Share

Chapter 4

ISANG lumang jogging pants ang white t-shirt ang suot ni Yumi nang humarap sa mahaba at puno ng pagkaing hapag-kainan. Medyo nahirapan pa siyang hanapin iyon dahil sa pasikot-sikot na dinaanan. Ang kanyang tinutuntungan ay may carpet at maging ang kanyang dinaanan. Naisip pa nga niya na para siyang isang prinsesa nang sandaling iyon. Naglalakad sa red carpet habang sa pinaka-dulo niyo'y naghihintay ang kanyang prinsipe. 

"Maupo ka."

Napukaw ang kanyang isipan nang magsalita ang lalaking kanina pa nakatitig sa kanya. Alumpihit siyang na-upo sa dulo dahil doon siya nakatapat. 

"Hindi riyan, dito sa tabi ko."

Tinitigan muna niya ang nagsalita bago tumayo at muling na-upo sa katabing bangko nito. Sa sentro ito naka-upo, siya nama'y sa kanang bahagi nito. Magtatanong sana siya nang may pumasok na isang babae. Ma-edad ito at nasa ayos ng pananamit ang pagiging isang kasambahay. Nagsalin ito ng maiinom sa kanilang mga baso.

"Salamat, Manang." Anito na may kasamang pinong ngiti. "Kumain ka na." Baling nito sa kanya. 

Gumanti siya rito ng ngiti. Sinimulan na niyang kumain at halos lumaki ang kanyang mata sa nalasahan. Sa tanang buhay niya'y ngayon pa lang siya nakakain nang ganoong kasarap na pagkain. Mas masarap pa iyon sa paborito niyang adobo. 

"Hindi mo ba nagustuhan ang lasa?"

Umiling muna siya't nilunok ang pagkaing nasa loob ng bibig, "Masarap po. Ngayon pa lang po kasi ako nakatikim ng ganito kasarap na pagkain." 

"Masarap talagang magluto si Manang. Hindi ba, Manang Fe?" 

Tumango lang ang katabi nitong ginang at saka'y gumuhit sa labi ang pinong ngiti, na ang mata ay nakatuon kay Yumi.

Isang uri pa lang ng pagkain ang natikman ng dalaga pero para sa kanya'y iyon na pinaka-masarap na pagkain. At halos maubos na niya ang pagkaing nasa plato. Iba sa nakikita niyang luto sa karenderya ni Aling Pasing ang pagkaing nginunguya. Ngiting-ngiti lang naman ang binatang pinagmamasdan siya habang kumakain.

"Sir, hindi po ba kayo kakain?" tanong niyang puno ang bibig.

Umiling ito, "Kumain na ako, kanina pa." 

Nilunok muna niya ang pagkaing nasa bibig bago muling nagtanong, "Sir, ano nga po pala ang trabaho mong ibibigay sa akin?"

"Bukas mo malalaman."

"Sige po." Ipinagpatuloy na niya ang pagsubo sa natitira pang pagkain. "Ang sarap po nito. Ito na ang the best na pagkaing natikman ko." Aniya kasabay ang paglapag ng kutsara sa pinggan. 

Ngumiti naman ang binata, "Tapos ka na ba?"

"Opo, Sir," sagot niya na may kasamang pagtango.

"Kung ganoon, magpahinga ka na sa silid mo. Halika na, sabay na tayong umakyat." Tumayo na ito at inihatid siya sa silid. 

Wala silang imikan habang ina-akyat ang baitang ng hagdan. Gusto sanang magtanong ni Yumi subalit naunahan na siya ng hiya. Hanggang sa mapatapat na sila sa kanyang silid ay naging tikom ang kanyang bibig. 

"Matulog ka na, bukas na lang natin pag-usapan kung anong magiging papel mo sa buhay ko." Pagkawika ay tumalikod na rin ito. 

Naiwang nagugulohan si Yumi. Hanggang sa makahiga na siya ay laman pa rin ng isipan niya ang huling sinabi ng binata.

"Hayst! Ano kaya 'yon? Bakit parang kinakabahan ako? Sana nama'y hindi mabigat ang magiging trabaho ko rito." Bumangon at umupo siyang yakap ang isa pang unan. "Kunsabagay, lahat na yata ng mabigat na trabaho ay naranasan ko na. Naging karpentero ako nang masira ang dingding ng likod-bahay namin. Naging bombero rin ako nang makaligtaan ni Althea na tanggalin ang charger ng cellphone nito at dahil d'on ay nagkaroon ng kaunting sunog. Naging tubero rin ako nang masira ang banyo ni Tiyang Lourdes. Kaya kahit anong trabaho pa ang ibigay niya sa aki'y kering-keri ko na!" malakas niyang sambit na itinaas pa ang kanang braso. Muli siyang nahiga, "Lord, thank you po dahil may masisilungan na po ako. Sorry po sa mga nasabi ko kanina sa Iyo. Ngayon ko lang napatunayang love Mo po ako. Salamat po sa..." naputol ang pagsasalita niya. "hindi ko pa nga pala alam kung ano ang pangalan niya. Hmm, papangalanan ko na lamang siya. Ano bang maganda? " Mahaba-haba pa ang kanyang sinasabi nang unti-unti'y hatakin na siya ng mata na maidlip. Natulog siyang may ngiti sa labi.

