Share

Kabanata 02

Penulis: sugartita
last update Tanggal publikasi: 2026-04-17 17:26:57

“Daddy… natatakot ako. Ayoko ng injection!”

Bahagyang itinaas ng maliit na bata ang kanyang baba habang umiiyak, at tuluyang lumitaw ang kanyang basang mukha.

Biglang tumigil ang paghinga ni Katreese. Hindi niya maialis ang kanyang tingin sa mukha ng bata.

Ang mukhang iyon ay halos kaparehong-kapareho ng mukha ng kanyang asawa.

Nablangko ang kanyang isip.

Hindi rin siya makapaniwala na tinawag ng bata si Travis na “Daddy.” Para sa kanya, parang niloloko na lang siya ni Travis.

Sa isang iglap, nawala ang lahat ng kulay sa mukha ni Katreese.

Bahagyang yumuko si Travis, at sa hindi pangkaraniwang lambing ng kanyang tinig, mahinahon niyang kinausap ang bata. “Ranran, you’re a big boy now. Kailangan mo ng injection para gumaling ka na. Saka nandito naman si Daddy… maging matapang ka lang, okay? Hindi kita pababayaan, promise.”

Humihikbi ang bata habang mahigpit na kumakapit sa manggas ni Travis ang kanyang maliliit na kamay.

“Okay po. Magiging matapang si Ranran at magpapainjection,” nanginginig niyang sabi. “Daddy, puwede bang katabi kitang matulog mamaya? Sabi ni Mommy, bukas na ang fifth birthday ko. Gusto kong ikaw po ang unang makita ko pagkagising ko, Daddy.”

Marahang hinaplos ni Travis ang buhok ng bata gamit ang mahahaba niyang daliri, at lumambot ang kanyang ekspresyon sa paraang kailanman ay hindi pa nakita ni Katreese noon.

“Sige,” mahina niyang tugon. “Pangako ‘yan ni Daddy.”

Biglang lumiwanag ang mukha ng bata kahit may bakas pa ng luha.

“Thank you, Daddy! Daddy—you’re the best! Ranran loves Daddy the most!”

Isang bahagyang ngiti ang sumilay sa labi ng lalaki. “Daddy loves Ranran too.”

Ang kanilang mga boses ay tila mga karayom na sunod-sunod na tumusok sa puso ni Katreese.

Parang may di-nakikitang kamay na mahigpit na pumipisil sa kanyang puso, pilit itong pinipilipit hanggang sa halos madurog. Biglang umakyat ang matinding pagkahilo at pagsusuka sa kanyang lalamunan.

Agad niyang tinakpan ang kanyang bibig at pasuray-suray na tumalikod patungo sa malapit na basurahan. Malakas siyang nasuka, nanginginig din ang kanyang katawan.

Napansin iyon ng bata. Luminga siya at itinuro si Katreese. “Daddy, may babae roon… mukhang may sakit din po siya. Baka kailangan po niya ng tulong mo, Daddy.”

Bahagyang kumunot ang noo ni Travis. Hindi niya maipaliwanag, pero may kakaibang kaba na sumiksik sa kanyang dibdib nang marinig ang tunog ng pagsusuka.

Binuhat niya ang bata, tila balak lumapit sa direksyon ni Katreese, ngunit biglang may tumawag sa kanila.

Huminto si Travis at lumingon. Kasabay nito, biglang natigilan si Katreese sa direksyon nila.

Ang boses na iyon ay hindi niya kailanman makakalimutan.

Isang babaeng naka-business suit ang mabilis na lumapit sa dalawa, puno ng pag-aalala ang mukha habang hinawakan ang mapulang pisngi ng bata.

“Ano’ng sabi ng doktor?” agad na tanong nito.

“May impeksyon siya kaya paulit-ulit ang mataas na lagnat. Kailangan niya ng IV,” mababang tugon ni Travis. “Bayaran muna natin, saka natin siya dadalhin do’n para sa injection.”

“Sige.” Tumango ang babae, punong-puno ng pag-aalala ang kanyang mga mata habang nakatingin sa bata. “Ranran, pasensya na, na-late si Mommy.”

Umiling ang bata. “Sabi ni Daddy, busy si Mommy sa trabaho. Alam ni Ranran na masipag si Mommy… kaya hindi ako nagtatampo.”

“Napakabait talaga ng anak namin.” Marahan niyang tinapik ang ulo ng bata, saka tumingin kay Travis. “Ako na ang magbubuhat sa kanya papunta ro’n.”

