Share

Chapter 3

MAHIHINANG tapik ang gumising kay Yumi. Mumukat-mukat pa siyang nagmulat ng mata. Bagama't madilim na ang kapaligiran ay aninag pa niya ang isang taong nakatayo sa kanyang harapan dahil sa tama ng ilaw na nagmula sa nakaparadang sasakyan. Napasinghap siya nang marealize ang kinahihintnan at dahil doon ay naramdam din siya ng takot. 

"M-multo..." 

Napalingon naman ang taong nakatayo sa kanyang harapan. Hinahanap ang sinasabing multo at nang wala itong makita ay muling hinarap ang dalaga. 

"Diyos ko, Lord! Nasa langit na po ba ako? Patay na po ba ako?" Mabilis siyang tumayo at kinapa-kapa ang sarili. "Hindi! Buhay pa ako! Nararamdaman ko pa ang sarili ko." Napatitig siya sa kaharap, isang lalaki iyon. Maputi at puti rin ang suot nito. At higit sa lahat, mukhang hindi uso ang kumain dahil sa payat nitong katawan. Lumapit siya rito upang mapagmasdan pa iyon. "Buhay ka ba?" Sinundot-sundot pa niya ang pisngi nito. 

"Ano sa tingin mo?" baritonong tinig nito, nakakunot din ang kilay nito. Halatang galit na. 

"Hala! Buhay ka nga! Pero bakit ganiyan ang histura mo? Sobrang payat mo at ang puti mo pa. Glutathione ba ang itinuturok sa 'yong katawan? Hanep ah!" Napalatak pa siya at umikit sa lalaki. 

Tumalim ang pagkakatitig ng lalaki, "Kung alam ko lang na lalaitin mo lang ako, sana'y hindi na kita ginising pa! Naawa pa naman ako sa iyo nang makita kita riyang nakalugmok. Ihahatid pa naman sana kita sa inyo dahil mukhang nawawala ka." Akmang tatalikod na ang lalaki ngunit maagap niyang nahawakan ang braso nito para pigilan ito.

"Sorry na po, nagulat lang ako!" 

"Diyan ka na! Kainin ka sana riyan nang sinasabi mong multo."

"Teka sandali," mabilis niyang kinuha ang mga gamit at hinabol ang lalaki. "Nagbibiro lang po ako kanina. Patawad na po! Maawa ka naman sa akin oh! Kanina pa akong basang-basa sa ulan. Gutom na gutom na rin ako--"

Agad siyang hinarap nito, "Bakit ka kasi lumayas sa inyo nang hindi mo naman pala alam ang pupuntahan mo? At tiyak kong wala ka ring pera dahil kung mayroon, hindi ka magpapakabasa sa ulan. Tama ba ako, Miss?" 

Lihim na sumimangot si Yumi, "Hindi po ako lumayas, pinalayas po ako. Wala po akong ibang mapupuntahan. Kaya please lang po, huwag mo naman akong iwan sa ganitong madilim na lugar!" Pinalungkot niya ang boses upang maawa ang lalaki. 

Sandali namang natahimik ang lalaki, "Sumakay ka na sa kotse," nawika nito. 

Atubili namang sumunod si Yumi, pagkakataon na niya iyon at pagkakataon na rin niyang sumakay sa ganoong kagarang kotse. "Ito ba yung sikat na 'Lamborghini'? Tanong niya sa sarili. May sasakyan din naman sila noon pero hindi kasing-ganda tulad nito. Bago siya tuloyang maupo sa hulihan, kinuha muna niya ang towel sa plastik upang ilagay iyon sa bangko ng sasakyan. 

"Anong ginagawa mo?" Napapitlag siya nang marinig ang boses na iyon. 

"Basa po kasi ako, Sir."

"Tanggalin mo na 'yan!"

Tumingin muna siya sa nagsalita bago muling ibinalik ang towel sa plastik. Pigil niya ang paghinga nang umupo sa malambot na bangko nang muling nagsalita ang lalaking naka-upo sa harap mg manibela. 

"Ano bang ginagawa mo?"

Umarko ang dalawang kilay ni Yumi, "Um-upo. Hindi mo ho ba nakikita?" 

