Share

Kabanata 7

Blair Castro

NAGSALUBONG ang kilay ko nang mamataan ko si Lira na bumaba sa isang kotse sa mismong tapat ng gate ng eskwelahan. Wala siyang kasamang maghahatid sa kaniya pero nakatanaw sa kaniya si Lukas na nasa loob ng kotse. Kapuwa nakangiti sa isa't-isa ang mag-ama.

Humugot ako ng malalim na buntong-hininga saka tumayo mula sa pagkakaupo sa bleachers. Isinukbit ko ang bag ko habang pinagmamasdan si Lira na naglalakad papasok matapos umalis ni Lukas.

Hindi ko maintindihan. Ang yaman-yaman niya pero bakit wala siyang kinukuhang tagapag-alaga ni Lira gayong palagi silang wala ni Alicia sa bahay? Pinababayaan ba nila ang anak ko?

Habang pinagmamasdan ko ang masiglang mukha ni Lira ay hindi ko maiwasang mamangha dahil nakuha niya talaga ang mukha ng kaniyang ama. Magkamukhang-magkamukha sila kaya naman tiyak kong mahihirapan akong patunayan kay Lukas na anak ko si Lira nang hindi gumagamit ng DNA test.

Bumalik sa isip ko ang pinag-usapan namin ni kuya. Pwede naman talaga akong gumamit ng DNA test para patunayan ang katotohanan na sa akin nanggaling si Lira. Wala naman nang magagawa si Alicia at Lukas kapag lumabas na positibo ang resulta pero may punto pa rin talaga si kuya. Kailangan muna naming masecure ang kambal bago ko harapin ang laban ko kay Alicia dahil kung kakalabanin ko siya ngayon mapapahamak ang kambal ko.

“Good morning, teacher!”

Napalingon ako sa bibong batang bumati sa  akin. Nakaguhit sa mukha niya ang napakagandang ngiti at kitang-kita ko ang mapuputi at maliliit niyang mga ngipin.

Ngumiti ako at lumuhod sa harapan niya saka walang anu-anong niyakap siya saka marahang hinaplos ang buhok. “Lira!”

Naramdaman ko ang maliit niyang kamay na pumatong sa balikat ko. Pakiramdam ko'y maiiyak ako ulit ngayong yakap ko na ang anak ko.

“Bakit po, teacher?” tanong niya sa mahinang boses—bakas ang pagtataka.

Humiwalay ako saka hinaplos ang pisngi niya. Pinagmasdan ko ang kabuohan ng kaniyang mukha saka ako umiling at muling ngumiti. “Wala naman. Tayo na sa classroom?”

Mabilis siyang tumango. “Sige po!”

Tumayo ako at napatitig kay Lira nang hawakan niya ang kamay ko. Nagsimula siyang maglakad at ganoon din ako na medyo nahuhuli dahil pinagmamasdan ko ang kamay naming dalawa. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kamay niya.

Pakiramdam ko'y nasa langit na ako. Hawak ko ang kamay ng anak ko at parang nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso ko.

Hindi ko na namalayan na nasa classroom na kami. Saka lamang ako bumalik sa katinuan nang bitawan niya ang kamay ko at iniwan ako sa may pinto. Pumasok siya at naupo sa upuan niya saka ako tiningnan. “Teacher, pasok na!”

Mahina akong natawa nang senyasan niya ako habang bahagyang nakakunot ang noo at seryosong nakatingin sa akin.

Naglakad ako papasok at naupo sa teacher's table—sa mismong harap ng upuan niya. Pumangalumbaba ako at pinagmasdan si Lira na kumuha ng lapis at papel saka nagsimulang magsulat.

Tumayo ako at lumapit sa kaniya, sinilip ang ginagawa niya. “Anong ginagawa mo?”

Tumingala siya sa akin. “Sabi po ni daddy sulatin ko daw po lagi ang name ko.”

Marahan akong tumango at pinagmasdan siyang magsulat ng pangalan niya. Alira G. de Marco.