“No need,” magaan na sagot ni Travis. “medyo mabigat na siya.”

Mahigpit niyang karga ang bata habang ang babae ay naglalakad sa kanyang tabi. Isang buo at masayang pamilya.

Magkasama silang naglakad palayo.

Sa sulok, si Katreese ay nakasandal sa pader, halos hindi na makatayo. Maputlang-maputla ang kanyang mukha, at nanlalabo ang kanyang paningin dahil sa mga luha.

Hindi niya kailanman naisip na kahit sa pinakamasamang bangungot, na ang malamig at mailap na si Travis ay magtataksil sa kanya.

Gaya rin ng hindi niya inakalang tatraydurin siya ni Trina Cruz.

Ang lalaking minahal niya nang buong puso, at ang babaeng tinulungan niyang iahon mula sa kahirapan, pinaaral, at tinulungan hanggang siya’y makapagtapos.

Nang tuluyan siyang matauhan, nakaparada na ang kanyang sasakyan sa lilim ng mga puno sa labas ng villa.

Sa loob ng kotse, tahimik niyang pinanood ang pagpasok ng black BMW ni Travis sa loob ng compound.

Dahan-dahang nagsara ang mabigat at engrandeng gate hanggang sa tuluyan itong nawala sa kanyang paningin.

Mahigpit niyang hinawakan ang manibela, nanginginig pa ang kanyang mga kamay.

Sa loob ng sasakyan, tila sumisikip ang hangin habang lalong bumibilis ang kanyang paghinga.

Bigla niyang binuksan ang pinto at nagmamadaling bumaba, tinatakpan ang bibig habang tumatakbo papunta sa isang puno.

Doon, muli siyang nagsuka nang walang pigil.

Ang kanyang katawan ay nanginginig sa bawat pagduduwal, na parang nais niyang ilabas ang lahat ng sakit na kinikimkim niya.

Matagal bago siya unti-unting kumalma. Dahan-dahan siyang tumayo, pinunasan ang luha sa kanyang mukha, at sumandal muli sa puno.

Muli niyang tinanaw ang villa. Napakapamilyar ng disenyo nito.

Sa mamahaling distrito, kung saan napakahirap makakuha ng bahay, ang dati nilang tahanan ni Travis ay nasa Block A.

At ang villa na ito ay nasa Block B naman. Pinaghihiwalay lamang ng isang kalsadang halos isang kilometro ang haba.

“Dito ba sila nanirahan ni Trina? Dito ba sila bumuo ng pamilya? Dito ba nila pinalaki ang anak nila…. Gaano na katagal nila akong niloloko?” sunod-sunod na tanong ni Katreese sa kanyang sarili.

Sa loob ng limang taon, nalunod siya sa sakit ng pagkawala ng kanyang mga anak. Habang si Travis, sa likod niya, ay namuhay nang masaya kasama ang ibang babae.

May bago siyang tahanan. May bago siyang anak.

Naisip niya, bakit pa nga ba aalalahanin o pagluluksaan ni Travis ang kanilang kambal kung may bago na itong pamilya.

Bumalik si Katreese sa sasakyan at isinara ang pinto.

Sa loob, nanginginig niyang kinuha ang kanyang telepono at halos walang pag-iisip na tinawagan si Travis.

Walang sumagot. Tumawag siya ulit hanggang sa hindi na niya mabilang kung ilang beses niya itong ginawa, tulad ng nakaraang limang taon, paulit-ulit na tumatawag sa isang numerong alam niyang hindi naman sasagot.

Hindi pa rin sinasagot ng kanyang asawa ang tawag niya, hanggang sa dumilim na ang langit. Hanggang sa maubos ang baterya ng kanyang telepono at kusa itong namatay.

Dahan-dahang nalaglag ang cellphone mula sa kanyang kamay. Tahimik na pumatak ang kanyang mga luha.

Isa-isang nagsindi ang mga ilaw sa loob ng villa.

Parang may kung anong humila sa kanya, itinaas ni Katreese ang kanyang tingin patungo sa master bedroom sa ikalawang palapag.

Sa likod ng kurtina, bahagya niyang naaninag ang dalawang pigura na magkayakap.

Mahigpit niyang kinagat ang kanyang labi, pilit pinipigilan ang sarili, ngunit hindi pa rin mapigilan ang panginginig ng kanyang baba.

