Share

EMBRACE

Malayo na kami ay tanaw pa rin ang tuktok ng mansyon ng mga Cayman. Nagbubunyi ngayon ang kalolooban ko dahil lulan kami ngayon ng rolls royce ni Alaric pauwi sa bahay namin. Ilang beses ko pa siyang sinabihan na huwag ito ang gamiting kotse pero wala ring nangyari. 

Kaninang pagkagising ko pa rin kasi kinukulit si Alaric kung pwede niya akong ihatid sa bahay namin. Mukha namang nakuha ang lalaking ito sa pagmamakaawa ko kaya heto kami at nagbibiyahe. Iyon nga lang ay mananatili rin siya sa bahay bilang kapalit ng pagpayag niya. Gusto ko pa sanang umalma ngunit isinantabi ko nalamang iyon dahil nasasabik na rin akong makauwi.

Hindi ko na ipinaalam sa bahay na uuwi ako dahil gusto kong surpresahin si mama at Kirius. Halos isang buwan pa lamang mula ng manirahan ako sa poder ng mga Cayman ngunit pakiramdam ko ay kay tagal na noon. Nagtataka man sa mabilis na pagpayag ni Alaric na iuwi ako ay hindi ko na muna inintindi. Nasasabik na rin kasi akong makita ang mama at ang kapatid. Hindi ko naman sila magawang kontakin dahil naging abala rin ako nitong mga huling araw.

Saan ka naging abala, Yueno?

Nakagat ko ang labi sa naisip. Naging abala rin naman ako sa pangongolekta ng impormasyong makakatulong sa akin sa pagputol sa sumpa ng Dovana. Iyon nga lang ay kasama na rin doon ang issue ko kay Kieran. Hindi ko rin kasi maintindihan na kahit na abala ako ay hindi ko makalimutan ang nangyari ng gabing nagpakilala siya sa akin. Mukhang nakatatak na iyon sa utak ko.

Ilang linggo na ang nakakaraan mula ng mangyari ang tagpong iyon pero hanggang ngayon ay hindi ko pa din makalimutan. Malinaw na malinaw pa rin sa ala-ala ko kung gaano siya kaganda ng gabing iyon. At hanggang ngayon, ang hamak kong puso ay ayaw pa ring tumigil sa pagkalabog sa tuwing naaalala ko iyon. Hindi ko nga malaman kung paano ko nakakausap at natitignan sa mata si Kieran ng hindi naiilang. Mabuti na rin na hindi natuloy ang dapat na pag-uusap namin matapos ang pangyayaring iyon. Kung dadating man kasi siya ay laging saglit lang. Kung tutuusin ay wala pa yatang kinse minutos ay umaalis na agad siya. Hindi ko napigilang mapabuntong-hininga. 

“What are you thinking?” 

Nasalubong ko nagtatanong nitong mga mata. “Wala naman,” kaswal kong sagot. Laking pasasalamat ko at hindi niya nababasa ang isip ko. “Ano nga pala ang meron at nasa bahay ang buong pamilya mo?” pag-uusisa ko. 

Isa iyon sa dahilan ng pag-aaya kong umuwi. Bukod sa ayokong makasalamuha ang kahit isa sa kanila ay natatakot akong mabasa ni Mathilde ang isip ko lalo na ngayong hindi ito mapakali. Nasisiguro kong malalaman agad nila ang tungkol kay Kieran kung hindi ako magdodoble ingat. 

Bigla kong naalala ang pagkukumpulan ng ilan sa kanila sa may sala kanina ng makababa ako galing sa kwarto. Halos magkakadikit na ang mga mukha nila habang nag-uusap ngunit nang makita ako ay bigla silang tumigil at umalis. Iba tuloy ang kutob ko roon. Naku-curious tuloy ako kung ano ang pinag-uusapan nila at kailangan nilang manahimik ng dumaan ako.

“It’s the end of the month,” sagot nito saka ibinalik sa daan ang tingin. 

Napakunot-noo ako at naguluhan. “Anong meron sa end of the month?”

Minani-obra muna nito ang steering wheel bago sumagot. “It’s feeding day,” balewalang sagot nito saka tumingin ulit sa akin. 

Awtomakitong nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Kung ganoon ay kaya pala pumayag ito agad ay dahil doon. “Anong ibig mong sabihin?” naguguluhan pa ring tanong ko.

“Gatherings occurred at the end of the month,” paliwanag nito. “Lahat ng bampira sa bansang ito ay nagpupulong sa araw na iyon. Pinagdiriwang ang natatanging araw kung saan maaari silang uminom ng dugo kahit gaano pa karami ang gustuhin nila.”

Nahindik ako ng ma-imagine ko kung gaano karaming bampira ang naroon habang walang sawang lumalaklak ng dugo. “Dugo ng tao?”

