BIGLANG nagbago ang ekspresyon ni Samantha matapos marinig ang sinabi ni Marikit. Mariin nitong hinampas ang mesa bago biglang tumayo.
“Marikit Valejo!”
Ngunit wala nang pakialam si Marikit. Tahimik lamang siyang tumalikod at bumalik sa sariling workstation. Pagkaupo niya, dahan-dahan niyang inilabas ang maliit na compact mirror mula sa bag.
Tahimik niyang tiningnan ang manipis na sugat sa gilid ng pisngi niya na gawa ng papel na inihagis ni Mikael. May bahagyang dugo pa roon, pero hindi naman malalim. Kumuha lamang siya ng wet wipes at dahan-dahang pinunasan ang sugat.
Hindi na niya balak lagyan pa ng gamot. Tutal, sa mukha niyang ito, wala namang magbabago kahit magka-peklat pa siya.
Ngunit habang nakatingin siya sa salamin, biglang sumagi sa isip niya ang mukha ng babaeng kasama ni Mikael. Parang pamilyar ito, lalo na ang mga mata. Hindi niya lang maalala kung saan pero sa tingin niya ay nakit na niya ito noon.
Pero marahas ding napailing si Marikit. Nagkakataon naman talagang mayroong magkakamukha sa mundo. Baka nga kahawig lang ng babaeng iyon ang nakita niya o nakilala noon.
---
MAGHAPON na nag-focus si Marikit sa tinatapos na files, at halos uwian na nang biglang tumunog ang cellphone niya. Nang makita niya ang caller ID, agad na lumambot ang ekspresyon niya.
“Dad.”
“Marikit,” bungad ng ama niya sa kabilang linya. “Nakauwi na si Kuya Gabriel mo. Umuwi ka rito mamaya. Sabay-sabay tayong magdi-dinner.”
Biglang lumiwanag ang mukha ni Marikit sa narinig.
“Kuya Gabriel is back?” gulat ngunit masayang sabi niya. “Hindi ba next week pa dapat siya uuwi?”
“Maaga natapos ang project niya abroad,” sagot ng kanyang ama.
Napangiti si Marikit. “Okay po. Uuwi ako after work.”
Pagkababa ng tawag, agad niyang inayos ang mga gamit bago tuluyang umalis sa opisina. Excited siyang makasama ang pamilya lalo na't stress siya these past days.
---
TAHIMIK niyang minaneho ang sasakyan papunta sa bahay ng pamilya Valejo sa Quezon City. Hindi naman sobrang mayaman ang pamilya nila ngunit maayos ang buhay nila noon.
May sariling real estate company ang ama niyang si Roberto Valejo at nakatira sila sa isang malawak na condominium penthouse sa isang exclusive subdivision.
Lumaki si Marikit na hindi kinakapos sa buhay. Ngunit mahigit kalahating taon na ang nakalipas, halos bumagsak ang negosyo ng pamilya nila dahil sa maling investments. Nalubog sa utang ang kompanya. At noong panahong iyon din nalaman ni Roberto Valejo na buntis si Marikit kay Mikael Altaverde.
Hindi siya nito pinilit. Hindi rin siya nito inutusan na pumunta sa pamilya Altaverde. Ngunit nang makita niyang unti-unting nanghina at tumanda ang ama niya dahil sa problema… ausiya na mismo ang lumapit sa pamilya ni Mikael.
At oo… may sarili rin siyang selfish reasons noon. Mahal niya si Mikael. Sobrang mahal. Kaya kahit alam niyang hindi siya gusto ng lalaki, pinili pa rin niyang magpakasal dito.
Nailigtas man ng malaking dowry mula sa mga Altaverde ang kumpanya ng pamilya nila… siya naman ang tuluyang nasira. At wala siyang ibang masisisi kundi ang sarili niya.
Pagdating ni Marikit sa Valejo residence, agad siyang sinalubong ni Stella Ramirez. Matagal nang kinakasama ng ama niya ang babae matapos silang iwan noon ng biological mother niya.
“Marikit, you’re home.”
Bahagyang ngumiti si Marikit.
“Tita Stella, nasaan po sila Daddy?”
“Paparating na sila ni Gabriel. Kakatawag lang,” sagot nitong nakangiti.
Tumango lang si Marikit bilang sagot.
Noong siyam na taong gulang siya, iniwan sila ng tunay niyang ina kasama ang kuya niya. At sa loob ng maraming taon, kinamuhian niya ang ina dahil doon. Ngunit dumating si Stella sa buhay nila. Ito ang tumayong ina niya, at inalagaan siya ng parang tunay nitong anak.
At kahit hindi ito kasal sa ama niya, itinuring siya nitong parang tunay na anak. Maging si Gabriel, itinuring din siyang totoong kapatid. At dahil doon, unti-unting napawi ng mga ito ang sugat na iniwan ng pagkawala ng tunay niyang pamilya.
“I’ll go upstairs muna,Tita,” sabi ni Marikit.
“Okay, magpahinga ka muna.”
“Okay po."
Tahimik siyang umakyat sa dating kuwarto niya. Kahit kasal na siya, hindi kailanman inalis ng ama niya ang kuwarto niya sa bahay. Nananatili pa rin iyong katulad noong college siya.
Pagpasok pa lamang niya sa silid, agad niyang naramdaman ang gaan sa dibdib. Parang lahat ng pagod at sakit na dinadala niya ay bahagyang gumaan.
Tahimik siyang naupo sa gilid ng kama. At doon niya napansin ang lumang photo album sa bedside table. Mabagal niya iyong kinuha at binuksan. Ang unang litrato roon ay isang lumang family picture. Napunit iyon sa gitna. Kuha pa ito noong walong taong gulang siya.
Karga siya ng ama niyang bata pa noon habang nakatayo sa tabi nila ang kuya niya na 14 years old na ng mga panahong iyon. At sa kabilang bahagi naman, naroon ang ina niya. Siya mismo ang pumunit sa litratong iyon noon dahil galit na galit siya sa inang iniwan sila. Ngunit habang lumilipas ang panahon, ay unti-unti na ring naghihilom ang sakit na iyon.
Matapos niyon ay mabagal niyang nilipat ang susunod na pahina. At doon tumambad ang larawan ng sarili niya noong teenager pa siya. Nakatayo siya sa ilalim ng golden acacia trees habang suot ang puting dress at light brown sun hat.
Mahaba ang itim niyang buhok noon, maliit ang mukha, maputi, at may napakagandang mga mata. Punong-puno siya ng buhay at liwanag sa larawang iyon. Parang ibang tao.
Tahimik na napatitig si Marikit sa litrato. Noong mga sumunod na taon, nagkaroon siya ng hormonal imbalance kaya kinailangan niyang uminom ng gamot. Doon nagsimulang magbago ang katawan niya. Unti-unti siyang tumaba. At kahit anong diet o exercise ang gawin niya noon ay hindi siya basta pumapayat.
Minsan pa nga, halos gutumin na niya ang sarili para lang magbawas ng timbang pero wala pa ring silbi. Ang nangyayari ay hinihimatay siya o kaya ay nanghihina dahil sa kakulangan ng energy.
Tahimik na napahawak si Marikit sa lumang litrato. At sa hindi niya malamang dahilan, bigla niyang naalala ang babaeng kasama ni Mikael kanina.
Biglang nanlamig ang mga daliri niya ng mga sandaling iyon. Dahil ngayon niya lang napansin na medyo magkahawig pala sila nito... lalo na ang mga mata.
Bakit parang kamukha niya ito? Nagkataon lang ba?