Alas-sais pa lang nang umaga ay naka-abang na si Yumi, naka-upo siya sa unang baitang ng hagdan. Kahit naghihikab pa'y matiyaga siyang nagbantay sa paglabas ni Mr. Zombie, iyon kasi ang naisip niyang ipangalan sa lalaking hindi pa rin alam ang pangalan. Kinurap-kurap niya ang namimigat na mata, hindi kasi siya halos nakatulog nang nagdaang gabi kaya ngayo'y gustong bumigay ng mata niya. 

"Ang tagal naman ni Mr. Zombie!" aniya kasabay ang paghikab. "Isang oras na akong naghihintay sa kanya." Sinulyapan niya ang relong nakasabit sa dingding. Nagpalinga-linga rin siya, "Saan kaya ang silid niya rito? Ang dami kasing kuwarto. Siguro, malaki ang pamilya niya." Nagkandahaba-haba pa ang kanyang leeg sa pagbilang ng mga pinto sa ikatlong palapag.

"Ang aga mo namang gumising!"

Muntikan na niyang ikahulog nang marinig ang salitang iyon. Sinisilip pa kasi niya mula sa pagkaka-upo ang pintong nasa pinaka-dulo kaya't hindi niya napansin ang tao sa likuran niya. 

"Okay ka lang?"

"O-opo." Kahit abot-abot ang kabang nararamdaman niya. Nabilang niya ang baitang ng hagdanan kanina lamang at umabot iyon singkuwenta. Tiyak niyang hindi man siya mamatay kung sakaling nahulog siya'y bali-bali naman ang kanyang butò. 

"Ba't ang aga mong gumising at tsaka'y bakit diyan ka naka-upo? Hindi mo ba nagustuhan ang silid mo?"

"Nagustuhan ko, kaso sana'y na akong maaga kung gumising." 

"Ah! Halika, dito tayo mag-usap." 

Nagpatiuna ito sa malawak na sala. Naupo sa pang-isahang sofa, siya nama'y pinili ang dulo ng mahabang sofa. "Ang layo mo na naman sa akin. Dito ka sa harapan ko." 

Napakamot siya sa ulong hindi naman kumakati, "Nakakainis na 'tong Mr. Zombie na ito ah!" bulong pa niya. Sinunod na rin ang sinabi ng binata. Natahimik na naman siya nang may dumating na isang maid. Hindi ito iyong nagdaang gabi, medyo bata ng kaunti roon. Naglagay ito ng dalawang tasa sa kanilang harapan at kape na nasa kittle. Pinag-aralan niya ang kilos ng maid, may alam na siya kung sakali man na kasambahay din ang ibibigay na trabaho ng lalaking kaharap. Pino ang galaw nito. Halatang ingat na ingat na huwag magkamali. Matapos iyo'y umalis na rin ang maid. Hinabol pa niya iyon ng tingin at nang makalayo na'y saka muling itinuon ang paningin sa binatang nagsasalin ng kape sa dalawang tasa.

"Umiinom ka ba ng kape?"

"Opo naman, Sir."

Ini-abot nito ang tasa ng kape sa harapan niya, "Inumin mo iyan."

Kasabay ng paghigop niya ay ang pagpapaliwanag ng binata. Ayon dito'y mag-isa lang siyang nakatira sa mansyong iyon. Tulad niya, iniwan na rin ito ng mga magulang. Ang ina'y namatay sa karamdaman nang sampung taong gulang pa lang ito at ang ama ay dalawang taon lamang ang lumipas nang iwan ito. 

"Hindi ka ho ba naiinip, Sir"

Umiling ito, "Sanay na akong mag-isa rito sa mansyon at kahit noong nasa England pa ako. Ang ama ko'y isang anak ng hari roon at ang ina ko nama'y half pinoy."

"Wow! Kaya po pala ang puti mo, isa ka palang maharlika."

Napangiti ito, "Hindi kasi pangkaraniwan ang puti kaya ganito ang kulay ng balat ko. Dati'y kasing-kulay mo ako." 

