Aria's POV
“Gusto mo ng raket, ’di ba?” tanong ni Rosana, ang kilalang tulak sa lugar namin.
Kasalukuyan lang akong bumibili ng itlog sa maliit na tindahan sa kanto, malapit sa inuupahan kong bahay.
Oo… itlog na naman ang magiging ulam ko. Halos isang linggo na rin akong ganito. Lahat na yata ng klase ng luto ng itlog ay nasubukan ko na prito, scrambled, nilaga, at kung anu-ano pa.
Pero bukas…
Hindi ko na alam kung may makakain pa ba ako.
Alam ni Rosana ang pinagdadaanan ko. Kahit na kilala siyang tulak sa lugar namin, kahit papaano ay naging magkasundo rin kami.
Halos lahat ng tao sa squatter area na tinitirhan ko dito sa Tondo ay alam na ang kwento ng buhay ko.
Wala na akong maitatagong lihim pa.
Ang buhay ko ay parang isang bukas na librong paulit-ulit nang binabasa ng mga tao sa paligid ko. Lalo na ang mga kapitbahay kong mahilig makialam sa buhay ng iba, pati na rin ang may-ari ng inuupahan kong maliit na kwarto.
Ipinagkakalat nila na tatlong buwan na raw akong hindi nakakapagbayad ng renta.
At sa totoo lang… hindi ko na sila masisisi.
Dahil wala naman akong maipagmamalaki kundi ang pangakong babayaran ko rin ang lahat kapag nakahanap ako ng paraan.
“May alam ka ba?” tanong ko.
Ngumisi lang siya bago sumagot.
“Kaya mo ba?”
“Kung ano man ’yan… kakayanin ko. Siyempre, huwag lang ’yung nagbebenta ng aliw, ah,” sagot ko agad.
Alam ko naman kung ano ang totoong trabaho ni Rosana. May koneksyon siya sa mga sindikato—mga taong sinasabing sangkot sa mga delikadong gawain. Pero sa kalagayan ko ngayon, parang wala na akong ibang pagpipilian.
Kapit na kapit na ako sa patalim.
Wala na akong pambayad sa inuupahan kong kwarto, at malapit na akong paalisin ng may-ari. Ayokong dumating sa puntong matulog na lang ako sa kalsada.
Wala rin akong trabaho. Kakakatapos ko lang sa pinapasukan kong fast food dahil na-endo ako, at ngayon ay naghahanap pa lang ulit ako ng mapapasukan.
Naubos na rin ang lahat ng naipon ko.
“Sumama ka sa akin mamayang madaling araw kapag nag-remit ako,” sabi ni Rosana. “Papakilala kita kay big boss.”
Tinitigan ko siya nang ilang segundo.
Hindi ko alam kung ito ba ang sagot sa problema ko…
O ang simula ng mas malaking gulo.
“Okay ba?”
“Kailangan ba ng resume? Ipapaprint ko na lang ’yun… o pwede bang biodata na lang?”
Napakamot sa ulo si Rosana sa tanong ko.
“Haist… huwag na. Basta dapat presentable ka kapag humarap ka,” sagot niya, sabay tingin sa kabuuan ng itsura ko na parang sinusuri kung kakayanin ko.
“Ano bang trabaho?” tanong ko, bahagyang kinakabahan.
“Tagalinis…” sagot niya, nakataas ang isang kilay.
“Ahh… janitress?” Bahagya akong ngumiti. “Sige. Payag ako. Ipasok mo ako, Rosana. Kailangan ko talaga.”
Tumango siya, pero agad din nagbago ang ekspresyon.
“Pero hindi basta-bastang tagalinis lang, Aria.”
“Huh?” Litong reaksyon ko.
Maya-maya, tinitigan niya ako nang mabuti, parang sinusukat kung gaano ako katapang.
“Hindi ’yun simpleng trabaho na maglilinis ka lang ng sahig o opisina…”
“Ako pa talaga, Rosana. Kahit ano pa ’yan, kaya kong linisin,” sagot ko nang walang pag-aalinlangan.
Natigilan siya sa sagot ko.
“Teka…” Mahina niyang sabi habang hindi inaalis ang tingin sa akin. “Takot ka ba sa dugo?”
“Hindi… buwan-buwan akong nireregla. Bakit ako matatakot?” sagot ko nang seryoso, halatang walang pag-aalinlangan.