“No. Ng hayop,” sagot nito saka dahan-dahang iniliko ang sasakyan. 

Napahalukipkip ako saka ibinaling ang tingin sa labas. “Pwede naman pala ang ganoon, bakit kailangan pang pumatay ng mga inosenteng tao at sipsipin ang mga dugo nila?”

 “Magkaiba kasi iyon, Yue. And it’s not that easy,” bulong nito kahit nakarating iyon sa pandinig ko. Nang malingunan ko siya ay seryoso na ang mukha niya habang tutok pa rin sa daan. “Imagine yourself hungry and you get to eat only a pinch of the burger. And you are prohibited from taking a huge bite to fully savour the taste. You’ll feel frustrated. Although you can have something for your mouth but your stomach is still empty.”

“So, are you hungry now?” bigla kong naisip. 

Ngumisi naman ito saka tumingin sa akin. “What if I am?” 

Nakakaloko ang ngiting iginawad sa akin nito. Kung hindi nga lang si Kieran ang nasa isip ko ay marahil si Alaric iyon. Siya pa rin ang unang nagpakilig sa akin. 

“You don’t look one,” sagot ko saka ibinalik ang ngisi sa kanya.

Muli na naman itong ngumiti na siyang lalong nakagwapo rito. "No worries. I'm already full. Required iyon dahil ako ang nagbabantay sa iyo."

Naipit man kami sa traffic ay nakarating din naman kami agad sa bahay. Umahon ang kasabikan sa loob ko ng makitang muli ang bahay namin. Ilang sandali ko pa iyong pinagmasdan. Natanawan ko rin sa garahe ang kotse ng kapatid ko kaya’t nasisiguro kong naroon ang mga pakay ko. Bubusina na sana si Alaric ngunit agad ko siyang pinigilan. Ayokong ipaalam ang aming pagdating. Sa halip ay ibinaba ko ang bintana sa gilid ko saka sinitsitan si Niqs na kumakanta-kanta pa habang abala sa pagdidilig. Lumingon naman ito kaagad saka ngumiti ng malaki nang makita ako. 

Agad itong sumenyas papasok kaya ganoon ang ginawa ni Alaric. Nang maka-park ito ay dali-dali akong bumaba saka diretchong pumasok sa kabahayan. Oh how I miss this place. Sandali pa akong nanatili sa may pintuan bago nagtungo sa kusina. Hindi pa man din ako nakakarating doon ay nasamyo ko na ang masarap na bicol express ni mama na siyang paborito namin ni Kirius. Naalala ko pa kung paano kami mag-agawan sa ulam at dahil mas matanda ako at mas matangkad dito noon ay palaging ako ang nakalalamang. Sa huli naman ay pagagalitan ako ni mama dahil pinaiyak ko na naman si Kirius. 

Nang maulinigan ko ang boses ni mama ay agad akong nagtago sa gilid. Naghahain na ito habang nakaupo na sa hapag si Kirius ay nakatunghay dito.

“I miss your ate, Kir. This is your favorite,” matamlay ang boses ni mama nang marinig ko.

Napangiti naman ako doon. Sobrang miss ko na si mama. Nang mangillid ang luha ko ay hindi ko na natiis at nagpakita na rin ako sa kanila. 

“Favorite ko nga iyan, Ma,” bungad ko na agad ikinalingon ng dalawa. Sinugod ko agad si Mama ng yakap ng hindi ito makapagsalita sa gulat. Isang mahigpit na yakap ang iginawad ko dito. Miss na miss ko siya. Kung alam lamang niya kung gaano ako nangulila sa kaniya lalo na noong mga panahong napakaraming nangyari sa akin. Ngunit malaki na rin ang pasasalamat ko dahil hindi ko itinuloy ang pag-uwi kung hindi ay baka hindi ko mapatawad ang sarili ko kapag may nangyari sa kanilang dalawa ni Kirius. 

“Anong ginagawa mo dito ate?” maang na tanong ni Kir habang nananatiling nakatingin lang sa amin ni mama nang maghiwalay kami.

“A, bumibisita?” sarkastikong sagot ko. “Ayaw mo ba?”

“Hindi naman sa ganon, baka lang kasi malagay sa kapahamakan ang buhay mo. Lalo na kung ikaw lang mag-isa ang bumiyahe pauwi dito.”

“I’m with her.”

Napalingon kaming lahat sa bukana ng kusina ng magsalita si Alaric. Nawala na sa loob ko na kasama ko nga pala siya dahil masyado akong na-excite na makita ang pamilya ko.