"Ano hong nangyari?"

"Mahabang istorya. Saka ko na sasabihin sa iyo ang tungkol doon. Siyanga pala, 'di ba tinatanong mo ako kagabi kung ano ang ibibigay ko sa iyong trabaho?"

Tumango siya, "Opo. Kaya ko naman pong gawin kahit mahirap na bagay pa i--"

"Hindi trabaho ang iaalok ko sa iyo."

"Ano po?" 

"Pakasalan mo ako." 

Napamulagat si Yumi. Nabingi rin siya sa sinabing iyon ng kaharap. Nanginig ang buong katawan. At pakiramdam niya'y mabubuwal siya kahit naka-upo naman. 

"Marry me."

Lalong lumaki ang mata ni Yumi at pakiwari niya'y maiilabas lahat niya ang ininom na kape. Pakiwari rin niya'y tumigil sa pag-ikot ang mundong ginagalawan nila. Nanuyo rin ang kanyang lalamunan. Nilunok na lang lahat niya ang laway sa bibig niya, nagbaka-sakaling maibsan ang panunuyo niyon.

"It's a fake marriage, pero dapat ay walang makaalam ng ating pinag-usapan." Naging mahina ang tinig nito. Para bang ayaw iparinig sa kung sinuman subalit sila lang naman ang naroon. 

Napaawang ang kanyang bibig. Gustong magtanong ngunit walang lumabas kahit anong salita. 

"Kapag pumayag ka, bibigyan kita ng malaking halaga. At kahit anong gustuhin mo'y ibibigay ko sa iyo. Pera, alahas, bahay, kotse--"

"Bakit ho ako?" sa wakas ay naisatinig din niya.

Ang lalaking kaharapn naman niya ang napipilan. Nagyuko ito ng ulo, "W-wala kasing gustong magpakasal sa akin."

"Kahit tapalan mo pa sila ng pera?"

"Oo. Iyon nga rin ang hindi ko maintindihan. May isang babae akong inalok noon, isinama ko na siya rito pero sa kasamaang-palad, nagback-out siya. Ibinalik niya lahat ng ibinigay ko sa kanya at labis akong nagugulohan sa nangyaring iyon. Siguro, sadyang ayaw niya sa akin. Ayaw niyang makasama ako." Lumungkot ang tinig ng binata sa huling katagang binitiwan at dahil doo'y naantig ang puso ni Yumi. 

Pinagmasdan niya itong mabuti. Kahit payat ito'y nasa anyo pa rin ang pagiging guwapo. At iba rin ang pagka-puti nito. Halatang isang baso na lang ang natitirang dugo sa katawan. 

"Pag-isipan mo muna at hindi kita pipilitin kung ayaw mo talaga." Mapakla itong ngumiti, saka'y sinimsim ang laman ng tasa. 

Ilang sandaling nabalot ng katahimikan ang paligid. Si Yumi ang unang bumasag, "Ahm, S-sir, ano nga po pala ang pangalan mo?"

Kunot-noong napatitig sa kanya ito, "Hindi ba't nasabi ko na sa iyo kagabi ang pangalan ko?"

"Hindi pa po eh!" 

Tila nahihiyang napangiti naman ito, "Kung ganoo'y sorry. Nakalimutan ko siguro. By the way, I'm Vincent. Vincent Murrel. And you? Hindi ko pa rin alam ang pangalan mo."

Nangiti rin siya at napakamot, "Nakatulog na ako rito sa mansyon mo pero hindi pa tayo nagkakakilanlan. Yumi po ang pangalan ko. Mayumi Austria." Pakilala niya. "Simula ngayo'y hindi na kita tatawaging Mr. Zombie," halos pabulong niyang saad. 

"May sinasabi ka? 

"Ha? W-wala po."

Hinigop ni Vincent ang kape sa tasa, "Sabi mo sa akin kagabi'y pinalayas ka, hindi ba? So, nasaan ang magulang mo? Sila ba ang nagpalayas sa iyo? Makulit ka siguro kaya binigyan ng leksyon." Natawa pa ito sa huling tinuran. 

Umiling si Yumi, "Tulad mo Sir, wala na rin akong magulang. Ten years na silang hindi ko kapiling."

"Sorry, hindi ko alam."

"Okay lang, Sir--"

"Kagabi mo pa ako tinatawag na Sir, Vincent na lang."

"Okay Si-Vincent pala!" 

Napangiti ito at saka'y tumayo, "Come. Maglakad tayo sa labas." 

Nasiyahan si Yumi sa narinig. Gusto rin niya kasing makita ang tanawin sa labas ng mansyon. Mabilis na niyang sinabayan sa paglalakad ang binata. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status