Parang paulit-ulit na hinihiwa ang kanyang puso, ang sakit ay halos magtulak sa kanya sa pagkabaliw.

Binuksan niya ang pinto ng kotse. Paglabas niya, napatingin siya sa pregnancy test results na nasa gitna ng sasakyan.

Muling umalingawngaw sa kanyang isip ang tinig ng kanyang mga anak mula sa kanyang panaginip.

Kahit nasasaktan pa siya, inihanda na niya ang kanyang sarili sa mga bagong mangyayari sa buhay niya.

Mula sa araw na iyon, ang batang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ay magiging kanya lamang.

Hindi umuwi si Travis. Wala man lang kahit isang tawag.

Tumigil na si Katreese sa paghihintay. Tahimik siyang nakahiga, dilat ang kanyang mga mata hanggang sa sumikat na ang araw.

Pagsikat ng liwanag, dahan-dahan siyang umupo.

Kinuha niya ang telepono at tinawagan ang kanyang abogado.

Si Aira De Vera, ang kaibigan niya mula kolehiyo ay napabuntong-hininga nang marinig ang kanyang desisyon.

“Kat… siguradong nasaktan din si Travis noong nawala ang mga bata. Limang taon na ang lumipas. Dapat mag-move on ka na…”

Ilang beses na niyang narinig ang mga salitang iyon. Mula sa lahat ng kanilang kaibigan.

Naawa sila sa kanya, at palagi siyang pinipilit na unawain na lamang si Travis.

Dati, pinaniwalaan din niya iyon. Sinisi pa niya ang sarili niya hanggang kahapon.

Hanggang sa makita niya silang tatlo. Doon niya napagtanto kung gaano siya naging katawa-tawa.

“Sakit? Anong sakit ang mararamdaman ni Travis? Masaya siyang namumuhay kasama ang ibang babae habang nagluluksa ako!” aniya sa sarili.

Matagal nang may mga senyales, hindi niya lang siguro napansin.

Ang paulit-ulit na dahilan. Ang pag-uwi nang gabi. Ang unti-unting paglayo nito sa kanya. Pero pinili niyang hindi iyon makita, nagbulag-bulagan siya.

Nang maalala niya ang batang iyon, biglang sumikip ang kanyang dibdib. Naaawa siya sa sarili niyang mga anak.

Matapos ang isang minutong katahimikan, tuluyan nang tumigas ang kanyang galit at poot.

“Aira, I want a divorce. Si Travis ang may kasalanan sa aming dalawa—hindi ako! Gusto kong wala siyang makuha kahit na ano. Dapat lang ‘yon sa kanya. Kung tutuusin, kulang pa ‘yon sa panlolokong ginawa niya sa ‘kin,” may diin niyang sabi.

“Ano?!” gulat na sigaw ni Aira. “Si Travis talaga ang may kasalanan? Nagloko siya? Imposible ata ‘yan!”

“Matagal na silang nagsasama ni Trina nang palihim,” nanginginig ngunit matatag niyang sagot. “May anak pa sila!”

Sandali siyang tumigil. Nagsikip ang kanyang lalamunan.

“Aira, limang taong gulang na ang batang iyon ngayong taon. Kaparehong edad pa ng magiging anak sana namin ni Travis.” Ikinuyom niya ang kanyang mga kamao. “Aira… ako mismo ang nakakita at nakarinig. Ngayon mo sabihin sa akin na nag-iilusyon lang ako, at coincidence lang lahat ng ito!”

Lanjutkan membaca buku ini secara gratis
Pindai kode untuk mengunduh Aplikasi
Komen (2)
goodnovel comment avatar
sugartita
HAHAHA umpisa pa lang iyan
goodnovel comment avatar
Kimberly Shane
Ouchyy!! sakit nyo sa ...️!!
LIHAT SEMUA KOMENTAR

