Share

Chapter 1

Mabilis ang pagtipa ko sa mga teklado ng laptop. Umagos ang mga salita mula sa utak ko papunta sa mga daliring nagmamadaling mapindot na ang sent button. Ilang oras na rin kaming nag-uusap pero hindi ko pa rin nakukuha ang perfect timing para ipasok ang usapang gusto ko. Binasa ko ang reply niya. Nagtatanong kung ano ang gagawin ko ngayong araw.

Just doing classes today babe. How bout u?

Am driving to work. How are you today, babe?

Kinda sad, babe. You know problems in life. Pls u take care while drivin.

Problems again? Tell me bout it

Oh i don't want you feeling bad about it.

I'll feel bad if u don't tell me.

My mom is in hospital right now

Oh.. How is she?

She's in bad state right now. I know ur atheist but pls can i ask for prayers from u?

Matagal muna bago niya ako sinagot.

I have transferred money to your p****l account babe. I hope it'll help u.

Babe! U don't have to! I'm not that kind of girl!

Nag-notify sa p****l account ko ang pinadala nitong pera.

Napahagikhik ako. Huli ka balbon! Papakinabangan muna kita no!

I don't think that bout u. P. S. I want your pictures later

But i just send u a couple last night

I'd double the money if ull send me more

Harry, do u think I'm a whore?

You're my whore

What are u saying? Thought u respect me? I thought ull marry me but now u disrespect me?

What are u talking about? Asking pictures from the woman u love is not a disrespect.

"Loko to ah! Buti kung ang mga hinihingi mo sa aking mga pictures e yung naka-polo at pants ako. Puro kaya nudes ko hinihingi mo tapos buraot pa ang bigayan."

But ur asking for my fuckin nudes, Harry! I give them to u coz i feel something bout u but now u makin me feel like a slut

No, babe. I love u

I don't feel it. Sorry.

What is this? Is this some kind of a scam? You Filipinos are just bitches who want money!

Nag-init ang bumbunan ko sa nabasa.

"Aba! Ikaw kaya ang manloloko sa ating dalawa! Ginagantihan lang kita, boi uy!"

Putanginang hayop kang gago ka! Maliit ang alaga mo!

What the fuck are u saying? Speak in english!

Your dick is small! I'm gonna sell ur dick pictures in the internet and they will make memes about it! Now cry boi! Cry!

You fucking bitch!

Pinasahan ko siya ng picture ng middle finger.

This finger is bigger than your dick. Poor u.

Binlock niya ako.

Napabunghalit ako ng tawa. Kumuha ako ng mga screenshots ng aming usapan pagkatapos ay sinend sa kakilalang si Marie. Maluha-luha na ako sa kakatawa dahil sa ginawa.

"Akala mo, ha. Pinahirapan mo pa ako noong una. Bibigay ka rin pala."

Nag-ingay ang cellphone ko. Tumatawag si Marie.

"O?" sagot ko.

Narinig ko ang pagsinghot ng kabilang linya.

"Umiiyak ka na namang babae ka? Sabi na sa iyong manloloko ang fiancé mo 'di ba? Tapos di ka pa naniwala sa akin. Hello ghurl? Ikasampung babae na ako ni Harry ngayong buwan uy! Ano, gaga ka pa rin?"

"Kasi naman Xylca, mahal na mahal ko e. Alagang-alaga niya ako e. Ang sabi niya ako lang ang nag-iisang babae sa buhay niya."

"Gaga ka nga. LDR kayo, babae. Ang layo ng London sa Pilipinas, bakla! Naniwala ka namang ikaw lang? Na papakasalan ka? Ni wala ngang maipakitang ticket o anumang ebidensya na pupunta talaga siya dito sa Pilipinas."

"Oo na. Hihiwalayan ko na."

"Mabuti. So ano ngayon ang gagawin natin dito sa 500 dollars? Nagoyo ko pa ang gago na bigyan ako ng pera. Nasiyahan siguro sa mga edited nudes ko."

"Sa iyo na. Bayad ko na rin sa pang-iistorbo ko sa iyo. Hindi ko kailangan iyan."