Ramdam kong natigilan si mama ng makita si Alaric. Maging si Kirius ay ganoon din ang naging reaksyon. Nawala sa loob kong isa pa rin palang Cayman si Alaric at hindi komportable ang pamilya ko sa kanila. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano na kalapit ang loob ko kay Alaric. Unti-unti na palang nakukuha ng Cayman na ito ang tiwala ko. Sana lamang ay hindi ko iyon pagsisihan sa huli.

Biglang bumigat ang tensyon sa paligid kaya’t nagdesisyon na akong basagin ang katahimikan. “Si Alaric ang naghatid sa akin dito, Ma. Siya rin ang tagapagbantay ko,” nakangiti kong paliwanag kay Mama. Nagbabakasakaling maibsan noon ang pag-aalalang nakikita ko sa mga mata niya.

“Kung ganon-” umpisa ni Mama. “Salamat sa pagdadala sa kaniya dito.”

Nakahinga ako ng maluwag ng ngumiti dito si mama. Alaric smiled back politely. Marahil ay kung malalaman lang ni mama na si Alaric ang naging tagapagligtas ko noong mga panahong nasa kapahamakan ako, nasisiguro kong gagaan din ang loob niya dito. 

“Kumain na kaya tayo at baka lumamig pa ang ulam. Namimiss ko na ang luto mo, Mama,” pag-iiba ko sa usapan. 

Pinakitunguhan naman ng maayos ni Kirius si Alaric kahit na makikitaan ng pagkailang ang una. Parehas kasi kami ni Kirius ng tingin sa mga Cayman kung kaya’t hindi ko rin siya masisisi sa mga kinikilos niya. Naging tahimik lang si Alaric sa buong durasyon ng pananghalian namin at maging nang lumipat kami sa sala. 

Lumipas ang maghapon na kaming dalawa lang ni mama halos ang nag-uusap. Si Kirius ay naging abala sa pakikipagkwentuhan kay Niqs sa kusina. Tingin ko ay may pagkakaintindihan na ang dalawa. Samantalang si Alaric ay abala sa pagbabasa ng libro at kung minsan ay paglilibot sa labas. Magkagayonman ay mukha namang hindi ito nabo-bored sa ginagawa at tila sanay na sanay sa ganoon.

Nang mag-aya itong umuwi ay nagpumilit akong manatili muna roon habang abala pa sa okasyon ang pamilya nito. Iyon din ang ginawa kong dahilan para mapapayag ito. Laking tuwa ko ng pumayag din ito sa huli.

Madilim ang kwarto ko ng umakyat ako roon matapos ang mahaba-haba naming kwentuhan ni mama. Inabot na kami ng alanganing oras kaya pinagpahinga ko na rin siya pati na rin si Alaric na siyang umokupa sa guest room na nasa kabilang kwarto. Agad akong dumiretso sa cr para makapagpalit ng pantulog. Nang makalabas ako ng cr ay hindi ko naiwasang pagmasdan ang lugar. Hindi ko maikakailang namiss ko ito. Kahit di hamak na mas maliit ito kaysa sa kwarto ko sa mansyon ng mga Cayman ay hindi ko pa rin ito ipagpapalit. Pagkabukas ng ilaw ay inilibot ko ang tingin sa paligid. Nasisiguro kong lagi itong ipinalilinis ni mama kaya’t wala akong makitang agiw o alikabok man lamang. Paupo na ako sa kama ng umihip ang malamig na hangin. Bigla kong naalala si Kieran. Nasaan kaya ito? Pinuntahan kaya niya ako sa kwarto ko? 

Isasara ko na sana ang bintana nang may matanawan akong isang pigura ng babae sa di kalayuan. Pamilyar ito kaya pilit ko iyong inaninaw. Nang siguro ay nakita ako nitong nakasilip sa may bintana ay bigla itong nawala. Hindi ako pwedeng magkamali. Si Lenora iyon. Pero anong ginagawa niya dito gayong nandito naman si Alaric? Minamatyagan ba niya ang pamilya ko? Bakit? 

Nasa ganoon akong pag-iisip ng may mapansin na naman akong anino sa may hardin papunta sa likod-bahay. Agad ang kabang naramdaman ko ng maalala ko ang mga rogue. Nakalabas kami ng masyon at nakarating dito ng ligtas at tahimik. Paano kung kaya pala hindi kami inatake ng mga rogue ay dahil hinihintay nila kaming makarating dito. 

Kinabahan ako ng maisip ang backdoor. Tanda kong nailock ang front door pero ang backdoor ay hindi ko masiguro. Natatakot akong baka nakalimutan iyong isara ni Niqs kaya't dali-dali akong bumaba para makasigurong nakasarado nga iyon.

Nakalimutan kong hindi nga lang pala ako ang Dovana kundi pati ang kapatid ko. Mamatay man ako ay siguradong si Kirius ang papalit sa akin. Kung ganoon ay hindi lang ako ang maaaring pakay nila kundi ang kapatid ko. Pati si Kirius ay nasa panganib. 