"Alam ko. Pero, bakit diyan ka um-upo? Anong palagay mo sa akin? Driver mo? Pinasakay na nga kita, tapos balak mo pa yata akong gawing driver habangbuhay. Dito ka na ma-upo sa unahan. Iwan mo na lamang ang mga gamit mo riyan!" utos nito kasabay ang pagbuhay sa makina ng sasakyan.

Nahugot ni Yumi ang hininga, "Ang sungit naman ng payatot na 'to!" pabulong niyang sabi 

"Anong sinabi mo?"

"Ba-baba na po ako."

Kampante na siyang na-upo sa tabi nito at hindi na rin pansin ang basang kasuotan. Subalit, hindi pa man sila nakalalayo ng tinatakbo ay nanlalamig na ang katawan niya. Niyakap na lamang niya ang sarili upang kahit papa-ano ay maibsan ang panlalamig ng katawan. Napansin naman iyon ng katabi niya. Pinatay  nito ang aircon ng sasakya't binuksan ang katabing bintana. Ini-abot din nito ang suot na Amerikana.

"Suotin mo muna iyan para hindi ka lamigin. 'Pagdating mo sa bahay, maligo ka agad." 

"Bahay? K-kaninong bahay?" 

"Sa akin." Sinulyapan siya nito, "Hindi ba, sabi mo'y wala ka nang pupuntahan? Kaya sa bahay ko muna ikaw tutuloy."

Napipilan si Yumi, maya't-maya rin ay napatango na lamang siya. Habang tumatakbo ang sasakya'y naglalakbay din ang kanyang diwa hanggang sa makatulog siya. Nagising na lamang siyang nasa tapat na ng bahay na lalaking hindi pa kilala. 

"Sorry po, Sir. Nakatulog na pala ako."

"Okay lang. Bumaba ka na para makapagpalit ng damit. Baka'y magkasakit ka pa niyan." 

Tumalima naman agad siya. Kinuha niya ang mga gamit at sumunod sa lalaki. Nalaglag ang kanyang panga habang nagkabuntot dito. Sino ba naman ang hindi mapapanganga sa nakikita? Hindi lang pala basta bahay ang kanyang titirahan kundi isang mala-palasyong tahanan. Halos malula siya sa laki at ganda niyon. Magmula sa desinyo, mga painting's na nakasabit, chandelier's at mga gamit na naka-display. Nagulohan tuloy siya sa pagkatao ng lalaking nasa unahan. Nais sana niya itong tanungin ngunit ayaw umangat ng pagkakalapat ng kanyang bibig. 

Inakyat nila ang hagdan. Hagdan pa lang napapasipol na siya. Mukhang yari iyon sa ginto dahil sa kinang lalo na't natatamaan iyon ng ilaw. In-ikot muli niya ang paningin nang maka-akyat na sila sa ikalawang palapag ng bahay. 

"Wow! Ang ganda!" puri niya. 

"Nagustuhan mo?"

Sandali niyang nilingon ang nagtanong at tumango nang ilang beses. Hindi siya makapagsalita sa labis na paghangang nararamdaman sa mga nakikita. 

"Matagal na itong ipinatayo ng magulang ko, bahay-bakasyunan daw namin. Alam mo bang karamihan sa gamit dito ay yari sa ginto't pilak?" Tumabi ito sa dalaga at tumunghay sa unang palapag ng bahay. 

Lumaki ang mata ni Yumi sa narinig, "Tama nga pala ang hinala ko." 

"Marami na rin ang nagtangkang nakawin ang ilan sa mga kagamitan dito pero hindi sila nagtatagumpay. Walang sinuman ang nakaaalis sa bakuran nang mansyon na ito."

Nahintatakutan bigla si Yumi. Nanindig ang kanyang mga balahibo. Pakiwari ba niya'y ipinaalam na ng kaharap ang mangyayari sa kanya kung sakali. 

"Sabi nila, may mga nag-aalaga raw na kung anuman dito dahil na rin sa tagal na panahon nang nakatayo ang mansyon na ito. Pero hindi ako naniniwala roon. Masyado lang nilang tinatakot ang kanilang mga sarili." 

"Hindi mo sila masisisi dahil sabi mo nga'y hindi nakaliligtas ang sinumang magtatangkang magnakaw dito."

"Tama ka." Sagot agad nito. "Kaya ikaw, huwag kang magkakamaling kumuha nang anumang gamit dito kung ayaw mong magaya sa iba pa."