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.

"Sigurado ka?! Ang laki kaya nito! Hati na lang tayo!"

"Hindi na. Sa iyo na iyan. Maaalala ko lang ang kataksilan ni Harry kapag tinanggap ko iyan." Bumuntung-hininga ito.

"Aba'y maraming salamat, Marie. Malaking tulong na rin ito sa pamilya ko. Noong isang linggo pa kasi pabalik-balik ang mga inutangan ni mama. Napipilitan kaming magtago rito sa loob ng bahay dahil halos oras-oras ay may nangangatok."

Suminghot lang uli ito at hindi na ako sinagot. Pinatay ko na ang tawag. Nagkapera na naman ako. Easy money.

Napangisi ako nang makitang may message ako sa W******p. Binuksan ko ito at kinikilig na kinagat ang labi habang binabasa ang mensahe.

"I know you're studying that's why I didn't call you. Break a leg on your exam, love. Love 'ya," malakas na basa ko.

Lumapad ang ngiti ko.

"Ano ba, Charles. Nakakakilig ka talaga kahit kailan."

Binasa ko ulit ang ipinadala niyang message sa akin.

"Tingnan mo tong kanong to. Pinapainlab mo ako lalo sa mga sweet messages mo e."

Rereplayan ko na sana siya nang biglang bumukas ang pinto ng maliit na kwarto ko at sumungaw ang mukha ng walong taong gulang kong kapatid.

"Ate?"

"O?" hindi lumilingong sagot ko habang busy ako sa kakatype sa cellphone.

"Ano daw ang ulam sabi ni ate."

Kunot ang noong binalingan ko siya. "Bakit? Di ba tapos na tayong mag-agahan?"

"Kasi 'te, kakarating lang ni Kuya Tisoy. Nagugutom daw s'ya." Tukoy nito sa ka-live in partner ng ate ko.

"Aber, anong pake ko kung gutom ang lalaking iyon? Bakit ako ang hinahanapan ng pang-ulam? Anak ko ba siya? Kapatid? Asawa? Ako na nga ang nagpapakain sa buong pamilya nila tapos pati ba naman siya makikisali na rin? Sabihin mo maghanap siya ng trabaho para may makain siya!"

Namutla ang kapatid ko sa sinabi ko.

"Te, naririnig ka nila," mahina nitong wika.

"O tapos? Ano naman ngayon? Bakit, tama naman ang sinasabi ko, a. Nagbabanat ako ng buto at dumidiskarte hindi para sa kaniya kundi para sa inyo. Dapat nga maghanap na sila ng malilipatan. Ilang taon na rin silang nakapisan dito, e."

Rinig ko ang pagkalampagan ng mga plato sa kusina kasunod ang mabibigat na hakbang. Itinulak pabukas ng ate ko ang pinto ko sabay duro sa akin.

"Ang yabang mo na Xylca, a. Hindi porket may pera ka na ay gaganyanin mo na kami. Konting respeto naman! Nagka-jowa ka lang ng kano, akala mo kung sino ka na kung umasta ka."

"Bakit kasi ako ang hinahanapan mo ng ulam para diyan sa batugang jowa mo? Kung hindi mo kasi kinukunsinti yan sa pagiging tamad e di sana hindi iyan gutom ngayon!" ganti ko.

Namumuro na kasi sila sa kahihingi sa akin. Ako na nga ang nagbabayad ng kuryente at tubig pati ang gastos sa grocery at bigas ay ako na nga ang umako tapos pati ba naman ulam ng kaniyang magaling na jowa ay ako pa ang papasan?

"Ang yabang na talaga niyang kapatid mo, Marize." Narinig kong sabi ng lalaki.

Nagpanting ang tenga ko sa sinabi niya.

"Mayabang na kung mayabang at least hindi ako linta. Hindi ka nga mayabang pero batugan naman at wala nang ginawa kung hindi humilata diyan. Ang kapal ng mukha!"

Aktong sasabunutan ako ni ate pero nakailag ako.