Bab terbaru

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 199.1

    Makalipas ang ilang segundo, nagpatuloy si Aira, "Hindi ako mapakali kaya bumaba rin ako ng kotse. Gusto kong malaman kung ano talaga ang nangyayari. Ikaw mismo ang nagsabing nasa ibang lugar na siya para may hanapin, kaya bakit biglang nandito pa pala siya sa maynila? Pagpasok ko sa villa, si Assistant Florez lang ang nasa unang palapag. Para siyang nakakita ng multo nang makita ako. Tinanong ko siya kung bakit naroon si Kaori, pero pautal-utal lang siya at ayaw magsalita. Lalong uminit ang ulo ko kaya dumiretso ako sa itaas, at alam mo ba kung ano ang nakita ko?"Mahigpit na napahawak si Katreese sa kanyang telepono."Nakita kong lumabas si Kaori mula sa master bedroom ninyo habang may hinihilang maleta."Nanigas ang mukha ni Katreese sa narinig niya."Ang sabi niya, kumuha lang daw siya ng mga damit para kay Travis! Siya pa talaga ang kumuha ng mga damit niya! Halos hindi ako makapaniwala! Tinanong ko kung ano ba talaga ang relasyon niya kay Travis at bakit siya ang gumagawa ng mga

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 199

    "Kagigising lang po ni Boss kanina, pero dahil mahina pa rin ang katawan niya, muli siyang nakatulog. Sabi naman po ng doktor na normal lang iyon. Kailangan pa ng sapat na panahon para tuluyang makabawi ang kanyang katawan. Kung magiging maayos ang lahat, maaari na siyang ma-discharge pagkalipas ng halos dalawang linggo."Napangiti si Katreese nang marinig ang balitang iyon. Sa wakas, unti-unting nawala ang matagal ng bumabagabag sa kanyang isipan.Ligtas na si Travis, at higit sa lahat, magkakaroon pa rin ng ama ang kanyang mga anak.Tungkol naman sa usapin ng kanilang divorce, hindi na muna ito muling binanggit ni Katreese. Naisip niyang kapag tuluyan nang nakarekober si Travis at nakapunta sa probinsya, saka na lamang nila ito pag-uusapan nang harapan.Pagkatapos ibaba ang tawag, nagtungo sina Katreese at Santi sa ospital para sa kanyang prenatal checkup sa ika-dalawampu't walong linggo ng kanyang pagbubuntis.Lumabas sa resulta na nadagdagan siya ng 2 pounds. Bihirang-bihirang pur

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 198.1

    Ngunit patuloy lamang ang bata sa pag-iyak. "Auntie… gusto ko si Auntie…"Dinala niya si Isha pabalik sa kama. Mabigat man sa kanyang katawan, buong tiyaga niyang binuhat ang bata at kinandong ito.Nanginginig pa rin sa paghikbi ang maliit nitong katawan. Kumuha siya ng tissue at maingat na pinunasan ang mga luha nito."May mahalagang aasikasuhin lang si Auntie, pero babalik din siya. Magpakabait ka muna, okay? Kapag umiiyak ka, nalulungkot si Mommy… at siguradong malulungkot din ang auntie mo.""Gusto ko... si Auntie..." Paos na paos ang munting tinig ni Isha.Nangilid ang lungkot sa mga mata ni Katreese. Pagkagising pa lamang ng bata, si Kaori agad ang hinanap nito.Sa loob ng limang taon, si Kaori ang naging sandigan at nag-alaga sa bata. Sa biglaang pagkawala nito, nawala rin ang pakiramdam ng seguridad ni Isha.Mahinahon siyang nagpatuloy sa pag-alo sa anak, "Good girl si Isha, hindi ba? Babalik si Auntie, at sasamahan ka ni Mommy habang hinihintay natin siya."Bahagyang ngumuso

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 198

    Pagkauwi ni Katreese kasama si Isha, agad siyang tinawagan ni Assistant Florez.Mahimbing pa ring natutulog si Isha kaya maingat siyang binuhat nina Katreese at Clark paakyat sa silid ng mga bata. Sumunod naman si Manang Linda upang bantayan at alagaan ang bata.Naupo si Katreese sa sofa at marahang hinimas ang sumasakit niyang ibabang likod."Ano'ng nangyari, Assistant Florez?""Madam, tumawag ako para sabihin sa’yo ang magandang balita!"Natigilan si Katreese at agad na napatuwid ng upo. "Nagising na ba si Travis?""Hindi pa po," masiglang sagot ni Assistant Florez. "Pero nagkaroon ng konsultasyon ang doktor at ang ilang pinakamahusay na neurosurgeon ngayong araw. Nakabuo sila ng panibagong plano para sa operasyon. Kapag naging matagumpay ito, mas malaki ang posibilidad na magising si Boss."Napakagat-labi si Katreese. "Mapanganib ba ang operasyon?""May panganib pa rin po. Ang pinakamasamang posibleng mangyari ay hindi na siya magising habang-buhay at manatili na lamang sa vegetati