Muli akong humugot ng malalim na buntong-hininga. That should be Alira C. de Marco. Kung hindi lang siya ninakaw sa akin ni Alicia ay hindi niya ako tatawagin na teacher kundi mommy. Iyon ang tamang tawag sa akin dahil sa akin siya nanggaling.

“Teacher, may anak ka po ba?”

Natigilan ako sa tanong ni Lira. Tinitigan ko siya sa mga mata. Bakas ang kuryosidad sa luntian at inosente niyang mga mata. Napalunok ako. Kung alam mo lang, anak ko!

Marahan akong tumango. “M-May anak ako.”

Nagningning ang kaniyang mga mata—tila nasabik sa bagong paksang pag-uusapan namin. Humarap siya sa akin samantalahang naupo naman ako sa kabilang hanay ng upuan na katabi ng upuan niya.

“Ano pong pangalan ng anak niyo, teacher? Girl po din ba siya? Nasaan po siya?” sunod-sunod niyang tanong na lalong nagpahirap sa kalooban ko.

Ikaw, Lira! Ikaw ang anak ko—nagsusumigaw ang utak at puso ko. Gusto kong sabihin sa kaniya ang totoo pero magugulo ang sitwasyon at maaari siyang mapahamak.

Ngumiti ako. “Maganda siya tulad mo. Limang taon na rin siya at mabait rin tulad mo.”

Kumurap-kurap siya. “Talaga po?!”

Tumango ako. Hinarap naman ulit niya ang kaniyang papel saka nagpatuloy sa pagsusulat. Tumayo ako at nilapitan siya—matamang sinundan ang galaw ng mga kamay niya at sa bawat titik na isinusulat niya mas lumalaki ang paghahangad ko mabawi siya kaagad kay Alicia.

Nang akmang bubuklatin na niya ang pahina ng papel ay pinigilan ko siya. Tapos na siyang sulatan ang unang pahina at nakasukat doon ng paulit-ulit ang pangalan niya.

Tumingala siya sa akin. “Bakit po?”

“Pwede bang akin nalang itong papel na sinulatan mo ng pangalan mo?”

Sigurado akong mawiweirduhan siya sa akin. Inaasahan kong magtatanong pa siya at uusisain kung bakit gusto kong kunin ang isinulat niya pero kabaliktaran ng inaasahan ko ang ginawa niya. Pinilas niya ang papel saka tiniklop ng maayos at iniabot sa akin.

Ngumiti siya saka mahinang humagikhik. “Ganito din po ang ginagawa ni mommy sa fans niya! Fans po ba kita, teacher?”

Tinanggap ko ang papel saka mabilis na tumango. “Oo, anak. Fan mo ako.”

Gumuhit ang pagtataka sa kaniyang mukha at saka ko lamang napagtanto ang sinabi ko.

“Good morning, teacher!”

Mabilis akong napalingon sa isang kaklase ni Lira na dumating. Ngumiti ako. “Good morning rin, anak.”

Pasimple kong nilingon si Lira matapos kong sagutin ang pagbati ng kaklase niya. Nabura ang pagtataka sa kaniyang mukha at nagsimula na silang magkwentuhan ng kaklase niya.

Napabuga naman ako ng hangin saka naupo sa upuan ko. Umiling ako saka hinawakan ng mahigpit ang papel na ibinigay sa akin ni Lira. Lumunok ako. Hindi ko manlang siya naturuan na isulat ang pangalan niya. Sana nasamahan ko rin siya sa unang paghakbang niya at sa unang pagbanggit ng mama o papa.

Yumuko ako saka kinagat ang pang-ibaba kong labi. Isinilid ko sa bag ko ang papel saka ipinatong sa mesa ang magkasiklop kong mga palad. Nagsisimula nang dumating ang mga estudyante at lahat sila ay bumabati sa akin.

Tumatango at ngumingiti lamang ako sa ibang estudyante dahil talagang nakafocus ang isip ko kay Lira. Nagsimula kaming mag-aral at dahil natural na sa puso ko ang pagiging isang guro ay maayos ko namang naitawid ang klase namin kahit pa nga mas madalas na si Lira ang tinitingnan ko.