"Wag mo akong masaktan-saktan, ha. Baka nakakalimutan mo, may atraso ka pa sa akin. Kung ayaw mong singilin kita sa utang mo, ilayo mo iyang mga kamay mo!" bulyaw ko dito.

Tiningnan niya ako nang matalim bago padabog na lumabas. Takot naman palang masingil ng utang.

Nabaling ang tingin ko kay Missy na namumula na ang mata dahil sa pinipigilang luha. Niyakap ko ang kapatid.

"Tahan na. Wag mo na iyang pansinin si ate. Kulang lang iyan sa aruga. Puntahan mo na si Jun sa kusina. Tulungan mong maghugas ng plato," tukoy ko sa sampung taong gulang na lalaking kapatid.

Tumango naman si Missy at lumabas na sa kwarto. Bumalik naman ako sa pagkakaupo sa maliit na kama. Dinampot ko ang cellphone at itinuloy ang pagtipa ng response para kay Nick.

Thank you, love. I will surely pass it because I'm so inspired by you

Ini-off ko ang data at chinarge ang cellphone. Pagkatapos ay kinuha ko ang tatlong tuwalya sa ibabaw ng maliit kong aparador at ang tabo na kinalalagyan ng sabon at shampoo ko. Kumuha rin ako ng bihisan. Lumabas na ako ng silid pagkatapos masigurong nakakandado ito. Mahirap na. Ilang beses na kasi ako nilang pinagnakawan ng pera. Hindi ko sila kinokompronta pero naging mas maingat na ako ngayon.

"O? Saan sila?" tanong ko kay Jun na naghuhugas ng mga plato sa lababo. Hindi ko na kasi nakita sina ate. Katabi nito si Missy na pinupunasan ang mga natapos nang hugasan na baso.

Nilingon ako ni Jun.

"Umalis ate. Kakain na lang daw sila sa Mcdo."

Napaismid ako.

"Tingnan mo. May pera naman pala tapos namemerwisyo pa rito. Sana man lang ay bumili sila ng bigas o ulam para sa lahat. Hindi iyong sila lang ang magpapakabusog tapos balik uli sa pagiging palamunin dito."

Nagmartsa na ako papasok sa banyo. Tinakpan ko ng dalang dalawang tuwalya ang mga butas sa plywood na dingding ng banyo. Busog na naman ang mga mambubuso kung nagkataong hindi ko napansin ang mga butas noong nakaraang linggo. Nang masigurong natatakpan na ang lahat ay naghubad na ako at nagsimulang maligo.

Maya-maya pa ay lumabas na ako sa banyo. Dumiretso ako sa ref at binuksan ito. Hindi na ako nabigla nang makitang wala nang laman ang ref. Kakabili ko lang noong isang araw ng supply para sa isang buong linggo pero naubos kaagad. Huminga ako ng malalim dahil sa inis na umusbong sa akin.

"Jun?"

"'Te?"

"Saan na ang mga karne natin dito?"

"Nakita ko si Ate Elise na kinuha ang isang supot sa freezer kahapon. Wala raw kasi silang ulam."

Napapikit ako sa sobrang inis. Bakit ko pa kasi naisip na mag-iisip ang babaeng iyon na tirhan kami ng kahit kaunting ulam? Ang akala kasi niya may pera ako araw-araw. Nagbuga ako ng hangin. Bumalik ako sa kwarto at kinuha ang pitaka.

"Missy, bumili ka ng tatlong itlog at dalawang corned beef sa tindahan."

Binigyan ko ng isandaan ang bata.

"Opo, ate."

Tumalima naman ito.

Kumuha ako ng bawang at sibuyas at hiniwa ang mga ito. Pagbalik ni Missy ay agad kong hinalo ang itlog at corned beef. Isinalang ko ang kawali sa stove, ginisa ang bawang at sibuyas tapos idinagdag ang mixture. Nang maluto ay magkasalo naming nilantakan ang pagkain.

"Jun, aalis ako, ha. Kayong dalawa lang dito sa bahay ni Missy. Bantayan mo ang kapatid mo, ha."

"Missy, uminom ka ng vitamins mo. Ikaw rin Jun." Naglabas ako ng sinkwenta pesos at ibinigay ito kay Jun.