Sinakop ako ng takot ng makita kong nakabukas ang pinto sa kusina. Agad akong dumampot ng kutsilyo upang kahit papaano ay maipanlaban man lang sa mga iyon. Kumakabog ng malakas ang dibdib ko habang dahan-dahan akong sumisilip sa labas. Nang tuluyan akong makalabas ay wala akong naabutang kahit ano. Tahimik doon at walang kahit anong alingasngas na may ibang tao. Takot man pero gusto ko pa ring makasigurong hindi kami nasundan. 

Ilang sandali pa akong nagmasid at nang masiguro kong wala nga talagang mga rogue ay napagdesisyunan ko na ring pumasok. Hahakbang na sana ako ng may biglang tumakip sa bibig ko at mabilis akong hinila sa madilim na parte. Abot-abot ang pagpupumiglas ko makawala lamang ako dito ngunit masyado itong malakas. Gustuhin ko mang magsisigaw ay wala ring saysay dahil masyadong mahigpit ang pagkakatakip nito sa bibig ko.

Fighting him is hopeless. Kailangan kong makagawa ng kahit anong ingay para maalerto si Alaric at hanapin ako. Naisip kong ipanglaban ang kutsilyong dala ko kanina ngaunit agad akong nanlumo ng makitang nasa damuhan na iyon. Nalaglag marahil dahil sa pagpupumiglas ko. Nangingilid na ang luha ko sa takot nang huminto ito. 

“Calm down, Yue. It’s me.”

Nang makilala ko ang boses nito ay agad akong napahinto sa pagpupumiglas. Sandali akong kumalma ngunit kabaliktaran noon ang puso ko. Mas lalo iyong nagwala ng maamoy ko ang pamilyar na pabango nito. Nang alisin nito ang pagkakatakip ng bibig ko ay agad akong humarap dito. Doon ko nasalubong ang gwapong mukha nito. Halos naghalo-halo na lahat ng nararamdaman ko kanina kaya’t hindi ko na napigilan pa ang mapaluha. Nang nakita naman nito iyon ay agad akong kinabig saka niyakap ng mahigpit. 

“Sorry. I didn’t mean to scare you,” bulong nito na siyang nagpatindig ng balahibo ko.

Napayakap din ako dito. Maya-maya pa naramdaman ko ang marahang paghagod niya sa likod ko. Na tila ba iyon ang paraan niya para mapatahan ako. Hindi naman ito nagkamali dahil tuluyan na akong kumalma. Pakiramdam ko ay ito talaga ang kailangan ko. Sa unang pagkakataon ay niyakap niya ako. Masarap palang makulong sa yakap nito. Despite his cold skin, his embrace brought strange warmth that slowly creeps to my heart. Para tuloy ayaw ko ng bumitaw. Sa kabila ng samu't saring bagay na naiisip ko kanina, nong makita ko lamang siya ay saka lamang napanatag ang kalooban ko. Talaga bang hindi ko na maiiwasan ang damdaming ito?

“Masyado ka yatang nasarapan?” maya-maya pa ay tudyo nito.

Saglit naman akong natigilan at ng makahuma ay mabilis pa sa alas kuatro akong lumayo ako sa kaniya. Ngunit hindi pa man din ako nakakalayo ay mabilis niya na akong kinabig pabalik sa bisig niya saka niyakap ako ng mahigpit. Bagay na siyang nagpakabog ng husto sa puso ko. Tutol man ang utak ko ay hindi ko mapilit ang sariling itulak ito palayo. 

“Anong ginagawa mo dito?” basag ko sa katahimikan. 

“Nakakita ako ng rogue sa paligid ngunit ng sundan ko ito ay bigla iyong nawala,” anito saka ipinagpatuloy ang paghagod sa likod ko.

Bigla akong napatingin sa kanya ng magbanggit siya ng tungkol sa rogue. Pero ang mas ikinabigla ko ay ang maliit na distansya sa pagitan ng mga mukha namin. Nahigit ko ang hininga nang mapatitig sa mapupulang labi nitong ilang sentimetro na lamang ang layo sa akin. Nakakaakit. Ngunit mas lalo tumindi iyon ng makita kong humagod ang adam’s apple nito. Was he anticipating something too?

Napailing ako sa isip at hinamig ang sarili. Hindi pa ito ang tamang panahon, Kieran. Agad kong hinamig ang sarili at inalala ang dapat ay sasabihin ko kanina. Nang maalala ko iyon ay napatingin ako ng direkta sa mga mata niya.

“Ang mga rogue. Hindi lang ako ang gusto nila, Kieran, pati ang kapatid ko. Pati si Kirius.”

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status