Napatawa siya.
“Baliw ka talaga… hindi ’yung buwanang dalaw ang tinutukoy ko,” sabi niya, sabay lingon sa paligid na parang may gustong sabihin pero nag-aalangan.
“Ahh… basta, si big boss na ang magpapaliwanag sa’yo,” dagdag niya, may halong babala sa boses.
“Isasama kita mamayang madaling araw. Kaya maghanda ka at ayusin mo ang sarili mo,” sabi niya, bago ako tingnan nang mabuti.
May kakaiba sa titig niya—parang alam niyang papasok ako sa isang mundong hindi ko na basta-basta matatakasan.
Alas tres ng madaling araw nang puntahan ako ni Rosana sa inuupahan kong kwarto.
Hindi nga ako natulog. Buong gabi akong naghintay sa kanya, iniisip kung tama ba ang desisyon kong ito.
Dinala niya ako sa isang lihim na lugar na hindi ko pa kailanman napupuntahan.
Doon niya inayos ang susuotin ko. Una, gusto ko sanang manatili sa simpleng suot—maong pants at plain na t-shirt lang.
Pero ayon kay Rosana, kailangan kong magmukhang mas kapansin-pansin para mas madali akong tanggapin.
Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin.
Ang alam ko lang…
Sa araw na iyon, papasok ako sa isang mundong hindi ko pa lubos na nauunawaan.
Ngayon, nakatayo ako sa harap ng kanyang boss—ang tinatawag niyang big boss.
Kaya pala big boss…
Ngayon ko naintindihan kung bakit ganoon ang tawag sa kanya. Literal na napakalaki ng katawan niya. Parang kulang pa ang dalawang monoblock na upuan para sa laki ng katawan niya.
Panot din siya, at sa unang tingin pa lang ay hindi na ako komportable. Hirap akong tumagal ng tingin sa mukha niya dahil sa paraan niya ng pagtingin sa akin.
Hindi ko maipaliwanag, pero ang mga mata niya ay nag-iiwan ng hindi magandang pakiramdam.
Parang hindi niya ako tinitingnan bilang tao.
Parang sinusuri niya ako mula ulo hanggang paa.
Nakakairita.
Pinipilit kong manatiling kalmado kahit gusto ko nang umiwas sa titig niya.
Hindi ko nga alam kung tinitigasan pa siya dahil sa sobrang taba niya... at kung nagkikita pa ba sila ng Junjun niya.
Hindi ko maiwasang pagmasdan siya. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang pakiramdam ko habang nakikita ang paraan ng pagtitig niya sa akin.
Napatingin din ako sa sarili ko.
Ang suot ko ay isang spaghetti strap dress na hanggang gitna lang ng hita. Hindi ako sanay magsuot ng ganitong klaseng damit, kaya bawat kilos ko ay parang kinakabahan ako na baka hindi ito maging maayos.
Pilit kong inaayos at hinihila pababa ang laylayan nito, pero kahit anong ingat ko, hindi pa rin nawawala ang pakiramdam na hindi ako komportable.
Siniko ako ni Rosana kaya napalingon ako sa kanya.
“Ngumiti ka,” bulong niya.
Pinilit kong ngumiti kahit hindi ko alam kung paano ko ito gagawin sa harap ng taong nagbibigay sa akin ng kakaibang kaba.
Nang muli akong tumingin kay big boss, napansin kong pilit ang ngiti ko.
Parang hindi ito bagay sa sitwasyon.
At mas lalo lang akong kinabahan.
“I like her. Tanggap na siya.”
Hindi ko mapigilan ang mapangiti.
“Yes!” halos pabulong kong nasabi sa sarili ko.
“Taba… este, big boss,” agad kong itinama ang tawag ko. “Kahit ano gagawin ko, basta magkakapera ako. Kahit saan n’yo po ako ilagay.”
“Are you sure?” tanong niya.
Seryoso ang tingin niya sa akin, parang sinusubukan niyang alamin kung sigurado ba talaga ako sa desisyon ko.
“Opo,” sagot ko, sabay saludo. Pilit kong ipinapakita ang determinasyon ko kahit may kaba sa loob ko.
Ngumiti siya kay Rosana, na para bang may naisip.
“Rosana, dalhin mo siya… sa Oblivion Grim.”
Nanlaki ang mga mata ni Rosana.
“B-Boss?”