"Naman. Hindi ko pag-iintirisan ang mga ang mga gamit mo kahit ginto pa iyan." Kabaligtaran iyon sa mga salitang nasa isipan niya. "Gusto ko pang mabuhay nang matagal."

"Good. Halika na, ihahatid na kita sa tutulogan mo." 

Mula sa ikalawang palapag ay umakyat pa sila ng hagdan patungo sa ikatlong palapag. Kung sa ikalawang palapag ay hangang-hanga na si Yumi, higit pa siyang humanga nang mapagmasdan ang ikatlong palapag ng mansyon. Sa pinaka-gitna ay naroon ang isang malawak na sala. May mesa at mga bangko rin. May mga painting's din na nakasabit sa dingding. Isa-isa niyang tiningnan ang mga painting na nakasabit sa magkabilang dingding ngunit ang mas naka-agaw ng pansin sa kanya ay ang larawang nakasabit sa gitna. Namumukod tangi iyon sa lahat. 

"Siya ang Mama ko," pakilala nito. "Twenty-five lang siya sa larawan na iyan."

"Ang ganda n'ya!"

Nangiti naman ang binatang katabi niya. "Kuha iyan sa harapan ng bahay namin sa England--"

"Taga-England ka? May dugong bughaw ka? Isa ka bang prinsipe?" sunod-sunod niyang tanong dito. 

Pinong ngumiti ang binata, "Bukas ko na sasagutin ang mga katanungan mo. Sa ngayon, magpahinga ka na muna. Maligo tapos bumaba ka at sabayan mo akong kumain." Binuksan nito ang pintong nasa bukana lamang. "Okay na ba ito sa iyo?"

"Wow! Ang gara naman!" 

"Kung nagustuhan mo'y bababa na ako para makapaglinis ka na ng katawan mo." Itinuro nito ang pintong nakapinid, hudyat na iyon ang banyo. 

"Sandali lang po, Sir. Saan po ako pupunta mamaya? Baka kasi po'y maligaw ako. At sa sobrang laki ng bahay mo'y tiyak na bukas ko pa mahahanap ang kusina rito."

Muling sumilay sa labi ng lalaking kaharap ni Yumi ang pinong ngiti. Sinabi na nito ang lugar na dapat niyang puntahan at pagakatapos ay tuloyan nang lumabas ng silid. Si Yumi nama'y pinagsawa ang mata sa pagtingin sa bago niyang silid. 

"Lord, kung panaginip lang po ito'y maaari po bang huwag N'yo muna akong gisingin. Mag-e-enjoy po muna ako sa pagkakataong ibinigay Mo sa akin." Taimtim niyang panalangin na magkadaop ang palad. "Ang gara naman ng silid ko. Tiyak na kapag nalaman ito ng pinsan kong tinurukan ng glutathione, maiinggit iyon sa akin." Bigla siyang natahimik at nakaramdam ng lungkot. Kahit ganoon ang mag-ina ay napamahal na iyon sa kaniya. Malupit mang mag-utos ang tiyang niya ay hindi pa kailanman siya nito sinaktan. 

Ilang sandali pa ay kinuha na niya sa plastik ang towel. Nangingiti na siyang pumasok sa banyo. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman, kung bakit magaan ang pakiramdam niya sa lalaking iyon. Kabilin-bilinan sa kanya ng yumaong ama na huwag agad magtitiwala sa mga taong hindi pa gasinong kilala, pero iba ang lalaking may-ari ng mansyon na tinutuntungan ngayon. Hindi dahil mayaman ito. 

Napanganga siya nang sa pagpasok niya'y bumulaga ang ayos ng banyo. "Wow! Kakaiba ito sa na-imagine ko." Pinasadahan niya lahat ng gamit at maging wall doon. Maging ang toilet bowl ay hindi rin niya pinalampas. "Ang ganda!" Ang bathtub ang tinutukoy niya. Lahat ng kagamitan roon ay pinasadahan niya ng daliri. Hindi niya aakalain na makakapasok siya sa ganoong karangyang bahay.  "Yumi, bilisan mo na. Baka'y mainip na si Sir, palayasin ka pa n'ya rito." Gusto pa sana niyang magbabad sa shower ngunit ang katawan niya'y iba ang nais sundin. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status