SINILIP ko ang baon ni Lira nang magbreaktime. May dala siyang sandwich at juice. Napangiti ako dahil inaalok niya pa ang mga kaklase niya bago siya magsimulang kumain. Nang dumako ang paningin niya sa akin ay inalok niya rin ako pero agad akong umiling.

Tumayo ako at pumwesto sa may pinto ng classroom. Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan si kuya habang nakaharap ako sa direksyon ni Lira na ngayon ay kumakain na.

[Hello, Blair?]

“Kumusta, kuya?”

Narinig ko ang tawa niya sa kabilang linya. [Hindi mo manlang ba tatanungin kung kumakain ako, bunso? Nakakatampo ka na ah!]

Natawa rin ako at napailing. “O sige. Nagmeryenda ka na ba?”

[Katatapos lang. Nahanap ko na pala ang isa sa nagtatrabaho sa orphanage dati. Pupuntahan ko ang address niya ngayon.]

Nakaramdam ako ng matinding excitement. “Sige, kuya. Sana mahanap mo na sila. Gustong-gusto ko na silang makita at makasama.”

[Darating tayo riyan, Blair. Sige na! Ingat ka sa pag-uwi mamaya.]

Tumango ako kahit hindi niya nakikita. Sobrang nagpapasalamat talaga ako na nasa tabi ko si kuya dahil may nasasandalan at karamay ako.

Hindi nagtagal ang usapan namin ni kuya. Matapos kong makipag-usap sa kaniya ay nagpatuloy ako sa pagtuturo sa mga bata. Masaya silang turuan dahil may kakulitan rin silang taglay. Nag-eenjoy ako kahit papaano.

Nakaupo ako at nagchecheck ng mga sinagutan ng mga bata. Nakapila sila at nagkukulitan kaya medyo natutulak ang mesa ko pero nginingitian ko lamang sila sa tuwing mapapatakip sila ng bibig kapag umuusog ang mesa ko.

“'Wag kayo malikot!” masungit na saway sa kanila ng batang nakasalamin. Nakasimangot ako at mukhang naiipit na sa linya kaya hindi na nakatiis at nagsalita na.

Napatawa nalang ako at nagpatuloy sa pagchecheck. Nang papel na ni Lira ang nasa harapan ko ay sinulyapan ko siya at nginitian.

Tiningnan ko ang ginawa niya. Mas lalo akong napangiti dahil tama ang sinabi ng Principal sa akin—matalino si Lira.

“Very good, Lira!” nakangiting bati ko sa kaniya.

Humagikhik siya at kinuha ang papel niya saka bumalik sa upuan. Nang matapos ako pagchecheck ay tumayo ako at namaywang sa harapan nilang lahat. “So, dahil very good kayong lahat pwede na tayong umuwi!”

Nagtalunan sila sa pangunguna ng mga lalaki. Tumakbo sa harapan ko ang batang si Kevin na may hawak na papel. Namumula ang kaniyang pisngi, tila nahihiya.

Bahagya akong yumuko. “Bakit, Kevin?”

Saglit pang nagpasayaw-sayaw ang katawan niya sa harapan ko bago siya nagsalita. “I love you, teacher!”

Umawang ang labi ko nang ihiyaw niya ang mga salitang iyon saka ako mabilis na hinalikan sa pisngi. Hinabol ko siya ng tingin at natawa nang natigilan siya at bumalik sa harapan ko. Inilagay niya sa kamay ko ang papel na hawak niya saka muling nagtatakbo—diretso na sa labas habang bitbit ang bag niya.

Tumayo ako ng tuwid saka tiningnan ang mga kaklase niya. Bahagya kong itinagilid ang ulo ko kasabay ng paghalakhak ng mga bata.

Matapos ang tawanan ng mga bata ay pinalabas ko na sila. Dali-dali rin naman akong sumunod palabas habang bitbit ang bag ko para tingnan si Lira. Nakita ko siyang naupo sa bleachers sa harapan ng gate ng school. Tahimik lamang siyang nagmamasid sa paligid.

Ilang segundo akong nanatiling nakatayo habang pinagmamasdan siya. Ilang saglit pa ay napatingin ako sa dumaang nagtitinda ng sorbetes. Agad akong lumabas ng gate at bumili ng dalawa. Matapos kong magbayad ay nilingon ko si Lira saka ako dahan-dahang naglakad palapit sa kaniya.