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 197.1

    Napakatatag ng pasya ni Kaori at mukhang wala na talaga itong balak bumalik. Dahil ganoon kalaki ang pagdepende ni Isha rito, mahaba-habang panahon pa ang gugugulin ni Katreese upang tuluyang mapawi ang takot ng bata.Pagkapasok sa loob ng villa, inakay ni Katreese si Isha papunta sa sofa.Napakalakas ng hangin sa labas at mahina pa ang katawan ng bata. Matapos umiyak nang matagal habang nasa malamig na panahon, hindi nito mapigilang umubo ng sunod-sunod.Labis na nag-alala si Katreese at naalala niyang may allergic asthma ang anak. Agad niyang inutusan si Manang Linda na kunin ang inhaler at gamot nito sa itaas.Matapos maibigay ang gamot, hindi pa rin gumaan ang pakiramdam ni Isha. Hinawakan ni Katreese ang noo nito at medyo mainit ito.Sa labas, tuluyan ng nagdilim ang kalangitan. Sunod-sunod na bumagsak ang malalaking patak ng ulan sa mga bintana ng villa.Nagliwanag ang buong bahay dahil sa mga ilaw, ngunit lalo lamang naging kapansin-pansin ang sobrang pamumutla ng mukha ni Isha

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 197

    Sumakay si Kaori sa isang taxi. Dahan-dahang umikot ang kotse bago tuluyang umalis.Gustong habulin ni Isha si Kaori, ngunit napakabilis umalis ng sasakyan. Samantalang napakaliit at napakahina naman niya.Hinawakan siya ni Manang Lilya at may sinasabi, ngunit wala siyang narinig ni isang salita.Ang alam lang niya ay umalis na si Kaori, at sumakay ito sa isang sasakyan na hindi man lang siya isinama.Sa kanyang mga mata, unti-unting lumiit ang puting kotse hanggang sa tuluyan itong naglaho sa kanyang paningin."Auntie..." Nanigas ang maliit niyang katawan sa malamig na hangin.Iniwan na siya ni Kaori. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang huling sandali bago ito umalis. Napakahigpit ng yakap ni Kaori sa kanya na halos hindi na siya makahinga.Ngunit hindi siya nagpumiglas. Ang gusto niya ay habambuhay na siyang yakapin ni Kaori nang ganoon.Ngunit sa huli, binitiwan pa rin siya nito."Isha, magpakabait kang mabuti kasama ang Mommy mo, at kalimutan mo na rin ako." Iyon ang mga hul

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 142

    Nagtama ang kanilang mga mata. Ang mga mata na parang lawin ni Mr. Gomez ay malamig at walang emosyon, ngunit naglalabas ng likas na pressure na kay hirap takasan. Sa ilalim ng titig nito, pakiramdam ni Kaori ay para siyang hinubaran nang walang anumang maitatago. Bahagyang nanigas ang kanyang ek

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 70

    Sa ikatlong araw ng pagkaka-admit ni Ranran sa ospital, dumating si Assistant Florez. Kasama na niya si Kira.Pagkakita pa lang kay Katreese, agad siyang hinila ni Kira papunta sa katabing lounge. Isinara niya ang pinto, saka siya pinaupo at agad na inabot ang kanyang tiyan.“Kumusta ang inaanak ko

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 23

    Pinagmasdan ni Katreese ang “tahanan” na limang taon na niyang hindi binabalikan. Hindi naman sa ipinagkait ng kanyang ina ang pagbabalik niya noon, kundi siya mismo ang hindi na muling naghangad na umuwi.Sa loob ng limang taong iyon, ni isang beses ay hindi rin siya kinontak ng kanyang ina.Bagam

  • His Betrayal, My Revenge: A Pregnant Wife’s Rise   Kabanata 07

    Sa loob ng tatlong araw na wala si Travis, abala si Katreese sa mga gawain sa bahay.Maingat niyang inayos ang bawat sulok ng kanilang tahanan, tinitingnan at iniiwasan ang mga bagay na kanya lamang. Inilagay niya ang lahat ng kanyang mga gamit at pagkatapos ay namili ng isang moving company upang

Bab Lainnya
Jelajahi dan baca novel bagus secara gratis
Akses gratis ke berbagai novel bagus di aplikasi GoodNovel. Unduh buku yang kamu suka dan baca di mana saja & kapan saja.
Baca buku gratis di Aplikasi
Pindai kode untuk membaca di Aplikasi
DMCA.com Protection Status