring kumibo.
"That's good." Si Kuya ang unang nagsalita at pinutol ang mabigat na katahimikan. “Support ako, Gai-gai. Ipagpatuloy mo ang studies mo. Napakahusay mo, hindi ka dapat nakatali lang sa isang kasal. Anuman ang desisyon mo, susuportahan kita.”
Ngumiti ako at tumango, “Salamat, Kuya.”
Buntong-hininga si Papa, puno ng kawalang magawa at guilt. “Patawarin mo ako, nak. Kasalanan ko ang lahat ng ito. Ang mga ordinaryong tao tulad natin, talagang hindi kayang makipagsabayan sa isang malaking pamilya gaya ng mga Montelvar.”
Hinawakan ni Tiya Jessa ang kamay ni Papa, mahigpit ngunit puno ng lambing.
“Pa, hindi mo naman kasalanan. Talagang hindi lang talaga siguro kami ang para sa isa’t isa,” sabi ko, bahagyang nanginginig ang boses.
“Tama si, Gaile,” sabi ni Tiya Jessa, may ngiti at malambing na tingin sa akin, parang sinasabi rin na kahit gaano man kahirap, nandito sila para sa akin.
"Kung ano man ang desisyon mo, Nak. Nandito lang kami. Kung gustong makipag-divorce, ibigay mo, hindi naman ikaw ang nawalan. Siya. At hindi ka rin mawawalan dahil nandito kami."
Nanubig ang mga mata ko bigla. Bigla kong napagtanto na ang sakit na tiniis ko nitong mga nakaraang araw ay maliit lamang kumpara sa init at tibay ng pagmamahal sa paligid ko. Nasa tabi ko ang pamilya ko, ang pinaka-matibay na sandigan ko, kaya kahit anong hadlang, ramdam ko na kayang lampasan.
Bago pa man ako makapagpunas ng luha, agad ng nag-abot ng tissue si Tiya Jessa at siya na mismo ang nagpunas habang hinihila ako sa isang mahigpit na yakap. Tumayo rin sina Papa at Kuya Miguel upang makiyakap sa aming dalawa. Bahagya ko pang nakita ang pamumula ng mata ni Papa, pilit na kinokontrol ang nagbabadyang luha.
I smiled. Napaka-swerte ko sa pamilya ko.
Pinili naming palitan ang usapan at ibaling na lang sa plano nilang seremonya ng kasal. Nagpatuloy ang aming hapunan nang masaya, puno ng tawanan, kwentuhan, at magaan na samahan.
Third Person POV
Sa gitna ng isang lumang village na higit dalawampung taon nang nakatayo, mararamdaman mo ang karangyaan at kasaysayan, ngunit halata ring napag-iwanan na ng panahon. Ang mga gusali ay lumang-luma na at kailangan ng ayusin ang mga imprasktraktura.
Dahan-dahang huminto ang isang Bentley sa harap ng gate ng isang villa, ang bahay na ibinenta na ng pamilyang Enriquez.
Unti-unting bumaba ang bintana ng kotse, at lumitaw ang mukha ng isang lalaki, napakagwapo, matipuno, ngunit may bahid ng kalungkutan sa mga mata. Tiningnan niya ang villa na maliwanag ang ilaw sa loob. Ang dilaw ng streetlight ay naglaro sa kanyang mga mata, nagpapakita ng hindi maitatangging lalim at kalungkutan sa kalooban niya.
Biglang nag-vibrate ang kanyang cellphone. Kinuha niya ito at agad sinagot nang makita ang tumatawag.
“What's wrong, Gelly?” tanong niya, malalim at mahinahon.
Mula sa kabilang linya, narinig niya ang pagmamaktol ni Gelly.
“Kuya, what time ka ba uuwi? I’m starving! And si Kai, he won’t let me touch the steak until you’re back and I eat my leafy foods first!”
Ngumiti si Steven, bahagyang napalingon sa bintana, ngunit hindi nawala ang lungkot sa kanyang mga mata.
“Sino ba ang nagsabing magpa-late ako para magka-quality time kayo?” nagpakawala siya ng mahinang tawa, pero ramdam ang bigat sa likod ng ngiti.
“Mauna na kayo kung gutom na kayo. Papunta na ako,” sagot niya bago tapusin ang tawag.
Muling sumulyap si Steven sa labas ng bintana bago unti-unting isinara niya ang bintana at hinawakan ang manibela nang mas mahigpit. Tahimik niyang pinaandar paalis ng villa ang Bentley...