"Pang-meryenda niyo mamaya. Kapag humingi si ate ng pera sa iyo, wag mong ibibigay yan ha. Sa inyo iyan."

"Opo, ate."

"Sige."

Pumasok ako sa kwarto at nag-ayos ng sarili. Inulit ko uli ang mga habilin ko sa kanila bago tuluyang lumabas ng bahay.

Maingat na lumakad ako sa tagpi-tagping kawayan na nagsisilbing tulay ng mga taga looban palabas. Sa ilalim ng makeshift na tulay ay ang hanggang tuhod na tubig dagat na puno ng basura. Minsan umaabot ito sa sahig ng aming bahay kapag may bagyo o kaya ay high tide.

Dikit-dikit ang mga bahay dito sa coastal area. Isang sigaw mo lang, dinig na agad hanggang sa ikasampung bahay. Palibhasa nasa squatter's area kaya ganoon. Dito mo mapapatunayan ng literal ang kasabihang 'may pakpak ang balita, may tenga ang lupa'. Ang daling kumalat ng tsismis. Parang apoy ang bilis nitong tupukin ang lahat.

Matagal na kaming pinapaalis ng tunay na may-ari pero sa tuwina ay nagmamatigas ang karamihan sa amin. Ang layo kasi ng relocation sites na lilipatan namin kapag tuluyan na kaming napalayas.

Sumungaw na naman ang mga nag-uusyusong tingin ng mga dakilang tsismosa kong kapitbahay na wala na yatang ginawa buong maghapon kundi pag-usapan ang mga kapwa nila. Malas ko lang at isa ako sa mga napili nilang tampulan ng tsimis.

Hindi na ako apektado sa kanila. Immune na ako. Grabe na ang resistensya ko sa katawan para mapasukan pa ng virus galing sa kanila.

Balewalang sinadya kong dumaan sa mga nagkukumpulang mga ginang. Bigla silang natahimik nang makita ako.

Hay naku, mga tao nga naman. Mga plastik. Hindi kayang sabihin ang mga bagay ng harapan. Kailangan pang saksakin ka nila sa likuran.

Pumara ako ng jeep pagkarating sa kalsada. Isa sa mga kakaunting bagay na gusto ko rito sa lugar namin ay ang pagiging malapit nito sa kalsada, sasakyan, at palengke. Literal na ilang hakbang mo lang ay kalsada na at palengke naman sa gilid.

Huminto ako sa isang bangko. Ipapasok ko sa savings ang kalahati ng nabudol ko na pera mula sa afam ni Marie. Ang kalahati ng natirang kalahati ay idadagdag ko sa tuition ko. Ang maiiwang pera ay pang-allowance ko at ng mga kapatid ko. Kukunan ko na rin siguro ng pambayad sa mga utang ni mama.

Pagkatapos ko sa transaction sa bangko, dumaan pa ako sa supermarket para bumili ng groceries. Konti lang ang mga binili ko. Kung bultuhan kasi gaya nang ginawa ko noong isang araw, baka i-hoard na naman ng mga kapatid ko. Hobby pa naman nilang mag-grocery sa ref namin.

Tumigil ako sa nadaanang karinderya at umorder ng halo-halo. Sinipat ko ang oras sa relo. 12:30 na. May 2:30 class pa ako. Inubos ko ang kinakain at umalis na.

Pagkauwi ko ng bahay ay nadatnan kong nanonood ng TV ang mga kapatid ko. Inilagay ko ang supplies sa ref bago pumasok sa kwarto at kinuha ang backpack.

"Punta na ako sa school, Jun, Missy. Pakabait kayo rito, ha."

"Opo, ate," sabay nilang tugon.

Nginitian ko sila bago tuluyan nang lumabas. Inspirado akong pumasok araw-araw dahil sa kanila. Kung gugustuhin ko, mas gusto kong maglayas na lang dito sa bahay. Pero ang isiping maiiwan ko sila sa pangangalaga ng mga tao rito ang pumipigil sa akin.

Isang taon na lang. Isang taon na lang ang pagtitiis ko rito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status