Mariin kong pinagdikit ang mga labi ko saka naupo sa tabi niya at iniabot sa kaniya ang isang sorbetes. Napatingin siya sa akin at agad na ngumiti nang makilala ako. “Teacher!”

Ngumiti ako. “Gusto mong ice cream?”

Tinitigan niya ang hawak ko at kitang-kita ko kung paano naging malungkot ang mga mata niya. Yumuko siya na ipinagtaka ko. “Bakit, Lira?”

“Kasi po sabi ni mommy, dirty daw po ang ganiyan.”

Mariin akong pumikit at pinagkiskis ang ngipin ko. Ang bruha na iyon!

Humugot ako ng malalim na buntong-hininga. “Hindi naman niya malalaman. Ako ang bahala sayo.”

Mabilis siyang nag-angat ng tingin at sinalubong ang titig ko gamit ang nasisiyahang mga mata. “Talaga po?”

Marahan akong tumango. “Oo naman. Kakampi mo ako.”

Agad niyang kinuha sa akin ang ice cream matapos magpasalamat. Napangiti naman ako at tahimik kaming kumain dalawa. Pasulyap-sulyap ako sa kaniya at kitang-kita ko na gustong-gusto niya ang ice cream.

Halos madurog ko ang apa ng ice cream na hawak ko dahil sa galit kay Alicia. Pati ba naman ice cream ipinagkakait ni Alicia? That bitch!

Matapos naming maubos ang ice cream ay bumili ako ng dalawang mineral water. Ibinigay ko kay Lira ang isa para inumin niya at ginamit ko ang isa pa para hugasan ang kamay niya. Nakangiti lamang siya sa akin habang pinupunasan ko ng tissue ang basa niyang kamay.

“Sino ang susundo sayo, Lira? Gusto mo bang magtaxi tayo at ihatid nalang kita sa inyo?” tanong ko matapos ayusin ang bahagyang nagulo niyang buhok.

“Susunduin po ako ni daddy.”

Marahan akong tumango. Si Lukas pala. Mabuti nalang hindi si Alicia dahil kapag nakita ko siya ngayon baka maituloy ko ang naudlot kong pagsampal sa kaniya.

Pinagmamasdan ko lang si Lira nang matahimik kami. Ilang saglit pa ay napaangat ako ng tingin nang mapansin ko ang paglapit ng kung sino.

Napatayo ako nang magtama ang paningin namin ni Lukas. Saglit niya akong tinitigan saka bumaba ang tingin niya kay Lira na ngayon lamang siya napansin. “Daddy!”

Umawang ang labi ko nang gumuhit ang magandang ngiti sa mga labi ni Lukas. Agad niyang kinuha ang bag ni Lira at kinarga ang bata. “How's your day, sweetie? Nag-enjoy ka ba ngayong araw?”

Hindi ko naiwasang mamangha sa kung paano niya kausapin ang anak namin. Bakas sa kaniyang mga mata ang pagkahumaling niya sa bata at kitang-kita ko ang pagmamahal niya kay Lira.

Kumislot ako nang lingunin ako ni Lukas. Bahagyang naningkit ang kaniyang mga mata. “You were that girl, right? At the mall?”

Marahan akong tumango saka tumikhim. 

Tumango siya saka tiningnan si Lira na hinawakan ang pisngi niya. “Daddy, uuwi ba si mommy?”

Napayuko ako, lumunok saka mariing kinagat ang pang-ibabang labi. Wala pa akong lugar sa buhay ng anak ko ngayon pero titiyakin kong hihigitan ko ang kayang ibigay ni Alicia kay Lira—mas higit na atensyon at pagmamahal na maaaring hindi niya maibigay sa anak ko.

“How did you meet my daughter, miss?”

Napaangat ako ng mukha at sinalubong ang luntiang mga mata ni Lukas. “A-Ako ang bagong teacher ni Lira.”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Edgar Escorido Presco
napakamahal nmn ng unlock ng series bka pd nmn bawasan
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status