“Mas bagay ang itsura niya roon, Rosana,” sabi niya sa malamig na tono.
Hindi na nakasagot si Rosana.
Sa halip, tumingin siya sa akin na parang may gustong sabihin. Parang naaawa.
Lalo tuloy akong naintriga.
Ano ba talaga ang Oblivion Grim?
Paglabas namin ng hideout, naglakad kami papunta sa van na nakaparada sa gilid.
Doon kami sasakay papunta sa lugar na hindi ko pa alam kung ano ang naghihintay sa akin.
Mabilis ang tibok ng puso ko.
May halong excitement dahil baka ito na ang pagkakataon kong kumita…
Pero kasabay noon ang kaba sa isang bagay na hindi ko maipaliwanag.
Habang naglalakad kami, bigla siyang nagsalita.
“Aira… nagkaroon ka na ba ng boyfriend?”
“Hindi pa eh… bakit?” sagot ko, bahagyang nagtataka.
Napabuntong-hininga si Rosana.
“Haist… bakit kasi doon pa!” bulong niya, pero sapat para marinig ko.
Napakunot ang noo ko. May kakaiba sa tono niya, parang may alam siya na hindi ko pa nauunawaan.
“Virgin ka pa?” tanong niya nang diretsahan.
“O-oo…” sagot ko, hindi maiwasang mailang.
“Bakit ba?” dagdag ko, may halong pagtataka sa boses.
“Hayss… wala ka bang crush? O kahit ex man lang na puwedeng… pagbigyan niyan?” tanong niya, na para bang naghahanap ng ibang sagot.
Napatingin ako sa kanya nang seryoso.
“Hoy… below the belt na ata ’yan, Rosana,” sabi ko, bahagyang naiirita.
Huminga ako nang malalim bago nagpatuloy.
“Kahit mahirap lang ako, iniingatan ko ’to. Ito na lang ang bagay na pakiramdam ko ay akin pa rin.”
“Ahh… basta, payo ko lang sa’yo, Aira,” sabi ni Rosana. Naging seryoso ang tono niya. “Pagpasok mo roon, huwag mong ipakita na wala ka pang karanasan. Mag-ingat ka sa mga taong makikilala mo.”
“Huh? Bakit?” tanong ko, halatang naguguluhan.
“Akala ko ba janitress lang ako?” dagdag ko, nakataas ang kilay habang pilit inuunawa ang sinasabi niya.
Sandaling natahimik si Rosana.
“Oblivion Grim…” mahina kong sambit.
Napatingin ako sa kanya. Parang may malaking bagay siyang alam tungkol sa lugar na iyon na hindi niya pa sinasabi.
“Ano bang lugar ’yun?” tanong ko, may halong kaba at kuryosidad.
Bumuntong-hininga muna siya bago sumagot.
“Doon nagtitipon ang mga mayayaman… mga elite… at mga taong may kapangyarihan. Kasama na roon ang ilang mafia leaders.”
Nanlaki nang kaunti ang mga mata ko.
“Para saan?”
“Para maglibang,” simpleng sagot niya.
“Maglibang?” ulit ko, lalo pang naguluhan.
Tumingin si Rosana sa akin nang seryoso.
“Maglibang… maglaro. Gano’n,” sabi niya, pero hindi mawala ang bigat sa tono ng boses niya.
“Ahh… laro lang pala ’eh,” sabi ko, sabay mahinang tawa para pagaanin ang tensyon. “Ano ka ba, Rosana… janitress lang naman ako doon, ’di ba?”
Hindi siya agad sumagot.
Tumingin lang siya sa akin na parang may gustong sabihin, pero may pumipigil sa kanya na magsalita.
Sa huli, bumuntong-hininga na lang siya.
“Basta…” Mahina niyang sabi. “Umuwi kang buo, ah.”
Natigilan ako.
“Huh?” tanong ko, hindi maitago ang pagkalito at kaba sa boses ko.
Hindi ko alam kung bakit biglang naging ganoon kaseryoso si Rosana.
“Oblivion Grim…” sambit niya, bago muling tumingin sa akin.
“Mas kilala ’yan bilang…”
Sandali siyang tumahimik.
“The Billionaire’s Playground.”
At sa paraan ng pagkakasabi niya nito, parang hindi iyon isang lugar na dapat kong puntahan.
Kundi isang lugar na dapat kong katakutan.